Chapter 31 The Life He Had
Jose's POV (Past)
"Jose's on his last year in high school. We already talked about this Nelda! Ako ang magpapaaral sa anak ko."
Katatapos lang ng klase ko ngayong araw at hindi ko inaasahang nag-uusap pa rin pala sila. Tsk. Wala talagang kadala-dala tong ermat ko.
"Pagkatapos akong sugudin ng asawa mo sa tingin mo tatanggap pa kami ng tulong galing sayo?! Lito kaya kong buhayin ang mga anak ko. Malaki na si Jose, kaya na niya---"
"No! Hindi magtatrabaho si Jose para sa pag-aaral niya! Nandito ako! I can provide! Magcocollege na yung bata kailangan niyang pumasok sa magandang university. At hindi mo mababago ang desisyon ko!"
Biglang may tumigil na sasakyan sa labas ng bahay at nagtago muna ako sa likod ng pinto, sasakyan yon ni tatay at alam kong dahil lang naman sa pagkokolehiyo ko kaya siya pumunta. Nakakabonding ko lang siya minsan kapag may tirang oras sa trabaho niya, kaya nakakapagtaka na pumunta lang talaga siya dito para don.
Papasok na sana ako sa loob ng makita ko si ermat na umiiyak na naman. I know she suffered a lot, and it's hurts seeing her in pain dahil na naman kay tatay. Sa tingin ko, talunan talaga kaming dalawa pagdating sa pagmamahal.
Nag-aya si Pio na tumambay sa karenderya nang tiyang niya kaya imbes na pumasok sa bahay ay pumunta na rin ako para libre. Nandon na din si dex at ewan ko sa gugong na to kung bakit simula nong ikwento ko yung tungkol kay helzy ay hindi na ako tinantanan.
"Biruin mo pareng Santo! Kaaalis lang ni adi may helzy na agad si Jose! Tinik talaga"
"Helzy?"
Gagi pati si Pio idinadamay niya sa katarantaduhan!
"Oo yung babaeng ikinukwento ni Jose sakin. Yung hindi daw nagsusuklay." Takte sabi ko na nga ba dapat hindi ko na lang kinuwento. Akala ko naman kasi may kilala siyang helzy! Mukhang hindi ata nag-eexist yung babaeng yon ahh.
"Hoy tumahimik ka ngang gunggong ka! Baka gusto mong tawagin ko si Negi dyan sa may kanto" si Negi yung beking may gusto kay dex, ayaw ngang dumaan don ni dex dahil sa kanya. Abno talaga.
"Chill dude! Ito naman hindi na mabiro."
Tsk! Buti na lang may masarap na pares dito. Nakakatanggal ng badtrip!
"Ate isa pa nga. Pakidamihan ng sabaw"
"Kaya ka tumataba Jose ehh. Diet kana, may practice game sa school next sem. Diba magcocollege kana? Try mo bawas tuition yon"
Buti pa tong si Pio laging may ambag. Pagdating sa raket, pambayad utang mabilis talaga siyang lapitan. Hanggang ngayon may balance pa ko dahil sa pinambayad sa kuryente. Tagal kasing magpasweldo don sa pabrika. Konting sweldo pinapatagal.
"Parang hindi mo naman kilala si Jose. Matagal na yang tumigil."
Napabayaan ko kasi yung scholarship ko noon dahil sa basketball. Tapos dumating naman si adi kaya hindi ko na rin ginusto pang bumalik. Pero itong si Pio varsity nga don sa pinapasukan niyang university.
"Malay mo naman, try mo Jose. Papayat kana, baka biglang bumalik si adi" tsk! hindi na ako umaasang babalik pa si adi, binalock na nga ako sa messenger ehh, pati sa text and call wala din.
Tinapos ko na lang yung libreng pahapunan ni Pio, at umuwi na rin ako sa bahay. Syempre nagtake out din ako para sa mga kapatid ko, nagbayad naman ako nakakahiya na kung libre pa rin.
"Kuya! Pasalubong?" Tingnan mo tong batang to gabing gabi na nasa labas pa rin.
"Nasan si Stef?"
"Nasa loob po kuya! Wow, pares!"
Stef asked me a week ago about their project. At dahil sa delay na sahod sa pabrika wala akong maibibigay sa ngayon, pero bukas dadaan ako sa pabrika para makibalita.
"Stef"
Isa lang naman yung kwarto sa bahay kaya alam kong nagtatago na naman siya sa loob. Naabutan kong naghahanda ng hapunan si nanay, balak ko sana siyang kausapin tungkol sa inooffer ni Pio pero mamaya na lang.
"Stef"
"Oh kuya!" Akala mo naman nakakita ng multo. Palagi na lang siyang nagmumukmok dito. Ano bang interesante dito ehh may mga nagliliparang mga ipis pa nga minsan.
"Yung tungkol sa project mo, bukas ko na lang iaabot. Pangako hindi na madedelay yon"
Bakit ba naging project yung field trip ehh para naman yon sa mga taong gusto lang sumama. Ang mahal pa naman ng fee don.
"Ahh kuya, nabayaran ko na. Last week pa kasi yon, need na mafinalize ni ma'am yung mga sasama" ano? Bayad na. Eh usapan pa namin ngayon niya kukunin. At saan naman siya makakakuha ng pera.
"Saan ka kumuha ng pera? Wag mong sabihing humingi ka kay tat---"
"Galing sakin. Anak, hindi mo naman kailangang saluhin lahat. May palabada si Lorna nong isang araw, hindi ko na sinabi sayo kasi alam kong tututol ka pa"
Hayy! Kaya ko namang ibigay, nadelay lang. Tsaka magkano na lang yung palabada ngayon, sana hinintay na lang yung ibibigay ko.
"Pero nay dapat sinabi nyo pa rin sakin. Ikaw din Stef"
Kunsintidor din talaga tong kapatid ko, kahit alam ng bawal pinapayagan pa rin.
"Naku itong panganay ko! Hayaan mo wala ng susunod"
"Oo nga kuya. Tsaka, tama na nga yang drama mo. Hindi bagay"
Panira.
"Sige na, kumain na kayo don, matutulog na ko. Maaga pa kami bukas ni Pio"
Ngayon mas kailangan ko na ang scholarship, hindi ako ganon kataba, sakto lang para sa poging kagaya ko.
"Kuya dyan ka sa baba, dito kami ni otep at nanay mas gusto ko silang katabi" nagdalaga lang ayaw ng tumabi, loko to ahh malaman ko lang na may shota yan pektus abot nyan sakin.
"Oo na kuya, wala wala akong jowa. Yang mukha mo ohh hindi maipinta. Sige na baka ubusan pa ako ni otep. Nay tara na"
"Nako! Kayo talagang dalawa. Good night Anak"
"Good night nay. Hoy ikaw ha, umayos ka" pinaningkitan ko ng mata si Stef na agad lumabas sa kwarto. Kung meron mang malapit sa amin kay tatay ay si Stef yon. Wala ehh, kaya niyang ibigay lahat.
Kinabukasan ay maagang nambulabog si Pio sa bahay para sa exercise na gagawin bago mag basketball. Ginagawa na namin to dati noong mga bata pa kami. Hindi sa pagmamayabang ehh talo ko pa yan sa basketball, pero ngayon, mukhang hindi na ako makakasabay sa kanya.
"Ito ang pinakamasarap na ulam na natikman ko sa lahat. Dilis, kamatis, tapos maalat na itlog, solve na. Kaya pala tumataba tong si Jose, Tita" Gago to ahh. Sinasabi niya bang hindi niya gusto yung mga pagkain sa karinderya ng tiyahin niya.
"Siguro Pio. Teka saan ba kayo pupunta at nakapang basketball kayo"
Nang lumingon sa akin si Pio ay alam kong alam na niya ang isasagot niya. Kagabi ko pang sinabi sa kanya na wag munang sabihin kay nanay ang tungkol sa scholarship. Saka na lang kapag nakuha ko na.
"Ahh mag eexercise kami ni Jose. Tingnan nyo naman Tita tumataba na" ayts. Sabi ko magpalusot hindi mang-gago!
"Ohh siya kumain muna kayo dyan at may aayusin lang ako" nang makaalis si nanay ay agad kong binatukan si Pio. Mas matanda siya sakin pero parang magkasing tanda lang kami kung magturingan.
"Hoy ang sakit non ah. Gago ka. Tara na nga bago pa magbago yung isip ko"
Utang na loob ko sa kanya kung bakit hanggang ngayon nakakabayad pa rin kami sa mga gastusin. Mayaman kasi ang magulang niya na parehong nasa ibang bansa. Tapos kulang na lang ampunin niya kami ni dex sa pagpapatuloy sa karenderya nila, kahit walang bayad.
"Ohh. Mag dribble ka. Itry mong ishoot tapos sa blockings ako"
Basic! Kung hindi lang siguro ako tumigil noon. Baka katulad ni Pio ay captain na din ako. Laking lansangan kaming tatlo, at magkaroon lang ng pera ipang pupusta na sa kabilang barangay para lumago.
"Whoa! Foul yon ahh!" Ang sakit. Maglalay up na sana ako nang tapikin niya yung bola. Hindi na katulad dati yung pagtalon ko, kung hindi man niya tinapik yung bola alam kong magsasala pa rin yon dahil kapos.
"Memorya mo pa rin talaga ang mga violations hanggang ngayon. Mag referee kana lang kaya?"
Tsk. Gago din.
"Kung may scholarship din ang pagiging referee, bakit hindi? Kahit ano papatusin ko. Parang hindi mo naman ako kilala"
Nagsimula ulit kami sa panibagong game. Ang hirap ng ibalance ng katawan ko. Madali na akong mapagod, at kita ko pa lang sa actual game ay mukhang kakapusin ako ng hininga.
Sa dulo natalo pa rin ako dahil hindi hamak na mas magaling na siya ngayon kumpara dati. Mukhang kailangan ko ng tanggapin yung offer ni tatay.
"Ohh ice water. May tanong ako Jose, bakit hindi ka pa humingi ng tulong sa tatay mo? Diba bigatin yon" matagal ko ng sinabi sa kanila na hindi kami tumatanggap ng kahit anong tulong mula sa tatay ko. Pero pangarap ko na to para sa mga kapatid ko, wala na akong magagawa kundi sumang-ayon.
"Kapag hindi okay tong basketball, mapapa-oo na lang ako sa tatay ko. Mahal din ang tuition sa engineer. Kahit siguro magtrabaho ako hindi sasapat"
"Oo pre, gawin mo na. Tutal obligasyon naman yon ng lahat ng magulang, ang pag-aralin ang anak. Lalo na sa case ng tatay mo, bigatin na, tapos kayo lang yung anak" yon na nga yung mahirap ehh. Kami lang yung anak, tapos anak pa sa labas.
Paalis na kami sa court nang makita namin si dex, hinihingal pa ito ng tumigil sa harapan namin.
"Pio! Nasa plaza ang mga Herrera! Bilisan mo"
Ha? Ito ba yung babaeng gustong gusto ni Pio. Agad nagliwanag ang mukha nitong tumakbo din kasama si dex. At wala na rin akong nagawa kundi ang sumunod sa kanila.
Malakas ang tugtog na nagmumula sa plaza. Dito kalimitang ginaganap yung mga paevent sa barangay. At kung nandito nga yung crush ni Pio ehh ibig sabihin lang non bigatin yon.
"Ang dami ng tao, pano tayo sisiksik?" Hanggang sa labas pa lang ng pinto ng plaza siksikan na ang mga tao. Malapit na rin pala ang fiesta hindi ko na namalayan.
"Parang hindi ka naman sumama noon sa sagala. Sadyang ganyan yung impluwensya ng pamilya nila. Celebrity kasi yung parehong magulang" ahh kaya naman pala. Ang kilala ko lang na celebrity ay sina Tita Ivy at Tito Jill. Hindi ko din alam kung may anak ba sila. Baka ibang Herrera.
Kahit siksikan na sa loob ay nakisiksik na rin kami para kay Pio. Halos magkabundol bundol na kami ng mga tao, at kahit anong gawin kong pagtiad ay hindi ko pa rin makita ang stage. Badtrip, bakit ba ang daming tao.
"The one and only Unica iha of Mr. & Mrs. Herrera, walang iba kundi ang napakagandang si---"
"Ayy sorry po, may nanunulak kasi sa likod."
Naknamputcha, ang sakit non ahh. Halos mapasubsob na ako sa unahan!
"... Palakpakan po natin siya"
"Hoy Jose! Grabe ang ganda niya!"
Ano? Hindi ko nga nakita dahil sa gagong yon na nanulak. Parang nakakita ng anghel ang mukha ni Pio habang malawak ang mga ngiti. Teka nasan na ba yung crush niya?!
"Nasan na? Bakit yung MC na lang yung natira?"
Yung nakita ko lang ay yung babaeng naglalakad na palayo. Tapos sinanggahan pa nong lalaking nakatalikod din na mukhang driver ata o body guard.
"Gago neto ni Jose. Wala na, umalis na. Saan ka ba kasi nakatingin?"
Tsk. Pabayaan na nga, ang mahalaga nakita ni Pio.
"Maganda nga yon dex. Baka mainlove pa tong si Jose sa babaeng gustong gusto ko. Oyy mga parekoy walang talo talo ha"
"Ako maiinlove? Gago, wala sa bokabularyo ko yon. Itong si Jose baka pa"
Ako? Bakit ako? Ayoko na nga sa mga celebrity o model ehh. For sure, magiging celebrity din yung crush ni Pio .
"Tss. Hindi yan dex. Kay adi pa nga lang tiklop na tong si Jose. Hindi na yan magkakagusto sa model"
"Mas may laman tong utak ni Pio kesa sayo dex. Tara na, umuwi na tayo"
Nang matapos kaming makapananghalian kina dex ay naglaro ulit kami ng basketball, at nang humapon naman ay sa karenderya na kami tumambay.
Nakuha ko na din yung sahod ko sa pabrika, at bukas na bukas rin ay maghahanap na ako ng bagong trabaho. Magtatry ako sa fast food na inirerekomenda ni Pio. Matagal na daw na hiring doon at palaging kulang sa tao.
Ilang araw na lang matatapos ko na ang high school. Kakausapin ko na lang si tatay tungkol sa university, gusto ko sana sa school ni Pio, pero kung saan man ako ienroll ayos na din.
Nagising ako sa ingay sa labas na nagmumula. Akala ko yung asawa na naman ni tatay pero hindi, sekretarya niya pala. Tumawag ako kagabi na tinatanggap ko na yung offer, nagulat pa si nanay na alam ko yung tungkol don, pero alam kong sa akin din naman babagsak ang desisyon kaya wala na ding nagawa si nanay.
"Pasok po kayo. Pasensya na medyo magulo yung bahay namin, makalat kasi yung bunso ko"
"It's okay Ms. Mendroz, hindi rin naman ho ako magtatagal. Anyway, ikaw si Jose, right? Here's the list of all universities, pinapasabi ni Mr. Javier na pumapayag siya sa napagkasunduan niyo kagabi, dadaan ka pa rin sa normal na proseso ng pag eenroll. Including examinations. Also, pinapaabot din to ni Mr. Javier. These are books for engineers, makakatulong to sa pagrereview mo"
ANO? Ang dami nito, papatayin ba ko ni tatay sa pagbabasa?!
"Call me if you have clarifications to make. Have a nice day"
Nakatulalang nakatingin lang ako sa mga libro na hawak ko, nang maglakad patungong kotse si Ms. Secretary. Ang agang almusal naman neto. Kung bawiin ko na lang kaya yung about sa exams? Ay joke lang hindi fair yon.
Nilapag ko muna yung mga libro sa katre, habang tinitingnan ko yung mga universities. Para siyang brochure compilation ng mga school at astig pa dahil may picture din yung bawat school na nabubuklat ko.
"St. Benedict School of Engineers.. ANO?! Two hundred thirty thousand tuition fee!"
Naknamputcha kahit magdouble o tripleng trabaho ako hindi pa rin ako makakapag-ipon ng ganito kalaking halaga.
Iba't ibang university ang nakalagay sa brochure, at halos lahat ay nagrarange sa one hundred thousand pataas. Hindi ako makapamili, pero nang makita ko yung pangalan ng school ni Pio ay agad akong nabuhayan ng loob.
Mukhang hanggang college ay magkasama pa rin kaming dalawa. Matapos makapagdesisyon ay sinimulan ko na ring mag review. Kailangan kong maipasa ang exam sa university ni Pio para hindi na ako magtake sa iba.
Ganon pala kalaki yung tuition sa school ng gago. Kaya pala tuwing exam ay hindi ko na nakikitang palaboy laboy sa labas. Kung ganito kamahal din lang, aayusin ko na ang pag-aaral kesa bumagsak at umulit ulit. Sayang ang pera.
Itinigil ko na rin yung pagrereview nang dumating si Pio sa bahay para turuan ako ng mga technique para makapasa. Kahit wala naman talagang iba pang paraan kundi ang ipasa ang exam.
"Ipapakilala kita sa mga kateam mates ko. Humanda kana, madaming malapit na bar doon"
"Gago. Mag-aaral ako hindi maglalakwatsa. Ang mahal mahal ng tuition fee. Balak ko ding magtrabaho after school"
Hindi porket papasok ako sa magandang school ay titigil na kong magtrabaho. Pupunta ako ngayon sa fast food malapit dito. Mag-aapply na ko ng trabaho para bago magpasukan ay may sideline na ako.
"Good luck pre. Hindi na kita sasamahan diskarte mo na yan. Pano? Sibat na ko"
Tsk. Ewan pero nahahanap ko talaga yung pagiging kuya sa katauhan ni Pio.
Hindi naman naging mahirap ang pagtanggap sa akin sa fast food. Sabi nga nong manager pwede na kong magsimula bukas dahil kulang talaga sila sa tao. Ayos din naman yung sahod. Basta hindi delay.
Maaga akong nakauwi sa bahay, dumaan na rin ako sa karenderya para bumili ng hapunan. Celebration na rin para sa bago kong trabaho. Ngayon mukhang umaayon na ang lahat.
Araw-araw akong nagrereview. Kahit alam ko na yung iba dahil napag-aralan na naman namin ay inuulit ko ulit. Nang dumating ang exam ay maaga akong gumising para magtake. Excited akong makita yung school ni Pio. Sinundo pa ako nong driver ni tatay para ihatid sa school kahit kaya ko namang magcommute.
Grabe yung pressure, nakakalula yung mga nagtataasang building. Ang lawak ng field, hindi ko tuloy naiwasang maalala si adi. Pero wala na yon, tanggap ko na.
Madaming estudyante ang nagtake ng engineering course. Buti na lang talaga may mga libro ako for review, may naisagot ako. Pagkalabas ay naging confident naman ako sa mga sagot ko at umuwi na rin ako sa bahay para maghanda sa trabaho.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Nakagraduate na rin ako sa wakas. Hindi ko inaasahang aattend si tatay pero natutuwa pa rin ako na nandidito siya. Double celebration ang nangyari dahil kasabay ng pag-graduate ko ay ang result ng mga pumasa. Kinabahan pa ko nong una pero nang makita ko ang pangalan ko sa listahan ay tuwang tuwa talaga ako.
Nagpainom pa si Pio na mukhang mas proud pa kesa sakin. Nang dumating ang pasukan ay sinabay na ko ni Pio sa motor. Lumuwas na rin sa probinsya si dex kaya mas natahimik kaming dalawa.
"Dude kapag may kailangan ka magsabi ka lang nasa kabilang department lang ako."
Dumaan ang mga araw na malimit akong pagkatuwaan ng mga ibang estudyante. Hindi ko lang sila pinapatulan dahil ayokong pumalya, gastos din ang pagpapahospital sa kanila kaya wag na lang.
"Andito na pala si Jose. Ang matabang beki sa engineering department. Ito yung palaging kasama ni captain diba? Ano? Kamusta ang bromance?"
Nakakarindi. Kapag talaga ako napikon, hihiram to ng mukha sa aso.
"Hoy! Kung hambalusin ko kaya kayo ng bolang hawak ko?"
Tsk. Agad nagtakbuhan ang mga kumag. Sino ngayon ang bakla?!
"Dude, bakit hindi ka lumaban? Dati rati nakikipagsapakan ka pa sa kanto"
"Kalimutan mo na nga yon. Tsaka wala namang magagawa yung pagsasalita nila."
Umalis akong badtrip sa school. May araw din ang mga yon sakin. Intayin lang nilang makapag-ipon ako, babasagin ko talaga bungo nila.
"Ano, hindi ka ba sasama samin ng mga teammates ko? Celebration namin sa pagkapanalo sa sports day. Libre ni coach ano g?"
"Sa susunod na pre. May trabaho ako ngayon, dagdag sa ipon"
Sayang din yung sahod. Pang project na din.
"Sige. Ohh ito. Idagdag mo sa ipon mo. Diba bibili kang laptop? Ayaw mo kasing hiramin yung luma ko sa bahay. Pano? Mauuna na ko"
"Geh ingat. THANK YOU SA TIP HAHA"
Pinakyuhan lang ako ng gago. Pumasok na rin ako sa loob para magtrabaho. Madaming customer ngayon, tapos kulang na naman sa tao dahil umaayaw talaga yung iba dahil sa patayang trabaho. Pagkaganitong oras pa naman wala talagang nagiging pahinga.
Pasegu-segundo lang akong umuupo tapos trabaho na ulit. Night shift ako ngayon kaya mas nakakaantok. Kung hindi lang ako nanghihinayang sa kita baka mas pinili ko na lang na matulog.
"Jose table 13"
"Sige"
Magmamadaling araw na ng kumaunti yung tao. Mahina talaga ako sa puyatan kaya umidlip muna ako sa may kusina. Nagising lang ako ng may tumapik sakin na katrabaho ko. Akala ko may customer pero inabot niya lang sakin yung cellphone ko. Nagtataka pa ako nong una kung bakit tumatawag sa akin si Pio pero sinagot ko na rin.
"Pre bakit? Nasa trabaho pa ko ngayon gag----"
"Hello, is this Mr. Jose? I'm one of the the nurses here in St. Luke medical center. If you know Mr. Pio, you can communicate with us for his body. Death on arrival na siya nang isugod sa hospital dahil sa tinamong saksak sa iba't ibang parte nang katawan. Hello. Are you still there? Mr. Jose?"
Hindi ko alam kung maniniwala ba ako sa lahat ng narinig ko. Pero nang makita ko si Pio na wala ng buhay habang natatakluban ng telang puti, ay hindi ko matanggap. Gusto kong magwala. Sana sumama na lang ako. Dapat hindi ko pinabayaan yung isang taong naniniwala sakin!
"ANONG NANGYARI! MGA PULIS KAYO PERO WALA KAYONG NAGAWA PARA PROTEKTAHAN YUNG KAIBIGAN KO. MGA WALA KAYONG KWENTA! SABIHIN MO SAKIN SINO ANG MAY GAWA NITO?!"
"Sir huminahon ka"
"IKAW? KAYO! MGA KAIBIGAN KAYO NI PIO DIBA?! ANONG SILBI NYO?! BAKIT NYO PINABAYAANG MANGYARI TO SA KANYA?! TANGINA NYO!"
"Dude we didn't know na mang----"
"FUCK YOU!"
Kahit magwala ako walang nangyari. Walang may alam kung sino ang suspect dahil halos lahat ay lulong sa drugs. Yung kabilang university lang yung nandoon. Hindi malabong isa sa kanila ang may kagagawan nito!
Hindi lang ako nawalan ng kaibigan, nawalan rin ako ng kapatid, karamay, at kasangga. Lumuwas si dex para makipaglibing. Mas nangibabaw sa kanya yung galit, pati na rin sakin habang nakatingin kami sa puntod ni Pio. Balang araw makukuha rin namin ang hustisya. At kapag nangyari yon maniningil ako ng malaki.