Prologo- We met again

ISSABELLE'S POV

______

"Sigurado ka bang pupunta ka sa party na iyon?"

Napatigil ako sa paglalagay ng make-up sa aking mukha nang magtanong si Yin. Nakasandal siya sa gilid ng mesa sa tabi ko habang naka-cross arms.

"Oo naman." Tumango ako at ngumiti saka ipinagpatuloy na ang paglalagay ng powder sa aking pisngi.

"Handa ka na bang makaharap siya ulit? Siguradong pupunta siya sa parteng iyon." Bakas sa mga mata ni Yin ang pag-aalala. Hindi ko siya masisi kung ganito na lang siya kung mag-alala. Alam niya ang lahat ng pinagdaanan ko. Kung hindi dahil sa mga tulong ni Yin ay hindi ako sigurado kung naririto pa ba ako ngayon sa mundo.

Malaki ang utang na loob ko sa kanya kaya naman mahalaga siya sa akin.

"Huwag kang mag-alala. Matagal ko nang kinalimutan ang lahat." Inalapag ko ang make up brush sa ibabaw ng mesa pagkatapos ay humarap sa kanya. Tumingala ako para makita ang kanyang mukha.

"Kung hindi ka talaga mapanatag, puwede mo akong ihatid at sunduin." Malumanay ko siyang nginitian.

"Alam na alam mo talaga kung paano ako utuin." Natatawa niyang sabi sabay haplos sa buhok ko. Napansin ko ang biglang pamumula ng kanyang mga tenga kaya natawa na rin ako.

Ang cute niya tingnan kapag nahihiya.

"Sige na. Magbihis ka na. Hihintayin kita sa baba." Inayos niya ang maliliit na buhok sa aking noo pagkatapos ay tumayo na siya at lumabas ng aking silid.

Ngayon ang pangalawang araw ng pagbabalik namin dito sa Pilipinas. Limang taon din ang iginugol ko kasama si Yin sa Vancouver para magbagong buhay at para kalimutan ang lahat.

Nagtrabaho ako roon bilang waiter sa isang malaking restaurant na pagmamay-ari ni Yin. Siya ang sumagot sa lahat ng gastusin ko, simula sa pagkain, mga gamit at lahat na. Pinatira niya rin ako sa kanyang bahay.

Mag-aalas sais na ng gabi nang bumaba ako. Nadatnan ko sa salas si Yin habang nakaupo at nanonood ng tv.

"Oho! Ang ganda natin ngayon, ah?" Manginang-nginang ang kanyang mga mata habang nakatingin sa suot kong damit. Kulay pulang dress kasi ang suot ko na may hiwa sa kabilang bahagi kaya kita ang kaliwa kong hita. Medyo labas din ng kaonti ang aking dibdib.

"Thanks." Maikli at nakangiti kong sagot.

Tumayo siya at lumapit sa akin pagkatapos ay inalalayan ako sa paglalakad palabas ng bahay. Pinagbuksan niya rin ako ng pinto. Mga bagay na palagi niyang ginagawa sa akin sa tuwing aalis kami.

Ilang minuto naming binaybay ang mahabang daan bago kami nakarating sa lugar kung saan idadayos ang party.

Wala naman talaga akong balak na pumunta ngunit mismong si Mommy Lou ang tumawag at nag-imbita sa akin kagabi kaya hindi ko magawang tumanggi. Aniya, parti na ako ng pamilya kahit pa man naghiwalay na kami ni Kaist kaya dapat na naroroon ako.

"Ready?"

Tumango ako.

Tanaw ko mula sa bintana ng kotse ang isang mala-mansyong bahay na nasa harapan namin.

Aaminin kong biglang lumakas ang pagkabog ng dibdib ko nang makita ang bahay na iyon. Kailanman ay hindi ko iyon makakalimutan. Bawat sulok ng bahay ay nakatatak sa aking isipan.

Iyong mga masasakit na alaala ay biglang nanumbalik sa akin at napapikit na lamang ako. Para akong nahuhulog sa isang malalim na bangin habang pinagmamasdan ang mansyon. Hanggang sa naramdaman ko na lang ang mainit na palad ni Yin na humawak sa aking mga kamay.

Binuka ko ang aking mga mata at malungkot siyang nilingon.

Ngumiti siya at tumango. "Kaya mo 'yan. Tawagan mo ako kapag may problema."

Mas hinigpitan niya ang pagpisil sa aking mga kamay. Kahit papaano ay napanatag ako.

"Bye."

Lumabas na ako ng kotse ni Yin. Hinintay ko muna siyang makalayo bago pumasok sa loob. Sa pinto pa lang ay mayroon nang napakaraming tao. Lahat ay professional at kagalang-galang.

Hawak ang aking purse ay pumikit ako at nagpakawala ng isang mabigat na paghinga bago pumasok sa loob. Merong ibang tumingin sa akin nang ako ay pumasok. May iba rin sa mga bisita ang namumukhaan ko. Afterall, naging parti ako ng pamilya Fostrea.

Tumigil ako sandali. Inikot ko ang tingin sa loob ng silid. Sa bandang gitna ay nakita ko si Mommy Lou at Daddy Edward na nakikipag-usap sa mga shareholders ng kanilang kompanya.

Limang taon ring hindi kami nagkita kaya naman kahit papaano ay na-miss ko sila. Maliban sa kanilang dalawa ay wala na akong ibang nakitang Fostrea.

"Issabelle!"

Masyado akong naging okupado. Hindi ko napansin na nakita pala ako ni Mommy. Nagpaalam silang dalawa sa mga kausap pagkatapos ay naglakad papunta sa kinatatayuan ko.

"Issabelle, how are you?" Lumapit siya sa akin at nag-beso-beso. Niyakap din ako ni Daddy Edward. May hawak siyang baso ng wine.

"Ayos naman po ako." Naiilang akong ngumiti.

"I missed you. Matagal ka naming hindi nakita. Kamusta naman ang buhay mo sa Vancouver? Alam mo Issabelle, hindi mo naman kailangang lumayo sa amin—"

Pinutol ko na si Mommy bago pa niya matapos ang kanyang sasabihin.

"Mom, 5 years ago na 'yun. What happened in the past remains in the past."

"Tama si Issabelle, Honey. Magsaya na lang tayo dahil bumalik na siya at pumunta pa siya ngayon sa ika animnapu't limang anibersaryo ng ating kompanya." Aniya ni Daddy sabay akbay sa asawa.

Tumango ako at ngumiti bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Daddy. Nang makita ang pagngiti namin ay napangiti na rin si Mommy.

"Fine. Welcome back, Issabelle. Kung sakaling kakailanganin mo ang tulong namin huwag kang mag-aatubiling tawagan kami. Afterall, malaki ang utang namin sa'yo."

"Utang?"

Tila nasamid ang dila ni Mommy matapos mapagtanto ang kanyang sinabi.

Bahagya ring nagulat si Daddy ngunit bigla rin niyang naibalik sa dati ang emosyon.

"Ano pong utang ang ibig ninyong sabihin?" Nakakunot noo kong tanong sa dalawa.

"Ah… I mean, about what happened between you and Kaist. Naalala kong hindi pa ako nakahingi ng tawad sa'yo." Inabot ni Mommy ang dalawa kong kamay at sabay iyong pinisil. "Issabelle, I'm sorry." Maluha-luha ang kanyang mga mata habang nakatingin sa akin.

"It's okay. Mom, sabi ko nga. Nakaraan na ang lahat. Matagal ko na iyong kinalimutan."

"Speaking of Kaist. He's here."

Tila biglang tumigil ang pagtibok ng aking puso matapos marinig ang sinabi ni Daddy. Ramdam ko ang biglang pagtaas ng tensyon sa katawan ko at halos hindi ako makagalaw. Lahat ay nakatingin sa likuran ko. Tinitingnan marahil ang bawat hakbang na ginagawa ni Elcan Kaist Fostrea.

"Oh? Why is he here? Ang sabi niya hindi siya pupunta?"

Naramdaman ko ang pagbitiw ni Mommy sa aking dalawang kamay. Masaya siyang naglakad papunta sa aking likuran, ganuon din si Daddy. Naiwan ako sa kinatatayuan ko na kabadong-kabado.

"Ang sunod na tagapagmana."

"He's handsome."

Iilan lang sa mga bulungan na narinig ko mula sa mga bisita.

Hinigpitan ko ang paghawak sa aking dalang purse pagkatapos ay dahan-dahang humarap at tumingin sa kinaroroonan ng mga Fostrea.

There, I saw him again. The man who broked my heart. The man who destroyed my life five years ago.

Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap ay napatingin siya sa akin. Diretso sa aking mga mata.

Hindi ko masabi kung siya ba ay nagulat nang makita ako o nagalit. Walang ka-emo-emosyon ang kanyang pagtitig sa akin. Ibang-iba iyon kung paano niya ako tingnan dati na kulang nalang ay patayin niya ako gamit ang kanyang mga tingin.

Maliban sa kanyang mga tingin ay wala nang ibang nagbago. Ganuon parin ang pangangatawan niya at pagmumukha— hindi, mas gumuwapo yata siya ngayon. Marahil ay inalagaan siyang mabuti ng babaeng iyon.

Ha! Kung ganuon, talaga palang natupad ang plano niyang maging parti ng pamilya Fostrea. That bitch!

Nagtititigan parin kami ni Kaist sa isat-isa nang bigla kong maramdaman ang pag-vibrate ng aking cellphone. Yumuko ako para tingnan kung sino ang tumatawag.

Si Yin.

Dali-dali akong tumalikod at naglakad papunta sa comfort room. Pagkapasok sa loob ay saka ko sinagot ang tawag.

"Really? Wala pa yata akong ten minutes dito sa loob, ah? Tumatawag ka na agad?" Natatawa kong tanong. Narinig ko naman ang pagbungisngis niya mula sa kabilang linya.

"C'mon. Kinakamusta lang kita."

"Hmm… Ang sabihin mo na-miss mo agad ako. Ano?" Mas lalo akong napangiti. Tiyak na namumula na naman ngayon ang buo niyang mukha dahil sa sobrang hiya. Ang sarap niyang asarin.

"Hanga ako sa confidence mo, ha? Saan mo nakuha 'yan? Oo na, aaminin ko…"

Napalingon ako nang biglang bumukas ang pinto sa comfort room. Ilang segundo ang lumipas ay tumambad sa harap ko ang lalaking kinamumuhian ko.

"Issabelle? Hello?"

"Tatawag ako ulit." Maikling kong sambit saka pinatay ang tawag.

Humakbang siya papalapit sa akin at tumigil sa harap ko. Wala paring ka-emo-emosyon ang kanyang mukha.

Alam kong ako ang pakay niya sa kanyang pagpasok rito. Pambabae ang cr na ito at wala ring ibang tao rito maliban sa akin kaya sigurado akong pumasok siya rito dahil sa akin.

Ang kapal ng mukha niya para humarap muli sa akin.

"Anong kailangan mo?" Malamig kong tanong sa kanya.

Nakatitig siya sa mga mata ko habang nakatayo ng tuwid.

"Kung wala kang sasabihin aalis na ako." Humakbang ako para sana lumabas ngunit bigla niya akong hinawakan sa pulso kaya napatigil ako.

"Wait! Issabelle."

Napatingin ako sa aking kamay na hawak-hawak niya. Medyo mahigpit kasi ang pagkakahawak niya roon kaya kumunot ang noo ko.

Napansin niya yatang nasasaktan ako kaya gulat niya akong binitiwan.

"So-sorry." Yumuko siya.

"Sabihin mo na ang gusto mong sabihin. Maya-maya ay darating na si Yin para sunduin ako. Ayaw ko siyang paghintayin ng matagal." Nakatuon lang ang paningin ko sa pinto ng cr.

Bigla siyang napatingin sa akin. "Si Yin? I mean, sorry. Issabelle, patawarin mo ako sa lahat."

"Ha!" Humakbang ako paatras pagkatapos ay natatawa siyang hinarap. "Cut the crap! You bas****!" Itinulak ko siya sa balikat kaya napaatras siya. Ang kaninang walang emosyon niyang mukha ay biglang nanlumo.

Hindi ko maintindihan kung bakit naging ganito si Kaist. Malamang ay pinlano na naman nila ito kasama ng babaeng iyon para saktan ako ulit.

"Issabelle, I'm so sorry." Sinubukan niya akong hawakan sa kanang braso ngunit hinampas ko na kaagad ang kamay niya bago pa makalapit sa akin.

"Huli na ang lahat, Kaist! Kahit ano pang gawin mo hindi na maibabalik ang lahat. Demonyo ka! Ikaw ang dahilan kaya namatay—" Pumikit ako at yumuko sabay hinga ng malalim. Hindi ko na tinapos ang gusto kong sabihin.

Ayaw ko nang balikan ang lahat. Ilang taon ko iyong kinalimutan kaya ayaw ko na iyong isipin pa.

"Huwag mo na akong kausapin ulit. Kung puwedeng hindi na tayo magkita, mas maganda. Wala akong oras para sa'yo kaya, please, hayaan mo akong mabuhay ng masaya."

Pagkatapos sabihin ang mga salitang iyon ay kaagad akong lumabas ng cr. Tumungo ako sa labas ng bahay para hintayin si Yin. Hindi na ako nagpaalam kina Mommy at Daddy.

Iniwan ko siya roong nakayuko. Mas mabuti na rin na nagkaharap at nagka-usap kami ngayon para makapag simula na ako ulit. Wala akong ibang gustong gawin sa aking pagbabalik kundi ang tulungan ang ampunan.