CHAPTER 8 ONCE A CHEATER ALWAYS A CHEATER

Nagpunta kami sa Resto bar nina Ashley, Rhian, Callen at Bright pagkatapos ng klase para mag celebrate raw samin ni Bright bilang new couple. Ilang beses kong klaruhin na hindi pa kami couple pero sabi nila, do'n na rin naman daw papunta 'yon. Masaya lang daw sila para samin kaya nila gustong mag celebrate.

Ang may ari ng resto bar na'to ay ang parents ni Ian, 'yong isang friend ni Bright. Since nabanggit ni Bright na may resto bar sina Ian kanina no'ng nagtanong si Callen kung saan kami mag ce-celebrate ay dito na namin napagdesisyunang pumunta.

Sa totoo lang, 'di naman dapat kami sasama ni Bright sa kanila, pero wala kaming choice kundi ang sakyan ang trip nila since kalokohan namin ni Bright ang magpanggap na nililigawan niya ako kaya ayon, kailangan naming galingan ang pag arte. E, kung bakit pa kasi namin pinasok ang gulong 'to. Edi, sana wala kaming problema ngayon. Pero ayos lang, ito na 'to, e. Magba-back out pa ba kami?

Kunti lang 'yong taong nandidito. Sa dining kami pumwesto kasi sabi ni Ian mas maganda raw dito. Umorder kami ng grilled chicken tsaka beverages at habang kumakain e nag uusap-usap kami. Siyempre, 'yong topic namin e tungkol samin ni Bright.

"So kamusta kayo?" tanong samin ni Rhian na nasa harap namin ni Bright. Bale magkatabi sila ng upuan ni Callen tapos sa gilid si Ashley na hinihintay 'yong boyfriend niya na papunta na raw dito.

Napatingin muna ako kay Bright bago ko sila sinagot, "Ayos lang naman. So far, masaya akong kasama si Bright." sagot ko sa kanila at ngumiti na kunware kinikilig para maniwala silang totoo 'yong sinabi ko.

Tapos biglang bumulong sakin si Bright ng, "Uy, totoo ba 'yan?" na halatang tinutukso ako sa sinabi ko.

Nilingon ko siya at inirapan pero ngumiti lang siya sakin.

"Alam niyo ba, kahapon si Bright at Deyn nasa cafè namin 'yan." biglang kuwento ni Callen kina Rhian at Ashley habang hawak 'yong blue margarita drink niya. "Akalain niyo, 'yong mga magulang nila magka-klase pala no'ng highschool." dagdag pa ni Callen at kinilig naman sina Rhian at Ashley.

"Hala! Baka destiny talaga kayo." kinikilig na sabi ni Rhian at binigyan ako ng panunuksong tingin, "Naks! Si Danielle natagpuan na 'yong destiny niya."

Ngumiti lang ako at pinakitang kinikilig do'n sa sinabi niya kahit na ang totoo e peke lahat ng reaksyon na pinapakita ko sa kanila.

"Akala ko nga pinag-uusapan na 'yong tungkol sa kasal nila after 10 years." dagdag pa ni Callen sabay tawa.

"Baliw ka talaga, Callen." sabi ko at kinuha 'yong red juice ko at ininom 'yon.

Ang unfair kasi 'yong mga boys e may pa wine samantalang kami juice lang.

Si Callen kasi ayaw niyang uminom si Rhian ng wine kaya itong si Bright nagkunware ring strict sakin kaya hindi ako naka pili ng inumin kanina kasi sabi niya mag juice na lang daw ako para healthy.

Sabagay, 'di naman talaga ako umiinom. Pero ang ganda ng itsura ng wine nila rito kaya parang naisip ko na tumikim pero 'di ko nagawa dahil sa pagiging strict ni Bright kanina na akala mo naman e boyfriend ko talaga.

"Alam niyo, bagay kayo." biglang sabi ni Ashley habang nakatitig samin ni Bright pareho. "May chemistry talaga kayo at feeling ko mas best couple kayo kaysa kina Colleen at Gab."

No'ng sinabi ni Ashley 'yon ay bigla akong nalungkot nang marinig ko ang pangalan ni Gab. Bigla ko na naman kasi siyang naaalala at nasasaktan pa rin ako sa ginawa niya sakin. Hanggang ngayon, nandito pa rin ang sakit. At umaasa pa rin ako na sana ako pa rin. Umaasa pa rin ako na sana bumalik siya sakin.

Kasi ang daya e, 'yong puso niya iba na ang gusto, samantalang ang puso ko siya pa rin ang dinidikta. Nakakainis lang kasi hindi ko kayang kalimutan siya. At kung nakakalimutan ko man siya, may mga bagay pa rin na nagpapaalala sakin sa kanya dahilan para maalala ko ulit siya.

"Ikaw Deyn?" tanong sakin ni Rhian. Di ko alam kung ano ibig niyang sabihin kaya napatanong ako.

"Anong ako?"

"Naks! Mukhang ang lalim ng iniisip mo't 'di kana nakikinig sa usapan." sabat ni Callen.

"Oo nga. Tulala ka." pagsang-ayon naman ni Ashley.

"I mean, ikaw, papano mo nalaman sa sarili mo na gusto mo na pala si Bright?" tanong ni Rhian.

Sa dinami rami ng tanong na 'di ko kayang sagutin, isa na 'to. Di ko alam kung anong isasagot ko. Kasi ang totoo, 'di ko naman talaga gusto si Bright. So papano ko maisasagot 'to?  Tapos ngayon e parang wala man lang sumasagi sa isip ko na isasagot ko kahit kasinungalingan lang. Blanko talaga isip ko ngayon.

Napalunok ako saglit at nag-isip kahit na wala akong matinong maisip. Basta, kung ano lang ang lalabas sa bibig ko, 'yon na 'yon. Bahala na.

"Ano lang, kasi si Bright. . ." nilingon ko si Bright na nakatitig lang sakin at interesadong marinig ang sasabihin ko. Medyo nahiya ako sa kanya kasi—ewan. Nakakahiya lang sa kanya, lalo na't tungkol sa kanya itong sasabihin ko. Kahit na 'di naman talaga totoo. "Si Bright 'yong tipo na 'di mahirap gustuhin." dagdag ko pa habang nakatitig sa mukha ni Bright. "Mabait kasi siya. Gusto ko 'yong attitude na meron siya." tapos napatingin ako kina Ashley, "Alam niyo na. . . itong mga ganitong klase ng lalake ang tipo ko. At ayon, nagustuhan ko siya bigla."

Nakahinga ako ng maluwag matapos kong sabihin ang mga 'yon.

At nakita ko namang nakapaskil sa mukha nila ang panunukso sakin kay Bright. Buti na lang at naniwala sila.

"Naks naman, bro!" panunukso ni Callen kay Bright. "Anong naramdaman mo no'ng narinig mo ang sinabi niya? Kinilig ka ba? O baka lalong na-inlove sa kanya?" matapos niyang tanungin si Bright no'n e may kasama pang taas kilay na parang tinutukso si Bright.

Tapos napatingin sakin si Bright bago niya sinagot si Callen. Napatingin din ako kay Bright habang hinahanda ang sarili na pakinggan ang sasabihin niya.

"Ahh, masaya." sagot ni Bright.

Tapos nakita kong nabitin si Callen, "Teka, 'yon lang? Di ka man lang ba kinilig?"

Tapos napatingin ulit sakin si Bright. Siguro, nag-iisip din siya ng mga isasagot kay Callen. Pero gulat ako nang makitang ngumiti siya habang nakatitig sakin at hindi na niya inalis ang mga titig niyang 'yon habang sinasagot ang tanong ni Callen, "Kinilig din, pero mas nangibabaw 'yong saya. Saya kasi pumayag siyang ligawan ko siya. Saya kasi 'yong crush ko e binigyan ako ng chance na ipakita sa kanya kung gaano ko siya kamahal—at sobrang saya ko kasi hindi ko inasahan na gusto rin ako ng taong gusto ko."

Umiwas ako ng tingin. Hindi ko kasi alam kung ano ba 'yong sinabi niya. Feeling ko kasi totoo?—i mean, alam kong joke lang 'yon. Alam kong hindi totoo 'yong sinabi niya, pero 'yong mga titig niya habang sinasabi ang mga salitang 'yon, I don't think if fake lang 'yon, kasi parang totoo, e. Parang totoo talaga at hindi kunware lang.

Pero impossible.

Si Bright? Magkaka-crush sakin? Impossible!

Ano ba 'tong pinagsasasabi ko? Bakit ko iniisip na totoo 'yon? What if, gano'n lang siya makatitig kasi alam niyang nakatingin samin sina Callen at gusto niyang maniwala talaga sila samin. What if gano'n lang talaga 'yon? Ginalingan lang niya sa pag arte para talagang mapaniwala silang lahat at binigyan ko lang ng malisya 'yong mga titig niya.

Hays. Bakit ba ako nagkakaganito?

"Pero teka, since alam niyo naman na gusto niyo ang isa't isa, bakit pinapatagal mo pa ang panliligaw niya sa'yo, Deyn?" tanong pa ni Callen.

Sa isip ko, parang gusto ko na lang ipa-semento 'yong bibig ni Callen dahil sa ang daldal niya. Di ba pwedeng change topic na lang kami? Kasi 'di ko na alam kung anong isasagot ko sa kanila. Parang matutunaw ako kapag nagsisinungaling ako sa mga kaibigan ko. Pero ayoko naman silang mag-alala kapag nalaman nila na hanggang ngayon sadgirl pa rin ako.

"Kasi. . . Alam niyo 'yon, gusto ko kasi kapag nagmahal ulit ako, 'yong totoo na. 'Yong hindi na pang temporary lang. Gusto ko 'yong pang habang buhay na. Kaya gusto kong i-challenge muna si Bright kung talagang hindi lang pang temporary 'yong feelings niya sakin." sagot ko tsaka agad na napa-inom sa red juice ko nang dis oras dahil sa medyo nahiya ako sa sagot ko.

Ewan ko na lang. Sana 'di ako pagtawanan o tuksuhin ni Bright mamaya dahil sa mga pinagsasasabi ko ngayon.

"Sana all." kinikilig na sabi ni Rhian.

"Narinig mo 'yon, bro? Pang habang buhay daw. Ibig sabihin seryoso na siya sa'yo kasi pang forever na." panunukso ni Callen kay Bright. Tapos itong si Bright e nakatitig lang sakin na parang sinusuri 'yong mukha ko kung totoo ba 'tong mga sinasabi ko pero siyempre umiiwas ako ng tingin.

Nakaka-ilang e.

Maya maya pa ay tumayo si Ashley habang nakatitig sa phone niya. At base sa itsura e mukhang may problema.

"Ashley, okay ka lang?" nagtatakang tanong ko nang makitang mukhang malungkot siya habang nakatitig sa phone niya.

"'Yong boyfriend ko, 'di na raw siya makakapunta." sagot ni Ashley.

"Ha? Bakit?" nag-aalalang tanong ni Rhian.

"Kagabi kasi nag-away kami. May nakita kasi ako sa fb account niya na may ka-chat siya." pagpapaliwanag ni Ashley. "Nag-away kami tapos kaninang umaga lang nagkabati. Pero ngayon bigla na naman kaming nagka-problema."

"Nag-away na naman kayo?" tanong pa ni Rhian.

"Oo. Tapos hindi na raw siya pupunta rito." napahilamos ng mukha si Ashley at parang maiiyak na.

"Ba't 'di mo tawagan?" suggest ni Bright kay Ashley at ginawa naman ni Ashley.

"Sige. Excuse me lang." tapos umalis si Ashley saglit para tawagan 'yong boyfriend niya.

Saktong pag-alis ni Ashley nang biglang dumating si Ian na kasama na si Shawn. Si Ian naka-pambahay lang. Malapit lang kasi bahay nila rito at sa kanila naman itong resto bar. Tapos si Shawn e bihis na bihis na talagang pinaghandaang pumunta rito.

"Bro!" tawag ni Shawn kay Bright nang makalapit sila samin. "Ano meron dito? Party party gano'n?"

"Wala. Nag ce-celebrate lang." sagot ni Bright. "Ba't 'di kayo ma-upo?"

"Naku, wag na. Nakakahiya naman." pagtanggi ni Shawn. "Pumunta lang naman ako rito kasi pinapapunta ako ni Ian."

"Hindi. Okay lang. Wag ka nang mahiya." sagot naman ni Rhian at tumango naman ako kay Shawn kaya napilitan silang dalawa ni Ian na umupo sa table namin.

Tapos pinakilala sila ni Bright kina Rhian at Callen.

"Mga kaibigan ko sila. Ka-klase ko sa dating school pero ngayon hindi na kasi magkaiba 'yong section nilang dalawa."

Tapos nakipag-apir apir si Callen sa kanila at nagpakilala naman si Rhian kahit na no'ng nakaraan e nagpakilala na si Shawn sa kanya. Siguro nakalimutan lang nila ang pangalan ng isa't isa kaya ayon, haha. Nagkuwentuhan kami saglit hanggang sa nagpaalam si Bright na mag CR kaya kami na lang muna nagk-kuwentuhan.

"Deyn, may kapatid ka?" tanong sakin ni Ian.

Natawa naman ako at umiling, "Wala. Only child." sagot ko.

"Aws. Sayang naman." nakasimangot na sagot ni Ian. "Sa'n pa kaya makakahanap ng kasing cute at ganda mo?"

"Bro, nasa lahi na talaga namin 'yan." sagot ni Callen. "Kung gusto mo, ipakilala kita sa mga ka-relatives namin. Ewan ko lang kung single pa mga 'yon."

"Nice, bro!" tapos nag-apir si Ian at Callen na animo'y close na close na.

"Nga pala, kayo na ba ni Bright o hindi pa?" tanong naman sakin ni Shawn at umiling naman ako.

"Hindi pa. Nililigawan pa lang niya ako." sagot ko naman.

Tapos tinapik ni Shawn si Ian sa balikat sabay sabing, "O, bro, hindi pa sila. Baka may chance ka pa." panunukso ni Shawn kay Ian tsaka umakbay pero agad na inalis ni Ian 'yong akbay ni Shawn at narinig kong nagmura si Ian kay Shawn at natawa naman kami ni Rhian habang nag-aasaran sila.

"Tropa na'tin 'yon. Walang gano'n, bro." sabat ni Ian.

"Nagbibiro lang naman ako. Ito naman, 'di mabiro." sagot naman ni Shawn.

Maya maya pa bumalik na si Ashley at magkasama sila ni Bright na hawak-hawak sa magkabilang braso si Ashley habang umiiyak.

That time, nagulat kami kasi umiiyak si Ashley.

Napatayo ako ng dis oras, "Teka, anong nangyare?" nag-aalalang tanong ko.

"May mga bastos na customers sa labas. Ayaw nilang padaanin si Ashley hangga't hindi niya binibigay 'yong  number niya. Buti na lang at nadaanan ko at natulungan ko si Ashley." pagpapaliwanag ni Bright at pina-upo si Ashley sa upuan niya.

Umupo naman ako sa upuan ko habang nakatitig kay Ashley na umiiyak.

"Okay ka lang, Ash?" nag-aalalang tanong ko.

Umiling naman si Ashley at lalong humagolgol sa pag-iyak, "Break na kami." sagot niya habang humahagolgol sa pag-iyak. "Hindi ko alam kung anong nagawa kong mali pero nakipag-break siya sakin."

Umupo si Bright sa isang upuan na nasa tabi ni Ashley at kinapa niya 'yong likod ni Ashley at bigla na lang napayakap si Ashley kay Bright para itago 'yong umiiyak niyang mukha samin.

That time, sobrang naawa ako kay Ashley kasi gaya ko, iniwan din siya. Naka-relate ako sa kanya kasi napagdaanan ko na rin 'yang pinagdadaanan niya ngayon. Alam na alam ko 'yong pakiramdam ng isang iniwan at nasasaktan nang dahil sa pag-ibig.

Tumayo si Rhian. Ang akala ko e dadamayan niya si Ashley pero nagulat ako nang tinabihan niya ako. Umupo siya sa kaninang upuan ni Bright sabay bulong sakin ng, "Uy, wag kang mag-selos, ha."

Siguro mga ilang segundo bago ko na gets 'yong sinabi niya. Yakap ni Bright si Ashley at akala siguro ni Rhian e nagseselos ako. Ni hindi ko nga naisip 'yan habang nakatitig ako sa kanila. Ang mas inaalala ko e 'yong nararamdaman ngayon ni Ashley.

Napatingin ako kay Bright. Siguro ganito talaga siya. Siguro mahilig siyang i-comfort 'yong mga taong broken hearted. Kagaya ng ginawa niya sa'kin.

                          ***

Lunes na lunes e nainis na naman ako. Panu ba kasi 'yan, si Colleen at si Gab e nakaupo sila sa bench habang magka-holding hands at talagang tanaw na tanaw ko rito sa labas ng bintana ng classroom namin. Naiinis ako at parang gusto ko silang takpan ng trapal para 'di ko sila makita o 'di kaya pang buhusan ng tubig para magsi-alisan. Sina Marian at Jennifer naman e proud na proud sa kanilang dalawa tapos tinutukso pa sila pareho at itong si Colleen naman abot hanggang tenga ang ngiti. Feeling ko talaga sinasadya nila 'to para pa-selosin na naman ako. Ang daming pwedeng puwestuhan para makipag PDA pero bakit do'n pa? Sa bench na kung saan tanaw na tanaw ko? Arg!

Hindi ako lumabas ng classroom para bumili ng pagkain kahit break time na. Ayoko kasi silang madaanan at baka makita ng mga ka batch namin na dumaan ako sa harap nila tapos isipin pa na pinagpalit ako kay Colleen kasi 'di ako worth it mahalin. Mga gano'n.

Hays.

Ano nga ba ang wala sakin na meron si Colleen? Bakit ako iniwan tapos siya minahal? Kahit na nagloko na sa kanya si Colleen before e nagawa pa rin niyang bigyan ng second chance. Samantalang ako na walang ibang ginawa kundi ang mahalin siya, heto, iniwan parin.

"Deyn, 'di ka ba bibili ng pagkain? Malapit na matapos 'yong breaktime." sabi sakin ni Rhian pero umiling ako.

"Kayo na lang. Di naman ako gutom." pagsisinungaling ko.

"Sure ka?"

"Oo naman."

Tapos umalis na sina Rhian at ako naman umupo ako sa upuan ko at pinilit kong mag-aral para sa quiz mamaya sa advance bio. Nakakainis lang kasi kahit ilang beses kong ulitin basahin 'yong nakasulat sa notebook ko e wala akong may maintindihan.

Siguro naka apat na beses kong uliting basahin 'yon pero nakakalimutan ko agad kung ano 'yong mga binasa ko hanggang sa isarado ko na lang 'yong notebook ko dahil sa inis.

"O? Di makapag concentrate?"

Napalingon ako sa likuran ko at nakita ko si Bright na naka-upo sa upuang nasa likuran ko. That time, naka uniform na siya at infairness—bagay sa kanya 'yong uniform ng school. Ang linis niyang tingnan at oo na, aaminin ko nang gwapo siya. Pero slight lang. Kasi para sakin si Gab pa rin 'yong mas gwapo.

"Uy, kanina ka pa d'yan?"

"Medyo. Nasaksihan ko nga kung papano mo ulit-uliting basahin 'yang nakasulat sa notebook mo." tapos ngumisi siya, "Di ka makapag concentrate dahil sa kanila 'no?" sabay turo sa labas ng bintana kung saan matatanaw mo sina Gab at Colleen na ngayon e nakahiga na siya sa balikat ni Gab.

"Di ah." pagtanggi ko. Pero huli niya ako kasi halata raw sa mukha ko. "Oo na, sige na. Ano, masaya kana?" taas kilay kong sabi.

Tumayo siya tsaka inilahad sakin 'yong kamay niya, "Tara."

"Ha? Saan?"

"Canteen." sagot niya. "Di ka pa kumakain sabi ni Rhian."

"Ano ka ba. Sinabi kong 'di ako gutom." kunware nakukulitan kong sabi. "Ikaw na lang kung gusto mo."

Pero binigyan niya ako ng panunuksong tingin, "Wee? Di gutom o ayaw mo lang madaanan sila?" sabay turo kay Colleen at Gab.

"Hindi nga." pagtanggi ko. "Wala lang. Bakit, porket ayokong pumunta ng canteen e ganyan na agad rason? Alam mo, kainis ka."

Tumawa lang siya sa sinabi ko at bumuntong hininga, "Sige nga, kung talagang 'di sila ang dahilan, dumaan ka sa harap nila ngayon." panghahamon niya.

Anak ng—at talagang hinahamon pa niya talaga ako. Kainis talaga.

"Sinabing hindi ako gustom." pag uulit ko.

"Pero 'di ko sinabing pupunta ka ng canteen. Ang sabi ko lang, dumaan ka sa harap nila. Let's see kung kaya mo."

Tumayo ako. Di ko alam kung bakit ako biglang tumayo na para bang handa akong patulan itong trip ni Bright. Kinakabahan ako pero—bigla na lang akong napatayo nang hindi nag-iisip kung kaya ko nga ba o hindi.

"Ano, game?" tanong pa niya.

Alam kong pwede namang wag na lang pero tumango ako at lumabas ng classroom. Pero paglabas ko e biglang akong napatigil at napa-isip na wag na lang. Kasi hindi ko kaya at nanginginig ang mga paa ko ngayon na para bang ayokong dumaan sa harap nila habang naghaharutan. Di ko talaga kaya. Para akong matutunaw at mas gugustuhin ko na lang na kainin ako ng lupa kaysa patulan itong panghahamon sakin ni Bright.

"O? Ba't napatigil ka?" tanong niya pero 'di ako sumagot. That time, napatingin ako kina Colleen at Gab na nakatingin sakin. Feeling ko nga ako pinag-uusapan nila kasi nagsasalita si Colleen habang nakatitig sakin at gano'n din si Gab. Di nga lang ako sure kung ako nga pinag-uusapan nila kasi 'di ko naman naririnig 'yong sinasabi ni Colleen kasi medyo malayo sila samin.

"Wag na." sagot ko.

"Nakatingin sila sayo, o." dagdag pa ni Bright.

Tapos may mga ka-batch mates kaming nakatitig sakin at gano'n din kina Colleen. That time e maraming kinikilig kina Colleen at Gab at narinig ko pa na sumigaw 'yong isa kong ka-klase last year ng, "Sana all may jowa."

"Ano? Magpapatalo ka na lang ba?"

Umiling ako. Kasi hindi naman pwedeng lulubog ako samantalang sila naman e tinaguriang best couple of the year.

Nilingon ko si Bright, "Hindi. Ayokong magpatalo." sagot ko. "Pero obvious naman na kahit gusto kong ako 'yong manalo, talo pa rin ako."

Ngumiti si Bright na may kasamang buntong hininga at tsaka inilahad 'yong kamay sakin at napatingin naman ako ro'n sabay sabing, "Ano 'yan?"

"Tara."

"Ano nga kasi."

"Basta, sumakay ka na lang sa trip ko."

Wala akong choice kundi ang hawakan ang kamay niyang 'yon. Tapos naglakad kami patungo sa gawi nina Colleen which is do'n din naman talaga ang daan. Hawak ni Bright ang kamay ko samantalang ako naman e pawis na pawis ang kamay na parang gustong bumitaw sa kamay ni Bright pero wala akong choice kasi dere-deretcho ang lakad niya at mahigpit ang paghawak niya sa kamay ko. Nang malapit na naming madaanan sina Colleen, hindi kami masyadong makadaan ni Bright kasi 'di hamak na medyo makitid ang daan e may mga ka-batch kaming kinakausap sina Colleen at Gab na animo'y ini-interview kaya napatigil kami ni Bright sa paglalakad.

"Excuse me. Pwede makiraan?" nagulat ang lahat at napalingon samin ni Bright. Hindi kasi niya sinabi 'yon kundi sinigaw mismo dahilan para makuha namin ang attensyon nila.

That time, tinukso kami ng mga ka-batch naming nakakita na magkahawak kamay kami ni Bright. 'Yong kaninang kinikilig kina Colleen at Gab e samin naman sila kinilig ngayon. Tapos 'yong ka-klase kong  bakla last year na ngayon nasa kabilang section na ay lumapit pa samin at alam kong kami naman ni Bright ang i-interview-hin niya.

"Omg! Boyfriend mo?" tanong sakin ni Julian, ka-klase kong bakla last year at tumango naman ako. "Omg! When pa? Bakit ngayon ko lang nakita ang poging 'to?" tanong pa niya habang nakatitig kay Bright.

"Transferee kasi siya." napalingon ako kay Colleen nang siya mismo sumagot kay Julian. "Kaya ngayon mo lang siya nakita."

Napa-irap ako pagkatapos. Hindi siya ang tinatanong pero siya ang sumagot. Nang-gigigil talaga ako sa mga ganitong tao. Papansin lang, Te?

"Pero grabe naman. Akala ko kayo pa ni Gab." dagdag pa ni Julian. "Gulat ako nang malamang nagkabalikan sila ni Colleen. Tapos ikaw may bago na."

"E, kasi. . . 'Yong iba d'yan, napagod." sagot ko at sinadyang iparinig 'yon kay Gab nang hindi sila nililingon. "Tapos gulat na lang ako, iba na mahal niya."

"Hala siya. Galit, Te?" dagdag pa ni Julian at nagtawanan kami. Tapos napatingin siya kay Colleen. Ito kasing si Julian 'yong tipo na maingay tapos napaka honest at kahit bakla siya e ginagalang siya ng lahat kasi matalino siya at magaling mag advice sa lahat ng away at gulo dito sa school. Kaya nga siya student leader dito sa school namin. Nang lingunin niya si Colleen e bigla niya itong tinanong, "Hoy, Colleen, baka may ginawa ka kay Gab kaya iniwan itong si Danielle, ha."

Alam kong deep inside naiinis si Colleen sa sinabing 'yon ni Julian pero wala lang talaga siyang choice kasi mapapahiya siya sa mga ka-batch naming nandidito kapag nagalit siya. Kaya imbis na magalit e ngumiti si Colleen, "Hala. Wala ah." pagde-deny niya. "Gusto lang talaga ako ni Gab. Hindi na ako magtataka ro'n kasi maganda ako at matalino." At nilingon ako ni Colleen pero that time si Julian pa rin ang kausap niya, "Alam kong maganda at matalino rin naman si Deyn, pero mas lamang ako."

Napa-irap ulit ako sa sinabi niya. Talagang ang confident pa niya no'ng sinabi niya 'yon.

Napatingin sakin si Julian, "Narinig mo 'yon, Deyn? Anong masasabi mo ro'n?"

Ang masasabi ko? Ang yabang ni Colleen. Akala mo kung sinong maganda. Sinungaling naman.

Ngumiti ako kay Julian sabay sabing, "Siguro maganda siya kaya bumalik sa kanya 'yong Ex niya at iniwan ako. Pero okay lang. Sabi nga nila," nilingon ko si Gab at si Colleen bago ko sinabi ang gusto kong sabihin, "Once a cheater, always a cheater." binigyan ko si Colleen ng plastic na ngiti matapos kong sabihin 'yon at  ang talim naman ng mga titig niya sakin.

"So sinasabi mong cheater kami?" sabat ni Colleen na halatang galit na base sa boses niya.

"Wala akong binanggit na pangalan." paglilinaw ko. "Pero kung natamaan ka, umilag ka na lang, baka keri pa."

Tatayo sana si Colleen sa inu-upuan niya para sugurin ako pero pinigilan siya ni Gab at pina-upo pabalik. Napalingon naman ako kay Julian nang magsalita siya.

"O siya, wag mag-away ha. Lalake lang 'yan. Tsaka, " tapos napatingin si Julian kay Bright na parang kinikilig  pa. "Mas pogi naman itong bago mong jowa. Paturo naman kung papano makahanap ng boyfriend na kasing pogi ng Bright mo."

Natawa ako sa sinabi niya. That time, nakita ko sa peripheral view ko na nakatitig sakin si Gab at nakaisip na naman ako ng idea na pa-selosin siya.

Kaya sinagot ko si Julian do'n sa sinabi niya tungkol kay Bright.

"Nag-iisa lang 'to sa mundo." sagot ko at lalong hinigpitan 'yong paghawak ng kamay kay Bright, "At masaya ako kasi sakin siya."

Nagtilian ang lahat sa sinabi ko. Unang-una na do'n sina Ashley at Rhian na hindi ko alam nakabalik na pala galing sa canteen.