Chapter 23
Hinawakan ni Callum ang kamay ni Dani.
“Bukas ko na ipapakita sa ‘yo ang kusina at dining room. Pupunta naman tayo roon para kumain,” sabi nito habang umaakyat sila sa malapad na hagdang kulay asul na mapusyaw. Papunta itong pangalawang palapag ng malaking bahay. Halos lahat ay gawa sa tiles. Ang safety rail ng hagdan ay gawa sa wrought iron at matibay na kahoy bilang hawakan. Makinis, makintab, at malinis ito.
“T-teka lang. Mag-te-text lang ako kay Tatay na hindi ako uuwi. Sasabihin ko na lang sa kanya na makikitulog ako kina Evie at ite-text ko na rin si Evie para hindi madulas kung saka-sakaling magtanong si Tatay sa kanya.”
Napangiti sa kanya ang binata. “Sinungaling ka, ah. Bakit kasi ayaw mo pa akong ipakilala sa tatay mo hanggang ngayon?” Hayun na naman sila sa paksang iyon.
“Alam mo na ang dahilan ko. Walang pressure. Okay?”
Pagka-text niya ay ipinakita nito sa kanya ang entertainment room kung nasaan ang gaming room. May pool table, ping pong table, chess table, theater area, at simpleng reading area. Nakita niya kasi ang ilaw sa tabi ng isang upuan, para iyon sa pagbabasa sa gabi.
“Diyan nagbabasa noon si Mommy habang naglalaro kami ng bilyar ni Daddy. As much as possible, we spend some quality time together as family kahit busy sa negosyo si Daddy. Si Mommy naman ay isang English professor. She loved her job. They both loved their jobs.” Napangiti ito habang naaalala ang mga magulang. Napatingin ito sa bilyaran at sa sofa na tila ba ay nakikita nito ang mga magulang doon.
Siya naman ay malungkot dahil ang ama niya ang dahilan sa pagkamatay ng mga ito. Naninikip tuloy ang kanyang lalamunan at dibdib. Hindi siya makapagsalita.
“At ako naman, nagsimula pa lang akong matuto tungkol sa negosyo,” pagpatuloy ng binata. “I started to handle my own projects at the time. I worked my way up hanggang sa ibinoto ako ng buong BOD na siyang gawing CEO sa CMA Group dahil ako naman daw ang tagapagmana. I don’t know why they did it. They just perhaps trusted me even at my young age. It was kind of overwhelming for me at the time. I was… mourning, angry, and… lonely. I don’t even know how I handled it back then.”
“Ayaw mo lang biguin ang mga magulang mo kaya gano’n,” sabi pa niya na sobrang hina ng boses.
Napatitig na naman sa kanya ang binata. Ipinihit siya nito para humarap dito. Hinawakan siya nito sa magkabilang gilid ng leeg at ang hinlalaki nito ay banayad na humaplos sa magkabilang pisngi niya.
Nagtitigan silang dalawa.
“You were right, Dani. I never let anyone in. Maliban na lang siguro kay Peter. He was always there for me. He tried his best to help me go through that ordeal… that difficult stage of my life. But maybe he didn’t succeed as much as you have done for me. Kahit ayoko mang aminin, pagkamatay ng mga magulang ko, wala akong pinagkakatiwalaan na tatanggap sa ‘kin⸺of course, except for Peter and Aling Merta.”
Binabasa nito ang mga mata niya habang nagsasalita ito. Sa parehong pagkakataon ay gusto nitong ipaabot sa kanya ang nararamdaman para sa kanya.
Tumango siya sa binata. Naintindihan niya ang ibig nitong sabihin. At parang lalo lang bumigat ang kalooban niya. Hindi na yata niya kaya ito. Habang tumatagal ay lalo lang siyang nakokonsensiya sa paglilihim niya kay Callum sa totoong pagkatao niya.
“I never knew… I would need some kind of connection… a more powerful one. At… ikaw ‘yon, Dani. Ipinadama mo sa ‘kin na mahal mo ‘ko kahit ganito na ang hitsura ko.”
“Callum…”
“Sa totoo lang, may mga ipinakilala sa ‘kin si Peter na mga babae paminsan-minsan. Nang malaman lang nila na may pinagdaanan ako at narinig ang tungkol sa peklat ko, hindi na sila lumapit sa ‘kin. ‘Yong iba, kung lumapit man, may kapalit ‘yon. Pero ikaw… iba ka sa lahat. Kung makatingin ka lang sa ‘kin ay iba na kaysa sa kanila. And… maybe… that’s how I began to feel something for you…”
Napangiti siya rito kahit papaano. “Hindi ba ‘yon dahil sa pictures ko na nakita mo?” pabirong sabi niya rito para naman gumaan ang atmospera sa pagitan nilang dalawa.
Napatawa ito nang mahina. “Huh! Maybe?” Ginawaran siya nito ng halik sa labi. “Bakit, Dani?” He searched her eyes.
Bigla na naman siyang kinakabahan. Ano’ng tinatanong nito? Tungkol ba ito sa pagkadisgrasya ng mga magulang nila?
Napakunot-noo tuloy siya rito. “A-ano’ng bakit?”
“Bakit ang perpekto mo? Wala akong maipintas man lang sa ‘yo. Wala ka na ngang hiningi sa ‘kin ay nagbigay ka pa. You love me without anything in return.”
Napalunok siyang nakatitig sa mga mata nito.
Napailing siya rito. “Ano naman ang ibinigay ko sa ‘yo, ha? Ni hindi nga kita binigyan ng gift. Wala naman kasi akong maisip na maibigay sa ‘yong bagay. Lahat ay nasa ‘yo na. Lahat ng materyal na bagay⸺”
“You gave me your love. Your unconditional love. That’s more than enough for me, Dani,” marahang sabi nito at puno ng emosyon.
Napalunok siyang muli. Uminit ang mga sulok ng kanyang mga mata. Ipinihit niyang bahagya ang pisngi upang halikan ang kamay nito.
“Mahal lang talaga kita, Callum. Wala akong mahihiling sa ‘yo kundi ang mahalin mo rin ako.”
“And I do love you, Dani, with all my heart, my whole existence.” Pagkasabi nito ay marubdob na siyang hinalikan sa labi.
Tinugon niya ito na tila ba ay wala nang bukas. Binuhat siya ng binata at naglakad sa hallway patungo sa isang silid.
“Saan tayo?” tanong niya kahit papaano.
“My room,” anito at hinalikan na naman siya sa labi.