Chapter 9-Si Charlie

Thea’s POV

An hour earlier…or maybe just thirty minutes ago… 😊

“Uy Alethea, bilisan mo nga lang ang paglalakad. Napakabagal mo. Lalo ka nang tatanghaliin niyan eh.” Narinig kong wika ni Tiya Marga pagkababang-pagkababa namin ng traysikel. Nasa harap na kami ng munisipyo.

“Opo, Tiyang,” sagot ko naman habang tila binibilang ang mga hakbang na sumunod ako sa aking tiyahin. Ang totoo niyan ay sinasadya ko talagang bagalan ang lakad. Hindi kasi talaga ako handang harapin ang lalaking iyon. Kung maaari nga lang talagang wag ko nang makita ang supersungit. Kaya ayun tuloy, ang bigat ang mga paa ko.

“Tiya Marga, pwede po bang mauna na kayo. Mag si-cr lang po ako,” mayamaya ay sabi ko rito saka huminto sa paglalakad.

Huminto din ito at salubong ang mga kilay na tinitigan ako. Kamuntik na akong mapalumpihit sa kinatatayuan. Para kasing nababasa nito ang iniisip ko eh. Nagbaba tuloy ako ng tingin. Baka kasi malaman nitong talagang nais ko lamang pabagalin ang muling paghaharap namin ni supersungit.

“Sige. Basta bilisan mo lang. Mauuna na ‘ko sa opisina ni Mayor,” anito pagkaraan ng ilang saglit. Nagpatuloy na ito sa pag-akyat sa ikalawang palapag ng building. Malakas akong napabuga ng hangin.

Hindi naman talaga ako nasi-cr pero syempre nagpunta na rin ako roon para naman hindi masabi ng konsyensya ko na nagsisinungaling ako. Gusto ko lang namang mag-ipon ng lakas ng loob. Bago pa nga lumabas ng cr ay pumikit ako at nag-ipon ng hangin sa baga. Baka kasi maubusan ako ng hangin sa pagharap kay supersungit. Tila pa naman bumibilis ang tibok ng puso ko at parang kinukulang ng hangin ang baga ko kapag nakikita ang lalaki. Haist!

Paglabas ko ng cr ay muntik na akong mapatili sapagkat may munting nilalang na makapal ang balahibo ang umiikot-ikot sa paanan ko. Nakiliti pa nga ko nang dilaan nito ang binti ko. Saglit akong nanigas pero nang makita ko ang nilalang ay napalitan ng tuwa ang takot ko sapagkat pagka-cute-cute ng brown na aso na patuloy na umaali-aligid sa paanan ko.

Hindi ko nakatiis. Binaluktot ko ang mga tuhod ko upang makapantay ng aso.

“Hey, cutie-cutie. Ang ganda-ganda mo naman,” kausap ko rito. Hindi talaga ako makatiis. Hinaplos-haplos ko ang makapal at pagkalambot-lambot nitong balahibo.

“Are you lost? Sinong may-ari sa’yo?” bulong ko rito. At dahil nakiliti sapagkat dinilaan nito ang mukha ko ay napahagihik ako.

“Hmm, looks like he likes you,” anang tinig mula sa likuran ko. Mabilis akong napalingon at napatingala sa pinagmulan niyon. Ilang beses akong napakurap. Hinding-hindi ko malilimutan ang mukhang iyon na bagaman may edad na ay bakas pa rin ang kaguwapuhan.

Matangkad at nakapolo lamang na puti at maong na pantalon at may native sombrero sa ulo na salungat naman sa millennial nitong get up ngunit bumagay naman. Tila teenager ang dating mayor ng Santo Cristo na si Mayor Hernando del Valle.

“G.. good morning po Mayor Ando,” agad kong bati rito sabay tayo at pagpag sa nalukot kong bestida. Actually, gusto ko lang naman na macompose ang sarili ko. Tulad ng dati nakaka-intimidate pa rin ang personalidad ng dating mayor pero sa totoo lang napakabait nito.

“Natutuwa ako’t nakikilala pa rin ako ang mga millenials kahit na madalang na akong lumabas nitong mga huling taon.” Nakangiti ang matanda sa’kin. Halatang siyang-siya nga ito sapagkat nakilala ko.

“Hinding-hindi ko po kayo malilimutan Mayor dahil isa po ako sa mga nabigyan ninyo ng pera,” tuwang-tuwang sabi ko.

Napatigil ang matanda at tinitigan ako nang husto. “I hope hindi dahil sa binili ko ang boto mo.”

“Ay hindi po, Mayor. Hindi naman po kayo bumibili ng boto. Hindi n’yo naman po kinailangang gawin ‘yon dahil sadyang mahal po kayo ng mga tao.”

Pagkarinig sa sinabi ko ay lalong lumuwang ang ngiti ng matandang mayor. Halatang nagustuhan nito ang aking winika.

“Graduation po noon at ako po ang valedictorian. Ang gift po ninyo sa’kin at doon sa salutatorian ay sobre. Ang laman po ng sa’kin ay isang libo. Sobrang tuwa ko po talaga noon, Mayor. Na-inspire po kami nang sobra sa mensahe ninyo. Isa po kayo sa mga naging inspirasyon namin upang magtapos ng pag-aaral.”

Siyang-siyang nakatitig sa’kin ang matanda.

“Valedictorain huh, sabi ko na nga ba’t sa unang tingin ko pa lamang sa’yo ay alam kong may laman ‘yan.” Tinuro pa talaga nitong ang ulo. “Pinasaya mo ako sa sinabi mong ‘yan, hija. Ang ibig ba’ng sabihin niyan ay degree holder ka na ngayon?”

“Opo, Mayor. IT po ang tinapos ko. Information Technology po.”

Tuwang-tuwang tumango-tango ang matandang dating mayor. Naglakad na ito patungo sa hagdan. Sumunod na rin ako dito. Habang patuloy na dumidikit sa binti ko ang balahibo ng aso nito. Lalo na akong natuwa nang sa’kin ito sumunod at hindi sa matandang mayor.

“Hm, he really likes you. His name is Charlie.”

“Ay!!! Pati pangalan mo, ang cute. Charlie!” Malambing na tawag ko sa aso. Sinagot naman ito ng maraming tahol. Binilisan ko ang pag-akyat sa hagdan. I wanted to know kung susundan ako nito. Natawa ako nang malakas nang binilisan din nito ang pag-akyat upang sundan ako hanggang makarating sa ikalawang palapag.

At dahil sa sobrang tuwa ay muli kong binaluktot ang tuhod upang makapantay nito. Naiatras ko ang mukha nang dilaan nito. Lalo nang napalakas ang tawa ko.

“You really like me huh! I like you, too,” bulong ko rito.

“Saan ba ang punta mo, hija?” tanong ni Mayor Ando na abot-tainga ang ngiti.

“Sa office po ni Mayor, Mayor, este Mayor Ando,” natawa ako sa mga sinabi ko. Panay mayor yata ang laman ng mga iyon. Hindi naman nakatakas sa matanda. Natawa rin ito.

“Nakakatawa nga at nakakalito pa na mayor na ang aking apo, mayor pa din ang tawag sa’kin. So you better call me Lolo Ando, hija,”

Saglit akong natigilan ngunit hindi ko na lang pinahalatang ngayon ko lang napag-isip-isip na malamang kaanak niya si supersungit. Pareho silang Del Valle at naghuhumiyaw ang kanilang family resemblance. Halatang-halatang pinagpala ang kanilang lahi.

“Hindi po, Mayor. Okay lang po na Mayor ang tawag ko sa inyo. Ang taga-tagal n’yo pong naging mayor ng bayang ito eh. Tsaka nakakahiya po.”

“Alin ang nakakahiya? Ang tawagin akong Lolo?” taas ang mga kilay na mistulang na-offend si Mayor Ando.

“Ay syempre hindi po ‘yon, Mayor. Pero sige po, Lolo Ando. Mas gusto ko nga pong ganun ang itawag sa inyo. Wala naman po kasi akong Lolo. Hindi ko na siya inabutan. Sumama po agad siya kay Lord.”

Dinaan ko na lang sa pagpapatawa ang pagkabigla. Nag-alala ako na baka ma-offend nga ang matanda. Sabi nila medyo nagiging sensitive na raw kapag tumatanda na. Pagtayo ko ay karga-karga ko na si Charlie na mistulang gustong-gusto naman ang ginawa ko. Panay ang dila nito sa mukha ko dahilan kung bakit napapahagikhik ako.

“Ganun talaga ang buhay. Pag sinundo na tayo ng May Likha, wala nang magagawa kung hindi ang sumama.”

"Oo nga po. Pero just in case, wag po muna kayong sasama. Ngayon lang ako nagkaroon ng Lolo eh, baka maunsyami pa," wala sa isip na sagot ko. Nagulat na lang ako nang biglang bumunghalit ng tawa ang matandang mayor. Thank God nakabawi ako. Akala ko talaga ay na-offend na ito eh.

"Nakakatawa kang bata ka. Ano nga pala ang pangalan mo, hija?" tanong nito matapos humupa ang malakas na tawa.

"Thea po. Alethea Angeles po, Mayor... ay Lolo Ando po pala."

"Well, Alethea, bilisan mo at baka umalis ang apo ko sa opisina niya pareho nating hindi maabutan." Pagkasabi niyon ay niliksihan na nga nito ang paglalakad kaya naman ganun na rin ang ginawa ko. Habang hindi ko malaman kung matutuwa o lalong madidismaya dahil apo pala niya ang lalaking iyon.

*****