Chapter 47: Kabanata 46

Muli akong napakunot ng aking noo at dahan-dahan na iminulat ang aking mga mata. Tatlong beses din muna akong napakurap bago tuluyang luminaw ang aking paningin. Nagsalubong ang mga kilay ko nang mabatid ko na narito pala ako sa aking silid. Napabuga ako ng hangin. Pakiramdam ko ay napakahaba nang tulog ko. Dahan-dahan kong iginalaw ang aking mga kamay. Bahagya pa akong natigilan dahil may nakapulupot na itim na marka sa aking kaliwang kamay. Mukha siyang tangkay ng itim na rosas at puno ng tinik. Napakunot ako ng aking noo. Kailan ba ako napalagay ng ganito? Wala akong matandaan.

Dahan-dahan ko rin namang iginalaw ang aking mga binti. Namamanhid pa rin kasi ito ng kunti. Kumapit ako sa kama at buong puwersa kong iginalaw ang mga binti ko.

“Ay!” daing ko nang mahulog ako sa kama.

Bahagya pa akong napangiwi ng kunti dahil sa kunting sakit na nararamdaman ko sa aking baywang. Kumapit akong muli sa kama at itinukod ang aking mga kamay upang kumuha ng suporta. Unti-unti kong inihakbang ang aking mga paa hanggang sa nakakaya na ng aking mga binti ang aking bigat. Nang mag-angat ako nang tingin ay natigilan ako nang makita ko ang itsura ko sa salamin.

Tuluyan ng nagbago ang kulay ng aking buhok. Talagang nagkulay gintong mapusyaw na ito. Doon lamang pumasok sa utak ko ang mga nangyari.

“Si Steffano...” naisambit ko dahil sa tindi ng aking pangamba.

Wala akong maalala masiyado sa ginawa naming ritwal. Gusto kong malaman kung nasa ayos ba ang lagay niya. Dahan-dahan akong lumapit sa pinto ngunit bago pa man ako makalapit dito ay bumukas ito at bumungad sa akin si Steffano. Natigilan ako sa nasilayan ng aking mga mata. Puno ng sigla ang mukha nito nang makita ako.

Nagsimula ng mangilid ang aking mga luha sa aking mga mata. Lumapit ito sa akin at agad akong niyapos nang yakap. Mahigpit na yakap din ang itinugon ko sa kanya at pinupog ng halik ang buong mukha nito.

“Buhay ka...” naluluha ko pang wika.

Hindi talaga ako makapaniwalang nabuhay siya ng dahil sa akin.

“Magaling ang kaniig ko...” Namilog ang aking mga mata at marahang napahampas sa kanyang braso.

“Pilyo ka talaga!” sabi ko pa.

Napatawa ito ng kunti at niyapos ng husto ang aking baywang.

“Kumusta ang pakiramdam mo?” Nag-angat ako ng tingin sa kanya.

“Masakit ang buong katawan ko ngunit nakakaya ko naman.” Hinaplos naman ng kanang kamay niya ang aking pisngi at pinadaan ang kanyang daliri sa aking mga labi.

“Nangulila ako sa iyo, tatlong araw ka ring tulog.” Napaawang ang aking bibig.

“T-tatlong a-araw!? Paano na ang huling laro? Hindi ako nakasali?!”

Tila hindi pa ako makapaniwala sa sinabi niya. Tatlong araw pala akong tulog at wala man lang ideya kung ano ang nangyayari sa paligid ko.

“Wala nang laro Catherine.”

Nagsalubong ang aking mga kilay.

“Bakit wala?” taka ko pang tanong.

“Ipinatigil ko ito dahil hindi naman dapat na paglaruan ang mga iyon at alam na rin ng lahat na nagbalik na ako,” paliwanag nito. Napataas ako ng aking kilay.

“Kaya mo naman pa lang ipatigil ang mga buwis buhay na larong iyon, pinahirapan mo ako,” pagtatampo ko pa.

Nakakainis lang isipin na kaya niya palang manipulahin ang taga-pamahala nang laro, pero ang nakapagtataka ay kung bakit hinayaan niya lang ito.

Inakay naman niya ako at naupo sa silyang gawa sa kahoy, matapos ay kinandong ako na paharap sa kanya.

“Hinayaan lang kitang hanapin ang sarili mo.” Napatungo ako at naisandal ang aking ulo sa kanyang balikat.

“Alam mo ba, kung 'di lang ako umibig sa iyo ay siguradong wala akong lakas na lagpasan ang mga ito.”

Gumapang ang kanyang kamay, mula sa aking baywang hanggang mahinto sa aking pisngi.

“Mahal na mahal din kita, Catherine,” sambit nito.

“Kung alam na nila lahat, maging si Mocha at ang... ang kapatid mong si Zairan ay–alam na rin ang totoo.” Tila may lungkot pa akong nadarama.

Inaasahan ni Mocha na buhay pa si Ren, maging si Zairan ay alam na rin ang totoo. Ngunit ang mas inaalala ko ay si Mocha. Masiyado niyang mahal ang aking ina at kahit kailan ay hindi ito nawala sa kanyang sistema.

“Maiintindihan nila iyon,” sagot nito.

Tila baliwala sa kanya ang aking mga sinasabi. Napabuntong-hininga ako. Wala rin namang magbabago kung patuloy akong makakigulo sa kanila. Problemang pamilya ang kinakaharap nila at hindi na ako dapat makialam pa.

“Gusto kong lumabas,” sabi ko pa sa kanya.

Napatango naman ito at inalalayan akong muli. Malapit nang lumubog ang sikat ng araw at gusto ko iyong makita man lang. Inakay niya ako hanggang sa makalabas kami ng bahay. Sumalubong sa amin ang mainit na sikat ng araw habang ito ay papalubog na. Ngunit imbes na sa sikat ako ng araw tumingin ay kay Steffano ko itinuon ang aking mga mata. Nakapikit ito at wari ay dinadama ang init ng araw na dumadampi sa kanyang balat. Nangilid ang aking mga luha. Masaya ako sa nakikita ko, 'di dahil may lungkot akong nadama kundi sobrang tuwa. Kung dati ay halos malapnos ang balat nito kapag nasisikatan ng araw. Ngayon ay mas lumitaw ang pagiging magandang lalaki nito. Napayakap ako sa kanya. Masayang-masaya ako dahil sa wakas ay mamumuhay na ito bilang isang normal na nilalang. Alam ko, sa mata nila'y mapanganib siya ngunit lahat naman ng nilikha ng Diyos ay may karapatan ding matamasa ang isang kapayapaan at maging ang kalayaan nito.

“Mahal na mahal kita,” bulong nito at niyakap ako ng mahigpit. Napangiti ako.

“Mahal din–” Bago ko pa man matapos ang isasagot ko'y pareho na kaming dalawa na tumilapon.

Sa lakas nang pagkatilapon naming dalawa ni Steffano ay halos hindi ko agad naigalaw ang aking katawan habang ako ay nakadapa sa lupa. Nahihilo ako at umiikot ang aking paningin. Pilit kong inaaninag si Steffano. Nakadapa rin ito sa lupa na kagaya ko ngunit may kalayuan ito sa akin.

“Steffano...” tanging naiusal ko bago ako tuluyang mawalan ng ulirat.

Napaungol ako. Kay bigat ng aking pakiramdam. Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata at bumungad sa akin ang isang lalaki. Parang kamukha niya si Steffano. Matangkad din ito at magandang lalaki, ngunit bakas sa mga mata nito ang nag-aapoy na matinding galit.

Umismid ito nang mapuna na ako ay gising na.

“Nagising ka rin.” Namilog ang aking mga mata.

Ang boses niya, siya nga iyong anak at kapatid ni Steffano na naging bisita ng Mama.

Babalikwas na sana ako sa aking pagkakahiga sa animo'y altar ngunit ngayon ko lamang napuna na parehong nakatali ang dalawa kong kamay at mga paa sa solidong kadena. Napuna ko ring nasa loob kami ng bulwagan. Luma na ito kung tutuusin ngunit halatang naalagaan pa naman ang lugar na ito. Para akong nasa isang lugar na kung saan isinasagawa ang isang pag-aalay.

“Pakawalan mo ako!” pagpupumiglas ko.

Napaismid ito at malutong na napatawa.

“Hindi ako ganoon katanga!” Naglabas pa ito ng punyal at mas lalo ko iyong ikinabahala.

Nagsimula nang mamuo sa aking mga mata ang aking mga luha.

“Hindi ko inakalang ikaw pala ang kinahuhumalingan ng aking kapatid.” Pinadaan niya pa ang punyal sa aking leeg at nahinto sa aking dibdib.

“Pakiusap...” Napatawa itong muli ngunit puno ng hinanagpis ang kanyang mga mata.

“Pakiusap? Pinakinggan niya ba ang pagmamakaawa ng pinakamamahal kong kabiyak ng ito'y kanyang paslangin!” Umagos ang mga luha nito. Nailing ako.

“Hindi niya magagawa iyon!” Sinakal naman niya ako at halos mapugtuan na ako ng hininga.

“Hindi mo nakita kung paano siya nawala sa akin! Hindi siya kagaya mo na isang immortal!” Nanlilisik ang kanyang mga mata.