Chapter 31

Napadako ang mga mata ni Daneris sa mga labi nito nang hindi sinasadya. Miss na miss na niya ito at miss na miss na rin niyang hagkan ang mga labing iyon.

Sumikdo ang puso niya at parang nanghihina siyang bigla. Inalalayan siya nito sa siko nang mapaatras siya at parang manlulupaypay nang tuluyan sa sahig pero itinulak niya ito.

“A-ano’ng ginagawa mo rito?” Pinilit niyang maging emotionless sa harap nito.

“I’m here to say… I’m sorry and… and I miss you, Dani.”

She tried hard to swallow the lump that formed in her throat. Her eyes flickered as she looked at him. Her heart went out to him. Pero nanatili siyang nakatayo at napahawak sa seradura ng pinto.

“I-iyon lang ba?” Hindi man lang niya narinig ang pinakaasam-asam niya. Ang sabihin nitong mahal pa rin siya nito. “U-umalis ka na bago pa darating ang ama ko.” Napaiwas siya ng tingin.

“G-gusto ko ring malaman mong… nag-usap na kami ng tatay mo. Pinuntahan ko siya sa talyer niya. Galing ako roon at… dumiretso na ako rito para makita ka. Gusto kong makita ka. Gusto kong makausap ka. I really missed you, Dani! Like crazy!”

Napabuka ang bibig niya pero walang salitang lumabas. Parang hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Tuloy ay naglandas ang mga luha sa pisngi niya habang nakatitig sa binata.

Napalunok itong nakatingin sa kanya nang may pagsusumamo sa mata. Marahan itong lumapit sa kanya at kinabig siya upang yakapin nang mahigpit. Napakahigpit. Napatugon na rin siya sa yakap nito. Naramdaman niya ang paghalik nito sa buhok niya.

“T-talaga bang nagkaayos na kayo ni Tatay?” tanong niya sa mamalat na boses. Humiwalay siya sa pagkakayakap sa binata habang hilam sa luha ang mga mata.

Tumango ito. “I realized that you were right. I was really a jerk when I said those… harsh words to you. I’m really sorry. Ayokong bigyan ng excuse ang sarili ko nang dahil emotional pa rin ako dahil sa pagkamatay ng mga magulang ko. Pero iyon ang naramdaman ko sa mga sandaling ‘yon. I’m so sorry, Dani. I’m so sorry! You can hit me if you want.”

Umiling siya at lumunok. “Sorry din at sinampal kita. Ayoko nang gawin ‘yon ulit sa ‘yo. ‘Tsaka… a-alam ko. N-naintindihan ko ‘yong naradaman mo. Naintindihan kita, Callum. Kaya naman… hindi na ako nagpumilit pa sa ‘yo. Pero sinabi ko na lang ang lahat sa ‘yo. Ang lahat. Ang totoong nangyari para naman malaman mo ang panig ni Tatay na hindi niya masabi sa ‘yo. ‘Yong sa police report…” Lumunok siya.

“He was single, yeah. Alam ko na ang tungkol doon. Naintindihan ko. Ayaw niyang madamay kayo ng ina mo kapag babalikan ko siya. He took the necessary precaution at the time. Alam niya kung sino ang nakabangga niya noon⸺a bitter, rich, and powerful young man na puwedeng gawin ang kahit na ano sa pamilya niya. Naintindihan ko na rin ‘yon after some careful consideration and contemplation. Mahal kayo ng tatay mo. Dahil diyan, napahanga ako sa kanya.”

Napalunok siya at nagpumiglas ang mga luha sa kanyang mga mata at nahulog ang mga ito sa kanyang pisngi.

“Will you ever forgive me for everything I said and did to you, Dani?” dugtong nitong nabasag ang boses.

Agad siyang tumango sa binata. Niyakap siya nitong muli. Bumabaha pa rin ang luha niya. Inilayo siya nitong bahagya para pahirin ang mga luha niya sa pamamagitan ng hinlalaki nito.

“Did you know I’ve been miserable these past few days?” sabi ng lalaki.

“Huh? Hindi halata.” Hinagod pa niya ito ng tingin.

Napatawa ito nang marahan.

“I’ve been beating myself for saying those things to you. Natatakot akong baka hindi mo na ako harapin pa kahit kailan. Kaya naman ngayon lang ako nagkalakas ng loob na magpakita sa ‘yo at sa ama mo.”

Inayos nito ang buhok niya at siniil siya nito ng halik sa labi. Tinugon niya ito nang may pananabik.

“I love you, Callum.”

“And I love you so much, Dani! I can’t live without you. Ikaw ang palaging nasa isip ko. Kahit galit ako, mahal pa rin kita.”

Natuwa siya sa narinig.

“Kaya naman hiningi ko na rin nang pormal ang kamay mo sa tatay mo pagkatapos naming magkaayos.”

Napakurap-kurap siya rito nang halos hindi makapaniwala. “A-ano? G-ginawa mo ‘yon?”

Tumango ito. “Ayokong mapalayo pa sa ‘yo, Dani.” Napasinghap ito. “T-teka lang. Ano ‘yang nasa laptop mo?” anitong napasulyap sa aparato.

Umawang ang mga labi niyang napalingon doon. Mabilis itong humakbang para tingnan ang adult site.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ng nakasimangot na binata.

“Ah… eh… naisip ko kasing…”

Napapikit ito ng mga mata bago siya tiningnang muli. “Could you just… don’t do this anymore? Please?”

Napakagat-labi siya. Tumango rito. Ibinalanggo nito ang mukha niya sa dalawang palad nito at nakatitig nang husto sa mga mata niya.

“Gusto kong ako lang ang nakakakita sa ‘yo. Wala nang iba pa. Okay?”

“Okay. Pero… naisip ko lang kasi saglit… nagbaka-sakali sana ako na kapag binuksan ko ulit ‘yong account ko ay kokontakin mo ako at pagsabihan ako. Gusto ko… kahit papaano ay may marinig ako mula sa ‘yo.” Napatungo na siya nang tuluyan dahil sa kagagahan niya.

Napangiti ito at bigla na lang itong lumuhod sa harap niya at binuksan ang kahita na may mamahaling singsing na may batong diyamante.

“Will you love me until our dying breath, Dani?” tanong nito sa kanya.

Siyempre hindi na siya nagdadalawang-isip pa o kaya nagpapa-hard-to-get. Agad siyang tumango at niyakap ang binata. Binuhat siya nito pagkasuot ng singsing. Nakapulupot ang binti niya sa baywang nito at ang mga braso ay nakayakap sa leeg nito.

“Now, my life is perfect!” nakangiting anitong nakatitig sa mga mata niya nang nakangiti nang matamis at may hindi masukat na kaligayahan.

“Siguro nga. Wala na ang stalker kong si John Mark na binantaan ni Tatay noong isang araw. Sinabi niyang nakapatay na siya ng dalawang tao kaya hindi siya magdadalawang-isip na gawin ‘yon sa lalaking ‘yon kapag nakita niya itong aali-aligid sa ‘kin.” Napatawa siya pagkatapos.

Sumimangot ang binata. “I’m sorry for calling your father a criminal. And I’m so sorry for what happened to your family. He wasn’t a criminal. It was just an accident. I’ve finally come to terms with it, Dani, thanks to you.”

“At masaya ako dahil diyan.”

“At magiging masaya na rin si Aling Merta kapag nalaman niyang babalik na ako sa bahay nang hindi nag-iisa.”

Napangiti pa siyang lalo rito. She lowered her face to give him a sweet kiss on the lips. Wala na siyang mahihiling pa sa buhay niya ngayon. Napakasaya na niya. Sobra.

“Hindi lang tayong dalawa kundi tayong tatlo.”

“Of course. Your father is welcome to live with us,” mabilis na sang-ayon nito.

Umiling siya. “Hindi iyan ang ibig kong sabihin. Kahit sasabihin ko ‘yan kay Tatay, hindi siya titira kasama natin dahil bibigyan niya tayo ng privacy.”

“Then… why? Wait…”

Humagikhik ang dalagang napaluha nang masaya. “Magiging daddy ka na, Callum.”

“Oh, God!” Wala na itong masabi pa pagkatapos niyon.

Sinilip ng dalaga ang mukha nito. “Iyon lang? Hindi ka masaya?”

“What? Of course, I am! I’m just at a loss for words. Hindi mo ba ‘to ipapaalam sa ‘kin kung sakali?”

Lumunok siya at humigpit ang pagkalingkis ng mga braso sa leeg nito at nakatitig sa mga mata ng binatang karga pa rin siya.

“Sa ‘yo, baka hindi, pero malalaman ng baby natin na ikaw ang ama niya. Sasabihin ko sa kanyang huwag magalit sa ‘yo kasi ako ang may kasalanan kung bakit hindi tayo buo na magkapamilya.”

“Dani…” anas ng binata.

“Pero ngayon, ayos na, dahil mahal mo pa rin ako at magpapakasal na tayo, ‘di ba?”

“Oh, God! I can’t wait, Dani! I can’t wait to have a happy family with you. I can’t wait to tell the news to my parents.”

Ngumiti siya nang matipid sa katipan habang may luha sa mga mata. “Pupunta na ba tayo agad sa sementeryo?”

“If you’re up to it.”

Tumango siya. “Callum, I’ll promise to them that I’ll make you happy for the rest of our lives.”

“I know,” bulong nitong idinikit ang noo sa kanyang maliit na ilong at ipinikit ang mga mata.

Inilapat ng dalaga ang mga labi sa noo at sa peklat ng mahal niya. Niyakap niya ito nang mahigpit sa leeg. Tila wala nang mapaglalagyan ang sayang nasa puso niya ngayon.

- Wakas -