CHAPTER 6- CRUSH! PABILING NAPKIN

Ang dami ko pang mga kailangan gawin na assignments, pero heto ako, nakatulala lang sa isang sulok ng kusina. Ni, hindi ko nga nabuksan tong libro ko sa Math.

Nakauwi na ako galing sa University at lahat-lahat, pero hindi ko parin maintindihan ang pinupunto ni Kios kanina! Ano ba talaga ang ibig sabihin nung sinabi niya?

Pasalampak kong ipinatong ang mukha sa mesa. Mababaliw na siguro ako!

Mula elementary, may gusto na ako kay Kios…at hanggang ngayon may gusto parin ako sa kaniya. Kung aamin naman ako, tapos sabihin niyang wala siyang gusto sa akin, magiging awkward lang ang pagitan naming dalawa, at ayaw kong mangyari yun. Baka kasi hindi niya na ako pansinin.

Pero, hindi ko rin naman kayang makitang maging sila ni Jasmine! Sinabunutan ko ang sariling buhok. May gusto parin kaya si Kios kay Jasmine? Mababaliw na talaga ako.

Gusto ko sanang sagutan na ang mga assignments ko, pero lumipas ang ilang mga minuto’t hindi ko na namalayang tuloyan na pala ako nilamon ng antok.

“Sam! Sam! Sam!” napabalikwas ako ng bangon nang makarinig ng katok mula sa pintuan ko.

May lindol ba?

Kinusot kusot ko ang mata. Kumunot ang noo ko nang makitang nasa loob na ako ng kwarto, nakahiga sa sarili kong kama?

Kanina lang ay nasa kusina ako at--. Teka lang! Tinulogan ko ba ang mga assignments ko!?

Nakuha ko pa talagang tulogan ang mga assignments ko!

Nagmamadali akong umalis sa kama. “Aray ko!” Mahinang igik ko nang biglang makapa ang bukol sa ulo.

Ha? Paano ako nagkabukol!?

“Sam, anak.” Pagkatok ni Mama mula sa labas ng kwarto ko.

“Nakabukas po yan, Ma! Itulak niyo lang.” Pagsagot ko habang nakahawak parin sa bukol sa ulo ko.

Bumukas ang pinto at pumasok si Mama, at may bodyguard pala siyang kasama, si Kuya.

“May kailangan po kayo?” tanong ko habang sinusundot sundot ang bukol sa ulo.

“Anong nangyari sayo?” Parang natatawang tanong ni Kuya.

Pinandilatan ko siya. “Kuya, bakit ako nagkabukol!?” Nakabusangot na tanong ko sa kaniya.

Binigyan ako nito ng hindi makapaniwalang tingin. “Aba! Malay ko, katawan mo yan, bakit ako ang tinatanong mo?”

Tinaasan ko siya ng kilay. “Bakit parang guilty ka? Nagtatanong lang naman ako.”

“Bakit parang inaakusahan mo ako, wala naman akong ginawa sayo.” Sagot nito.

“Nasa kusina lang naman ako kanina, paano ako nakarating dito sa kwarto ko?” Tanong ko sa kaniya.

“Aba, malay ko ba sayo—”

“Tatahimik kayo o ipagbubuhol ko kayong dalawa?” pagsingit ni Mama na ikinatahimik ni Kuya. Umupo ito sa kama. “Makinig ka Sam, dahil may sasabihin ako sayo.” Buntong hiningang saad ni Mama.

“Ano po yun, Ma?” tanong ko habang pasimpleng pinaikotan ng mata si Kuya.

Bumuga ng malalim na hininga si Mama. “Sam, hindi—”

“Hindi niyo po ako totoong anak” Biglang putol ko dito. “Ma, matagal ko na pong alam na hindi niyo po ako totoong anak, na ampon lang po ako, na anak po ako ng isang mafia—ARRAYY Kuya!” pagigik ko ng biglang pinitik ni Kuya ang noo ko.

“Sam, sabihin mo nga sa akin yung totoo.” Seryosong saad ni Kuya. “Humihithit ka ba ng drugs? Para kasing parati kang sabog.” Natatawang saad nito. “Araaay, Ma!” Pag-igik nito ng biglang kinurot ni Mama ang tagiliran niya.

Pasimple ko siyang dinilaan.

“Huwag mong pagsasalitaan ng ganyan ang kapatid mo.” Pangaral ni Mama. “Nga pala, Sam.” Pagbaling nito sa akin.

“Bago ko makalimutan, gusto ko lang sabihin anak na hindi ka mahahatid ng Papa mo sa school bukas kasi nag over time siya sa opisina, sumabay ka nalang sa Kuya mo” saad nito na ikinasira ng mukha ko.

“Mama naman, ang tagal kayang bumangon niyang si Kuya—”

“Sasabay ka sa Kuya mo, o maglalakad ka?” Tanong nito na ikinatahimik ko.

Kung hindi lang sana malayo yung University mula dito sa bahay, maglalakad lang talaga ako!

Tumayo si Mama. “Tapusin mo na yung assignment mo sa kusina at magluluto pa ako ng hapunan.” Anito at naglakad palabas ng kwarto.

“Sam, masakit pa ba ang bukol mo?” Biglang tanong ni Kuya nang tuloyan ng makalabas si Mama. “Nadaanan kasi kitang natutulog sa kusina kanina, kaya kinaladkad nalang kita papunta dito sa kwarto mo” anito na ikinanganga ko. “Pasensya na at nagkabukol ka…bunso” Humahagikhik ito ng tawa habang patakbong lumabas ng kwarto ko.

K-kinaladkad!?

“Walang hiya ka talaga, Kuya!” sigaw ko sa kaniya.

Kaya pala nagkabukol ang ulo ko.

𝗕𝗨𝗡𝗢𝗦 𝗖𝗟𝗜𝗣

Tahimik na naglalakad si Cloud papasok ng kusina, bigla kasi siyang nauhaw--. Kaagad siyang napatakbo ng wala sa oras nang makitang malalaglag na si Sam mula sa kinauupoan nito.

Nasalo niya ito, pero medyo tumama ang ulo sa dulo ng mesa.

“Bakit ka kasi natutulog ditong duwende ka?” Iritadong tanong nito sa mahinang boses.

Nabagok na kasi ito’t lahat-lahat, pero hindi parin nagigising. Kaya buung ingat niya itong binuhat at dinala sa kwarto nito.