Kabanata 47
Nakakatakot siya kung magalit. Ang maamo nitong mukha ay napalitan ng isang mabangis na nilalang. Naging pula ang mga mata nito, maging ang mga kuko ay humaba. Maging ang kanyang buhok ay nag-iban ng kulay.
“Mattheaus!” Narinig ko pang pagtawag ni Steffano sa kanya.
Napabitaw ito sa aking leeg kaya't napaubo ako ng matindi.
“Mamatay ka!” biglang singhal nito at akmang itatarak sa akin ang punyal, ngunit bago pa man ito maitarak sa akin ay naibalibag na siya ni Steffano at tumama sa pader.
“Catherine...” Bakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala.
Walang kahirap-hirap nitong tinanggal ang solidong kadena na nakatali sa akin. Nang matanggal ang mga ito ay agad ko siyang niyakap at napahagulhol ng matindi. Natatakot ako ng sobra! Maging ang aking mga tuhod ay nanginginig pa sa tindi ng takot. Narinig naman namin ang malutong na pagpalakpak nito.
“Nakakaiyak na eksena ngunit nakakasuka!” ani Mattheaus.
Napaangil si Steffano sa kanya.
“Magtigil ka Mattheaus!” ani Steffano at itinago ako sa kanyang likuran.
Para naman akong batang paslit na napapakapit sa damit nito. Nakakatakot man ngunit anong magagawa ko para makalayo rito. At isa pa'y narito si Steffano at hindi ko maaatim na iwanan ito.
“Pedicabo ego vos!” galit na sagot ni Mattheaus.
“Hangal!” ani Steffano at biglang inatake ang kanyang kapatid.
Nagpalitan ito ng mga suntok. Palitan nang pagbalibag sa kung saan-saang sulok. Hindi ko alam kung mamamangha ba ako o matatakot sa nakikita ko. Pareho silang malakas! Pareho rin silang dalawa na walang natamong galos kahit matindi na ang mga binibitawang suntok ng bawat isa.
“Siya ang pagbabayarin ko sa ginawa mo sa akin!” ani Mattheaus habang nakikipagpalitan nang suntok kay Steffano.
“Tama na!” sa wakas ay sambit ko.
Pareho silang dalawa na napalingon sa akin at parehong lumayo sa isa't isa. Ngunit ang akala ko'y naawat ko na silang dalawa, nagkamali ako. Sa isang kisap ng aking mga mata ay siyang paglitaw ni Mattheaus sa aking harapan. Hindi ko napaghandan ang naging pag-atake niya kaya't imbes na makaiwas ako'y sinalag ko ito gamit ang aking kanang kamay. Tumagos sa palad ko ang punyal na hawak niya at hindi ko kayang pigilan ang matinding lakas nito.
“Ahh!” daing ko.
Sobrang kirot at hapdi ang nararamdaman ko habang nakatarak sa aking palad ang punyal.
“Mattheaus!” galit na sunggab ni Steffano sa kapatid niya.
Mabilis niya itong nahawakan sa batok at ibinalibag sa lupa. Halos bumaon ito sa lupa dahil sa tindi ng mga suntok na natatanggap niya kay Steffano. Nagimbal ako sa pagbabago ng anyo niya. Ang mga kuko nito'y mas lalong humaba! Maging ang buhok nito'y umabot hanggang dibdib. Nagbago din ang kulay ng kanyang buhok. Kung dati ay itim ito, ngayon ay nagkulay puti ito. Hindi lang siya isang simpleng bampira, kundi isang halimaw na bampira.
“Ugh!” ungol nito ng pagkalakas.
Natatakot man ngunit napatakbo ako sa kanya at niyakap siya ngunit wala na ito sa huwisyo. Tinabig niya ako at tumilapon sa sementong altar. Napapakit ako ng mariin.
Pakiramdam ko ay may nabaling mga buto sa akin. Ngunit hindi ko siya dapat hayaang lamunin ng kadiliman. Gumapang akong muli palapit sa kanya at buong lakas kong hinarang ang aking sarili sa kanya. Akmang sasakmalin niya ako ngunit natigilan ito.
“Mahal ko, tama na!” mangiyak-ngiyak kong sambit.
Wala ng malay ang kapatid niya at halos nakabaon na ito sa lupa, ngunit hindi ko hahayaang mapaslang niya ito. Umangil ito sa akin ngunit hindi ako natakot. Agad ko siyang niyakap ng mahigpit.
“Tama na, pakiusap! H-hindi na ikaw 'to Steffano,” umiiyak kong pakiusap.
Biglang kumalma ang paghinga nito at bumalik sa kanyang normal na anyo.
“Catherine...” mahinang usal nito.
Hinaplos ko ang kanyang mukha gamit ang isa kong kamay.
“Tama na...” Napatango ito at kinarga ako.
“Patawarin mo ako kung nasaktan kita.” Nailing ako.
“Wala ka sa sarili mo kaya naiintindihan ko.”
Napatitig ito sa duguan kong palad. Bakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala sa akin.
“Gagaling din ito, nakangiti kong wika.
Dinampian niya ng halik ang noo ko. Nagsimula na siyang lumakad habang karga ako sa mga braso nito.
“Kuya!” Nahinto si Steftano sa paglakad.
“Kung gusto mo ng mga sagot, alam mo naman ang daan pauwi sa bahay,” ani Steffano at nagsimula nang lumakad muli.
Napangiti ako at inihilig ko ang aking ulo sa kanyang dibdib. Ang akala ko'y lalabanan niya itong muli ngunit naging kalmado lang ito. Aaminin ko, natakot ako sa nangyari kanina ngunit napalitan ito ng tuwa. Masaya ako dahil hindi napaslang ni Steffano ang kanyang kapatid. Hindi ko man alam ang totoong ugat ng alitan nila ngunit alam ko, balang araw ay masasagot din ang mga iyon.
Matiwasay kaming nakauwi ng bahay ni Steffano at heto kaming dalawa sa aking silid. Ginagamot niya ang aking sugat at hindi ko mapigilan ang mapadaing dahil sa sobrang hapdi at kirot.
“B-bakit... Aray! Hindi gumagaling 'to... Aray!” Binawi ko ang aking kanang kamay ngunit inawat niya lang ako.
Patuloy pa rin kasi ito sa pagdurugo at kitang-kita ko ang pagkabutas nito ng bahagya dahil sa patalim. Mukhang kakaiba nga ang patalim na iyon.
“Malikot ka... aniya at dinilaan ang palad ko. Napanguso ako.
“Kailan pa naging pamalit sa bulak ang dila mo?” pabiro ko pang sabi.
“Ngayon lang...” sagot niya sa pagitan ng kanyang pagdila sa aking kamay.
“Masiyadong mabigat ang kadena at kailangang luwagan.” Napakunot ako ng aking noo at napaawang ang aking labi.
“Ha? Anong... Kadena!?” gulat ko pang tanong at bahagya akong nakaramdam ng takot.
“Hmm...” tanging tugon nito.
Binawi ko ang aking kamay. Naiinis ako sa pagpapaligoy nito.
“Ano ngang kadena ang tinutukoy mo!” Hinila niyang muli ang aking kamay.
“Devolvat invisibilis torquem, biglaang bigkas nito.
Namilog ang aking mga mata ng biglang lumitaw ang mga kadenang nakakabit sa mga kamay ko, maging sa mga paa ko'y may kadena ring nakatali. Sinundan ko pa ng tingin ang kadenang nakakabit sa akin. Napakahaba man ngunit hindi ito palalagpasin ng aking mga mata. Laking gulat ko ng kumunektado ito kay Steffano. Gaya ko ay nakakadena rin ang kanyang mga kamay at paa.
“P-paano?” Gulat na gulat ako sa nakita ko.
Ang dati'y hinahanap-hanapan ko ng sagot kung saan nanggagaling ang ugong ng kadena, iyon pala'y nakakabit lang ito sa akin.
“Luwagan natin, aniya.
Wala ako sa huwisyo at hindi ko alam kung paano ako magtatanong sa kanya tungkol dito.
“Hmm... Maluwag na, aniya nang matanggal ang kaliwa at kanang kadena.
Malalaki ang mga ito at mabibigat din kung titimbangin ngunit para sa akin ay parang wala naman akong naramdamang bigat sa katawan ko.
“Bakit meron ako nito? Ikaw, bakit meron tayo nito?” tanong ko ng makabawi ako sa pagkagulat.
Hindi ito kumibo at abala pa rin sa paglalagay ng benda sa aking kamay. Nang matapos siya'y ikinabit niyang muli sa akin ang mga kadena.
“Gagaling din yan, mahal ko, aniya at hinaplos ang aking pisngi.