CHAPTER NINE

NAGISING na lamang si Carmie na nag-iisa na siya sa kamang hinihigaan niya. Sa pagkakatanda niya ay nakatulog na siya sa ibabaw ni Michael nang nakaraang gabi. Gusto na lang sana niyang isiping panaginip lang ang lahat nang nangyari dahil posible naman na panaginip nga lang ang lahat dahil mag-isa naman siyang nagising. Iyon nga lang, kahit na isipin pa niyang panaginip lang iyon ay hindi naman iyon ang reyalidad niya. Walang natirang saplot nang siya ay nagising kaya imposible talagang panaginip lang niya ang ginawa nilang dalawa ni Michael. Tanging kumot lang ang nakatakip sa katawan niya nang sandaling iyon. Kahit na masakit pa ang katawan niya ay pinilit na rin niyang tumayo nang oras na iyon upang hanapin ang mga damit na suot niya nang nakaraang gabi. Nangunot na lamang ang noo niya nang tanging isang t-shirt lang ni Michael at mga undies lang niya ang nakita niya. Hindi na niya alam kung saan napunta ang mga damit na suot niya nang nakaraang gabi. She has no other choice, but to wear Michael’s shirt para lang masabi niya sa sarili niyang may suot siyang damit.

Isang ngiti na lamang ang sumilay sa labi ni Carmie nang napagmasdan na niya ang kanyang sarili sa salamin. Kahit na sabihin pang t-shirt lang ang suot niya nang sandaling iyon ay litaw pa rin ang ganda niya. Hindi rin naman siya mukhang bastusin lalo na at malaki ang t-shirt na suot niya. Nagawa nitong takpan ang mga bahagi ng katawan niya na kailangang takpan.

“Hmm, pwede na, pwede nang ipangrampa,” sambit ni Carmie sa kanyang sarili. “Siguradong si Michael na ang iiwas ng tingin sa akin kapag nakita niya ang suot ko.”

At dahil sa ang pagkakatanda ni Carmie ay pag-aari naman niya ang rest house ay hindi na siya nag-abala pang magsuot ng tsinelas. Nakapaa lang siya nang lumabas siya ng kuwarto. Hahantingin niya ang pinagtataguan ni Michael. Iyon nga lang, nagulat na lamang siya nang sumulpot bigla sa paningin niya ang binatang hahantingin niya. Namula na lamang siya nang napansin niyang may dala pa itong tray ng pagkain.

“Buti naman at nagpasya ka na ring lumabas,” sambit ni Michael sa dalaga. “I thought na hindi mo na kakayaning bumangon ngayong araw.”

“Kakayanin ko namang bumangon,” sagot naman ni Carmie. “Medyo tinamad lang.”

“Tinamad nga lang ba o hindi mo talaga kinaya dahil masakit?” tanong naman ni Michael. “Pwede naman nating pagalingin iyan kung gusto mo.”

“Paano mo naman pagagalingin?” tanong agad ni Carmie sa binata.

“Alam mo na kung ano ang sagot,” sambit ni Michael. “But this time, wala na tayong susundin na kahit na ano sa libro mo.”

Namutla na lamang si Carmie sa sinabi ni Michael. Kung hindi lang siguro masakit ang katawan niya ay tutuksuhin pa sana niya ang binata nang sandaling iyon. But that is not the case. Wala siyang intensyon na ulitin ang ginawa ng nagdaaang gabi kahit na sabihin pang nasarapan din naman siya. No, let her rest for the whole day. Nagulat na lamang siya nang tinawanan siya ng binata.

“Ano ang nakakatawa?” tanong ni Carmie sa binata.

“Wala, ngayon lang kita nakikitang natataranta,” sagot naman ni Michael. “Pero seryoso, masakit ba?”

Hindi na lamang sumagot si Carmie nang sandaling iyon. Kahit naman na baliw siya kadalasan ay hindi naman iyon nangangahulugang kaya na niyang sagutin ang katanungan ni Michael. Malay ba niya kung ano ang kabaliwang isasagot ni Michael sa kanya kapag sinabi niyang masakit nga ang kalahati ng katawan niya.

“Sige, ganito na lang, uuwi lang tayo sa Maynila kapag nakapagpahinga ka na nang maayos,” sambit ni Michael sa dalaga. “Hindi ka rin naman makakapagsulat ng bago kapag masama ang pakiramdam mo. By the way, kailangan mong gampanan ang responsibility mo sa akin.”

“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong agad ni Carmie.

“Ano pa ba? Sinasagot ko na ang panliligaw mo kaya kailangang maging responsable ka na,” sambit ni Michael sa dalaga. “Ako lang ang pwedeng makakita ng lahat-lahat sa iyo.”

Napanganga na lamang si Carmie nang sandaling iyon. Hindi niya alam kung nakuha na ba ng alien si Michael at biglang nabago ang tingin niya sa binata. Sa pagkakatanda niya ay mabilis na mahiya ang binata sa bawat panunukso niya.

“Huwag kang mag-alala, ako pa rin ito,” mabilis na sabi ni Michael sa dalaga. “Nagkataon lang na confident ako ngayon.”

“ANG akala ko ay pinag-resign ka na ng writer mo sa trabaho mo,” natatawang sambit ni Juris nang pumasok na si Michael nang sumunod na araw. “Isang buong araw ka ring hindi nagparamdam ah. Tell me, ikaw ba ang inspirasyon niya sa manuscript na binasa ko?”

Namula na lamang si Michael nang sandaling iyon, “Binasa mo lahat?”

“Naman, trabaho ko naman iyon as editor eh,” sagot naman ni Juris. “Hindi ko na ibinigay pa kay Raine dahil alam ko namang ikaw pa rin ang mag-eedit nito.”

Napapikit na lamang si Michael. Hindi niya inaasahang maaasar kaagad siya ng boss niya sa pagbabalik niya sa kanyang trabaho.

“Boss, hindi na po ipupublish iyan,” sambit ni Michael kay Juris. “Bibigyan na lang daw niya ako ng bagong manuscript.”

“Bakit? Hindi pa ba sapat ang sexual adventure na inilagay sa librong ito?” panunukso agad ni Juris sa binata. “Sabi ko naman kasi sa iyong bigyan mo na rin siya ng tsansa para malaman mo kung sa iyo lang ba siya ganyan o hindi.”

Isang malalim na hininga na lamang ang pinakawalan ni Michael nang sandaling iyon bago pa man siya sumagot, “Sinagot ko na siya.”

“Huh? Sino ang sinagot mo?” tanong agad ni Juris sa binata.

“Sinagot ko na ang weird kong writer, happy?” tanong naman ni Michael.

Napangiti na lamang si Juris nang sandaling iyon, “Ikaw talaga ang sumagot? Parang baligtad yata.”

“Nanukso siya kaya sinagot ko na,” sagot naman ni Michael.

“Ahh, kaya naman pala hindi ka na nakapasok kahapon,” sambit ni Juris. “Okay, may reason naman pala ang pag-absent mo. Iyon nga lang, kaltas pa rin ang sahod mo dahil hindi naman leave ang ginawa mo.”

Napakamot na lamang ng ulo si Michael nang sandaling iyon. Hindi niya inakalang maisisingit pa rin ni Juris ang tungkol sa pagkaltas ng kumpanya sa sahod niya dahil lang sa biglaan niyang pag-absent. Kunsabagay, wala na rin naman siyang karapatang magreklamo lalo na at hindi naman siya nakapagpaalam para lang sa nasabing lakad. Inilahad na lamang niya ang kamay niya nang sandaling iyon.

“Para saan iyan?” tanong agad ni Juris sa binata.

“Akin na ang manuscript, susunugin ko na bago pa mabasa ng iba ang ginawa niya,” sagot naman ni Michael. “Ikaw lang naman ang nakabasa noon, hindi ba?”

“Ahh, saglit, kunin ko lang,” mabilis na sabi ni Juris. “Huwag kang mag-alala, hindi ko na iyan ipinabasa pa sa iba dahil wala naman ang basbas mo sa manuscript na iyon. Pero, huwag mo naman sanang sunugin iyon dahil hindi rin naman talaga bastusin ang content ng ginawa niya.”

Hindi na lamang nagsalita si Michael nang sandaling iyon at sa halip ay ipinakita niya sa kanyang boss na determinado siyang makuha ang nasabing manuscript.

KABABALIK lang ni Michael sa desk niya nang kinalabit siya ni Anthony. Ininguso kaagad ng binata ang phone niya na kanina pa pala nagvivibrate habang wala siya sa station niya. Napansin na lamang niyang pangalan ni Carmie ang nakalagay sa screen ng phone niya nang sandaling iyon.

“Kanina pa tumatawag ang writer mo,” sambit ni Anthony sa binata. “Hindi ko lang sinasagot at baka sabihin pa niyang nakikialam ako ng phone ng editor niya.”

“Ganoon ba? Sige, tawagan ko na lang siya,” sagot naman ni Michael. “Labas lang ako.”

“Bakit ka naman lalabas pa eh business naman siguro ang sadya niya sa iyo?” tanong ni Anthony sa binata.

“Hindi mo na gugustuhin pang malaman kung ano ang sadya niya sa akin,” sagot naman ni Michael. “Asikasuhin mo na lang ang ineedit mo.”

Bago pa man makasagot si Anthony ay nakalabas na si Michael nang sandaling iyon. Siya na lamang ang tatawag sa dalagang writer dahil siguradong kaweirduhan na naman ang nasa isipan nito nang sandaling iyon.

“Date tayo,” iyon agad ang ibinungad ni Carmie sa binata nang sinagot niya ang tawag ni Michael.

“Huh? Date? Hindi pa ba date ang ginawa natin sa Bulacan?” sunod-sunod na tanong ni Michael sa dalaga. “Parang wala pang isang buong araw tayong nawawala sa paningin ng isa’t isa ah.”

“Sige na, bored na ako rito,” sagot naman ni Carmie in a whiny tone. “Walang pumapasok sa utak ko ngayon.”

“Eh di kumuha ka ng inspirasyon sa porn at bromance mo,” suhestiyon agad ni Michael sa dalaga.

“Wow, ikaw na talaga ang nagsusuggest kung saan ako kukuha ah,” sambit ni Carmie sa binata. “Sigurado ka bang gusto mong kunin sa bromance ang magiging first date natin sa bago kong kwento?”

“Carmie!”

Isang chuckle na lamang ang narinig ni Michael nang sandaling iyon, “Yes! May nakuha na akong idea! Thank you! So date na tayo mamaya?”

Bago pa man mabara ni Michael ang dalaga ay pinagbabaan na siya ni Carmie ng phone. Napahinga na lamang siya nang malalim nang sandaling iyon. Hindi siya sigurado kung tama ba ang ginawa niyang pagsagot sa panliligaw ng dalaga sa kanya. Ang alam lang niya ay mababaliw na siya dahil kahit na sinagot pa niya ito ay weird pa rin si Carmie sa paningin niya.