Sumakay na kaming tatlo ng jeep diretso papunta sa may paaralan. Sa pag-upo ko ay tumabi sa akin si JM. Nasanay na akong katabi siya pero kakaiba na pala ngayong alam kong may pagtingin siya sa akin. Para akong kinukuryente sa kanyang bawat galaw at naiilang sa kung ano man ang aking magiging galaw. Nasanay kasi ako na walang malisya sa kanya kapag magkatabi kaming dalawa, iyon pala ay lumalakas ang tibok ng kanyang dibdib kapag kami ay nagkakalapit na.
“Tabi ako ha? Kakasabi mo lang kanina na hindi ka na magiging unfair sa amin.” Sinamaan ko siya ng tingin. “Katabi mo siya, siguro naman pwedeng katabi na rin kita?” Nakangisi niyang tingin kaya umiwas na lang din ako.
Habang umaandar ang jeep ay pumapagitna ako sa dalawang lalaking nagkakagusto sa akin. Siguro kung nasa loob ng isang pelikula o nobela ang buhay ko ay umaawit na ngayon ang mga nakakakilig na kanta. Nagsisiliparan na rin ang mga pulang hugis puso at nagsisiulanan ng pulang rosas.
“Ako na ang magdadala ng bag mo pagbaba?” Inilagay ko kasi sa aking harapan ang bag ko upang hindi ako mahirapan sa pag-upo. Hahablutin na sana ni Kael ngunit nahawakan din ni JM ang kabilang panig ang bag.
“Bitiwan mo na iyan, Tol. Ako ang forever tagadala ng bag ni Jam Bie. Akin ito.” Hinila naman ni JM. Nadadaplisan na ako sa bawat paghilaan nilang dalawa. Napapansin ko na rin ang mga tingin ng nakikiusyusong nakasakay din sa jeep.
“Walang forever sa inyong dalawa. Kaya akin na iyan!” Muli ay hinila ni Kael ang bag. Naiinis na ako. Kailangan ko ng gumawa ng hakbang upang matigil na silang dalawa.
“Umayos nga kayo. Pinagtitinginan na kayo ng mga tao!” Napaharap sila sa mga kasamahan namin sa loob ng jeep na nakatingin din sa amin. “Para kayong batang nag-aagawan ng bola.” Niyakap ko ang aking bag at hindi na tumingin sa kanilang dalawa.
“Ikaw naman kasi e,” padabog pang bulong ni Kael na tila naghahamon ng suntok. “Ipaubaya mo na lang kasi sa akin.”
“Ipapaubaya lang kita kapag ikaw na ang pinili.” Sa wakas natahimik din silang dalawa. Biglaan ba namang prumeno ang driver dahil may bagong sasakay. Siksikan na ang jeep pero hindi ko alam kung bakit humihinto pa rin ang driver. Umusog ako ng kaunti, hanggang sa tuluyan na nga kaming nagsisiksikan at sobrang dikit na sa aming mga katabi.
“Ayaw niyang tumingin sa akin.” Sa kaliwa ko ay si JM habang sa kanan ko naman ay si Kael. “Natatakot ka ba na biglang prumeno ulit ang driver at maglapat muli ang…”
“Umayos ka nga! Kung ayaw mong imudmod ko iyang bunganga mo!” Nagsisimula na namang mang-inis si Kael kaya hindi ko na siya pinatuloy sa kanyang sasabihin. Hindi ako humarap sa kung saan sila, nanatili akong nakaharap sa banda kung saan hindi ko sila masisilayan pareho.
“Ako na ang magbabayad sa iyo!” Pababa na kaming tatlo nang biglaang tumakbo si Kael papunta sa driver. Tumakbo na rin ako palapit sa driver.
“Huwag na bro. Kakagaling mo lang sa ospital. Ako na ang magbabayad sa aming dalawa ni Jam Bie.” Bago pa man naibigay ni Kael ang kanyang bayad sa driver ay napigilan ito ni JM.
“Manong, ito na po ang bayad ko.” Ayaw ko nang gulo. Ano ang tingin nila sa akin, pulubi? Walang maibayad sa jeep? Bahala sila kung magsuntukan sila.
“Manong Driver, bayad namin iyang dalawa!” Humalakhak na humabol sa akin si JM. Ano na naman kayang kalokohan ang ginawa niya? Siguro…
“Hoy! Ibalik mo sa akin ang pera ko!” sigaw ni Kael. Tama yata ako. Kitang kita ko kasi kung paano ibinalik ni JM ang kanyang pera sa kanyang bulsa. Marahil ay hinablot niya ang pera ni Kael at ibinigay sa driver.
“Wala na. Ibinigay ko na sa driver.” Naghahabulan sila sa aking harapan. Pumapaikot ikot sa aking likuran. Wala akong nagawa kundi tumawa na lamang. Hinahayaan na maging masaya. Kung sana lang parehong pagkakaibigan lang ang hinhiling nila sa akin. Siguro, ganito kami kasaya kada araw. Isang bangayan, tawanan at kasiyahan.
“Nasaan na pala ang libro ko?” napahinto ako sa gitna ng trangkahan ng aming gate ng biglaang itanong ito ni JM. Wala akong maiisip na idahilan. Sasabihin ko ba sa kanya na nasa kay Kuya ang libro o gagawa na lang ako ng ibang dahilan? Bahala na nga lang.
“Nakalimutan kong dalhin e. Hindi ko pa naman iyon tapos basahin.” Pagsisinungaling ko.
“Kunsabagay, hindi naman iyon mahalaga sa iyo.” Sumimangot siya. “Mas mahalaga sa iyo ang pag-aaral.” Mula sa nakasimangot niyang mukha ay ngumiti siyang nakaharap sa akin.
“Ano ba ang meroon sa libro na hindi mo nadala?” sabat naman ni Kael. “Sabihin mo lang sa akin kung ano ang pamagat at hahanapin ko iyon para sa iyo.”
“Umayos na nga kayo. Pinagtitinginan nila tayo!” mahina kong saad sa kanilang dalawa. Nagsisimula na naman kasing nagsisitinginan sa amin ang mga echoserang mga estudyante sa aming paaralan. Bakit ba naman kasi hindi na ako humiwalay sa kanila, kanina pa lamang e. Dagdag na naman ito sa magiging isyung kahaharapin ko. Mabubulabog na naman ang social media dahil sa tagpong ito.
“Chalmer!” sigaw ko matapos kong masilayan si Chalmer sa malapitan sa amin na unti-unting natutumbahan ng punong kahoy. Buong pwersa akong tumakbo papalapit sa kanya upang mahila o matulak mula sa punong kahoy. Subalit, dahil sa sobrang lakas ng aking pagtakbo ay nabundol ko siya. Sanhi upang pareho kaming natumba at muling naglapat ang aming mga labi. Hindi ko alam pero nang maglapat ang aming mga labi ay para bagang bumabalik sa akin ang aming nakaraan noong nanakawan kaming dalawa hanggang sa manalo kami sa isang kompetisyon.
“Sorry!” Tumayo agad ako at umiwas ng tingin sa kanya. Kailangan kong iparamdam na wala lang sa akin ang mga halki na iyan. Tiningnan ko ang punong kahoy na muntikan ng matumba sa kanya. Siguro, kung hindi ko siya tinawag at tinakbo ay tuluyan na siyang duguan ngayon. “Ayos ka lang ba?” untag ko na hinahawakan ang kanyang damit. “Wala bang masakit sa iyo?” Labis ang pag-aalala ko. Natatakot ako na may kung anumang mangyari sa kanya. Baka pagsisisihan ko ang lahat.
“Relax!” Tumayo siya at hinawakan niya ako sa magkabalikat. “Salamat. HIndi ko alam na ayaw mo pa palang mawala ako sa mundo. Jam Bie!” Parang iba ang tuno ng kanyang pananalita, nakakapanibago o baka umaasa lang ako na Babe pa rin ang itatawag niya sa akin. Hays! Hindi naman sa ganoon.
“Huwag ka ngang mag-joke tungkol sa kamatayan.” Sinamaan ko siya ng tingin at pinag-aalis ang kanyang mga kamay mula sa aking balikat. Nainis ako ng sobra ng marinig ko iyon mismo sa bibig niya. Na-ayaw ko pa rawng mawala siya sa mundo. Tumalikod ako.
“Lahat naman ng tao, kamatayan ang katapusan.” Napahinto ako sa kanyang tinuran. “Hindi ba Jam Bie?”
“Bro. Umayos ka nga. Tinulungan ka na nga niya e,” sabat ni Chalmer. Bakit ba siya nagkakaganito? Ayaw ko siyang tingnan, iba na siya.
“Hindi ba, Mike?” Hinawakan ko ang kamay ni Kael, nasisilayan kong humuhulma na ang kanyang kamao. “Lahat naman ng tao, kamatayan ang katapusan.”
“Gago ka!” Itinapon ni Kael ang aking kamay at isinuntok ito kay Chalmer. Dumarami na ang mga estudyanteng nakapalibot sa amin. Bigla akong nainis matapos kong masilayan ang bibig ni Chalmer na dumudugo.
Nagpakawala ng malakas na suntok si Chalmer kay Kael. Nagsusuntukan na sila ng paulit-ulit. Wala pa ring gurong dumadating at estudyanteng umaawat sa kanila.
“Tama na, Kael!” Pumagitna ako sa kanila at lumapit ako kay Chalmer. Ang bawat isa sa kanila ay gigil kung sumuntok. “JM, hawakan mo siya. Please!” Pagmamakaawa ko kay JM na itinuturo si Kael. Sumunod naman si JM at nagawa niyang papigilin ito.
“Magsama kayo!” Naiinis na kumawala si Kael sa pagkakahawak kay JM at dumiritso sa kanilang silid. Ano na naman ba itong nangyayari? Paano ko sila mapagsasama sama at maisabi ang tungkol sa aking panaginip. Hays! Tulong!
_______