Chapter Four:Tameme
"I didn't find you .. I just got tripped in your destiny ..."
― Rim Rafei
Ashley’s POV
Thanksgiving Dinner sa mansyon ng mga Andrada. Syempre ay kumbidado ang lahat ng empleyado. Pati na ako. Hindi naman ako dapat kasali eh. Sabit lang ako. Nagpumilit kasi si Ate Des na pasamahin ako. Wala naman akong maidahilan para hindi sumama. Alam niyang hanggang alas siyete lang ang klase ko ngayong araw. Kaya pwedeng-pwede akong pumunta.
Isa pa ayoko talagang um-attend dahil sa makikita ko rito ang Sir Carlos na 'yon. Baka palayasin ako at ipagtabuyan. Though, tama naman si Ate Des. Kailangan kong mag-sorry sa lalaking 'yon. Mabuti na nga lang at hindi naman masyadong nagalit si Ate Des sa ginawa ko. Or malamang galit hindi lang pinahalata. Palagi naman kasing cool si Ate Des.
Bigla tuloy akong kinapitan ng hiya. Utang ko nga lang sa kanya ang pagtatatrabaho sa department store tapos mapapasama pa siya dahil sa kagagahan ko.
Naisip ko rin naman ang bagay na 'yon pagkaraan ng ilang beses na pagmumuni-muni. Ang totoo naman kasi niyan ay nabigla lang ako kanina kaya imbes na mag-sorry ay pinatulan ko pa ang Carlos na 'yon. Siguro dahil na rin sa gutom nga ako kaya kulot ang utak ko kaninang umaga.
Nagpapalinga-linga ako habang nakikinig sa mga jokes ni Cezar. Kasama niya 'yong grupo niya sa Meat Section. Wala na silang ginawa kundi magtawanan. Katatapos lang kasi ng dinner at kanya-kanyang grupo ang lahat. Kanya-kanyang kuwentuhan habang may mga hawak ng basong may red wine.
Hindi ko makita sina si Ate Des at Ate Jaq. Humiwalay ako sa kanila after dinner. Kausap kasi nila 'yong ibang coordinators mula sa ibang branch ng Paulina Mart. Medyo na-out- of- place ako. Sila kasi ang mga boss sa bawat section ng department store. Kaya nag-excused na lang ako.
Buti na lang andito si Rov. At least hindi naman ako mukhang engot dito. Nasulyapan ko lang kanina si Ate Jaq na kausap si Sir Randall pero ngayon ay hindi ko na makita maski anino nila. Hindi naman siguro nila kami iiwan dito noh!
"Uy, Ash, lika libot muna tayo. Ang gaganda ng Christmas décor sa harap ng mansyon? Tara doon. Picture picture naman tayo. I-post ko sa facebook. Akala nila galing tayo sa ibang bansa," ani Rov sa'kin sabay tayo upang humiwalay sa grupo.
Natawa naman ako dito. Umiral na naman sa ka-adikan sa selfie. Sa ilang araw na nakasama ko ito nalaman kong sobrang aktibo ito sa social media lalo na sa Facebook. Konting galaw picture agad. Tumayo ako para sumunod dito. Mabuti pa nga mag-picture muna kami doon. Sayang naman ang pagkagagandang Christmas decors doon.
Nakahinga ako nang maluwag nang mamataan ko si Ate Des malapit doon sa pagkalaki-laking Christmas tree sa isang sulok ng malawak na sala. Panay ang linga nito sa paligid. Palagay ko ay hinahanap din kami.
"Wait lang, Rov ha, puntahan ko lang saglit si Ate Des," paalam ko dito na mukha namang hindi ako pansin sapagkat abala na sa kakapili ng magandang background sa selfie niya. Sasabihin ko sana kay Ate Des na lalabas lang kami saglit. Itatanong ko na rin kung nasaan si Ate Jaq.
"Ate Des." Mahinang tawag ko rito habang papalapit. Ngunit bigla akong napahinto nang mamasdan ko ang lalaking lumapit at kumausap dito. Ang abnormal na Andrada pala, Iyong bumangga sa'kin kanina. At dahil siguro pareho nilang narinig ang tawag ko sabay silang napalingon sa'kin.
Hindi ko alam kung bakit pero bigla na lang tinambol ang dibdib ko. Saglit na namilog ang mga mata nito pagkakita sa'kin katunayan na nakilala at natatandaan niya ako. Halos bumaon yata sa'kin 'yong titig niya.
Naestatwa tuloy ako. Hindi ako makaalis sa kinatatayuan ko. Kung bakit naman imbes na umiwas ang mata ko ay tila na-magnet pa nito. He held my eyes for like forever. Guwapo rin talaga ang abnormal na Andrada eh.
Lalo na kaninang bumubuka ang manipis na labi nito sapagkat may sinasabi kay Ate Des. Bahagya kasi itong ngumiti. Marunong din naman palang ngumiti ang abnormal. Naiinis na napabuga ako ng hangin.
Hindi ko tuloy malaman kung lalapitan ko ba si Ate Des habang naroon ang lalaking iyon. After a few seconds, nagdesisyon akong wag na lang. Hindi pa ako nakakapag-sorry sa nangyari kanina. Baka galit pa rin. Baka kung ano na lang ang gawin sa'kin.
Pero bakit ba kasi hanggang ngayon ay nakatingin pa rin sa'kin ang abnormal na ‘yon. At tila pa nanghahamon ang titig nito. Parang sinasabing "come on, let's see if you have the guts to come near me."
Napakagat ako sa labi ko. Bigla ring nagkaroon ng diskusyon sa utak ko. Lalapitan ko ba sila? Baka mas mainam na mag-sorry na ako sa lalaking iyon habang naroon at kaharap si Ate Des. Para kung galit pa rin ito sa'kin kahit papaano ay hindi ako pagalitan nang bongga o kaya sesantehin.
Kahit papaano ay mahihiya naman siguro ito kay Ate Des. At saka wala naman sigurong karapatan ang lalaking iyon na sesantehin ako. Hindi naman siya ang immediate boss ko, right?
Humugot muna ako ng maraming hangin. Ays! Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito. This is so unlike of me. Hindi ako 'yong mga tipong mahiyain at natatameme. I always say what's on my mind.
At kung kailangang ipaglaban man ang isang bagay o ideya, hindi ako 'yong tipong nagdadalawang-isip para gawin 'yon. Kaya hindi ko dapat inuubos ang oras sa kakaisip kung dapat ko bang gawin ang isang bagay o hindi.
Humakbang ako upang tuluyan nang lapitan ang dalawa. Kaso lang kumilos din ang abnormal na Andrada. At tila papalapit yata sa'kin. Bakit niya ako nilalapitan?
Omgggg!!!!
Agad akong nag-about-faced. Mabibilis ang hakbang na nilapitan ko si Rov. Halos baltakin ko ang braso nito palabas ng mansyon.
"Teka naman, Ash! Baka naman makalas ang braso ko. Ano ba'ng nangyari at para kang hinahabol ng sampung holdaper?" gulat na tanong nito habang sumusunod sa'kin.
"Eh, hindi sabi mo gusto mong mag-picture sa harap ng mansyon? Kaya tara na doon."
"Oo nga, pero wag ka naman masyadong magmadali at baka mangungod ako. Chos, sabi ko na nga ba eh. Addict ka rin sa Facebook ayaw mo lang aminin haha."
"Oo nga kaya halika na at bilisan mo lang, okay!" sabi ko na lang kay Rov habang hila-hila ko pa rin ang braso palabas ng mansyon. Kailangan ko nang makalabas agad-agad. Baka maabutan pa ako ng abnormal na Andradang iyon.
*****