Kabanata 53
“Puwes walang kasiguraduhan ang sinasabi mo kaya't dapat siyang mamatay!” Sa isang kisap-mata ko lang ay siya ring paglalabanan nilang dalawa.
Pilit na inilalayo ni Steffano sa akin ang taong-lobong iyon, ngunit masiyadong pantay ang lakas nilang dalawa. Wala akong nagawa kundi ang lumuha at panooring nakikipagpatayan ang dalawa sa isa't isa.
“Tama na!” sigaw ko ngunit parang bingi ang dalawa.
Halos nagkagutay-gutay na ang suot na tuksedo ni Steffano. Sira na ang pinapangarap kong kasal! Halos hindi ko na makita kung paano magpatayan ang dalawa dahil sa nanlalabo kong mga mata.
“... aah!” biglang daing ko at napahawak sa aking tiyan. May kung ano sa loob ko ang pilit na kumawala.
“... aah!” muling hiyaw ko at napaluhod na sa sobrang sakit.
“Catherine!” Narinig kong tawag sa akin ni Steffano ngunit abala ang pandama ko sa sobrang sakit at kirot ng aking tiyan. Napahiyaw akong muli at tuluyang naitukod ang mga kaamay ko sa lupa.
”... aah!” maluha-luha kong daing at hiyaw sa kawalan.
Namilog ang aking mga mata ng mapuna kong humaba ang mga kuko ko. Ang kulay gintong mapusyaw kong buhok ay naging kulay itim muli ngunit mas humaba ito. Ang tangkay ng itim na rosas na nakamarka sa aking kamay ay umakyat sa mga braso ko. Pakiramdam ko'y maging ang mga mata ko'y nagbago rin dahil kahit ang langgam na nasa lupa ay kitang-kita ko ng malapitan, maging kung ano ang itsura nito.
“... aah!” muli kong hiyaw.
Pakiramdam ko'y parang may kumokontrol sa akin at mukhang ang anak kong si Cereina ang dahilan ng pagbabago ko ng anyo. Mariin akong napakagat ng labi. Nasugatan ito dahil sa aking pangil. Napatayo ako at pasuray-suray na lumakad palapit sa puwesto ni Steffano. Nakita kong ibinalibag niya ang taong-lobo at tumama ito sa malaking bato. Dinaluhan ako ni Steffano at hinawi ang ilang hibla ng buhok ko sa mukha.
“Mahal ko, naririnig mo ba ako? Catherine!” ungol lang ang naitugon ko.
Gustuhin ko mang tumugon ngunit hindi ko magamit ang aking dila.
“Hangal ka Zoldic! Nagsisimula na ang propesiya!” ani ng taong-lobo.
Akmang susugod itong muli kay Steffano ngunit biglang gumalaw ang kaliwang kamay ko at sinalubong ito nang sakal. Sobrang galit ang nararamdaman ko ngayon. Galit at uhaw! Ngunit hindi ako ang kumukontrol sa aking katawan, kundi ang aking anak.
“Catherine!” Bumaling ako kay Steffano. Napalunok ako at binasa ang aking labi.
“Nagugutom siya, wika ko.
“Huwag siya, mahal ko. Cereina huwag siya!” ani Steffano.
Bumaling ako sa taong-lobo na hawak ko pa sa leeg.
“Layuan mo ang anak ko!” wika ko.
Marahan naman itong napatango. Niluwagan ko ang pagkakasakal ko sa kanya. Pasumandali pa itong sumulyap sa amin bago tuluyang umalis.
“Catherine...” pukaw sa akin ni Steffano.
Bumaling ako sa kanya at kusang bumagsak ang katawan ko sa lupa. Agad niya akong dinaluhan at isinandal sa malaking puno.
“Babalik ako... aniya at dinampian ng halik ang aking noo. Nang makaalis ito'y wala sa sarili akong gumapang hanggang sa umabot ako sa may bangin. Gusto ko ng hangin.
“Catherine...” Nilingon ko si Steffano.
Lumapit siya sa akin at kinarga ako. Umupo siya sa malaking bato habang nakakandong ako sa kanya. May kinuha siya sa gilid ng malaking bato at ibinigay sa akin. Isang batang usa. Bigla akong nakaramdam ng uhaw. Agad ko itong hinablot sa kanya at sinakmal ang leeg niya. Ito ang panghuling beses na nakainom ako ng dugo dahil sa anak ko. Natuyo ang usa dahil sa ginawa kong pag-ubos ng dugo nito. Unti-unting bumalik sa ayos ang itsura ko, maging ang kay Steffano rin. Ngunit nakaramdam ako ng kakaiba sa aking tiyan. Diyos ko! Ngayon ko tuloy nalasahan ang nainom kong dugo ng hayop. Naduwal ako at isinuka ang dapat na gusto kong maisuka. Hinayaan lang ako ni Steffano. Kusa rin naman akong tumigil sa pagsuka at bahagyang gumaan din naman ang pakiramdam ko.
“Iyong kasal natin...” paalala ko pa sa kanya. Ngumiti lang ito at tumayong muli.
Kinarga niya ako at muli nang lumakad.
“Iyong kasal... wika kong muli.
“Hayaan mo silang maghintay... aniya at may kunting ngiti ang sumilay sa mga labi nito.
“Pilyo...” nakangiting kumento ko naman.
Dinampian niya lamang ako ng halik sa aking labi. May kalayuan din ang kinaroroonan namin sa simbahan ngunit gaya nga ng sabi niya ay hayaang maghintay ang mga bisita. Makalipas ang isang oras na lakaran niya habang karga ako'y hindi ko man lang narinig sa kanya ang pagod. Sabagay, hindi naman talaga sila nakakaramdam ng ganitong mga bagay.
“Lalabas na siya mamaya.” Bahagya niya pa akong kinarga ng maayos.
“Sino?” nakakunot-noo ko pang tanong.
“Si Cereina...” Sa pagsambit niya ng pangalan ng anak namin ay sa isang iglap, narating namin ang simbahan. Marahan niya naman akong ibinaba. Napatungo ako at napayapos sa aking tiyan.
“Natatakot ako...” Hinawakan naman niya ang aking kamay at masuyo itong pinisil ng marahan.
Masiyado itong ingat na ingat sa akin dahil alam niyang hindi ako kagaya niya. Para sa kanya ako'y isang babasaging bagay na dapat ingatan.
“Hindi ako aalis sa tabi mo.” Ramdam ko ang kasiguraduhan sa kanyang sinabi. Napatango lang ako at napangiting kunti.
“Diyos ko!” narinig ko pang sambit ng tiyang Nely.
Nahihiya akong napangiti. Ngayon ko lang napunang nasa labas ang mga bisita namin at halatang gulat ang mga itsura. Si Mocha ay napamaywang lang at pinapasok na ang mga bisita sa loob. Si Zairan naman ay napailing ng kanyang ulo at bahagyang napangiti. Nakakatuwang isipin na sa kabila nang nangyari sa pagitan naming dalawa ay hindi ito nagdalawang-isip na dumalo sa kasal namin. Natuon ang atensyon ko kay Mama. Napatampal ito sa kanyang noo at pilit na pinakakalma si tiyang Nely. Marahan akong napahagikhik.
“Natuwa ka pa talaga, bulong naman sa akin ni Steffano.
Paano naman ako hindi mapapatawa. Nagkagutay-gutay ang mga damit namin. Idagdag mo pa ang magulo kong buhok na akala mo'y takas ako sa mental at mapagkakamalang baliw. Maging ang kolorete ko sa mukha ay alam kong nagkalat ito at lalabas na mukha akong may sanib. Si Steffano naman, pang-itaas lang ang medyo may sira sa kanya. Bahagya pa nitong sinuklay ang kanyang buhok gamit ang kanyang kanang kamay.