CHAPTER 1- Our first night

ISSABELLE'S POV

_______

"Elcan! Hanggang kailan mo ako susuwayin, ha?!"

Napatigil ako sa harap ng isang nakasaradong pinto nang marinig ang boses ni Mrs. Fostrea, ang mommy ni Kaist.

Halatang galit ito sa kausap. Nakaramdam ako ng pagkauhaw kanina kaya bumaba ako para kumuha ng tubig. Hindi ko inaasahang ganitong pangyayari ang madadatnan ko rito sa ibaba.

"Hanggang tigilan mo na ang pangigialam sa buhay ko!" pagrerebelde ng lalaki.

Kung gaano kalakas ang pagkakasabi ng mommy niya sa kanya ay ganuon din kalakas ang kanyang pagsagot.

Ito ang unang gabi namin ni Kaist bilang mag-asawa ngunit sa halip na mag-honeymoon ay nakipagsagutan siya sa kanyang ina.

"May asawa ka na ngayon kaya layuan mo na ang babaeng iyon. Kailanman ay hindi ako papayag na magiging parti siya ng ating pamilya!"

Kunot noo kong tiningnan ang pinto. Babae? Sinong babae ang tinutukoy ni Mrs. Fostrea?

Sandaling natahimik ang silid.

"Pinagsisisihan kong ikaw ang aking naging ina!" singhal ng lalaki.

Napatakip ako sa aking bibig nang marinig ang lagapak mula sa loob. Ang tunog na iyon ay sanhi ng isang malutong na sampal.

Ilang minuto pa ay bigla na lamang bumukas ang pinto. Tila ba nanigas ako sa kinatatayuan ko kaya hindi kaagad ako nakapagtago. Mula sa loob ay lumabas si Kaist, halatang nagmamadali ito.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita akong nakatayo roon.

"Pa-pasensya na. Napadaan lang ako t-tapos—"

"Bitch!" Pinanlakihan niya ako ng mata kaya napaatras ako sa sobrang takot. Namumula ang kanyang mga mata pati na rin ang kaliwa niyang pisngi at ang mga titig niya ay talaga namang nakakapanindig balahibo.

Para siyang mamamatay tao sa pelikula. Kung hindi lang siya nakasuot ng mamahaling suit ay aakalain mong isa talaga siyang killer.

Pabagsak niyang isinara ang pinto pagkatapos ay mabilis na humakbang papalapit sa akin. Binangga niya ako sa balikat kaya napaupo ako sa sementadong sahig. Ramdam ko ang sakit sa aking balakang nang ako'y mapaupo, ngunit wala akong nagawa kundi ang tingnan lang ang kanyang likod habang naglalakad siya palayo.

Nang siya ay makaakyat sa hagdanan at tuluyang makapasok sa kanyang silid ay saka lamang ako linapitan ni manong Cris. Si manong Cris ang assistant at driver ni Kaist. Matagal na siyang nagtatrabaho sa mga Fostrea kaya kung may nakakaalam man sa totoong pag-uugali ng mga Fostrea si manong Cris iyon.

"Ms. Sab, ayos lang po ba kayo?" Nag-aalalang tanong ni manong Cris sabay hawak sa braso ko. Inalalayan niya akong tumayo.

"Ayos lang po ako manong. Salamat." Nginitian ko si manong.

"Pag-pasensyahan niyo na si sir Kaist, simula kasi nang nag-asawa ng iba si ma'am Lou ay naging mainitin na ang ulo niya."

"Ibig niyo po bang sabihin hindi tunay na ama ni Kaist si sir Edward?" Mangha kong tanong.

Ang mag-asawang Lou at Edward kasi ang pumunta sa ampunan at nag-alok sa akin na magpakasal kay Kaist. Inakala kong tunay na ama ni Kaist si sir Edward ngunit hindi pala.

Umiling-iling ang matanda. "Hindi. Isang Australiano ang tunay na ama ni sir Kaist. Hindi nagkaintindihan si ma'am Lou at ang tunay na ama ng batang iyon kaya naghiwalay sila. Si sir Edward ay pangalawang asawa ni ma'am Lou."

Kaya pala hindi maganda ang turing ni Kaist kay sir Edward, hindi niya pala ito tunay na ama. Mabait si sir Edward at mapag-alala. Kilala rin siya sa business world. Ginagalang siya ng halos lahat ngunit hindi niya makuha ang paggalang mula sa itinuturing na anak.

Dahil sa natuklasan kaya mas lalong lumalim ang pagmamahal ko kay Kaist. Mas lalo ko siyang naintindihan dahil nakikita ko ang sarili ko sa kanya. Marahil ay iniisip niyang nag-iisa siya at wala siyang karamay kaya siya nagkaganuon. Katulad ko. Pareho kaming nasa silid ng kalungkutan.

Malamig man ang turing niya sa akin ay hindi ko pinagsisisihang nagpakasal ako sa kanya. Gagawin ko ang lahat para makamit ang pagmamahal niya kahit pa man paulit-ulit niya akong saktan.

"Hmfp! Pasensya na po kung napa-kwento ako. Huwag niyo na po sana itong banggitin kay sir Kaist." Nakayuko ang matanda habang nagsasalita. Halatang natatakot.

Alam kong pinagbawalan siya ni Kaist pati na ang mga katulong sa bahay na ito na magsalita tungkol sa pamilya Fostrea. Ayaw niyang malaman ng lahat ang hindi pagkakaintindihan nilang magkapamilya.

Tumango ako at hinawakan ang kamay ng matanda. "Huwag po kayong mag-alala. Hindi ko kayo isusumbong. Siya nga po pala, huwag niyo na akong tawagin mamaya. Kusa na akong bababa para kumain."

"Masusunod, Ms. Sab." Yumuko muli ang matanda sa aking harapan. Binitiwan ko ang kanyang kamay kaya nagpaalam na siya at umalis.

Nang hindi na matanaw ng aking mga mata si Manong Cris ay saka ako humakbang para sana tumuloy sa kusina ngunit napahinto akong muli nang bumukas ang pinto sa silid ni Mrs. Fostrea.

Agad akong yumuko ng makita siya. "Mrs. Fostrea."

Naramdaman ko ang biglang paghawak niya sa aking magkabilang balikat.

"Issabelle! Ano ka ba." Inalalayan niya akong tumayo ng tuwid. "Hindi mo kailangang gawin iyan. Ngayon na kasal na kayo ni Kaist, parti kana ng pamilya kaya ituring mo akong iyong tunay na ina."

Yumuko akong muli nang marinig ang sinabi niya. Kahit kasal na kami ng anak niya ay kalabisan parin na ituring ko siyang tunay na ina.

"Mrs. Fostrea, patawarin niyo po sana ako pero hindi ko magaga--"

"Mommy. From now on, you have to call me, Mommy."

Napaangat ako ng tingin. "H-ha? A-ano po?" Pinatayo niya ulit ako ng tuwid pagkatapos ay nakangiting hinaplos ang aking buhok.

"Ang sabi ko simula ngayon, Mommy na ang itatawag mo sa akin. Nagkakaintindihan ba tayo? At tigilan mo na iyang kakayuko sa harap ko, katulong lang ang gumagawa niyan."

"Ah. O-opo, Ma-mommy." Awkward akong ngumiti. I guess, kailangan ko nang sanayin ang sarili ko.

Nabanggit ni Mommy na gusto niya akong makausap kaya naman pumasok kami sa loob ng kanyang silid. Pinaupo niya ako sa isang mahabang sofa habang siya naman ay naupo sa isa pang upuan sa harap ko. Nag-utos na rin siya ng isang katulong na magdala ng tubig para sa akin.

Habang naghihintay ay hindi ko pinalampas ang pagkakataon para ilibot ang paningin sa loob ng silid ni Mommy. Malawak ang silid na iyon. Mayroong malaking kama sa gitna. May malahigante at kumikinang sa gandang chandelier na nakakabit sa bubong sa gitnang bahagi ng kuwarto.

Malinis at amoy lavender ang paligid. Sa itaas ng kama ay nakasabit ang isang malaking litrato. Ang nasa litrato ay si Mommy at Daddy Edward. Kuha ang litratong iyon noong araw na ikinasal sila. Sa gilid ng kamay ay mayroong isang maliit na mesa at sa ibabaw nu'n ay may nakatayong picture frame at si Kaist naman ang nasa litrato.

Nakasuot siya ng toga at may hawak-hawak na certificate. Nakangiti siya sa litrato na para bang isang bibong bata. Ibang-iba sa Kaist na nakilala ko ngayon.

"Kuha 'yan noong grumaduate siya ng Highschool." Napatingin ako kay Mommy. Napansin niya yatang nakatingin ako sa litrato ng anak niya.

"Ahh..." Dahan-dahan kong linapag ang baso sa ibabaw ng mesa at saka mahinhin na pinunasan ang bibig gamit ang isang malinis na pamunas.

"Ibang-iba na siya ngayon. Alam kong nasaktan siya sa nangyari sa amin ng Daddy niya pero wala na akong magagawa." Bakas ang matinding kalungkutan sa mga mata ni Mommy habang nagsasalita. Nakatitig siya sa litrato na parang maiiyak. Pagkaraan ng ilang segundo ay agad niyang ibinaling ang tingin sa akin. "Kaya dapat mo siyang intindihin. Issabelle, kaya mo siyang tiisin, hindi ba? Huwag kang mag-alala, balang araw ay makikita niya rin ang pagmamahal mo sa kanya. Tiisin mo muna siya ngayon."

Hindi ko alam kung bakit ginagawa ito ni Mommy. Hindi ko maintindihan kung bakit ako ang pinili niyang ipakasal sa kanyang anak. Dahil sa kanyang sinabi, para bang pinapaubaya niya sa akin si Kaist. Ramdam ko ang confidence na pinapakita niya sa akin. Para bang natitiyak niyang kaya kong alagaan at ibalik sa dati ang kanyang anak.

Hindi ko alam kung kaya ko iyong gawin pero nangako ako sa harap ng altar na mamahalin ko si Kaist sa hirap at kaginhawaan. Sa kalungkutan at kasiyahan. Hindi ko siya susukuan.

Isang matamis na ngiti ang ipinakita ko kay Mommy. "Huwag po kayong mag-alala. Nangako ako sa altar na mamahalin ko ang inyong anak kaya papanindigan ko iyon."

Nawala ang pag-aalala sa kanyang mukha. Para bang nabunutan siya ng tinik sa kanyang puso.

"Siya nga pala. Naibigay ko na ang pera sa ampunan na ilalaan para sa renovation. Nagbigay na rin ako ng mga Vitamins at pagkain para sa mga bata."

"Maraming salamat po."

"Walang anuman. Bukas sa loob ko na tulungan ang ampunan. Isa pa, iyon ang napag-usapan natin."

Pagkatapos naming mag-usap ni Mommy ay bumalik na ako sa aking silid. Habang nakaupo sa aking kama ay hindi ko maiwasang mag-alala kay Kaist. Namamaga ang kanyang pisngi kanina kaya tiyak na hanggang ngayon ay ramdam niya parin ang sakit.

Simula nang makapasok siya sa kanyang silid kanina ay wala pa akong nakikitang katulong na naghatid ng gamot o kahit ice cubes sa kuwarto niya. Hindi rin siya lumabas o kahit nagtawag ng katulong.

Bilang asawa, responsibilidad kong alagaan siya kaya naman pagkatapos ng ilang minutong pag-aalangan ay napagpasyahan kong puntahan siya sa kanyang silid na nasa tapat lang ng aking kuwarto.

Gusto ni Mommy na magsasama kami ni Kaist sa iisang silid ngunit mahigpit na tumanggi ang lalaki. Kesho sa papel lang raw kami mag-asawa ngunit sa realidad ay walang namamagitan sa amin.

Tumayo ako sa harap ng kanyang pinto at nakinig. Ilang minuto akong nakatayo roon, nagbabakasakaling makasagap ng ingay mula sa loob ng kanyang kuwarto ngunit kahit katiting na tunog ay wala akong narinig. Doon ako naglakas loob na kumatok. Dalawang beses akong kumatok ngunit walang sumasagot kaya linakasan ko ang aking loob at binuksan ang pinto.

Sumilip ako at nakita ko si Kaist na nakaupo sa isang desk chair. Nakapikit ang kanyang mga mata habang ang kanyang ulo ay nakasandal sa likuran ng upuan.

Dahan-dahan akong pumasok sa loob. Maingat kong isinara ang pinto pagkatapos ay walang ingay siyang linapitan.

Bahagya akong yumuko para pumantay sa kanya. Bakas parin ang pamamaga sa kanyang pisngi. Namumula iyon hanggang sa ilalim ng kanyang tenga. Hindi yata napigilan ni Mommy ang galit kanina kaya nagawa niyang saktan ng anak ng ganito.

Nabaling ang tingin ko sa mukha ni Kaist. Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon para makita ng malapitan ang kanyang mukha. Mahaba ang kanyang pilik mata. Matangos ang ilong at mapula ang labi na mas mapula pa kung ikukumpara sa akin. Sobrang kinis ng kanyang mukha, wala man lang kahit kaunting peklat o kahit galos. Sobrang amo niyang tingnan kapag natutulog.

He smells good. He has a sweet, sweet scent na para bang nang-aakit. Iyong tipong hahanap-hanapin mo.

Nabusog ako.

Maingat kong inangat ang aking kanang kamay upang haplosin ang kanyang pisngi ngunit bago pa iyon dumampi sa kanyang balat ay biglang na lang bumuka ang kanyang mga mata. Nagulat ako ngunit bago ko pa man mailayo ang aking kamay ay nahuli niya na ito.

"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo! Ha?!" Nanlilisik na naman ang kanyang mga mata. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakahawak niya sa aking pulso na naging sanhi ng pamumutla ng aking palad.

"Pa-pasensya na. Pasensya na talaga. Gusto lang naman kita... argh! Aray, Kaist!" pagrerebelde ko. Pakiramdam ko ay madudurog na ang mga buto ko sa kamay dahil sa higpit ng kanyang pagkakahawak.

"Hindi pa ba sapat na naging parti ka na ng pamilya? Kulang pa ba ang natanggap mong pera galing kay Mommy, ha?! Ano pa bang gusto mong makuha sa pamilya namin?!"

Pumaling ang mukha ko nang tamaan ng isang malakas na sampal.

Nanginig ang buo kong katawan dahil sa sobrang sakit ng aking pisngi kasabay nu'n ay pagbagsak ng aking nga luha.

Hawak-hawak niya parin ang aking isang kamay. Tumayo siya at hinila ako patayo pagkatapos ay itinulak ako ng malakas kaya sumalampak ako sa sahig.

Iyak lang ako ng iyak. Hindi ko magawang gumalaw. Natatakot ako.

Yumuko siya sa harap ko at hinawakan ang aking baba. Pinilit niyang akong tumingin sa kanya.

"Mukhang pera! Huwag mong pangarapin na magkakagusto ako sa'yo. Kahit kailan hindi ako magkakagusto sa isang ampon at mukhang pera!"

Tumama muli ang isang malutong na sampal sa aking kabilang pisngi. Halos masubsob ang aking mukha sa sahig dahil sa sobrang lakas ng kanyang pagsampal. Tila ba nabingi ako.

"Kaist... maawa ka. Huwag mo namang gawin sa akin 'to."

"Huwag mo ulit akong lalapitan. Nandidiri ako sa'yo! Hindi ka nababagay rito, ulila!"

Tumayo siya at naglakad palabas. Napahagulgol na lamang ako matapos siyang mawala sa paningin ko.

Ang dalawang sampal na iyon ay kaya kong tiisin pero ang tawagin niya akong ulila. Ang sakit nu'n para sa akin.

Hanggang kailan niya ipapamukha sa akin na wala akong pamilya? Hanggang kailan niya isasampal sa akin ang katotohanang nag-iisa na lang ako sa buhay?

Hindi kasalanan ng aking mga magulang kung bakit ako nag-iisa ngayon pero may mga panahon na hindi ko maiwasang sisihin sila. Kung naririto lang sana sila, hindi sana ako nanlilimos ng pagmamahal ngayon mula sa ibang tao.

Ma, Pa, namimiss na kayo ng anak ninyo.