Chapter 25

Nakatingin lang si Anna sa amo na si Carol habang mahigpit nitong kayakap ang lalaki na nagngangalang Louie. Hinatid sila ng lalaki sa sasakyan, at nagpaalam na rin ito kay Paolo.

Hindi maiwasang tanongin ni Anna ang isipan kung ano ba ang meron sa dalawa, halata naman kasi na may kakaiba sa mga ito.

"Let's go, Anna." untag sa kaniya ni Carol. Napatango siya rito at pumasok na rin sa loob ng kotse.

Nang makaupo na sila lahat ay nagsimula ng umandar ang sasakyan. Tahimik sila sa loob ng biglang basagin ni Paolo ang katahimikan.

"Mom, bakit po kayo nagyayakapan ni Tito Louie?"

Nakita ni Anna kung paano takasan ng kulay ang mukha ng amo. Napatingin ito sa kaniya at nahuli siya nito na nakatingin rito. Umiwas siya ng tingin at napayuko na lang.

"A-ah... ano anak... wala lang iyon. Gano'n talaga kami ng Tito Louie mo. Don't tell your dad about it, ha?" pahayag ni Carol sa anak.

Tumango naman si Paolo, "Okay po." ani ng bata.

Tahimik lang si Anna at pinakiramdaman ang amo. Base sa pananalita nito ay mahahalata niya na kabado ito sa naging tanong ng anak. Nagawa pa kasi nitong turuan ng kasinungalingan ang bata. Doon palang ay masasabi na ni Anna na may kakaiba nga sa dalawa.

Nang makarating sila sa mansiyon ay naunang bumaba ang mag-ina, habang siya ay kinukuha ang mga pinamili ni Carol para sa kaniya. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kaniya kung bakit siya pinag-shopping ng amo.

Bitbit ang mga paper bags ay pumasok na rin sa loob ng kabahayan si Anna. Nakasalubong niya si Rona, at gano'n na lang ang pagkagulat niya ng tumili ito. Nabitawan pa niya ang mga paper bags upang takpan ang tenga.

"Anna! Diyos ko ang ganda-ganda mo, Anna!" Tumakbo palapit sa kaniya si Rona at sinuri ng malapitan ang kabuuan niya. Hinawakan rin nito ang buhok niya. "Para kang foreigner, Anna! Saka ang seksi mo!" maingay na wika ng babae.

"Ano ka ba ang ingay mo naman—" Naputol ang sasabihin ni Anna nang sumulpot naman si Bebang.

"Anna, ikaw ba iyan?" Nagulat pa ito ng humarap si Anna. "Naku, ikaw nga!" anang babae na bakas ang paghanga sa mga mata para kay Anna.

Namumula ang pisngi na napapayuko si Anna. Nahihiya tuloy siya sa ayos niya.

"What's happening here?" Mabilis na napaangat ng ulo si Anna nang marinig ang boses ni Brett. Ang mga kasambahay ay napatingin rin sa amo na kakababa lang ng hagdan.

"Wala po, Sir. Nagulat lang po kami kay Anna." Si Bebang ang unang nagsalita. Kapagkuwan ay nauna rin itong umalis. Sumunod na rin si Rona kay Bebang, iniwanan pa nito ng isang kindat si Anna.

Nang makaalis ang dalawa ay naiwan si Anna na hindi malaman kung paano tingnan si Brett. Habang ang binata naman ay matiim na tinititigan ang dalaga. Mula sa buhok nito, pababa sa suot nitong damit.

Si Anna ay nakaramdam ng tensyon dahil ramdam niya ang paninitig ng amo. Kaya nagpasya siyang humakbang at naglakad.

Akmang lalagpasan niya si Brett sa hagdan dahil balak niyang umakyat sa kuwarto niya, nang hawakan nito ang braso niya.

"Look at me, Anna." utos nito.

Dahan-dahan namang umangat ng tingin si Anna. At sa pag-angat niya ay nagsalubong ang mga tingin nila ni Brett.

Umangat ang isang braso nito, at hinaplos ang buhok niya. Napalunok si Anna ng sunod-sunod. Hindi niya rin magawang bawiin ang titig sa mga mata ni Brett dahil tila hinihigop siya ng mga tingin nito.

"You look so gorgeous with your bob cut hair. And the color suit you as well." Bumaba ang haplos ni Brett, papunta sa leeg ni Anna. Pinaglandas pa nito ang daliri sa balikat ng dalaga, hanggang sa makarating iyon sa clevage ni Anna.

Nakagat ni Anna ang pang-ibabang labi at naipikit ng mariin ang mga mata. Sa masuyong paghaplos ni Brett sa katawan niya ay unti-unti siyang dinuduyan. Kakaiba ang dulot ng mainit nitong palad sa katawan niya.

"And you're so fucking hot with this clothes, Anna. Gustong-gusto ko itong punitin ngayon rin, alam mo ba iyon?" Sa sinabi ni Brett ay mabilis na nagmulat ng mga mata si Anna.

"B-Bakit?" utal niyang tanong.

Hindi ba nito nagugustuhan ang ayos niya? E, kakasabi lang nito na ang hot niya sa suot niyang ito tapos gusto nitong punitin?

"Dahil gusto ko itong palitan mo ng malaking shirt, at magsuot ka ng pajama." biglang sumimangot si Brett pagkatapos iyong sabihin.

Samantalang lalo lang naguguluhan si Anna sa sinabi ng amo.

"Bakit nga?" ulit pa niyang tanong. "Maganda naman ang suot ko a."

"Dahil ako lang ang dapat na nakakakita ng maganda mong katawan, Anna. Kaya bago ko pa iyan mapunit ngayon dito, magpalit ka na."

Napaawang ang mga labi ni Anna sa sinabi ni Brett.

Nang hindi siya umimik ay hinawakan nito ang laylayan ng suot niyang damit at akmang pupunitin nga iyon.

"Huwag." aniya.

Nagkibit-balikat nalang si Anna kapagkuwan ay tinanggal ang kamay ni Brett na nakahawak sa damit niya, at nilagpasan na si Brett. Nagtuloy-tuloy siya sa pag-akyat ng hagdan hanggang marating niya ang silid. Pumasok siya sa silid, at gaya nga ng sinabi ni Brett ay nagsuot siya ng malaking shirt at pajama.

Pagkatapos ay nagpasya rin siyang lumabas.

Nang makalabas si Anna sa silid ay narinig niya ang malalakas na boses na nangagaling sa silid ni Brett. Habang naglalakad siya upang lagpasan ang silid ng binata ay lalo pa niyang naririnig ang sigawan. Nakompirma ni Anna na sina Brett at Carol iyon. Mukhang nagtatalo ang mga ito.

Sa hindi malaman na kadahilanan ay lumapit pa si Anna sa pinto upang sumilip. Medyo naka-awang iyon kaya naman nakita niya sa loob si Brett na nakatayo habang may hawak na bote ng alak, habang si Carol naman ay nakaupo sa kama at umiiyak. Ang damit nitong suot ay nakalihis, habang wala namang pang-itaas na damit si Brett.

Napalunok si Anna sa nasaksihan. At parang may karayom na tumusok sa puso niya sa nakita niya. Alam na niya ang nangyayari sa dalawa.

"Don't fucking use her para makuha ang gusto mo. Dahil hindi mo ako mauuto!" galit ang boses na singhal ni Brett sa babae.

Nakaramdam naman ng awa si Anna sa ginawang pagsigaw ni Brett sa amo. Bilang babae ay masakit rin sa kaniya na masigawan.

"Why, Brett? Alam ko naman na may gusto ka sa kaniya, kaya bakit hindi na lang siya? Bakit hindi mo na lang ako hayaan na makasama ang mahal ko?" umiiyak na sumbat ni Carol kay Brett.

Kinabahan si Anna sa mga narinig. Hindi niya dapat pinapakinggan ang pag-uusap ng mag-asawa. Akmang aalis na sana si Anna nang marinig niya ang pagsagot ni Brett kay Carol.

"I don't like, Anna kung iyan ang akala mo, Carol. Alam mo sa umpisa palang kung sino ang mahal ko, at ikaw iyon. Pero anong ginawa mo? Niloko mo ako. Iniwan sa ere para sumama sa isang lalaki. Tapos ngayon gagamitin mo si Anna laban sa akin? Para ano? Para mahulog ako sa kaniya at hayaan kita na makasama ang lalaki mo? No way! That won't happen!"

Napalunok ng sunod-sunod si Anna. Parang nanuyot ang lalamunan niya. Hilam na rin ng luha ang mga mata niya habang pinapakinggan ang dalawa.

Bakit gano'n? Kahit alam niyang wala silang label ni Brett ay ang sakit-sakit pa rin marinig ang mga sinabi nito.

Nanghihinang umalis si Anna sa pintoan. Naglakad siya na parang wala sa sarili at tinungo ang hagdan pababa.

Habang tumutulong siya sa paghahanda ng hapunan ay paulit-ulit na tumutugtog sa isipan niya ang sinabi ni Brett.

Isa lang ang napatunayan ni Anna, ginagamit lang siya ng binata. Nang umpisa palang ay alam na rin niya, pero mas masakit palang masampal ng katotohanan.

Pagkatapos nilang maghanda ng hapunan ay pinatawag ni Bebang ang mga amo nila kay Rona. At hindi nagtagal ay bumaba na rin ang mga ito.

Nang palabas na ang mga kasamahan ni Anna sa dining ay sumunod na rin siya. Dahil hindi pa siya nakakaramdam ng gutom ay nagpasya siyang lalabas nalang ng kitchen kasabay nila Bebang at Rona.

"Sit down, Anna." napatigil siya sa paghakbang nang marinig ang sinabi ni Brett. Alanganin na napabaling si Anna sa amo.

Pagharap niya ay nakatingin ito sa upuan na katabi ni Paolo, ang inuupuan niya. Tiningnan ni Anna si Carol, abala na ito sa paghain ng pagkain ng anak.

Malalim na bumuntonghininga si Anna.

"H-Hindi pa po ako nagugutom." wika niya.

Nakita niyang umigting ang magkabilang panga ni Brett, at humigpit ang hawak nito sa kubyertos.

"I said... sit down here." mariin na utos ulit ng binata.

Nang tingnan ulit ni Anna si Carol ay nakatingin na ito sa kaniya. Mugto ang mga mata nito at tila nakikiusap ang mga mata. Pero hindi pa rin siya susunod sa gusto ng among si Brett. Nanny siya dito at hindi nito pag-aari na kailangan ay sundin niya ang inuutos nito. May karapatan din naman siyang tumanggi.

"Sinabi ko rin po na hindi ako nagugutom."

Ngunit napapitlag si Anna sa kinatatayuan niya nang malakas hampasin ni Brett ang lamesa. Nagulat siya, at gano'n rin si Paolo at Carol.

Nakita ni Anna ang pagkagulat sa mga mata ng bata, at tila iiyak na ito. Masama niyang binalingan si Brett, at nagtagpo ang mga titig nila. Galit ang itsura nito at namumula na ang buong mukha.

Walang sali-salitang tumalikod si Anna at tumakbo hanggang sa makalabas siya ng mansiyon. Hilam siya ng mga luha habang binabagtas ang madilim na daan na hindi niya malaman kung saan patungo. Isa lang ang gusto niyang gawin ngayon, ang makaalis sa mansiyon.

Kaagad siyang pumara ng taxi, at nagpahatid pauwi sa San Pedro. Sa bahay ni Agnes. Pagkarating roon ng dalaga ay nagulat pa ang kaibigan niyang si Gina at si Agnes sa pagdating niya, at sa itsura niya.

"Anna? Bakit ka umiiyak? Saka, lalo kang gumanda a." nag-aalalang salubong sa kaniya ni Gina na sinabayan pa ng kantiyaw.

"May nangyari ba Anna? Hala, bagay sayo ang buhok mo!" segunda naman ni Agnes sa dalaga.

Walang salita na namutawi sa mga labi ni Anna. Niyakap lang niya ang kaibigan at umiyak siya nang umiyak sa balikat nito.

Samantalang si Brett ay hindi mapakali sa loob ng mansiyon sa pag-alis ni Anna. Gusto nitong habulin si Anna kanina pero hindi nito magawa. Sinundan nito ang dalaga hanggang sa makalabas ito ng mansiyon, pero nang makita nitong sumakay ng taxi si Anna ay hindi na ito hinabol pa ni Brett.

At heto siya ngayo't hindi mapakali. Ang lahat ng gamit sa loob ng Library niya ay tumaob na dahil sa inis niya sa sarili. Gusto niyang sunduin ang dalaga dahil alam niyang umuwi ito sa San Pedro, pero may kung anong pumipigil sa kaniya.

Umaasa na lang siya na babalik rin si Anna sa mansiyon. Pero lumipas lang ang ilang araw ay hindi bumalik ang dalaga, at halos mabaliw na rin si Brett. Kaya naman hindi na siya nakapagpigil at sinundo na niya ito.

Sa ayaw at sa gusto nito ay gagawin niya ang lahat mapabalik lang ito sa mansiyon.