CHAPTER 17
Maaga akong gumising dahil may pupuntahan akong mahalaga ngayong araw. Nagluto ako ng babaunin ko at tsaka naligo. Tulog pa naman si Sky at yung mga bata kaya lumabas ako ng naka twalya dahil sa kwarto na ako mag-aayos.
Sinuot ko ang pinaka makulay kong dress. Habang nag-aayos naman ako ng buhok ko ay narinig kong gising na ang mga bata at pati na rin si Sky. Naglagay muna ako ng kaunting make up bago ko kunin ang shoulder bag ko at lumabas ng kwarto.
Dumiretso ako sa kusina pero ramdam ko na nakatingin sa akin si Sky habang may kausap sa phone, mommy nya. Narinig ko na pinag-uusapan nila yung triplets, wala atang magsusundo tapos may duty ata si Sky kaya hindi niya alam kung mahahatid niya ba.
"Walang magsusundo?" Tanong ko nang matapos ang tawag.
"Yeah, kaya namomoblema ako kung paano." sagot nya.
"Gusto mo..." Hindi ko na tinuloy ang sasabihin ko nang maalala yung nangyari kagabi.
"Wala... sige alis na ako."sabi ko sabay kuha ng lunch box na dadalhin ko.
Ramdam ko na sinundan nya ako ng tingin hanggang sa makalabas ako ng pinto.
Nagcommute lang ako papunta sa pupuntahan ko. Hindi sobrang init at hindi rin naulan, kaya sakto lang ang panahon.
Nang makarating ako ay bumili muna ako ng bulaklak sa malapit na flower shop bago naglakad papasok.
"Ma, pa... nandito na ako, may dala akong pagkain." sabi ko habang nilalatag ang dala kong kumot na maliit sa gitna nilang dalawa.
Pagkalatag ay nilapag ko na rin ang bulaklak sa may puntod nilang dalawa tsaka ako umupo at inilabas ang pagkaing dala ko.
"Ang ganda ng araw ngayon no ma at pa, bagay sa suot kong dress..." panimula ko.
"Ma... Pa... kasal na ako. Hindi niyo siya kilala pero mabait, hindi nga lang ako mahal, pero mabait yun." Napayuko ako habang sinasabi yun.
"Ang hirap... ang hirap nga lang kasi... mahal ko sya eh." Napapunas ako ng luha ko.
"Pero ma pa, 'wag nyo syang sisihin at 'wag kayong magagalit sa kanya ah, kasi ginusto ko rin naman 'to tsaka hindi naman niya kasalanan na hindi niya ako mahal."
"Masakit lang... minsan." natawa ako habang umiiyak.
"Hindi man ako aware, pero alam ko hinintay ko sya, hinintay ko kung totoo yung sinabi nya noong prom. Kaya siguro never din akong nagkaroon ng interes sa iba."
Pinunasan ko na ang luha ko at tumigil na sa pag-iyak.
"Pero kung nandito kayo... magugustuhan nyo sya, promise."
"Tsaka sya yung nagpaalala sa akin sa pagkanta na matagal ko nang nakalimutan..."
"Siguro kung hindi kayo nawala, baka yung pagkanta yung pinursue ko."
"Pero okay lang, okay lang naman ako sa trabaho ko ngayon."
"Okay ako kaya 'wag kayong mag-alala, enjoy lang kayo dyan sa heaven."
Binuksan ko na rin ang dala kong lunch box at nagsimulang kumain. Medyo masakit nga sikmura ko kasi hindi ako nakakain ng lunch at dinner kahapon, kaya parang kumikirot ang tiyan ko. Madalas din ako nalilipasan ng gutom lalo kapag nagtatrabaho ako, madalas nakakalimutan ko kumain dahil gusto kong matapos agad yung ginagawa ko. Tapos kapag may oras, tinatamad naman ako magluto, kaya nga puro instant lang pinamimili ko kasi kapag pagod na ako, tinatamad na ako magluto. Buti nga noong kasama ko si Stella lagi akong nakain kasi lagi syang nag-luluto ng ulam at kanin na abot na hanggang tanghalian tapos kapag gabi minsan may uwi syang pagkain.
Nagluto ako ng spicy noodles, nilagang itlog, at may dala rin ang strawberries.
Biglang tumunog ang phone ko, nakita ko na tumatawag ang ate ko, hindi ko sinagot at pinatay ko ang data ng phone ko.
Pagkatapos kumain ay nag-stay pa ako ng saglit bago magpaalam kala mama at papa.
"Hindi ko na muna sya ipapakilala sa inyo, baka mag-expect lang din kayo." biro ko sabay tawa ng saglit.
"Okay lang ako ma at pa, kung iiyak man ako, hayaan nyo dito ulit ako pupunta sa inyo." sabi ko.
"Babye na... miss ko kayo araw-araw. Mahal ko kayo." paalam ko sa kanila.
Alas dos pa lang ng hapon kaya pumunta muna akong mall para manood ng sine at kumain. Linggo naman kasi at ayaw ko munang umuwi ng bahay.
Horror at romance ang showing kaya ang pinili ko ay horror. Pagkatapos bumili ng ticket ay bumili muna ako ng pagkain, ngayon ang oras na makakakain ako ng marami kaya bumili ako ng bucket fries, malaking burger, popcorn, at milktea para sa drinks.
Pagkapasok ko ng sinehan ay wala pang tao, pero maya-maya ay nagsipasukan na rin at puro magtrotropa at magkakarelasyon. Ako lang ata ang solo na manonood tapos nasa bandang gitna pa ako.
Nang matapos ang movie lumabas na ako, naubos ko rin ang binili kong pagkain kaya siguro medyo kumirot ang tiyan ko sa busog.
Pagkauwi ko ay wala na ang mga bata at si Sky, baka nag-straight duty sya kaya baka mamaya pang ten ng gabi makauwi yun. Naligo muna ako bago ako pumasok sa kwarto at humiga, medyo kumikirot pa rin kasi ang tiyan ko kaya hindi na ako kakain.
*
Nagising ako na kumikirot pa rin ang tiyan ko, napatingin ako sa orasan at nakita ko na alas dos na ng madaling araw. Lumabas ako ng kwarto para uminom ng tubig pero parang mas sumakit pa.
Naisip ko na lang na itulog, baka bukas wala na 'to.
Pero mali ako, dahil kahit paggising ko ay kumikirot pa rin kaya napagdesisyunan ko na pumunta na ng hospital para maresetahan ako.
Alas otso na ng umaga kaya wala na si Sky, sa pagkakaalam ko kasi may rotation sila at ngayon ay puro pang-umaga sya. Nagpilit akong kumain ng tinapay at uminom ng hot choco para may laman ang tiyan ko, pakiramdam ko kasi ulcer 'to.
Nagpaappointment ako bago ako pumunta kaya mga nine na ako ng umaga umalis ng bahay dahil ten ang clinic schedule ng internal medicine doctor na nakuha ko. Habang nasa jeep ay biglang may tumawag at nasagot ko iyon ng walang tingin-tingin kung sino dahil iniintindi ko ang kirot ng sikmura ko.
"Hello?" sagot ko.
"Hello, nasa Pilipinas na kami, nandito na kami sa hotel. Sinundo nga pala kami ng asawa mo, sya rin naghatid sa amin dito sa hotel..."
"Send mo sa akin location nyo." Nanghihina kong sabi.
Binaba ko na ang tawag at hinintay ko na lang na i-send nya ang location..
Bumaba ako sa jeep at pumara ng taxi para pumunta sa location na sinend nya.
Pagkadating ko sa hotel ay dumiretso na ako papunta sa room nila. Nang makarating ako ay pinagbuksan nila ako ng pinto. Hindi ako makasalita agad kaya si ate ang nagsalita.
"Tinatawagan ka namin pero hindi ka sumasagot kaya sa asawa mo na kami tumawag. Sya pa nga nagbayad ng hotel na 'to, ang bait pala kaya maswerte ka sa napangasa---"
"Bakit... Bakit!!" sigaw ko habang umiiyak.
"Bakit.. babalik kayo na parang wala lang nangyari... tapos tatawagan nyo pa asawa ko na parang may pake kayo noong kinasal ako!"
"Wag nyo na... ulit... gagawin 'to. 'Wag na kayong... umasta na... parang nandyan kayo buong buhay ko..."
Lumabas na ako na nanghihina dahil sa inis at sa sakit ng sikmura ko, pero bago ako umalis ay tinanong ko muna sa front desk kung magkano ang room ng mga kapatid ko at kung ilang araw sila magchecheck-in. Pagkatapos ay pumunta ako sa malapit na ATM machine para mag-withdraw.
Dumiretso na rin ako sa hospital pagkatapos, aabot pa ako sa schedule ko pero dumaan muna ako sa nurse station ni Sky.
"Sky..." Tawag ko sa kanya.
Agad siyang lumapit sa akin at pumwesto kami sa may window.
"Are you okay? you look pale."
Hindi ko siya sinagot at iniabot na lang ang sa kanya ang pera.
"Para saan 'to?" nalilitong tanong nya.
"Bayad sa hotel room ng mga kapatid ko." nanghihina kong sagot.
"Hindi na kailangan, family mo naman sil--"
"Akala ko ba walang pakealamanan? Nirerespeto ko iyon kaya sana ikaw din." sabi ko sabay talikod na dahil nanghihina na ako para makipag-away pa.
Nang malapit na ako sa elevator, iba na ang naramdaman ko at parang umiikot ang paningin ko...
"Cordelia!!' boses ni Sky ang huling narinig ko bago ako tuluyang nawalan ng malay.