Kabanata 44
“Ikaw ang pag-aalayan ko...” naisambit ko.
Isa pa ito sa bumabagabag sa akin at ngayon ay nasagot na lahat, pakiramdam ko'y nabunutan ako ng napakalaking pasanin sa aking dibdib. Ilang araw ko ring hinanap ang mga sagot sa totoong pagkatao ko, maging ang sa kanila. Hinawakan nito ang aking baba at masuyong hinaplos ang aking pisngi na basang-basa pa ng mga luha ko.
“Binuhay ka para sa akin...” sa wakas ay wika nito.
Buong senaryo itong tahimik lang kanina habang nakamasid sa akin. Napalunok ako dahil kanina pa nanunuyot ang aking lalamunan.
“Kaya ba kakaiba ako dahil sa kanya?” tukoy ko sa aking ina.
Napatango ito at hinapit ako sa aking baywang.
“Kay tagal ko ring hinantay na umayon ang pisikal mong anyo sa edad na bente uno.” Kumunot ang noo ko at nagsalubong ang aking mga kilay.
“Hindi kita maintindihan...” Ngumiti ito ng bahagya.
“Mabagal ang paglaki mo kung kaya't napahaba rin ang paghihintay ko sa iyo. Mamaya, sa pagsapit ng alas-dose ay ang ika-limang daan na kaarawan mo Catherine.”
Napasinghap ako sa aking narinig. Ako? Nabuhay sa mundo ng limang daang taon?!
“Imposible!” hindi makapaniwala kong saad.
“Sa lugar na ito ay walang 'di imposible Catherine. Inilayo kita rito noon at hinayaang mamuhay ng normal. Masakit man sa akin ang malayo ka sa akin ngunit kinailangan kong gawin iyon.” Damang-dama ko ang hinanakit sa mga mata niya.
Alam ko, masakit iyon para sa kanya. Pinagbuwisan siya ng buhay ng aking ina kahit hindi niya ito mahal. Ang masaklap pa roon ay naging kasintahan pa ng aking ina si Zairan.
“Ngunit nasa sa iyo ang pagpapasya Catherie. Kahit kailan ay hindi ko ipipilit sa iyo na tapusin ang nasimulan nating ritwal.” Napaawang ang aking bibig sa itinuran niya.
“Nasimulan mo na? Ngunit paano? Wala akong matandaan na may ginawa tayong ritwal,” tila nagugulahan ko pang sagot.
“Wala kang maalala dahil parte iyon ng ritwal. Sa tuwing ginagalaw kita ay doon ko lamang puwedeng isagawa ang ritwal.” Kumalas ito sa pagkakakapit sa akin.
“Ngayon, bibigyan kita ng karapatang mamili Catherine,” anito at lumabas ng silid.
Napayuko at malalim na humugot ng hininga. Napasandal ako sa pader at pinagmasdan ang replika ko sa harapan ng salamin.
May kunting kirot na namumuo sa aking dibdib dahil hindi ko alam kung mahal niya nga ba talaga ako.
Muli akong napahugot ng malalim na hininga. Binuhay ako upang ialay kay Steffano, ako ang lunas sa pagkakakulong niya sa kadiliman.
Alam ko, noon pa man ay handa akong ialay ang aking buhay kung si Steffano man iyong pag-aalayan ko. Ngunit hindi ko pa rin maiwasang mabahala. Paano kung magaya ako sa aking ina, kay Ren, na inialay ang buhay kapalit ang lunas ni Steffano. Paano kung mawala rin ako sa mundong ito? Para yatang hindi ko kakayanin, pero paano siya? Hindi ko rin naman maaatim na makita siyang nagtitiis sa dilim. Napakuyom ako ng aking kamao. Nasagot na lahat ng mga katanungan ko, maging ang pagkatao ko, kaya nararapat lang na tanggapin ko ang kapalaran ko. Bahala na ang Diyos na magpasya.
Lumapit ako sa salamin at hinaplos ito.
“Mahal na mahal ko siya, ina. Nakakatuwa mang isipin dahil iisa ang lalaking minahal natin ngunit ang pinagkaiba lamang ay ako ang minahal niya ngayon kaysa sa iyo noon. Handa na ako, wika ko sa harapan ng aking replika sa salamin.
Lumabas ako ng silid at naabutan ko itong nakatayo at nakatalikod lamang sa akin.
“Ano ang gusto mo ang itawag ko sa iyo? Cedrick ba o Steffano?” pukaw ko rito.
Lumingon ito sa akin at bahagyang ngumiti.
“Mas gusto ko ang pangalawa,” anito.
Pinahiran ko ang aking mga luha at mabilis na lumakad palapit sa kanya. Agad ko siyang niyakap ng sobrang higpit.
“Mahal mo ba talaga ako?” Ramdam ko ang pagyapos nito sa akin.
“Sobra Catherine, ikaw lang ang unang minahal ko ng ganito.” Pinagdikit ko ang aming mga noo.
“Ikaw na ang bahala sa akin, buong tapang kong sabi rito.
“Hindi ko alam kung anong mangyayari sa iyo.” Bakas sa mga mata nito ang pangamba.
“Kung ito ang kapalaran ko'y tatanggapin ko.” Hinalikan nito ang aking noo.
“Alam kong kaya mo,” aniya.
Muli ko siyang niyakap ng mahigpit.
Paroon at parito ako sa paglakad habang nasa aking kuwarto. Matapos kasi ang tagpong iyon sa ika-apat na palapag ay inihatid akong muli ni Steffano sa aking silid. May gagawin lang daw ito saglit at babalikan niya raw ako ano mang oras ngayon. Kinakabahan ako sa maaring mangyari ngayong gabi.
Napayakap ako sa aking sarili. Hayan na naman kasi ang kadenang kinakaladkad. Nawaglit ito sa isipan ko at hindi ko man lang natanong kay Steffano kung saan galing ang tunog na iyon. Baka may alam siya tungkol dito. Napagawi naman ang tingin ko sa pinto dahil bumukas ito.
“Handa ka na ba?” Napatango ako sa tanong ng aking tiyahin.
Nasa likuran niya ang Mama ni Steffano at wari kanina pa ito umiiyak.
“Handa na ho ako tiyang,” matapang kong sagot.
Inilahad nito ang kanyang kamay at inabot ko rin naman ito. Agad akong niyakap ng aking tiyahin at buong puso ko rin naman itong tinugon. Umiiyak na naman ito at alam kong hindi ko maiaalis sa kanya ang mag-alala sa akin ng husto.
“Hindi man kita kadugo ngunit minahal kita bilang isang tunay kong anak Catherine,” ani tiyang, sapagitan ng kanyang pag-iyak.
“Kahit naman ako tiyang ay ganoon din. Minahal ko po kayo na para na ring totoo kong ina, kaya nagpapasalamat po ako ng lubos sa inyo. Inalagaan niyo po ako ng kay habang panahon at lubos ko po iyong ipinagpapasalamat sa inyo.” Muli itong napahagulhol.
“Ginawa ko lang nararapat Catherine,” aniya.
Alam ko, pareho kaming immortal ni tiyang kaya kahit na ganoon pa man ay pinalaki niya pa rin ako bilang isang normal.
Bumaling ako kay Mama. Ang ina ni Steffano na akala ko noon ay walang kaalam-alam sa mga nangyayari.
“Patawarin mo ako Catherine,” aniya. Nailing ako.
“Wala ho ang dapat sisihin. Kailangang mangyari ang dapat na nakatakda,” sagot ko rin naman. Mapait itong napangiti at niyakap ako.
“Kayanin mo Catherine, gusto kong magkaroon ng apo sa iyo.” Napatawa ako ng kunti sa biro ni Mama.
“Kapag nabuhay po ako, posible po iyon.” Bigla naman itong napaiyak at niyakap ako ng mahigpit.
Hinagod ko na lamang ang likod nito upang maibsan ang pag-aalala sa akin.
“Catherine...” Nilingon ko si Steffano.
“Halika na.” Nangilid ang mga luha ko nang makita ko ang kamay nitong may mga marka na ng lason.
Agad akong lumapit sa kanya at ako na mismo ang humila sa kanya palabas ng bahay.
“Catherine, puwede ka pang umatras.” Natigil ako sa paghakbang.