Chapter 15: Unlimited Kisses

Halos hatinggabi na pero hindi pa rin dinadalaw ng antok si Charina. Ilang gabi na naman siyang ganoon pero wala naman siyang magawa. Pabiling-biling siya sa higaan. Paano pa siya makakatulog kung ang gwapong mukha ng banyaga at ang mga halik nito ay patuloy na ginugulo siya kahit abala sa mga gawain. Paniguradong may nakakita sa kanila dahil katulad niya ay usisera sina Doris at Mayumi. Si Romina naman ay walang sawa sa pagtili nang makasakay sila ng kotse. Pagkatapos maghapunan at maligo ay pumasok pa ito sa kuwarto niya para mag-usisa at magtitili pero tikom ang bibig niya.

Hindi niya alam kung ano ang iisipin maliban sa mga tanong kung bakit siya nito hinalikan ilang araw na ang nakakalipas. Lalo pa siyang nabahala kung ano ang iisipin nito sa kanya. Madali namang magsawalang-bahala pero mas lalong dapat siyang lumapit dito dahil nangungulit na si Hermes sa kanya tungkol sa development. Sinasabi na lang niyang maayos na sila ni Vladimir. Maayos na maayos talaga sila dahil sa ilang minutong kissing scene nila. Pero ayaw niyang harapin ito dahil nahihiya lang siya. Tinanggap niya na sa sariling crush niya talaga ito. Masungit ito pero masarap humalik at cute na cute kapag ngumingiti. Ibinasura na niya ang paniniwala niyang walang appeal ang mga European dahil ang mga Kdrama na pinagpuyatan niya ay wala nang gaanong epekto sa kanya. Tuwing manonood siya sa Netflix ay ang asul na mga mata ni Vladimir ang makikita niya kahit puro singkit naman ang mga tauhan.

Lalo lang ding iisipin ng lalaking may motibo siya sa pagpunta roon, na stalker siya, na pinagnanasaan niya ito. Nakakahiya iyon para sa propesyon niya. Kapag nalaman pa iyon ng mga katrabaho niya ay baka tuksuhin pa siya. Hindi din siya natutuwa sa sarili dahil para sa kanya ay hindi dapat pinagsasabay ang business at pleasure. Pleasure, desire, and awe. Iyon ang tatlong bagay na nadarama niya tuwing maaalala ang maalab na halik na pinagsaluhan nila ng lalaki. The man was literally large, but he was larger than life.

Kailangan na niyang bumalik sa mansiyon para makipaglapit dito at makakuha siya ng impormasyon pero wala siyang maisip na dahilan. Hindi niya alam kung nasaan ang may-ari dahil hindi naman ito nag-re-reply sa mga text messages niya. Magmumukha lang siyang katawa-tawa kapag sinabi niyang si Nanay Victoria ang pakay niya dahil wala ito roon. Hindi naman niya pwedeng tanungin si Vladimir dahil magmumukhang lame excuse iyon para dito. Isa pa ay parang mas gusto niyang tumakbo palayo kapag nasa malapit ito. Ganoon na ang epekto nito sa kanya. Baka mauwi na naman iyon sa halikan at hindi na niya magawa ang trabaho.

Nang magising siya kinabukasan ay bahagya pa lamang sumisikat ang araw. Hindi pa sapat ang tulog niya pero iyon ang body clock niya. Pagtingin niya sa cellphone ay puno iyon ng text messages mula kay Nanay Victoria na sinasabing tumawag siya pagkagising. Ganoon nga ang kanyang ginawa.

Agad din naman nitong sinagot ang tawag. “Hello po, Nanay Victoria,” masayang bungad niya.

“Oh Charina! Ang tagal ko nang hindi narinig ang boses mo mula noong kolehiyo ka pa,” anito sa himig nagtatampo.

“Pasensya na po Nanay. Iyon po kasi ang huling beses kong magbakasyon kina Hermes.”

“Kumusta na pala si Hermes?”

“May anak na po siya.”

“Hindi ko man lang alam,” malungkot na sabi nito.

“Pasensiya na po talaga kayo.”

“Naiintindihan ko,” anito sa himig na natatawa na. “Matagal din kayo sa Maynila. Paano mo pala nalaman ang cellphone number ko?”

“Hiningi ko po kay Manang Delia.”

“Mabuti naman kung ganoon. Mamayang hapon ay nasa mansiyon ako. Pwede ba akong mag-request sa iyo na ikaw ang magluto ng hapunan? Ang tagal ko nang hindi natitikman ang kare kare at ginisang broccoli mo.”

“Opo naman po.” Saglit pa silang nagkuwentuhan ni Nanay Victoria at mabilis na naligo. Tinawagan niya si Nanay Delia at sinabi nitong nakabili na ito ng sangkap dahil ibinilin na rin ni Nanay Victoria. Nagbihis na siya nang maganda para lang matigilan nang maalalang nangangahulugan iyon na makikita na naman niya si Vladimir. Napaupo na naman siya sa kama at pinag-isipan ang gagawin. Ayaw niya munang makaharap ito pero baka magtampo ang matandang babae kapag hindi siya pumunta dahil nakiusap ito at nangako na siyang pupunta doon para ipagluto ito. Lumabas na siya ng kuwarto at sinabihan si Romina na babalik sila sa mansiyon. Tili na naman ito nang tili na nakasanayan na rin ng mga tao sa bahay ng pamiya ni Hermes. Para pang may pakpak ang mga paa nitong pumasok ng kuwarto at nag-ayos.

Pagbalik ay hinila na agad siya nito palabas at ito na ang nagmaneho ng kotse. “Bakit pala tayo babalik doon?”

“Magluluto ako doon.”

“Oh em gee! Parang jowa na talaga! Ang sweet mo, Day! Ipagluluto mo pa si lover boy mo!”

“Hindi noh! Darating si Nanay Victoria at nag-re-request siyang ipagluto ko siya.”

“Siyempre galingan mo dapat para lalong ma-impress sa ‘yo ang afam,” tukoy nito kay Vladimir.

“Tse! Sa ‘yo na lang siya.”

“Plastikada na naman ang babaita. Pero sorry. Doon na ako kay Mykola.”

“Sino iyan?”

“Iyung gwapong bodyguard niya,” anito at tumili na naman. “Talagang sisterettes pala tayo. Sa ‘yo ang amo, akin ang bodyguard, parehong masherep!”

“Tumigil ka nga diyan!”

“Sige lang, magpaka-Maria Clara ka diyan! Magpanggap ka pa diyan,” patuloy na pang-aasar nito na binalewala na lang niya.

“Tse! Hindi ko naman din siya bet at ayoko kahit masarap siyang humalik!”

“Ay! Ay! Umamin ka rin!”

“Ang ibig ko lang sabihin-”

“Huli ka na, Day, huwag ka nang mag-deny. Huwag mo na akong chorvahin,” tumitiling sabi nito.

“Bahala ka sa buhay mo,” aniya at sa bintana na lang tumingin habang nagmamaneho ito. Pagbaba nila sa kotse ay hinayaan niyang mauna itong maglakad suot naman ang kulay green na kumot na hiniram nito kay Manang Loring. Feel na feel talaga nito maging Sanggre. May tiara pa ito na may pekeng green na precious stone na mukhang sa bayan pa nito binili. Agad naman silang pinagbuksan ni Mang Jose na malapad ang pagkakangiti, hula niya ay dahil ibinilin na iyon ni Nanay Victoria sa mga ito.

Dumiretso na sila sa kusina. Hinuhugasan pa lang ang karne para maalis ang mga yelo. Nang matapos iyon ay siya na ang kumilos kasama si Nanay Delia habang ang mga hitad sa pangunguna nina Romina, Doris, at Mayumi ay walang tigil sa pagtili. Naka-recruit pa ng mga bagong sirena ang kaibigan niya kaya parang nasa istasyon na sila ng bumbero dahil sa ingay ng mga ito. Kahit anong saway nila ay ayaw tumigil ng mga ito.

“What’s going on here?” Kahit hindi siya lumingon ay alam na niya kung kanino nanggaling ang baritonong boses na iyon. Agad nanigas ang kanyang likod at hindi niya nagawang lumingon. Huling-huli sa akto ang mga ito. Hawak ni Romina ang tangkay na nadaanan nila na ginawang espada habang sina Doris at Mayumi ay may mga hawak na kutsilyo. Ang iba ay hawak ang takip ng mga orocan na kunwari ay shield. “Why are you trying to kill yourselves?”

“No sir. We’re just playing,” sabi ni Romina sa mahinhin na boses.

“Playing using knives and twigs?” Alam niyang nakakunot na ang noo nito.

“Yes, sir,” pagbibida ni Mayumi. “We’re like Sanggres in Encantadia.”

“What?”

“Sanggres like fairies or goddesses,” muling sabad ni Romina.

Lumingon na siya sa mga ito at nakita niyang napailing pa si Vladimir. Ang ibang kasambahay ay nakita niyang pumunta ng banyo para ibalik ang mga takip ng orocan. Nagsilabasan na ang mga ito sa kusina. “Nanay Delia, dito lang po kayo sa tabi ko,” aniya at pinagtuunan ang niluluto.

“What’s that?” Hindi siya sumagot. Alam niyang nasa kabilang gilid niya ito. “What’s that?” Inulit lang nito ang itinanong.

“May titingnan lang muna ako sa kuwarto ko, Charina,” sabi ni Manang Delia at mabilis na naghugas ng kamay.

“Teka lang po.” Hindi na niya natuloy ang sasabihin dahil mabilis na nakalabas din ito ng kusina.

“What’s that, sweetheart?” Hindi niya ito pinansin pero mahina siyang napatili nang maramdaman ang labi nito sa gilid ng leeg niya.

“Ano ka ba?” Tumingin siya rito kaya sinamantala nito iyon para siilin siya ng halik na tumagal ng ilang segundo. Itinulak niya ito palayo.

“What?” Hindi ito nakangiti pero kitang-kita ang kapilyuhan sa mga mata nitong nagningnging.

“Can’t you see I’m busy?”

“I’ll help you.”

“You don’t know how to do it, Vladimir!”

“So you know my name?”

“Tse!” Ipinagpatuloy niya ang ginagawa. Ito naman ay pumuwesto sa ginagawa ni Nanay Delia. Nagulat pa siya dahil marunong itong maghiwa ng gulay.

“I see you’ll cook kah-re kah-re,” tukoy nito sa karekare. “That’s Nanay Vicky’s favorite.”

“Yes. Leave me alone. I can do it on my own,” mahinang sabi niya pero mahina lang din itong natawa kaya napaangat ang tingin niya para lang salubungin ang mabilis na dampi ng halik nito. Smack lang iyon pero nagbigay pa rin iyon sa kanya ng libu-libong boltahe. Sa inis ay tinutukan niya lang ito ng kutsilyo habang ito ay pangisi-ngisi lang habang kinikindatan siya. Hindi siya makapaniwalang ang masungit na lalaki ay biglang naging ganoon ang pakikitungo sa kanya. Sa laking tao nito na kung laitin pa siya at tawaging hobbit ay parang bata ito. Naalala niya tuloy ang sinabi ni Romina na halikan niya lang ang lalaki at baka mapaamo niya. Mukhang tama nga ang maharot niyang kaibigan kaya lihim na siyang napangiti.