CHAPTER 12 WEIRD FEELING
Hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi magalit sa kanya.
Papanong hindi ako magagalit? He betrayed me. Niloko niya ako.
Ang sabi pa niya sakin no'ng nakaraan na ang exam ay para lang ma-test kung ano ang naiintindihan mo. Pero bakit ganito? Bakit sineryoso niya? Bakit siya 'yong nasa top 1 at nasa top 2 lang ako?
Ginawa ko naman lahat para masagutan ng tama ang exam. I did my best. Pero bakit gano'n? Pati ba naman sa rankings hindi pa rin ako 'yong nangunguna? Lahat na lang ng bagay e pangalawa lang ako. Naiinis ako kasi. . . ang sabi pa niya no'n, sasabayan niya akong mag-aral, pero look, nilamangan niya ako.
This is bullshit!
Hindi ko siya pinansin pagkatapos no'n. That time, alam nina Rhian at Ashley na sobrang na disappoint ako sa sarili ko kasi nag-expect ako ng tudo.
Ang sakit pala, 'no? 'Yong nag-expect ka, 'yong kampante ka kasi alam mong ginawa mo ang best mo pero, hindi pa pala 'yon sapat.
Nakakalungkot isipin.
Pagkatapos ng buong klase, pinauna kong pinauwi sina Rhian at Ashley. Ako naman nagpunta sa faculty para kausapin 'yong teacher namin. Tinanong ko kung bakit top 2 ako. At kung ilan 'yong lamang ng average ni Bright sakin.
98. 5 siya samantalang ako 98 lang. Lamang siya ng point five sakin. Kunti na lang sana pero wala, e. Binigay ko lahat-lahat pero heto, mas lamang siya ng point five sakin.
Ang sabi ng teacher ko sakin, maganda raw ang naging performance ng transferee at matataas din 'yong scores niya kagaya ko. Pero na perfect niya 'yong exam sa advance bio kaya binigyan siya ng 99 na grades ng teacher namin sa Advance bio samantalang ako naka 98 lang. Napaisip ako na baka kung hindi niya na perfect 'yong exam sa advance bio, baka ako pa 'yong nasa top 1.
Pero totoo ngang matalino siya sa gano'ng subject. Hindi lang talaga ako naniwalang magaling siya. Ni hindi ko man lang naisip na magpaturo sa kanya kasi ang akala ko sapat na ang natutunan ko. Akala ko mas marami akong alam kaysa sa kanya pagdating sa gano'ng subject at na chambahan lang na alam niya ang sagot sa assignment.
Wala akong ibang ginawa kundi ang piliting tanggapin na pangalawa lang ako. Bumalik ako sa classroom para magligpit ng mga gamit. Habang nagliligpit ako ng mga gamit ko ay nilapitan at kinausap ako ni Bright pero 'di ko siya pinapansin no'n. Sorry siya ng sorry kasi hindi naman niya in-expect na siya 'yong magiging top 1. Ang buong akala rin niya e ako, kasi alam niyang ginawa ko ang best ko. Pero 'di naman niya ako sadyang tinalo, ni hindi nga siya nag-expect na mapapasama siya sa top 10.
"Deyn, kausapin mo'ko."
Di ko siya pinansin at tinalikuran ko lang siya.
Inayos ko ang upuan ko at kinuha 'yong bag ko para umalis na pero hinarangan niya ang dadaanan ko para 'di ako makaalis.
"Deyn." tawag pa niya sakin.
"Ano ba?!" inis na sigaw ko. "Umalis ka nga d'yan. Uuwi na ako."
"Hindi ako aalis dito hangga't hindi mo'ko kinakausap."
Napa-irap ako.
"Alam mo, Bright, kahit anong gawin mo para kausapin kita ngayon, hindi ko gagawin. Kasi wala ako sa mood ngayon. Kaya pwede ba, tumabi ka."
Imbis na tumabi siya para makadaan ako ay nag-explain pa siya sakin.
"Hindi ko sinasadyang malamangan ka. Kaya please, pakinggan mo muna ako."
Napa-irap ulit ako.
Hindi niya sinasadya, pero ginalingan niya. Do'n ako mas nagalit. Kasi siya mismo nagsabi na wag kong seryosohin ang exam, tapos biglang ganito?!
Para na rin siyang sina Colleen before. Wala siyang pinagkaiba sa kanila. Gaya nila, niloko rin niya ako.
"Deyn." tawag pa niya.
Nakukulitan na ako sa kanya kaya sinagot ko siya.
"Alam mo Bright, ikaw mismo nagsabi sakin na wag masyadong seryosohin ang exam diba?! Pero bakit gano'n? Masyado mong seneryoso 'yong sa'yo. Umamin ka nga, sinabi mo ba 'yon para malamangan ako, ha?!" sigaw ko sa kanya.
Nakita ko namang kumunot ang noo niya na para bang gusto niyang itanggi 'yong sinabi ko.
"Hindi ko sinabi 'yon, Deyn." paglilinaw niya. "Wala akong sinabing gano'n. Ang sakin lang, hindi mo kailangan i-pressure ang sarili mo. Pero hindi ko sinabing wag mong seryosohin ang exam."
Natigilan ako habang pilit na iniintindi 'yong sinabi niya. Inalala ko maigi 'yong sinabi niya sakin, at oo, wala nga siyang sinabing hindi ko seryosohin ang exam, pero gano'n 'yong pag-intindi ko, e.
So mali na naman ako?
"Deyn, maniwala ka, hindi ko gustong lamangan ka."
Sa maniwala ako o hindi, nangyare na 'to. Wala na kaming magagawa ro'n kasi kahit anong gawin ko, namin, pangalawa lang ako sa klase. At siya ang una.
Without any word, iniwan ko siya sa classroom. Alam kong tinatawag niya ako no'n pero hindi ko na siya nilingon pa kasi naiinis na ako. At baka murahin ko lang siya nang dahil sa galit.
Pag-uwi ko ng bahay, agad akong dumeretcho sa kuwarto ko. Alam na rin ng parents ko na nakasama ako sa Top 10 kasi tumawag 'yong teacher namin. Sobrang natuwa sila kasi nasa top 2 na ulit ako—pero ako? Na disappoint ako sa sarili ko. Binigay ko kasi lahat ng best ko. Hindi nila alam kung anong ginawa ko para lang galingan sa exam pero gano'n pa rin. Nabigo lang ako ng expectations ko.
Akala ko ako na, hindi pa pala.
Ang tanga ko.
Kinagabihan, nag-online ako. Do'n ko nakitang tinadtad ako ng message ni Bright sa chat.
Bright Navales
active now•
Deyn, galit ka pa rin ba?
Sorry talaga.
Di ko rin in-expect na ako 'yong magiging top 1 sa klase.
Di ko talaga sinasadya.
Deyn.
Alam kong galit ka.
At alam ko rin na ayaw mo'kong kausapin ngayon.
Pero please, sana maging okay ulit tayo.
Kung galit ka, hindi kita masisisi.
Pero gagawin ko lahat mapatawad mo lang ako.
I'm sorry ulit.
Hindi ko siya ni-reply-an matapos kong basahin 'yong mga messages niyang 'yon. Nag offline ako at tinakpan ng malambot na unan ang mukha ko habang umiiyak.
No'ng Tuesday, 'di ako pumasok sa school. Pagkatapos kong malamang top 2 lang ako, nawalan ako ng ganang mag-aral. Feeling ko, masyadong napagod ang utak ko ngayon at gusto ko ng peace of mind.
Hindi lang puso ang affected sakin ngayon, pati na rin utak. Hays.
Buong magdamag akong nakahiga lang sa kama ko. Lutang pa ako habang tinatanong ang sarili ko kung saan ako nagkulang. Sa lahat ng bagay kasi, pakiramdam ko lagi na lang akong may pagkukulang kahit na binigay ko naman ang best ko.
Hindi ko maintindihan.
Kinagabihan, nag-message si Ashley sa GC naming tatlo ni Rhian. Tatlo na lang kami do'n kasi nag-left na ro'n si Callen no'ng nakaraan.
Ashley Verano
active now•
Sino available d'yan?
Samahan niyo 'ko rito.
Inom tayo.
Tapos nag send siya ng picture ng alak. Nagulat ako kasi umiinom siya ngayon sa bahay nila. Imbis na suwayin ko siya, mas naisip ko na mas okay kung uminom rin ako kasabay niya. Mag re-reply sana ako nang biglang mag reply si Rhian.
Rhian Mendoza
active now•
Hoy, babae! Anong problema?
Ba't nagpapakalasing ka?
Danielle Legaspi
active now•
Send location, Sali ako.
Rhian Mendoza
active now•
Pati ikaw? @Danielle
Anong problema?
Hindi na namin ni-reply-an si Rhian nang mag send ng location si Ashley kung saan ang bahay nila. Agad naman akong nagpunta ro'n kahit gabi na. Nagpa-alam ako kay Mama na may group study ako ngayon at do'n na ako makikitulog kina Ashley. Buti na lang pumayag si Mama. Isa pa, group study naman 'yong sinabi ko at talagang papayag 'yon.
Pagdating ko sa bahay nina Ashley, nando'n siya sa kuwarto niya. Wala ang parents niya kasi pang-gabi 'yong trabaho nila pareho kaya nagagawa niya ngayon 'yong gusto niya.
May lima siyang red horse at tatlong yelo na hindi pa nalalagay sa tubig. Tapos may mani rin pang pulitan.
Naka upo lang siya sa sahig at naka patong sa maliit na lamesa naman 'yong red horse at yelo.
Nagtaka ako bigla kung bakit trip niyang gawin 'to ngayon kaya napatanong ako.
"Anong problema mo't naisip mong uminom?" tanong ko at umupo sa tabi niya.
"May iba na siya." wala sa sariling sagot niya habang nilalagay 'yong yelo sa tubig.
Kumuha siya saglit ng baso para sakin at binuksan niya 'yong red horse tsaka nilagyan 'yong parehong baso namin.
"Ikaw? Nag-away kayo ni Bright, tungkol ba do'n sa average niyo?" tanong niya habang nilalagyan ng tubig na may yelo 'yong baso niyang may red horse.
"Gano'n na nga." sagot ko at nilagyan rin ng tubig na malamig 'yong baso kong may lamang red horse tsaka ininom 'yon ng isang lagukan lang. "Arg! ang pangit ng lasa." sabi ko matapos inumin 'yon.
Ito ang unang beses kong uminom ng alak sa buong buhay ko. Na Curious na rin ako kung bakit nga ba gustong gusto ng mga matatanda 'yong alak. Ang dinig ko pang sabi ng iba e nakakalimot daw ito ng problema. Ito agad 'yong naisip ko kanina no'ng mag chat si Ashley. Alam kong bawal pa samin 'to at alam kong pagnalaman 'to nina Mama na uminom ako, alam kong magagalit sila sakin. Pero sa ngayon, gusto kong subukan 'to. Gusto kong malaman kung totoo nga bang nakakalimot ito ng problema. Kahit ngayon lang.
Gusto kong kalimutan lahat ng problema ko ngayon. Lalo na si Bright. Na walang pinagkaiba kay Gab. Parehas silang mapanakit.
"Alam mo, ang daya niya. Sobra." sagot ko habang kinukuha ang bote ng red horse para lagyan 'yong baso ko. "Ang sabi niya, tulungan daw niya ako. Sasabayan daw niya ako mag-aral, sasamahan niya akong lumaban para lumubog 'yong tandem nina Colleen at Gab tapos ito lang ang gagawin niya?" napangiwi ako, "Nilamangan niya ako. Masyado niyang ginalingan para malamangan ako."
Napalagok ng alak si Ashley bago nagsalita, "Boto pa naman ako sa kanya para sa'yo. Di ko akalain na masasaktan ka ng husto nang dahil sa kanya."
Kumuha ako ng mani at sinandal 'yong ulo ko sa pader ng kuwarto ni Ashley.
"Ikaw, anong sinasabi mong may iba na siya?" tanong ko kay Ashley na namumula na 'yong mukha.
"May iba na siyang girlfriend." sagot niya. Do'n ko lang napagtanto na tuluyan na talaga silang wala ng boyfriend niya na nagloko rin. "Ang gago e, 'no?"
Muli kong nilagyan ng red horse 'yong baso ko at nilagyan ko na rin 'yong sa kanya. That time, medyo nahihilo na rin ako. Tapos ang init sa pakiramdam. Ganito pala 'yong feeling kapag umiinom ka ng alak.
Pero. . . 'yong sinasabi nilang nakakalimot ng problema? Di ako sure.
Biglang bumukas 'yong pinto ng kuwarto ni Ashley nang biglang pumasok si Rhian na halatang gulat na gulat nang makita 'yong limang red horse at pulutan sa harap namin ni Ashley. Pero imbis na magtanong pa siya kung bakit kami nagkakaganito, sinabayan niya na lang kami. Umupo siya sa harap namin at nilagay sa tabi niya 'yong maliit niyang shoulder bag.
"Rhian, akala namin 'di ka pupunta?" sabi ni Ashley habang kumakain ng pulutan.
"Alam kong problemado kayo ngayon." tinuro niya si Ashley, "Broken ka kasi may iba na boyfriend mo." tapos tinuro niya ako, "Ikaw naman, Deyn, double. Pinagpalit ka ng Ex mo sa kaaway mo at nilamangan ka sa rankings ng manliligaw mo."
Nilapag ko 'yong baso ko ng malakas sa ibabaw ng mesa nang banggitin ni Rhian 'yong tungkol sa manliligaw ko si Bright.
"Hindi ko siya manliligaw, okay?!" galit kong sabi at pareho naman nila akong nilingon.
That time, nagulat din ako sa sinabi ko kasi nabanggit ko 'yong totoo na hindi ko nga manliligaw si Bright.
Pero imbis paniwalaan nila 'yon, tinapik ako ni Ashley sa balikat sabay sabing, "Lasing ka na ba?"
Hindi ako nakasagot sa tanong ni Ashley at nilagyan ko na lang ng red horse 'yong baso ko.
"Uy, hinay-hinay lang, Deyn." nag-aalalang sabi naman ni Rhian.
Kinuha siya ng baso ni Ashley para sabayan kami. Pero bago ni Ashley nilagyan ng red horse 'yong baso niya e tinanong muna siya ni Ashley.
"Iinom ka rin ba? Di ka naman broken hearted, ah."
"Sasabayan ko kayo. Siyempre, bestfriends tayo. Dadamayan ko kayo." sagot ni Rhian. "Tsaka, wala namang sinabi d'yan sa bote ng red horse na mga broken hearted lang pwedeng uminom niyan."
Parang gusto kong matawa pero—nababad trip pa rin ako. Kasi sa tuwing tumatawa ako tapos bigla kong maalala si Bright, nawawala agad 'yong tawa ko.
Ang hirap pa lang tumawa kapag may problema ka, ano?
Kinuha ni Rhian 'yong baso niyang may lamang red horse at ininom 'yon. Pero 'di niya nilagok agad-agad kasi tinikman muna niya 'yong lasa.
"Ano ba 'yan, ang pangit ng lasa." pagrereklamo niya.
"Ganyan talaga. Masasanay ka rin." sagot ni Ashley.
"Ah, so sanay kana?"
"Di." tipid na sagot ni Ashley. "First time ko 'to. Gusto ko lang gawin."
"Naks! Kayo ha." tapos bumuntong hininga si Rhian at nagseryoso, "Grade 8 pa lang tayo. Kung lovelife ang pag-uusapan, marami pa tayong makikilala. Nasa highschool pa lang tayo, pagtungtong natin ng College, I'm sure, ibang tao na ang tinitibok nitong mga puso na'tin. Trust me, guys. 'Yon 'yong sabi sakin ni Mama."
"Ah, so sinasabi mo bang mag b-break pa kayo ni Shawn?" tanong ko.
"Hindi ako sure." sagot niya at pinilit na ubusin 'yong red horse na nasa baso niya. Pero bago niya nilagok 'yon, dinagdagan muna niya ng napakaraming malamig na tubig para 'di niya malasahan 'yong red horse.
"Kung mag b-break man kami, iisipin ko na lang na baka hindi talaga siya ang para sakin." dagdag pa niya.
"Alam mo, ang labo mo." singit ni Ashley. "Bakit mo jinowa kung hindi ka sure?"
"Mahal ko siya, e." sagot ni Rhian.
"Mahal mo siya ngayon. Pero pano kung dadating ang araw na unti-unting lumamig ang relasyon niyo?" tanong ko naman.
"Hindi naman maiiwasan 'yon. Marami na akong na encountered na gano'n."
"Gaya namin?" tanong ni Ashley at tumango naman si Rhian.
Nilagyan ko pa 'yong baso ko ng red horse tsaka nilagok 'yon at kumain ng pulutan saglit bago nagsalita.
"Alam niyo, wag na kayong magpabola sa mga lalakeng hindi naman sigurado sa inyo." saad ko. "Mahal lang nila kayo, tayo ngayon pero hindi magtatagal, kapag nakahanap sila ng iba, bigla na lang nila tayong iiwan sa ere." natawa ako bigla nang maalala ko 'yong mga araw na kami pa ni Gab, na bwisit ako pero natatawa ako ngayon sa harap ng dalawa kong kaibigan. Pakiramdam ko tuloy lasing na ako. "There's a guy who told me before that i was his moon. Pero 'yong putang-inang 'yon iba pala 'yong sun niya." tumawa ulit ako. "Wag kayong magpa-uto sa Sun and Moon na 'yan. Kasinungalingan 'yan!"
Napamura si Ashley bigla sabay sabing, "Tama ka! At kapag sinabi nilang ikaw lang wala ng iba? Kasinungalingan din 'yon! Trust me, may iba 'yan."
Biglang nag-ring 'yong cellphone ko at nakita kong tumatawag sakin si Callen. Hindi ko sana sasagutin 'yon kaso dalawang beses niyang inulit 'yong tawag kaya sinagot ko na.
"O?"
"Asan ka? Ano 'tong sinasabi ng Mama mo na Group study?"
"Wala ka na ro'n."
"Wala naman tayong group study ah. 'Yong totoo, magsabi ka nga ng totoo. Asan ka?"
Narinig ko pa sa kabilang linya na sinasabing, "Bro, ano sabi?" at ang boses na 'yon ay walang iba kundi kay Bright.
Magkasama sila. Siguro tinatanong ni Bright si Callen kung nasan ako ngayon.
"Hoy, Callen magkasama kayo ngayon? Nasan kayo? Nagpunta kayo sa bahay?"
"Hindi. Nandito kami sa cafè. Nandito rin Mama mo. Pupuntahan ka sana namin sa bahay niyo pero sabi ng Mama mo nag-group study ka raw. Nasan ka ba?"
"Ba't ba ang kulit mo?! Wala ka na ro'n. Tsaka, wag mong sabihin sa kanya ang address ng bahay namin, kundi, lagot ka sakin."
"Eh, diba alam naman niya kasi hinahatid ka niya pa-uwi?"
"Hindi niya alam. Hinahatid niya ako hanggang kanto lang."
"Deyn!"
Natahimik ako.
Alam ko kasi kung kaninong boses na 'yon.
At mukhang naka-loud speak yata ako. Arg!
"Nasan ka? Na kina Ashley kaba? Pupuntahan ka namin."
"Wag!" sigaw ko at nagulat naman sina Ashley at Rhian sakin. "Nasa bahay ako nina Rhian." pagsisinungaling ko dahilan para mapatanong si Rhian kung bakit ko 'yon sinabi pero 'di ko muna siya pinansin. Sinabi ko 'yon kasi alam kong galit pa si Callen kay Rhian at alam kong hindi siya pupunta rito.
"Tsk! 'yong totoo? Sabi ng Mama mo kina Ashley ka."
"Nandito kami kina Rhian. Lumipat kami ng place kasi sira 'yong aircon ng kuwarto ni Ashley." pagsisinungaling ko pa dahilan para magulat si Ashley nang marinig 'yong sinabi ko sa kabilang linya.
Biglang bumukas 'yong kuwarto ni Ashley at pumasok 'yong katulong nila na inutusan kanina ni Ashley na kumuha ng yelo sa ref tsaka binigay kay Ashley 'yong sukli kanina no'ng bumili siya sa tiyange. E, saktong nabanggit ng katulong nila ang salitang red horse no'n kaya narinig ni Callen.
"Hoy! Umiinom kayo?" halatang galit na sabi ni Callen sa kabilang linya.
"Bye na." inis kong sabi pero pinigilan niya akong ibaba 'yon.
"Tsk. Puntahan namin kayo d'yan."
"Bakit ba ang kulit niyo!" sigaw ko at nagsimulang maiyak sa 'di malamang dahilan. "Sinabi nang hayaan niyo ako. Mahirap bang intindihin 'yon?"
"Deyn, gusto ka lang makausap ni Bright. Pero bakit nagpapakalasing ka? Nang dahil lang sa hindi mo nakuha 'yong gusto mo?"
Hindi ako nakapagsalita at tuluyan na lang akong umiyak.
Tama. Gano'n nga 'yon. Hindi ko kasi matanggap, e. Alam ko naman na hindi naman dapat iniiyakan ang mga ganito, pero ang sakit-sakit kasi, e. Hindi ko alam pero nasasaktan talaga ako.
Pinatahan ako nina Rhian at pagkatapos kong umiyak, hindi ko namalayan na nakatulog ako sa sobrang pagod.
Kinabukasan, late na akong umuwi ng bahay. That time, wala sina Mama sa bahay kasi nga may work sila kaya chamba ko kasi 'di nila mahahalatang uminom ako kagabi. Masakit ulo ko ngayon kaya dumeretcho ako sa kuwarto ko at nagpahinga ulit.
Mga bandang alas tres no'ng bumaba ako para kumuha maiinom na tubig. Dinala ko pa 'yong baso kong may lamang tubig sa terrace namin habang umiinom at nagbabasa ng message ni Rhian sa GC namin nang bigla akong mapatid ng isang maliit na box pero may kung anong mabigat na laman sa loob na mukhang inorder pa online pero dito sa sahig nilagay at talaga hindi ko napansin habang naglalakad ako dahilan para mapatid ako at muntik nang matumba pero buti na lang at na balance ko ang sarili ko pero badnews kasi 'yong tubig ko na hawak ko ay natapon ko sa halaman. At ang halaman na 'yon ay ang halaman na binigay sakin ni Bright.
Nagpanic ako kasi nadiligan ko 'yon ng sobrang dami at naisip ko na baka mamatay siya kasi sa pagkakaalam ko hindi naman 'to dapat dinidiligan nang gano'n ka rami kasi low maintenance lang naman 'to. Kaya naisip ko na what if mamatay 'to?
Di ko alam kung anong gagawin ko at napagtanto ko na lang sa sarili ko na sobrang nagpapanic talaga ako nang dahil lang sa halamang binigay niya.
Oo, naiinis ako sa kanya pero inosente naman itong halaman. Sa kanya nga nanggaling pero ano naman? Kung galit ako sa kanya, 'di ko dapat dinadamay itong halaman. Kaya dapat lang na magpanic ako.
Hays.
Mga bandang alas otso ng gabi no'ng umuwi si Mama galing trabaho tapos kinatok niya ako sa kuwarto ko at sinabing may bisita raw ako. No'ng una, akala ko sina Ashley o Rhian lang pero nagulat ako nang banggitin niya ang 'Anak ng Tita Pam mo' bigla kong naalala na magkaibigan pala si Mama at ang Mama ni Bright at ang bisita ko ngayon sa bahay ay walang iba kundi siya.
"Ma, pakisabi inaantok na ako." pagsisinungaling ko.
"Nang ganito ka aga, anak?" tanong naman ni Mama. "Bumaba ka na at kausapin siya. Talagang bumiyahe pa siya rito para lang ibigay sakin 'yong pinapabigay ni Pam na leche flan."
Tsk.
Napasabi na lang ako sa isip ko ng "Mama naman, e. Ikaw 'yong binigyan ng leche flan at hindi ako. Kaya 'di ko na problema 'yon."
Pero dahil itong si Mama mapilit, wala akong choice kundi ang bumaba. That time, napatanong pa ako kung bakit hindi nagalit si Mama na may bumisitang lalake rito sa bahay, siguro dahil anak siya ng kaibigan niya. 'Yon lang naman 'yon, e. Wala namang alam si Mama na may pa fake ligaw-ligaw na nagaganap between me and him.
Pagbaba ko, wala siya sa sofa. Sinilip ko rin sa kusina kasi baka nando'n siya pero wala.
Muli akong umakyat sa taas at pumunta sa kuwarto ni Mama kasi nando'n na siya na nagliligpit ng bedsheet para tanungin siya kung nasaan si Bright pero sabi ni Mama naka-upo lang daw siya sa sofa kanina no'ng umakyat si Mama sa kuwarto ko para tawagin ako.
Pero ngayon, wala siya.
San siya nagpunta?
Umuwi na?
Bakit? Masyado ba akong matagal bumaba at hindi siya nakapaghintay kaya naisipan niyang umuwi na?
Lumabas ako ng bahay para alamin kung umalis na nga siya. Nang makalabas ako ng gate, wala siya. Walang tao ro'n.
Kung gano'n, umalis na nga siya.
Bagsak ang magkabilang balikat ko nang malamang umalis siya nang gano'n gano'n lang.
Di ko nga rin alam kung bakit parang bigla akong nalungkot.
Minsan, hindi ko na rin alam kung anong nangyayare sakin. Hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko.
Bakit ba ako nagkakaganito?
It seems like a weird feeling.
Galit dapat ako, e.
Pero bakit ganito?
Bakit nalulungkot ako nang malaman kong umalis siya bigla?
Ni hindi man lang niya ako nagawang hintaying bumaba.
Napayuko ako.
That time parang maiiyak na naman ako sa 'di malamang dahilan.
Pero nagulat ako nang may magsalita sa likod ko,
"Hanap mo'ko?"
Agad akong napa-angat ng tingin at agad na napalingon sa likuran ko.
At nagliwanag ang mukha ko nang makitang nandito pa siya,
nakatayo sa harap ko.