Kabanata 43
“Manahimik ka! Ito lang ang paraan para mawala iyon! Kailangan mo akong i-alay sa buwan.” Mabilis ko siyang hinila sa ika-apat na palapag at binuksan ang nag-iisang silid na narito.
Bumungad sa akin ang malaking salamin. Isinaboy ko ang aking dugo sa malaking salamin at binuksan ang bintana. Itinapat ko ang salamin sa buwan.
“Ngayon na Nely!” utos ko bago tuluyang mawala ang buwan.
Humarap ako sa salamin. Patawarin sana ako ng pamilya ko ngunit mahal ko si Cedrick ng higit pa sa buhay ko.
Matapos ang ritwal na isinagawa namin ni Nely ay agad naming hinanap si Cedrick.
“Señorita Ren...” malungkot na wika ni Nely sa akin.
“Kaya ko ito Nely. Para sa kanya ito, nanghihina kong sagot.
Pakiramdam ko'y may kung anong nabubuo sa loob ng tiyan ko.
“Señorita Ren! Ang inyong tiyan...” Tila takot na takot pa ito sa biglaang pag-umbok ng aking tiyan. Mapait akong napangiti.
“Siya ang sagot,” ani ko. Napasinghap ito.
“Ikamamatay niyo po iyan!” Tinabig ko siya.
“Wala akong pakialam!”
Nanghihina man ay tuloy pa rin ako sa paglakad. Hanggang makarating kami ni Nely sa lumang bahay na puno ng mga salamin.
“Cedrick!” tawag ko rito.
Nakita ko itong papasok sa lumang bahay. Sumunod kami sa loob.
“Ren...” Kunot-noo ito napabaling sa akin.
“Cedrick!” Agad ko siyang niyakap. Kinalas nito ang pagkakayakap ko sa kanya.
“Ano'ng ginawa mo!?” aniya at sinulyapan ang nakaumbok ko ng tiyan.
“Nilason ka ng kapatid mo at ito ang lunas. Sa oras na bago siya tumuntong ng bente uno ay ialay mo siyang muli sa buwan Cedrick.” Mas lalong kumunot ang noo nito.
“Kabaliwan iyang ginawa mo, Ren!” Napakuyom ako ng aking kamay.
“Oo! Kabaliwan nga ito pero mahal kita!” pag-amin ko sa aking nararamdaman. Bahagya naman itong natigilan.
“Hangal! Alam mong ni minsan ay hindi kita ginusto Ren!” Para akong tinarak ng ilang libong punyal sa aking dibdib.
Napakahangal ko nga para ibuwis ang aking buhay para sa kanya, ngunit mahal ko siya. Akmang tatalikod na ito ngunit pinigilan ko siya.
“Mamili ka Cedrick! Ang mamatay o tatanggapin mo ang lunas!” hamon ko sa kanya.
Habang lumilipas ang oras ay ramdam na ramdam ko na ang nabubuong sanggol sa aking sinapupunan. Tila minu-minuto lang ito kung umumbok ng dahan-dahan.
“Ahh!” hiyaw ko sa sobrang sakit.
Muntik na akong bumagsak, mabuti na lang at maagap si Cedrick sa pagsalo sa akin.
“Mali ito Ren! Kasintahan ka ng kapatid ko.” Nangilid ang aking mga luha.
“Ngunit ikaw ang mahal ko Cedrick,” mapait kong sagot.
“Ren! Ren! Lumabas ka na! Ren!” Narinig naming pagtawag ni Mocha sa labas ng lumang bahay.
“Nely! Magkunwari ka na ikaw si Ren. Humingi ka ng tulong kunwari ngunit huwag kang magpapakita sa kanya. Magkita tayo sa ilog, sa tagong hardin,” utos ni Cedrick.
Agad din namang tumalima si Nely at tumakbo palayo sa kinaroroonan namin.
“Hinayaan mo na lamang sana akong mamatay, walang bahid na pag-aalinlangan nitong ani.
Nailing ako at tuluyan nang naglandas ang aking mga luha sa aking pisngi. Katangahan nga itong nagawa ko ngunit hindi ako nagsisisi.
Kinarga naman nito ako at sa sekretong daanan kami nagtungo. Walang emosyon ang mukha nito. Parang ipinapakita niya talaga sa akin na kahit minsan ay hindi niya talaga ako pinag-ukolan ng pansin.
Simula nang dumating kami sa lugar na ito ay talagang mailag na ito sa akin. Ganoon pa man ay itinuring niya pa rin akong kaibigan. Kaibigang umiibig sa kanya ng sobra-sobra. At hanggang sa huling hininga ko'y kaibigan pa rin talaga ang pagtingin niya para sa akin.
Ngunit hindi ako nanghihinayang dahil kahit ganoon ang nararamdaman nito para sa akin ay masaya pa rin ako. Matagal ko rin siyang nakasama at mukhang mararanasan ko na rin ang sinasabi nilang kamatayan. Minsan ko na rin hiniling sa Diyos, na sana'y naging normal akong tao upang maranasan ko rin ang makapunta sa sinasabi nilang 'Langit'.
Mapait akong napangiti at kumapit ng husto sa batok nito. Napapikit ako ng mariin dahil sa sobrang sakit ng aking tiyan. Pinipigilan ko ang huwag mapahiyaw sa sobrang sakit. Ngunit mas masakit itong pasaning dala ko sa aking dibdib. Maiiwan ko si Zairan na wala namang ginawa kundi ang maging mabuti sa akin. Mariin akong napakapit muli kay Cedrick. Kahit hirap na hirap ako'y pilit kong iminulat ang aking mga mata at matamang pinasadahan nang tingin ang mukha nito.
Ilang oras ko na lamang makikita ang mukhang 'to. Sa oras na isilang ko ang anak ko'y tuluyan na akong mawawala dito sa mundo.
“Cedrick...” mahinang pagtawag ko rito.
“Malapit na tayo, Ren,” sagot nito. Nailing ako't hinawakan ang mukha nito.
“L-lalabas na siya...” Pakiramdam ko'y para akong sasabog.
Napabilis ang pagkilos nito at tuluyan naming narating ang tagong hardin. Marahan niya akong inilapag sa mayabong na damuhan.
“Diyos ko!” Rinig ko pang sambit ni Nely.
Mapait akong napangiti at hindi ko na kayang imulat pa ang aking mga mata. Pakiramdam ko'y para akong isang bulaklak na unti-unting nalalanta. Gusto kong humiyaw sa sobrang sakit ngunit pakiramdam ko'y wala na akong boses na mailalabas pa.
“Ren!” Narinig kong pukaw ni Cedrick sa akin.
Pinilit kong makadilat ng kahit kunti man lang. Ginagap nito ang aking kamay.
“Ced...” tanging naibulong ko.
Bumibigat na ang paghinga ko.
“Hawakan mo siya, Nely!” utos ni Cedrick.
Hindi ko man makita ng malinaw ngunit naaaninag ko ang ginagawa ni Cedrick sa akin. Napapikit akong muli at ninamnam ang tunog nang pag-iyak ng anak ko. Ligtas siya, kaya't oras na para ako'y magpahinga. Tuluyan na akong napabitaw kay Nely at tuluyan na akong nalagutan ng hininga.
Halos ingudngod ko na ang aking mukha sa harapan ng salamin. Kanina pa rin ayaw tumigil ng mga mata ko sa kaluluha. Hindi ako makapaniwalang ang ina ko ay si Ren. Kaya pala ganoon na lamang ang pagkukumpara nila sa akin kay Ren, sa aking ina dahil kawangis ko siya.
Napalingon ako kay Steffano at walang pag-aatubiling akong napayakap sa kanya. Hindi ako makapaniwala sa natuklasan ko. Una, anak ako ni Ren at kawangis ko siya. Pangalawa, naging kasintahan niya si Zairan kahit na ang totoo ay hindi siya mahal ng aking ina. Pangatlo, hindi ko talaga kadugo ang kinikilala kong tiyahin dahil isang hamak na taga sunod lamang siya ni Cedrick. Pang-apat, magkapatid si Zairan at Cedrick, pati si Mattheaus.
Nag-angat ako ng aking paningin at matamang pinagmasdan ang mukha nito. Ang pinakahuli at mas lalong pumukaw ng atensyon ko ay si Cedrick at Steffano ay iisang tao lamang. Muling umagos ang luha ko.