Chapter2: Maling Akala

Elora Amore Point of View

“ Ihahatid na lang muna kaya kila Adel, Amore? May makakasama ka do’n, lalo na at nando’n din naman si Klofie. ” pinapanood ko lang siya na mag-ayos ng sarili.

“ Ma, hindi na kailangan. Ayos lang ako rito. Isa pa, magre-review ako. Kung do’n ako, tiyak na walang review na mangyayari. Kilala mo naman si Klofie, ” bumuntong hininga na lumapit at tumabi sa akin. She gently caress my hair.

“ Pero hindi ako mapapanatag kung iiwan kitang mag-isa dito sa bahay, ” napangiti naman ako. Hindi ko siya masisisi sa pag-aalala.

“ Huwag ka ng mag-alala pa, ma. Kaya ko na sarili ko. Malaki na ako. ” niyakap at nilambing ko siya para mabawasan ang pag-aalala niya. Second time, she sigh.

“ Hanggang madaling araw ang trabaho ko. Sigurado ka bang ayos ka lang dito? ” kumalas ako sa yakap at mabilis na tumango. May binigay kasing raket ‘yong kaibigan niya kanina.

Hinalikan niya ko sa noo. “ Kung talagang ayaw mo do’n wala na akong magagawa pa. ” hinatid ko siya hanggang sa hindi maayos na gate namin. “ Lock the doors. Mag-iingat ka rito. Aalis na ako. ” binigyan ko siya ng matamis na ngiti at kumaway.

Sinundo siya ng hindi ko kilalang kaibigan niya. Siya rin ang magiging kasama ni mama sa take. Pumasok na ako sa loob at ni-lock ng mabuti ang pinto. Nag-review saglit bago natulog.

Naalimpungatan ako ng maramdamang may humahaplos sa buhok ko. Nakangiting mukha ni mama ang bumungad sa akin. Mukhang kararating niya lang dahil hindi pa siya nakakapagpalit ng damit.

“ Nagising pa yata kita. ” bumangon at umayos ng upo. Niyakap siya sa bewang. “ Kumusta ang raket mo, ma. Magaan lang ba? Hindi ba masiyadong nakakapagod? ”

“ Sobrang gaan lang at hindi nakakapagod. Magse-serve lang naman kami ng drinks sa customers. Ang sabi pa nga ng manager, pumasok ako ulit bukas, ” napangiti naman ako sa narinig. Kaya bilib ako sa kaniya, kahit ilang beses natatanggal sa trabaho mabilis din namang nakakahanap. Isa pa, hindi agad sumusuko.

“ Hindi naman kayo binabastos do’n, di’ba? ” sa bahay aliwan kasi ang raket niya. Waitress siya do’n at ang kaibigan niya pero hindi ko rin naman maiwasang maisip ang scenario na ‘yon. Tuwing nalalasing pa naman ang isang tao, minsan nagiging bastos ng hindi sinasadya.

Napatingala ako sa kaniya nang walang makuhang sagot. Tipid na ngumiti lang siya. “ Wala naman. Bawal ang bastos do’n, ” hindi na lang ako nagsalita pa. Ramdam ko naman na medyo nagsisinungaling siya.

“ May balak ka namang maghanap ng ibang trabaho, hindi ba? ” nananatiling sa dingding ang tingin ko. Ramdam ko naman ang tingin niya sa akin.

“ I mean, kahit waitress pa rin naman pero hindi na sa bahay aliwan. ” dagdag pa. Ayoko lang talaga na napapahiya si mama dahil sa pinagtatrabahuan niya.

“ Oo naman. May balak talaga akong maghanap ng ibang mapapasukan. Wala sa listahan ko na magtagal sa bahay aliwan, ” sagot niya sa mababang boses. “ Masiyado pang maaga ngayon kaya matulog ka ulit. Magbibihis lang ako saglit. ”

Tumayo na siya at kumuha ng pamalit bago lumabas ng kwarto. Hindi pa siya nakakabalik ay nakatulog na ulit.

“ Baka hindi mo ko maabutan dito sa bahay mamaya. Matatagalan siguro kami sa lakad namin ni Belen. Kilala mo naman siya, hindi ba? ” tumango naman ako bilang tugon. Nasa harap kami ngayon ng hapag at nag-aagahan. Si tita Belen ang kaibigan niyang nagbigay sa kaniya ng raket sa bahay aliwan. Rumaraket din kasi siya roon.

“ Uuwi ka po ba muna bago pumasok sa raket no? ” nagligpit na kami ng pinag-kainan. Siya na ang nagpresentang maghugas. Hinintay muna ang sagot bago naisipang mag ihis.

“ Depende ‘yon. Kung maaga kaming makakauwi at makakahabol pa, uuwi muna ako pero kapag gahol na sa oras, hindi na. ” nagpaalam na akong magbihis muna.

Nauna na akong umalis ng bahay. Pinuntahan ko si Klofie sa kanila. Hindi rin naman nagtagal ay lumabas na siya. Maaga pa naman kaya napagkasunduan na maglalakad papasok.

“ Balita ko waitress si Ninang sa bahay aliwan ah, ” kagaya ng nakasanayan niya, nakalingkis ang kamay nito sa braso ko.

“ Do’n muna siya pansamatala papasok habang wala pang nakikitang ibang maayos na trabaho, ” bumabati at ngumingiti kami pabalik sa mga kakilalang nakakasalubong.

“ Sigurado rin akong hindi magtatagal si Ninang do’n. Si Ninang pa. Ang bilis kaya no’n makahanap ng trabaho, “ napangiti naman ako sa sinabi niya. Kahit papaano gumaan ang pakiramdam ko.

“ Pero paniguradong aawayin ka naman ni Laila kapag nalaman niya ‘yan. Palibhasa chismosa mama no’n, ” mahihimigan ko pa ang inis sa boses niya. Tuwing binabanggit niya talaga ang pangalan ni Laila, automatic nag-iinit ulo niya.

“ Huwag mo ng isipin pa ‘yan. Wala lang ‘yon magandang magawa sa buhay. ”

Tahimik akong nagbabasa sa upuan nang biglang padabog na pinaharap ni Laila ang nasa unahang upuan ko. Umupo siya sa desk at pinatong ang paa sa upuan. Nasa gilid naman ang alipores niya.

“ Balita ko sa bahay aliwan nagtatrabaho mama mo ngayon, ah? ” sinadya niya pang lakasan ang boses para marinig ng kaklase namin. Tama nga ang hinala ni Klofie. Isa na lang talaga maniniwala na ako kay Klofie na chismosa ang trabaho ng mama niya at hindi empleyado sa munisipyo.

“ Tumigil ka na, Laila. Ayoko ng gulo, ” mahinang sagot ko. Nakaka-insultong tumawa naman siya at maarteng ginaya ang huli kong sinabi.

“ Ayoko rin naman ng gulo, Elora. Nagtatanong lang naman ako. Ano bang masama sa tanong ko? Meron ba? ” tinanong niya pa mga kaibigan niya. Umiling naman sila, indikasyon na walang masama sa tanong niya.

“ Wala naman pala eii. Ngayon, bakit hindi mo na lang sagutin. Totoo bang nasa bahay aliwan nagtatrabaho mama mo? ” gusto ko ng matapos ‘to at malapit na akong mapikon sa babaeng ‘to.

“ Oo, totoo. Nasa bahay aliwan nga siya nagtatrabaho. Okay na ba? Nasagot ko na ba tanong mo? ” napasinghap naman sila sa sagot ko. Binigyan pa ako ni Laila ng pandidiring tingin. Tumayo naman ako at pinantayan siya.

“ Pero hindi porket na sa bahay aliwan siya nagtatrabaho, ibig sabihin nagbebenta na rin siya aliw. Waitress siya do’n at hindi hostess. Hindi niya kailangang ibaba ang sarili para sa gano’ng klaseng trabaho kung alam niya namang masisira lang siya. ”

Magsasalita pa sana siya ngunit dumating na si ma’am. Nagkaroon ng kunting pasulit at discussion. Sa harap lang ang atensyon ko. Nang magkaroon ng pairing , mas pinili kong makipag-pair sa lalaki kaysa sa babae. Baka wala kaming matapos dahil sa dami ng arte.

“ Huwag mo na lang pansinin ‘yang si Laila. Matapang lang ‘yan dahil malakas ang kapit kay mayora. ” pampalubag loob ni Aiden, kaklase at ka-pair ko sa activity. Rinig kasi sa pwesto namin ang mga sinasabi ni Laila tungkol kay mama.

“ Pinapatulan ko lang naman ‘yan kung sumusobra na. ” saktong pagdating ni ma’am, tapos na kami. Hinintay lang namin ang iba na matapos bago umuwi. Half day lang kami ngayon dahil may meeting ang mga teacher.

Lumapit sa akin ang dalawa kong kaklaseng babae. Sa lahat ng mga kaklase kong babae, masasabi kong magaan ang loob ko sa dalawa dahil mabait sila. Hindi sila basta-bastang naniniwala sa sinasabi ni Laila at hindi mapanglait.

“ Totoo bang nagtatrabaho ang mama mo sa bahay aliwan? ” mahinang tanong ni Messi. May nagsasagot pa kasi.

“ Oo, waitress siya do’n. ” umasim naman ang mukha ni Aida.

“ Ang sama talaga ng ugali nitong si Laila. Sabi na eii, mali na naman ang pinagkakalat ng babae na ‘yon. ” pagra-rant niya. Kaya naman pala gano’n makatingin ang ibang student dito ay may pinagkakalat pala siya.

“ Pinagkalat ba naman na hostess daw ang mama mo, ” parang batang sumbong ni Messi. “ Napaka-fake news talaga ng babae na ‘yon, ” nanggigigil na dagdag niya. Masama namang tiningnan ni Aida ang pwesto ni Laila.

“ Hayaan niyo na ‘yan. Wala namang bago. Simula ng magtrabaho ang mama niya sa munisipyo ay naging ganiyan na ang ugali, ” sabay na tumango naman sila. Tama rin naman kasi ang sinabi ko. Kung dati mayaba lang siya dahil sa pagiging OFW ng ama ngayon ay nagiging bully na simula ng magtrabaho ang ina sa munisipyo.

“ Sus, sa tingin na kasi nila malakas na sila kay mayora porket nagtatrabaho do’n ang nama niya. ” umismid pa si Aida. Inawat ko na silang dalawa at baka lumakas pa ang boses. Sanay pa naman rin sila na magparinig lalo na kung si Laila ang topic.

“ Gusto mong sumambay sa amin, Elora? ” alok nila ng matapos ang klase.

“ Huwag na. Sasabay kasi si Klofie sa’kin. Hihintayin ko na lang. ” tumango naman sila at nauna ng lumabas. Wala na rin sila Laila dito.

Lumabas na ako at pumunta sa harap ng room nina Klofie at hihintayin siya. Mas nauna kasi kaming natapos kaysa sa kanila.

Habang hinihintay ko siya, rinig ko ang usap-usapan ng iba tungkol sa bagong trabaho ni mama. Binalewala ko na sila, alam ko namang walang katotohanan ang pinagsasabi nila.

“ Ate, totoo po bang hostess ang mama mo? ” magalang na tanong ng isang estudyante na mas bata sa akin.

Ngumiti at umiling ako sa kaniya. “ Hindi siya hostess, waitress siya. ” pagtatama ko. Nagpaalam na sila at umalis pero narinig ko pa ang reklamo no’ng babaeng nagtanong.

“ Sabi sa’yo fake news ‘yon eii. Wala namang sinabing tama ‘yong Laila ba ‘yon. ”

Tumingin lang ako sa may plaza. Nasa second floor kasi ang room namin. Mula rito makikita ang malawak na plaza.

“ Ay sorry, hindi ko sinasadya, ” maarteng paumanhin ng babaeng walang ginawa kung hindi manira. Humarap ako sa kaniya ay nakitang wala ng laman ang dalang shake cup.

“ Sa susunod, tumingin ka ng maayos sa dinadaanan mo para hindi nakakabangga. ” paalala ko sa kaniya sabay pinagpagan ang ice na kumapit sa uniform ko.

“ Hindi ko naman kasi nakita na nandiyan ka pala, ” hindi ko na lang siya pinansin at aalis na sana ng makitang sumenyas sa akin si Klofie na sa kabilang pinto siya dadaan.

“ Bastos mo naman. Kinakausap pa kita pero aalis na agad. Saan ang manners mo niyan? ” mariing pumikit bago tumingin sa kaniya.

“ Hindi ako bastos. Kung nababastos ka sa kilos ko, hindi ko na problema ‘yon. At kung manners ang usapan, meron ako niyan nasa loob ko. Eh ikaw, may manners ka ba? ” kalmadong tanong ko sa kaniya. Namula naman ang mukha niya sa galit. Pakiramdam siguro niya iniinsulto ko siya.

“ Of course I have. Ang kapal mo naman pa--”

“ Kung meron ka ngang manners, hindi mo kung saan-saan itatapon basura mo. ” sabay turo sa cup na tinapon niya lang sa tabi.

Umalis na ako do’n at lumapit na kay Klofie. Hindi na inintindi pa ang mga sinabi niya.