Chapter 40: Forgiveness And Reconciliation With Her Sister

Gabi na nang makarating sina Magnolia at Rose sa bahay ng boyfriend nitong si Danny. Hapon nang lumapag sa Puerto Princesa ang eroplanong sinasakyan nila. Mula doon ay ilang oras pa ang kanilang biyahe sakay ang nirentahan nilang van. Hindi alam ng lalaki na darating sila doon kaya gulat na gulat ito ng dumating sila. “Lalabas muna ako,” aniya nang mailapag ang mga bag nila para bigyan ng pagkakataon ang mga itong makapag-usap nang pribado. Pero bago pa siya makalabas ay napalingon pa siya sa mga ito. Hindi niya kasi maiwasang marinig ang usapan ng mga ito na ikinangiti niya.

“Danny, nandito na ako,” naluluhang sabi ni Rose.

“Akala ko ba ayaw mo sa akin? You told me I was nobody compared to your fiance. Akala ko ba ayaw mo sa mga lalaking parang walang pangarap?”

“I’m sorry, Danny,” sabi ng kapatid niyang biglang napahagulgol. “I did not want to disappoint my family and Carlo. But I can’t go on pretending I love him.”

“Are you telling me you love me?”

“Of course I do! Pupunta ba kami dito ng ate ko kung hindi? You idiot!”

“Oh kasalanan ko na naman,” malambing na sabi nito at niyakap na ang kanyang kapatid na lalong ikinahagulgol nito. “Sabihin mo nga ulit,” natatawa nang sabi nito habang pinagpapalo pa rin ng kapatid niya. “Sige na please, sweetheart.”

“I love you, Danny.”

“I love you, too, Rose. Please don’t leave me again dahil hindi na kita pakakawalan kahit magmakaawa ka pa. Oh mamaya na nga tayo maglambingan, nakakahiya sa kasama mo."

Agad kumalas ang kapatid niya rito at hinila siya. “She is my elder sister, Magnolia.”

“Hi, nice to meet you, my future sister-in-law. I’m Danilo Perez, Danny na lang.” Nakangiti nitong inilahad ang kanyang kamay.

“I’m Magnolia Valderama, Lia for short. Please take care of my sister.”

Nakangiti pa nitong itinaas ang kamay na parang estudyanteng nasa flag ceremony habang binibigkas ang Panatang Makabayan. Pinagpahinga muna siya nito sa guest room na magiging kuwarto niya. Isinama na nito ang kapatid niya sa kuwarto nito para daw makapag-advance honeymoon na ang mga ito. Inirapan lang ito ng kapatid nito at tinapik ang bibig. She was jubilant, to say the least. She did not know her sister had that tendency to be shy and awkward. Her future brother-in-law was good for her sister.

Nang makaluto na ng hapunan ang kasama nito sa bahay na si Nana Sela ay tinawag na sila nito. Pagkatapos kumain ay umakyat na ang mga ito pero siya ay nagpilit pang tumulong dito kahit pinipigilan siya. Habang nagliligpit sila ng pinagkainan ay tinanong siya nito. “Ikaw ba, hija, kung hindi mo mamasamain tatanungin lang kita, Wala ka bang nobyo?”

“W-wala pa po eh,” nakangiti niyang sagot dito.

“Bakit naman? Napakaganda mo, Lia. Pareho kayo ng kapatid mo. Naku napakasaya ko nga na bumalik siya sa alaga ko. Alam mo malungkot na malungkot iyan. Laging naglalasing iyan kaya nag-aalala na ako kahit sinasabi na okay lang daw ito. Naku ma-pride pa naman iyang batang iyan. Hindi naman talaga tour guide iyan eh. Napakakulit lang talaga dahil gusto raw matutuhan ang maraming bagay. Pinapabalik na nga ako niyan sa mansiyon pero ayoko. Nag-aalala kami ng mommy at daddy niyan.”

Nagtataka siyang napatingin dito. “Hindi po siya tour guide?”

“Naku, hindi. Ang mga magulang niya ang may-ari ng maraming hotel at resort sa Puerto Princesa at Coron. Nagtampo lang iyan sa Daddy niya. Akala niya kasi magiging COO na siya kapag dumating sa edad na tatlumpu. Eh saktong thirty na iyan ngayon sa susunod na buwan pero nalaman niyang ibibigay sa isa niyang kapatid ang posisyon kaya biglang umalis sa Puerto Princesa at ito naging tour guide. Pero may business iyan. Iyang mga nadaanan niyong mga bahay diyan, paupahan iyan sa mga turista. Sa kanya iyon. May dalawang bar pa dito na sa kanya dito. Naku nakuwento ko na lahat. Huwag ka munang maingay baka mapagsabihan pa ako ng alaga ko,” tumatawang sabi nito.

“Okay lang po iyon. Secret po muna natin iyon sa kapatid ko para ma-surprise. Alam niyo po sigurado naman po ako na mayaman man o mahirap si Danny, mahal na mahal siya ng kapatid ko.”

“Ako rin, hija. Iyang si Rose lang ang nagpatino diyan sa alaga kong babaero.”

Napangiti siya. “Gabi na po Nana Sela. Mamaya na lang po tayo ulit magkuwentuhan,” sabi niya at inihatid na ito sa kuwarto nito.

KINABUKASAN ay mataas na ang sikat ng araw nang magising siya. Halos tanghali na pala kaya mainit na sa balat dahil hindi niya naibaba ang kurtina. Marahil ay bumawi ng pahinga sa puyat at pagod sa biyahe. Pakiramdam niya ay bago siyang tao dahil ilang buwan na siyang puyat kakaisip sa lalaking hindi niya alam kung magagalit sa kanya kapag nalaman ang partisipasyon niya sa pagtakas ng fiance nito. Ayaw na muna niyang isipin iyon hanggang hindi pa sila nag-uusap magkapatid.

Paglabas niya ng kuwarto ay nagkagulatan pa sila ng magkasintahan na halatang bagong gising din at may kakaibang ngiti. Hindi niya na iyon pinagtuunan ng pansin. Naisip niya na mabuti pa ang kapatid niya ay natagpuan na nito ang lalaking mahal nito at magmamahal dito. Doon niya narealize kung bakit sa tingin niya ay parang kakaiba ang mga kilos nito. Hindi kasi ito mukhang nasasabik magpakasal. Iyon naman pala ay may mahal itong iba. Parang gusto niyang maawa pero napasimangot naman siya nang maalalang babaero naman ito. Magpapakasal pero lapit nang lapit sa kanya. Pagkatapos ay siya ang gustong pakasalan. Pero nang tanggihan niya ay nasa condo unit ito ng isang babaeng mukhang na-pick up nito sa bar.

“What’s with that face? Ang aga pa ate ahh. Have a cup of coffee,” sabi ni Rose at nagsalin ng kape mula sa percolator at inabot sa kanya.

“May naalala lang ako,” aniya at muling napasimangot.

“Si Carlo na naman,” nakangising sabi nito.

“Oh please! Bakit ko maaalala iyon? Ikaw, Rose, tigilan mo ako ha,” wala ako sa mood.

Napangiti lang ito. “But seriously, ate. Bakit hindi na lang kayo?”

“Ayoko sa kanya. Period.”

Hinila siya nito sa labas at sumenyas kay Danny na saglit lang sila. “Ate, I knew everything. I just did not say anything. I saw you kiss many times. Now, I feel so guilty for hindering in your relationship,” sabi nito at nagpahid ng mga luhang pumatak sa pisngi nito. “I’m sorry for everything. I know I’ve never been a good sister to you. I’ve always been jealous of you. Maybe I just hated you because I would never be as good as you.”

“That’s not true! You’re good. Mana ka sa ate kaya nga lagi kitang ine-encourage,” nakangiti niyang sabi.

“Thank you very much. But going back to Carlo.”

“Pwede bang huwag na nating pag-usapan iyan!”

“Ate, ikaw na lang kaya ang magpakasal. Bagay naman kayo eh.”

“Tigilan mo ako ha! Substitute bride pa ang gusto mong maging papel ko.”

“But nothing ever happened to us. We never kissed as passionately as you did.” Natawa ito nang mapansing namumula ang mga pisngi niya. “Okay lang iyon.”

“Nadala lang kami pareho. It did not mean anything. He told me he loves you. I’m sure he loves you so much dahil magpapakasal kayo.”

“If he loves me that much, why did you kiss then? Akala mo ba hindi ko napapansin iyung tingin niya sa ‘yo. Mas inaasikaso ka pa nga niya kesa sa akin eh. Sige na please.”

“Please, Rose, spare me that crap! I will never marry him. Fine, crush ko siya!” Inis na inis siya na lalong ikinatawa ng kapatid niya.

“Alam naman natin iyon pareho. I’m more than sure he likes you. Malay niyo mahal niyo na pala ang isa’t isa. Give it a try.”

“Alam mo Rose ha, tigilan mo iyan. Tama nang ganoon iyon. Hindi kami para sa isa’t isa. Tapos ang usapan. Magpapaliwanag pa tayo sa pamilya kina daddy, mommy, lolo, at lola. Ikaw na ang bahala kay Carlo at sa pamilya niya baka lalo pa akong madamay. Goodness, magtatampo talaga sila,” aniya at napatutop sa noo.

“Don’t worry, ate, sagot na kita. Responsibilidad ko ito na ipinasa ko pa sa iyo. Kasama natin si Danny na magpapaliwanag sa kanila.

NANG matapos silang kumain ay nagyayang umalis si Danny dahil may pupuntahan daw sila. Nagsabi siyang magpapaiwan na lang dahil kailangan ng mga ito ng private moments pero pinilit siya ng lalaki dahil mas maganda raw kung kasama siya. Pinatulog sila nitong magkapatid na parehong nasa backset dahil medyo mahaba raw ang biyahe. Kahit sobra siya sa tulog ay hindi niya namalayang hinila siya ng antok. Nagising siya pagkalipas ng halos isang oras. Malapit na raw sila sa pupuntahan nila. Nang makarating sila ay napanganga siya. Napakaganda ng mansiyon para siyang nasa Beverly Hills. Higit na maganda iyon kesa sa bahay nila sa Forbes Park. Agad na binuksan ng gwardiya ang gate bago sumaludo sa kanila. Nagising na rin si Rose na nagtataka. May ideya na siya kung nasaan sila pero nanatiling tikom ang kanyang bibig.

Pagbaba nila ng sasakyan ay malakas na tili ng isang babae ang lalong nagpawala ng antok niya. “Hijo, you’re finally back! My baby is back,” sabi ng isang magandang babae na nasa fifties na bago sinugod ng yakap si Danny.

“Mommy, naman eh,” natatawang sabi ni Danny bago hinalikan sa pisngi ang may edad na babae.

“Ahh mommy, this is Rose, my girlfriend. This is Magnolia, her sister.”

Magiliw naman silang binati ng mommy nito. Nakangiti lang siya habang pinagmamasdan ang pagkagulat ni Rose. Nang umalis ang mommy nito para ipaghanda sila ng merienda ay naiinis na hinarap ng kapatid niya ang kasintahan nito at pinagpapapalo sa braso. Tawa lang nang tawa ang lalaki habang yakap ang kapatid niya bago hinalikan ang noo nito.