Chapter 1

“Kuya, pwede ho bang pakibilisan ng kaunti?” Tanong ni Phoebe sa taxi driver. Panay ang tingin nya sa kanyang cellphone ngunit wala na ulit syang natanggap na mensahe mula sa nakatatandang kapatid.

Ganoon na lang ang pagmamadali nyang makauwi kanina matapos nitong makatanggap ng hindi inaasahang text na nagdala ng kakaibang takot sa kanya. Laman ng mensahe na iyon ang kalungkutan ni Peyton, ang nakatatanda nyang kapatid. Sinasaad doon na matapos ang naging pamamahiya sa kanya ng isang lalaki ay nais na nitong wakasan ang buhay nya.

“Kuya please.” Halos lumuha na sya sa pagmamakaawa. Nang mapansin ng driver ang pagiging aligaga nya ay mas lalo nitong binilisan ang pagmamaneho.

“Sagutin mo, ate.” Pagkausap nya sa sarili ngunit tulad kanina ay panay lang ang pagriring ng telepono sa kabilang linya.

Hindi nya malaman kung sino pa nga ba ang tatawagan dahil bukod sa kanilang magkapatid ay wala na silang iba pang kasama sa buhay. Maaga kasi silang naulila, namatay ang mga magulang nila sa isang aksidente at nang mamulat sa reyalidad ay mas pinili nilang lisanin ang bahay ng tiyahin nilang nag-alaga sa kanila sa loo ng ilang taon.

“Heto po ang bayad. Wag nyo na po akong suklian,” ani Phoebe saka iniabot ang isang libo sa driver ng taxi. Hindi pa man tuluyang naipaparada ang sasakyan ay binuksan na kaagad ng dalaga ang pinto non. Bagaman gustong magalit ng matanda ay hindi nya na nagawa pang magsalita nang pabagsak na isara ng dalaga ang pinto saka nagmamadaling pumasok sa loob ng isang maliit na bahay. Luma at bakbak na ang kulay asul na pintura non at mukhang bibigay na rin ang pundasyon kapag nadaanan ng isang sakuna.

Bibili ako ng bahay natin kapag nakapasok ako doon sa isang movie. Mararanasan mong tumira sa maayos na bahay, Phoebe. Bigyan mo lang ako ng kaunting panahon. Iyon ang mga salitang narinig ni Phoebe nang makita ang loob ng kanilang bahay. Pangako nya iyon nang unang beses silang lumipat sa bahay na ito at ngayong ang posibilidad na tama ang iniisip nya ay tila ba unti-unting sumisira ng kanyang mundo. Ate, nangako ka sa akin.

Humahangos na tinungo ni Phoebe ang silid ng nakatatandang kapatid. Hindi pa man tuluyang napapasok ang kwarto ay ramdam nya na ang matinding kaba, nagsimula na rin pumatak ang mga luha nya dahil sa ideyang baka maski ang isang taong nakakasama nya ay baka nawala na rin sa kanya dahil lang sa isang lalaki.

“A-ate?” Pagtawag ni Phoebe. Isa. Dalawa. Tatlo. Matapos ang tatlong hakbang ay huminto sya sa paglalakad. Nang makitang nakadapa sa kama ang nakakatandang kapatid habang nagkalat sa sahig ang mga gamot na hindi nya alam kung para saan ay agad na napahagulgol sya. Takip ang kanyang bibig gamit ang mga kamay na natumba sya sa kinatatayuan.

Hindi nya malaman kung paanong lalapitan si Peyton na ngayon ay mukhang wala na nga talagang buhay.

Nahuli ako.

“Ate!” Sigaw nya na puno ng pgdadalamhati. Pagapang na lumapit sya sa kapatid. Ganoon na lang ang panginginig ng kanyang katawan habang inaabot ang kamay ni Peyton na nakalaylay sa kama.

“Ate! Bakit!” Humahangos na sigaw nya. Gusto nyang sisihin ang sarili dahil nahuli sya para pigilan itong bawiin ang sariling buhay.

“Ate!” Nagsimula na syang hampasin ang kanyang dibdib na tila ba sa paraan non ay mawawala ang sakit na kanyang nararamdaman. “Gumising ka na please. Kahit hindi ka na bumili ng bahay, bumalik ka na sa akin! Gagawin ko ang lahat ng gusto basta gumising ka na please. Hindi na ako magiging pasaway, promise. Magiging mabuti na akong kapatid.” Pagmamakaawa nya. Inilagay nya ang kamay ng nakatatandang kapatid sa kanyang pisngi at mas lalo syang naiyak nang maramdaman nyang malamig na ang kamay nito.

Paulit-ulit nyang hinihiling na sana bigla syang bulyawan ng nakatatandang kapatid ngunit ang katahimikan ng silid na iyon ang syang nagsasabi sa kanya na hindi na mangyayari pa iyon. Kakatwang noon ay hinihiling nyang san tumahimik na ang mundo nya pero ngayong natupad na iyon ay bakit mas lalo lang syang nasasaktan? Noon ay minsan nya nang hiniling na mawala ang kapatid nya sa kanyang buhay pero ngayon ay hinihiling nya na bumalik ito sa kanya.

“Hindi ko kaya, ate!” Mas malakas na pagtangis nya. Paulit-ulit nyang tinawag ang pangalan ng kapatid at mas lalo lang tumitindi ang sakit na nararamdaman nya dahil hindi man lang ito nakakakita ng kahit kaunting paggalaw hanggang sa…..

“Ate!”

“A-ano ba?! Napaka-ingay mo!” Sa isang iglap ay biglag tumigil ang lahat sa dalaga: ang luha, ang pag-iyak, ang paghihinagpis. Ang buong mundo nya yata ay tumigil nang marinig ang boses ng nakatatandang kapatid.

Dahan-dahan syang umatras. Mababakas ang takot sa kanyang mukha habang pinakatititgan ang nakapikit at tikom na bibig ni Peyton.

“A-ate w-wag mo n-naman a-ako m-multuhin,” saad nya saka mas lalong isiniksik ang kanyang sarili sa pagitan ng damitan at dingding.

Mas lalong tumindi ang takot na nararamdaman nya nang bigla ay umangat ang kamay ni Peyton na tila ba sinasaniban. Lahat yata ng lenggwahe ng mura ay nasabi nya nang nakapikit na bumangon ang patay na katawan ng nakatatanda nyang kapatid.

“Mama!” Malakas na sigaw nya saka ikinubli ang kanyang mukha sa parehong palad na tila ba s ganoong paraan ay hindi sya makikita ng kung sino mang sumanib kay Peyton.

“Phoebe!” Malakas na pagtawag sa kanya. Gustuhin man nyang tignan ang kama kung nasaan si Peyton ay hindi nya magawa. Mas lalo kasing pinagbubuhay ng kakaiba nyang nararamdama ang takot sa puso nya.

Kung nasaan man si ate, please naman. Kung wala na si ate, kunin nyo na rin po itong naliligaw dito sa kwarto nya.

“Lumayas ka sa katawan ng ate ko!” Sigaw nya. Nanatiling nakapikit ang mga mata nya habang ang mga kamay nya ay nakaangat sa ere, nakatutok kung nasaan ang kama saka magkakrus ang mga hintuturo.

“Kung sino ka mang masamang espiritu ka, lumayas ka! Kamamatay lang ng ate ko, pakiusap naman! Napakabilis mo naman eh! Excited ka?!” Dagdag nya.

Ang kaninang takot ay napalitan ng pagtataka nang makarinig sya ng mahihinang hagikhik. Ngunit agad din iyong nawala nang maramdaman nya ang pagbaba nito mula sa kama.