Prologue
Nasa tapat ng isang may kaliitang bahay ngayon si Ayesha. May kataasan na ang mga damo sa loob ng bakuran nito at nababakbak na ang dilaw na pintura ng bahay na iyon. Basag din ang isang salamin ng bintana sa may bandang harapan ng bahay. At may nakapinta pang hindi niya maunawaan kung letra ba iyon, o drawing. Ang mababang kahoy na fence nito ay tila hihiga na ano mang sandali.
Napangiwi siya sa itsura ng bahay na kaniyang lilipatan. Pagmamay-ari ito ng kaniyang Tita Esme na ipinamana sa kaniya bilang sa siya ang pinakamalapit at matiyagang nag-alaga sa kaniyang Tita noong nabubuhay pa ito. Kamakailan lang ay binawian na ito ng buhay dahil sa matinding karamdaman nito.
At dahil wala na ito sa daigdig ng mga tao ay wala na rin siyang balak pang manatili sa bahay ng mga kapatid nito. Kung sabagay, noon pa man ay hindi naman na talaga siya welcome sa tahanang iyon. Kung hindi lang dahil sa kaniyang Tita Esme ay hindi siya patutungtungin ng mga kamag-anak nila roon.
Isa na siyang ulilang lubos, at ang Tita Esme na niya ang nagpalaki at nagpaaral sa kaniya nang mawala ang kaniyang mga magulang. Kaya naman nang magkasakit ito ay siya naman ang nag-alaga rito bilang ganti sa kabutihan nito sa kaniya.
Hmm, mukhang marami-rami akong kailangan ayusin sa bago kong bahay, a, bulong niya sa sarili. Bitbit ang dalawang malalaking bag ay pumasok siya sa loob ng bakuran at naglakad patungo sa sementadong balkonahe ng tahanang iyon. Inilapag niya ang mga bitbit at kinuha ang susi sa loob ng maliit niyang bag na nakasabit sa balikat upang mabuksan ang inaagiw nang seradura ng pinto.
Binuksan niya ang ilaw sa loob ng bahay at doon tumambad sa kaniya ang maalikabok na sahig at puting mga tela na nakatakip sa mga kagamitan na naroon. Inilibot pa niya ang paningin sa kabuuan ng bahay upang pagmasdan itong mabuti. Sa bandang kaliwa ay may isang pintuan na sa tingin niya ay nagsisilbing kuwarto. At sa kaniyang harapan ay tanaw ang maliit na kusina na may maliit ding mesa at dalawang upuan.
Muli siyang huminga nang malalim at napangiti dahil agad niyang naramdamang magiging masaya at tahimik ang buhay niya sa bahay na iyon. Kaya naman, muli niyang kinuha ang mga bag at nagtungo sa pinto na inaakala niyang silid.
Pagpihit niya ng seradura ng pinto ay agad siyang kinabahan nang may marinig siyang humahalinghing sa loob ng silid na iyon. Pinakinggan pa niyang muli iyon upang makatiyak na hindi siya nagkakamali sa kaniyang narinig kanina.
Adonis... hmm... Sige pa... oh! Malinaw na malinaw. Rinig na rinig niya ang halinghing ng isang babaeng tila nakikipagtalik sa loob ng kuwartong iyon. Dahan-dahan niyang itinulak pabukas ang pinto upang makasigurado siya na may tao nga sa loob ng silid.
Agad na nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita nga niya ang dalawang taong magkapatong sa ibabaw ng kama at may ginagawang milagro. Dahil sa pagkabigla ay naitakip niya ang isang kamay sa kaniyang mga mata at napatili.
Dali-dali niyang hinilang pasara ang pinto ng silid at napasandal doon habang hawak-hawak ang dibdib. Hinihingal siya sa nasaksihan at tila nanuyo bigla ang kaniyang lalamunan.
Shit! dinig pa niyang mura ng lalaki sa loob ng silid na iyon. Nagmamadali naman siyang lumabas ng bahay bitbit ang kaniyang mga bag nang may maalala.
Bakit naman siya aalis sa bahay? E, pagmamay-ari na niya iyon. Huminto siya sa bandang gate at muling pumihit pabalik sa bahay. Naniningkit ang mga mata niyang sinalubong ang hubad-barong lalaki na nakatayo na ngayon sa balkonahe ng bahay niya.
“Sino ka? Ano’ng ginagawa mo rito?”
Aba’t ang antipatikong ito. Ako pa ngayon ang tinanong kung sino ako? naiinis na bulong niya sa sarili. “Hoy! Lalaking maniyak! Ako dapat ang nagtatanong sa’yo niyan! Sino ka? At ano’ng ginagawa mo sa loob ng pamamahay ko?” nakapamaywang niyang tanong sa lalaki.
Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. Matangkad ito at maputi. Wala man itong abs na maipagmamalaki ay maganda naman ang pangangatawan nito.
At ang mukha? Hmm, puwede! Malalim ang mga mata nito at makakapal ang mga kilay, matangos ang ilong, mapula ang labi at ang sexy ng manipis na balbas at bigote nito.
Marahas niyang naipilig ang kaniyang ulo dahil sa naisip niyang iyon. Talaga ba? Nakuha pa niyang purihin ang trespassing na lalaking ito? Tumikhim siya at muling tinaasan ng kilay ang lalaki sa kaniyang harapan. Nasa likuran na nito ngayon ang babaeng ka-chuckchakan nito kanina sa loob ng kuwarto.
“A, ikaw ba ang bagong may-ari ng bahay na’to?” nakangiting tanong pa nito sa kaniya. In fairness naman, ang ganda ng ngiti ng lalaking ito. Pantay-pantay at mapuputi ang mga ngipin.
Huy! Ayesha, umayos ka nga! sita niya sa sarili. Muli siyang tumikhim at masungit na hinarap ang lalaki.
“Oo! Kaya ngayon, sagutin niyo ang tanong ko. Ano’ng ginagawa ninyo sa loob ng pamamahay ko?” tanong niya rito.
“Ano ba’ng nakita mo kanina?” nakangising tugon naman nito sa kaniya.
Aba’t ginigigil talaga ako ng siraulong ‘to! bulong pa niya sa sarili.
Lumapit siya rito at dinuro-duro ang lalaki sa dibdib nito. “Ikaw na makapal ang mukhang lalaki ka! Napakabastos mo! Walang modo! Walang manners! Umalis kayo sa pamamahay ko, mga baboy!” nanggigigil niyang saad.
Tatawa-tawa naman ito sa kaniyang harapan, at pagkatapos ay hinawakan ang kaniyang kamay na pinandutdot niya rito kanina. Nanlalaki naman ang kaniyang mga mata at pilit na binabawi ito sa lalaki. Pero sorry na lang siya dahil masyadong malakas ang kurimaw na lalaki sa kaniyang harapan. Lalong nanlaki ang kaniyang mga mata nang dalhin nito ang kaniyang hintuturo sa bibig nito at kagatin iyon.
Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kaniya. Tila ang daming maliliit na langgam na biglang kumagat sa iba’t ibang parte ng katawan niya sa ginawang iyon ng maniac na lalaki sa kaniyang harapan.
“Bastos ka talagang manyakis ka! Kadiri!” Pinaghahampas niya ito nang makabawi siya sa pagkabigla.
Muli lang tumawa nang tumawa ang lalaki na tila hindi nasasaktan sa kaniyang ginagawang paghampas dito. Hinila na nito ang babaeng kasama nito at naglakad palabas ng bakuran niya. Lumingon pa ito sa kaniya at nakangising kumindat saka sumaludo.
“Adonis nga pala, at your service!” sabi pa nito at nagpatuloy sa paglalakad kasama ng babaeng kaulayaw nito kanina papasok sa katabing bakuran niya. “Nakakainis talaga! Ang akala ko pa naman peaceful ang magiging buhay ko rito!” Nanlalaki ang mga butas ng ilong niyang padaskol na pumasok sa loob ng bahay.
“Makagaganti rin ako sa iyong Adonis ka! Makikita mo!” kausap pa niya sa sarili.