Chapter 6
Kahit gaano pa kagulo. Kahit gaano pa kadami ang problema mo. Parating may isang kaibigan na ipapadala sayo ang Panginoon para tulungan ka. Kaya kapit lang.
Halos malapit ng mag alas kwatro sa relo ko nang makarating ako sa village namin. Hinatid pa kasi namin ni Edz si Lissy at Lenny na may napakasosyal na pangalan. Natuwa ako habang inaalala ko ang mga nangyari.
Naglakad ako papasok dahil wala naman masyadong nadaang tricycle, mas madalas pa ata bumagyo kaysa may dumaan na tricycle dito. Habang naglalakad bigla ko nanaman naalala ang nangyayari sa oras ko, napanghinaan ako bigla ng loob sa 'di ko maipaliwanag na dahilan. Ano ba talaga nangyayari? Hindi ko na maintindihan. Imposible namang may magic dito, o baka naman pinagtitripan ako? Imposible din naman 'yun, ano, naki-cooperate lahat? Imposible. Imposible.
"Sasakay ka, Miss?"
Napahinto ako bigla sa paglalakad at iniangat ko ang ulo ko mula sa pagkakatingin sa guhit ng kalsadang nilalakaran ko. Isang tricycle ang huminto sa tabi ko. Kanina pa ba siya? Bakit parang 'di ko narinig 'yung ugong ng motor.
"Po?" #MedyoSHUNGAkongtanong
"Kung sasakay ka ba?" Mahinahon niyang ulit. Nag-isip ako saglit pero walang pumasok sa isip ko kaya sumakay na lang ako sa tricycle.
"Gabriel Street po." Sabi ko sa driver at pinaandar na niya ang tricycle. Tumingin ako sa bandang kanan ko at nakita ko ang madamong bakanteng lote at ngayon ko lang napansin na ang ganda pala nito. Napabuntong hininga ako ng mawala na ito sa paningin ko at isang bahay na kulay blue ang sumunod kong nakita. Naalala ko bigla na bahay 'yun ng matandang lalaki na lagi kaming pinapagalitan ni Ate kapag pinipitas namin 'yung mga bulaklak niya sa harapan ng bahay nila. Tapos tatakbo kami ni Ate ng mabilis kasi hahabulin kami nung matandang lalaki at babasain kami ng tubig galing sa hose na hawak niya pero buti na lang ilang bahay lang ang layo mula dun ang bahay ng kababata namin. Si Ivory. Pitong bahay, at kasunod na ang bahay nila. Tandang-tanda ko pa. Binilang ko ang mga bahay na nadadaanan namin na lagi ko nuon ginagawa para hindi ako maligaw papunta dun.
Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Li--.
Ha? Ano to? Isang shop ng mga sapatos ang sumunod kong nakita. Teka. Teka. Wala 'to nuon ah. Walang ganto nuon dito. Tumingin ako sa kasunod na bahay pero mga puno na ang nandun. Lumingon lingon ako sa paligid at puro puno na lang rin ang nakita ko.
"Kuya, kuya. Teka, mali ata tayo ng daan." Malakas kong sabi habang nagmamasid masid sa paligid. Hindi sumagot ang driver kaya lumingon ako sa kanya. "Kuya!" Sinigaw ko na, baka kasi hindi niya naririnig dahil sa malakas na ugong ng motor. Tumingin siya sakin.
"Ano 'yun?" Sabi ng driver.
"Mali po yata tayo ng daan!" Sigaw ko ulit. Ngumiti lang siya sakin at ibinalik ang tingin sa daanan. Kinabahan ako bigla dahil sa naisip ko. "Kuyaaa! Mali tayo ng daaaaaaan!" Ninenerbyos na ko pero pinipilit ko pa rin maging kalmado. Mind over matter!
"Tama 'to. Wag kang kabahan." Tumingin ulit siya sakin at ngumiti.
"Pero--"
Napahawak ako sa bakal na hawakan sa gilid ko at napatigil sa pagsasalita dahil biglang pumreno ang tricycle. Halos sumubsob ang mukha ko sa harapan kung 'di ako napakapit, baka kinabog ko na si Harry Potter nung tumalsik siya sa harapan ng bus.
Ouch. Parang tumunog tunog ang mga buto buto ko. Grabe, para kong nasa roller coaster ride. Napatingin ako bigla sa bandang kanan ko at nagulat ako na nasa harap na ko ng bahay namin. Bumaba na ko agad mula sa tricycle.
"Teka lang ho 'yung bayad kuya ah." Sabi ko sa driver pagharap ko pabalik sa kanya, tumango lang siya sakin at agad na kong naghalungkat sa bag ko para kumuha ng pera na pambayad. Ngayon ko lang napagisip-isip na ang kalat na pala ng bag ko. Ang daming candy wrappers, hand-outs, scratch papers at kung ano-ano pa. Hindi ko mahanap ang wallet ko sa loob ng bag ko na halos ilabas ko na ang lahat ng laman nito pati ata kaluluwa niya. Wala talaga. Inangat ko ang ulo ko para tumingin ulit sa driver.
"Kuya saglit lang kukuha lang ako ng..." Wala na siya pati ang tricycle. "... pambayad."
Bigla akong kinilabutan at nagtaka. Imposibleng hindi ko malaman na umalis na siya, dapat maririnig ko ang andar ng motor niya. Lumunok ako pero parang humaharang sa lalamunan ko 'yung hangin. Ano ba talaga ang nangyayari? Bakit ganon? Mabilis kong sinara ang zipper ng bag ko at nagmadaling pumasok sa nakabukas na naming gate. Pinagpapawisan ako ng malamig. Gusto kong uminom ng tubig. Maraming maraming tubig. Inikot ko ang doorknob ng pinto ng bahay at agad akong tumuloy sabay sara ng pinto sa likod ko. Huminto ako saglit para huminga at mag-ipon ng lakas para lumakad. Humakbang ako nang biglang nagbukasan lahat ng ilaw sa bahay. Mula sa sala hanggang papunta sa kusina. Natanaw ko rin na sumindi ang ilaw sa likod ng bahay mula sa nakabukas naming bintana malapit sa hagdan.
Lumakad ako dahan-dahan at nagtantya dahil baka sila Mama at Papa ang mabungaran ko, siguradong War of the Century nanaman ang mangyayari. Sumilip ako sa sala pero walang tao, nakabukas lang ang TV. Malamang si Mama nag-iwan nun kasi ang palabas eh Telenovela. Dumiretso ako sa kusina para uminom ng tubig nang biglang may sumambulat sakin at napasigaw ako sa sobrang gulat.
"Ay anak ka ng pitongpu't pitong pritong talong!!!"
Natigilan ako nang makita kong si Ate pala 'yun. Tinitigan ko siya maigi, infairness, ang iksi ng buhok niya, new hairstyle. Ngumiti ako para ipakita sa kanya na natutuwa ako at bumagay sa kanya ang mala-Sofia The First niyang buhok pero tumingin lang siya sakin sabay alis. Aba naman talaga. Ang yabang. Siya na nga nginitian, siya pa galit. Pumasok na ko sa kusina at binuksan ang ref para kunin ang pitsel ng tubig pero nagbago isip ko at 'yung bote na lang ng juice ang kinuha ko sabay sara ng pinto ng ref. Pinihit ko pabukas ang takip ng bote at ininom ko agad ang juice nang bigla kong mapatingan sa papel na nakadikit sa harapan ng ref namin. Naibuga ko ang iniinom ko at tumulo tulo ang juice galing sa bibig ko. Hinatak ko pataas ang uniform ko sabay pahid sa bibig.
Ano 'to? Bakit...
Inisa-isa kong tingnan ang mga nakasulat sa isang maliit na papel na nakadikit sa harap ng ref.
Dan's Alumni Homecoming - Next tuesday
Grocery - Sat
Belle's flight - Tom. 9AM
Bukas na ang flight ni Ate papuntang Singapore? Na-adjust? Ang pagkakaalam ko sa susunod na buwan pa yun dahil saktong bakasyon na. Bakit ba ko nagulat at nakaramdam ng lungkot? Sanay naman ako na wala siya.
Ibinalik ko ang takip ng bote ng juice at sabay lakad palabas ng kusina at akyat sa taas. Isang malaking painting na nakasabit malapit sa pader na katabi ng kwarto ko ang umagaw ng pansin ko. Tiningnan ko ito maigi at unti-unti ko itong nagustuhan dahil sa magandang itsura at iba't ibang kulay ng mga bahay. Sa Guadalajara 'to. Naisip ko. Sino kaya bumili nito? Ang ganda. In fairness ha. Dumiretso na ko sa kwarto ko at biglang natigilan nang mapansin kong nakauwang ng konti ang pinto ng kwarto ko. Sigurado si Mama nanaman pumasok dito. Tinulak ko pabukas ang pinto. Maayos naman ang lahat, mula sa kama pati sa mga patungan. Inilapag ko ang bag ko sa gilid at tinulak ko ang pinto gamit ang kanang paa ko pero bigla itong bumalik sakin at tumama sa likod ko. Ouch..
"Bakit ganun?" Malakas kong sabi na para bang kala mong may kausap talaga ko kahit wala naman. Hinawakan ko ang doorknob at inikot-ikot ito at imbis na bumalik ito pag-ikot ko ng konti, dumiretso lang 'to ng ikot. Sira? Inulit ko ulit ang pag-ikot pero ganun pa rin.
"Kahit ilang beses mo pang iikot yan, sira pa rin yan."
Napatingin ako kung saan galing ang boses.
"Sino sumira nito? Ano, may lahi ba tayong akyat-bahay gang?" Napipikon kong sabi kay Ate. Pumamewang siya sabay ngisi.
"Umaarteng walang alam, Aya? Artista ka na pala?"
"Mukha lang akong artista pero 'di ako artista." Ngumiti ako na kunwaring mapagpakumbaba para asarin siya. "Nagtatanong lang naman ako kung sino sumira nitong knob ng pinto ko, pag-aartista na ba agad 'yun?"
"Hindi ko alam kung nagtatanga-tangahan ka o sadyang nang-aasar ka lang. 'Di ba may deal na kayo nila Mama at Papa? Na 'di ka magkakaron ng privacy dahil sa nagsesemplangan mong grades? Oh, ano pang inaarte-arte mo dyan?"
Ano? Anong sinasabi niya? Alam na nila? Natigilan ako sa sinabi ni Ate, hindi ko alam ang isasagot ko. Tsaka anong deal 'yun? Hindi ko maintindihan. Iniwas ko ang tingin ko sa kanya sabay talikod at pasok ulit sa kwarto. Pinilit kong isara maigi ang pinto, hinawakan ko ito dahil bumubukas ulit. Sumandal ako dito habang nanginginig ang tuhod.
Pilit kong inisip kung ano yung sinasabi ni Ate pero wala naman akong maalala na nag-usap kami nila Mama at Papa tungkol dun. Sumasakit ulo ko. Nagsasayang ako ng oras kakaisip. Teka. Biglang kumabog ng mabilis ang puso ko. Parang... parang alam ko na. Kinapa ko ang bulsa ko at kinuha ang cellphone. Pinindot ko agad ang power button dahil naka-off ang cellphone ko at nung bumukas na pumunta ko agad sa Calendar. October 9.
Mali ba 'to? September 29 lang ngayon. Mabilis akong tumayo at pumunta sa kalendaryo na nasa mesa ko. Binibilugan ko ang petsa ng araw parati kaya imposibleng magkamali 'yun. Dinampot ko ito galing sa patungan, umaasang mali ang cellphone pero laking gulat ko ng makita ko na ang petsang nakabilog ay 9, at ang Month ay October. Imposible. Imposible. Tumakbo ko ng mabilis palabas ng kwarto at pababa ng hagdan. Agad kong inilipat sa balita ang TV na kaninang nabungaran konfg nakabukas. Sa balita lang naman nagpapakita ng Date at Time araw-araw. Isang reporter ang lumabas sa screen pagkalipat ko na nagbabalita tungkol sa panahon. Ibinaling ko ang tingin ko sa bandang ibaba ng screen at sa isang iglap, biglang tumulo ang luha ko. Huminga ko ng malalim at pinunasan ang mukha ng nanginginig kong mga kamay.
"Aya." Tawag ng isang pamilyar na boses galing sa likod ko. Si Papa 'yun. Humarap ako at hinintay siyang magsalita. "Kumain ka na ba?"
Laking gulat ko sa sinabi niya, akala ko kasi 'WALANG HIMALA!' pero meron pala. Meron! Meron! Meron! Maganda pala pagsamahin ang lines ni Miss Nora Aunor at Carlo Aquino
"Ng meryenda po?" Nag-aalangan kong tanong.
Ngumiti si Papa habang niluluwagan ang necktie niya. "Oo. Kasi maaga pa naman para sa dinner."
Natawa ko sa katangahan ko. "Hindi pa po."
"Oh, ano pa inuupo mo dyan? Lika, kain tayo sa labas."
Hindi ko alam kung bakit pero sobra kong natuwa at naluha. Tumayo ako mula sa pagkakaupo sabay lakad ng mabilis papunta kay Papa at sa di ko inaasahan na pangyayari, yumakap ako sa kanya. Mahigpit na mahigpit na halos ayaw ko ng bumitiw.
"Tahan na anak. Tahan na."