Chapter 5: DECLINED OFFER

“Good afternoon, Sir Lowelle,” bati ni Sunshine matapos niyang kumatok nang tatlong ulit at papasukin siya nito.

“Same to you, have a seat. So, how’s your injury?”

“O-okay na po, sir. Pasensiya na nga po pala kung umuwi—”

“It’s okay. Naiwan naman ang mga kasamahan mo para magpatuloy.”

“T-thank you, sir.” Napayuko si Sunshine dahil sa pagkailang sa klase ng titig na ipinupukol ng lalaki sa kaniya.

“Now I know why Norman is eager to have you,” wala sa loob nitong usal.

“Ho?”

"Nevermind. By the way, ipinatawag kita para ipaalam sa iyo na hindi ka muna magtatrabaho sa resto mula ngayon."

"Sir? B-bakit ho? Akala ko ho ba walang kaso iyong pag-uwi ko nang wala sa oras? B-bakit n'yo ho ako tinatanggal?"

"No, Ms. Valdez. Hindi kita tinatanggal sa trabaho mo. Pero ililipat kita sa hotel."

"Sir?" Napatuwid siya ng upo at naguguluhang tinitigan ito.

"Mr. Norman Luther is requesting you to work for him while he's here, kaya ililipat na muna kita sa hotel para maging personal assistant ng pinsan ko."

"Personal assistant ng pinsan n'yo?" mabagal niyang pag-uulit sa huling sinabi nito.”

"Yes, Ms. Valdez. Personal kang ini-request ng pinsan ko."

Hindi mawala-wala ang gatla sa noo niya habang dina-digest ang sinasabi ng binatang boss. Personal assistant daw ng pinsan nito. Pinsan? Wala naman siyang ibang kilalang pinsan nito na narito sa resort, maliban sa lalaking iyon!

“P-pero ayoko po, Sir. Hindi po ba pwedeng iba na lang?” mariin niyang pagtanggi nang mahinuha ang lahat.

“As I’ve said, he requested you.”

“Paano kung hindi ko tanggapin?”

“Shine, Norman offered you five times your salary.”

Napamulagat siya sa narinig. Limang beses ng kaniyang regular na sweldo ang ipapasahod sa kaniya ng lalaking iyon? Ini-request siya ng aroganteng lalaking iyon? Kung tagapagsilbi lang naman ang gusto nito, maraming tauhan ang resort lalo na sa loob ng hotel. Pwede itong kumuha ng iba. Pero bakit siya pa?

“I’m sorry, Sir, pero hindi ko po matatanggap.”

“Then, I’m sorry too. You are fired.”

“Sir?”

“You heard me, right? You are fired.”

Mabilis na nag-init ang paligid ng mga mata niya, at agad na nangilid ang kaniyang mga luha. Yumuko siya para itago rito ang nagbabadyang pag-iyak, bago pa tuluyang pumatak ang mga luha, pasimple na niya iyong pinunasan.

Almost three years na siyang nagtatrabaho sa restobar na iyon. Doon na nga siya nag-ojt hanggang sa makatapos siya ng kolehiyo. At sa tatlong taon na 'yon, wala siyang late o absences, maliban lang kahapon. Tapos nang dahil lang hindi niya susundin ang gusto ng pinsan ng binatang amo, tatanggalin na siya?

“I’m sorry, Shine. But if ever you change your mind, you can talk to me. Isang buwan lang naman iyon—”

“Ayos lang po, Sir. Maraming salamat po sa halos tatlong taong experience. Naging malaking tulong po sa akin ang pagtatrabaho dito. Mahal ko po ang trabaho at ang mga katrabaho ko. Pero hindi po talaga ako komportable sa trabahong ipinagagawa ninyo.”

Sabihin nang maarte siya, pero ayaw niya sa trabahong hindi siya komportable at ang makasama ang lalaking iyon? Tsk! Batid niyang hindi siya makakatagal na kasama ito. Isa pa, mamaya kung ano pa ang mangyari sa kaniya habang nagtatrabaho sa lalaking iyon.

Mapera ang Mr. Luther na iyon at mukha ring maimpluwensiya. Madali lang para dito na gawan siya ng masama at takasan na lang ang krimen. Sabihin nang advance siyang mag-isip o masiyado siyang mapaghinala. Wala naman sigurong masama kung mag-iingat siya.

Tumayo siya. “Pagbigyan n'yo sana na gawin ang trabaho ko ngayong araw.” Nang tumango ang lalaking kaharap ay 'saka siya magalang na nagpaalam. “Daghang salamat, Sir. Mauna na po ako.”

Kahit puno ng alalahanin ang isip, sinikap niyang makapagtrabaho nang maayos. Huling araw na niya sa trabahong napamahal na sa kaniya kaya gusto niyang ibigay ang best niya. Pilit niyang pinasigla ang sarili, dahil pagkatapos ng araw na ito magiging jobless na siya. Pero hindi siya pwedeng mawalan ng trabaho nang matagal. Kailangan niya ng pera para sa maintenance ng mamang niya.

Natapos ang walong oras niyang duty sa pag-wi-waitress. 5:05 pa lang nang silipin niya ang oras sa suot na wristwatch, may tatlong oras pa siya para naman mag-perform. Nanghihina siyang naupo sa papag na naroon at malalim na bumuntonghininga. Inilapat niya ang likod sa matigas na higaan at ginawang unan ang mga brasong napatitig na lang siya sa kisame ng kwartong tatlong taon ding naging saksi sa pagod na nararamdaman.

Pagod na pwede niyang ipahinga, pero hindi pwedeng indain. Pagod na kahit gusto na niyang isuko, pero kailangan pa rin niyang labanan dahil oras na panghinaan siya kasabay niyang ilulugmok ang ina.

Sampung taon nang wala ang papang niya. At simula niyon, ang mamang na niya ang mag-isang nagtaguyod sa kaniya. Iyon nga lang, pagdating niya sa ikalawang taon ng kolehiyo, na-diagnose na may diabetese ito. Mabilis na itong mahapo kaya hindi na pwedeng mapagod nang husto o magtrabaho ng mabibigat.

Simula noon, pinatigil na niya ang mamang niya sa pagtatrabaho at inako na ang responsibilidad nito. Sinikap niyang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. At kahit na gaano pa siya kapagod sa buong araw, ni minsan hindi siya lumiban o nahuli man sa trabaho para lang ma-regular sa dito. Pero ang lahat ng pinagsumikapan niya, sa isang pitik lang ng lalaking iyon, mawawala agad ang pinaghirapan niya.

“Bwiset!” bulalas niya nang maramdamang may luhang namalisbis sa pisngi niya. Marahas niyang pinunasan iyon at tumayo mula sa pagkakahiga. Minabuti niyang lumabas para libutin ang resort dahil mukhang ito na ang huling gabi niya sa lugar na naging ikalawang tahanan niya.

Lumabas siya sa staff room at dumaan sa backdoor para makalabas ng restaurant. Maalinsangang hanging dagat ang humalik sa balat niya. Dumidilim na rin ang kulay kahel na langit. Dinig niya ang ingay ng mga turista sa kabilang bahagi ng restaurant, tahimik naman sa kinaroroonan niya bagama’t may paisa-isang nagagawing turista.

Niyakap niya ang sarili nang muling umihip ang hangin. Minabuti niyang maglakad-lakad sa dalampasigan at panoorin ang mga naglalaro ng beach volleyball sa di kalayuan, kaysa mag-isip siya nang mag-isip kung paano na silang mag-ina sa mga susunod araw.

Naupo siya sa isa sa malalaking tipak ng mga bato, paharap sa grupo na naglalaro ng volleyball. May isang pumansin sa kaniya at pinasasali siya pero tinanggihan niya.

Tuluyan nang dumilim ang paligid, huminto ang magbabarkada sa paglalaro ng volleyball at nagkakasiyahang pumaligid na lang sa ginawang bonfire.

“Miss Summer, sali ka dito!” aya ng isa sa mga ito na ikinagulat niya dahil kilala siya. Nginitian niya ang mga ito at inilingan.

Malalim na buntonghininga ang pinakawalan niya bago tumayo sa kinauupuan para bumalik na sa staff room. Kinawayan niya muna ang magkakaibigan bago bumalik sa back door ng restaurant.

“Bessy! Ayos ka lang?” pukaw sa kaniya ni Eloisa nang mapansin nitong tulala at tila malalim na ang nasisid dahil sa lalim ng kaniyang paghinga. Nakaupo lang siya sa papag na naroon sa locker room habang ito naman ay abala sa kung anong ginagawa nito.

“Ha?”

“Tinatanong ko kung ayos ka lang ba? Halata kasing problemado ka.” Umupo ito sa tabi niya.

Tinitigan niya ang kaibigan, tila ba sinusukat niya ang sarili kung sasabihin ba rito ang problema niya.

Si Eloisa ang kauna-unahan niyang nakapalagayan ng loob simula nang mag-umpisa siyang magtrabaho sa resort na iyon. Nasasabihan din niya ito ng problema. Napatunayan na rin niyang totoong kaibigan ito sa kaniya. Napabuntong-hininga na naman siya bago binawi ang paningin dito at itinuon sa harapan ang tingin.

“Huling gabi ko na ngayon dito,” sambit niya.

“Ha? Ano’ng sinasabi mo?”

“Ito na ang huling gabing magkakasama tayo. Huling gabi na sasayaw ako kasama kayo.”

“Huwag mong sabihing nag-resign ka? Agad-agad?”

Hindi siya umimik.

“Pero bakit?” muling tanong nito.

Hindi niya alam kung bakit hindi niya magawang sabihin sa kaibigan ang totoong dahilan. Alam kasi niyang sasalungatin siya nito lalo na’t napakasimple lang ng dahilan niya.

Oo, napakasimple lang, pero hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit big deal sa kaniya ang offer na iyon. Pakiramdam kasi niya ay binibili ng lalaking iyon ang pagkatao niya.

At iyon ang hindi katanggap-tanggap para sa kaniya.

“Bakit biglaan naman yata ’yan, Bessy? May nahanap ka bang mas malaki ang suweldo?”

“Hmm . . .” tipid na lang niyang sagot na sinabayan pa ng pagtango.

“Ay! Kainis ka naman! Bigla ka na lang mang-iiwan sa ere. Pero, since alam kong mas makakabuti at dahil kailangan ng nanay mo iyan, sige, magiging masaya na lang ako para sa ’yo. Pero, Bessy! Mami-miss kita!” bigla nitong atungal na tumayo pa sa kinauupuan, ibinuka ang mga braso, at mahigpit siyang niyakap.

Napangiti siya kahit na may bahid ng lungkot ang kaniyang mga mata. Ito ang bagay na nagustuhan niya rito, ang palaging pagsuporta sa mga desisyon niya kung para naman sa ikabubuti iyon.

“Ma-mi-miss ko rin kayo.”

“NAKAUSAP mo na siya?” bungad na tanong ni Norman sa pinsan nang makapasok sa opisina nito.

Nag-angat ng ulo si Lowelle, tiningnan lang siya nito, tumango-tango, at muling itinuon ang paningin sa report na binabasa nito.

“So, when will she start?”

Nakangisi na ito, ngising nakakaloko nang muli siyang tingnan.

“Parang nakasisiguro kang pumayag nga siya sa offer mo, ah?” aniya na isinandal ang likod sa kinauupuan at pinagkrus ang mga braso.

“Well, I guess she doesn’t have a choice, right?” nakangisi bagama’t seryoso ang mga matang sagot niya rito. Patagilid na isinandal ni Norman ang sarili sa pinto paharap sa table ng pinsan at ipinagkrus din ang mga braso.

“Then, your guess is wrong and sorry for that.”

Napatayo si Norman nang tuwid at kunot ang noong ipinamulsa ang mga kamay sa suot na pantalon.

“What do you mean?” tanong niya.

“She declined the offer, and tonight is her last night here.”

“What?! Are you kidding me?”

“Mukha ba akong nagbibiro? Mawawalan ako ng magaling at masipag na tauhan para lang magbiro, Norman.”

“Ha! Sino siya sa akala niya para tanggihan ako? O baka kulang pa ang offer? Okay, make it ten million!”

“You are crazy, you know? Sabi naman sa ’yo, hindi lahat ng tao mabibili ng salapi, and that includes her.”

“Tsk!” palatak niya at walang paalam na lumabas. Tinungo niya ang bahagi ng resort na tanaw ang entablado kung saan kasalukuyan nang sumasayaw ang grupo nina Sunshine. At mula sa kaniyang kinatatayuan ay walang kurap na pinakatitigan niya ang bawat pag-indak ng dalaga.

Matapos ang huling performance nila ay kinausap na ni Sunshine ang mga kagrupo. Maging ang mga ito ay nabigla at nadismaya sa kaniyang ibinalita. Nag-aya pa ang mga itong mag-inuman kahit saglit bilang huli nilang pagsasama-sama. Sumang-ayon siya at pinauna na lamang niya ang mga ito sa bar dahil kailangan pa niyang kausapin ang kanilang manager pagkatapos nilang magbihis.

Hindi nagtagal ay nakausap na niya ang namamahala ng restobar, at maging ito ay nagulat sa biglaan niyang pag-alis, bagama’t nasabihan na raw ito ni Sir Lowelle.

Patungo na sana siya sa kabilang side ng restaurant kung nasaan ang bar, nang biglang may humila sa kaniyang kaliwang braso at hinatak siya papunta sa kabilang bahagi kung saan walang tao. Bahagya siyang itinulak ng taong iyon pasandal sa pader at kinorner ng dalawa nitong kamay na nakatuon sa magkabilang gilid ng kaniyang ulo.

Bagama’t nabigla at bahagyang nakaramdam ng takot ang dalaga ay nagawa pa rin niya itong pangunutan ng noo.

“Ano na namang problema mo?!” singhal ni Sunshine dito.

Hindi agad sumagot ang binata, nakakunot lamang ang mga noo at matamang nakatitig sa kaniya.

“Ano?!” inis na muling tanong niya.

Napapabuntong-hiningang inalis nito ang mga kamay na nakalapat sa pader at inilagay sa sariling baywang, ngunit nanatili ang lapit ng distansiya sa kaniya. Bahagya itong nagkamot ng noo malapit sa sentido, inihalukipkip ang mga braso sa dibdib, at muli siyang tinitigan.

“If my offer is not enough, I will make it ten million,” seryoso nitong wika.

Pinagmasdan ni Norman ang dalaga habang nakayuko ito sa paanan. Narinig din niya ang paghigit nito ng malalim na hininga. Nakita niya rin ang paggalaw ng mga pisngi nito. Nag-angat ito ng ulo at matalim ang mga matang tumitig muna sa kaliwa’t kanan habang tikom ang mga labi, saka tumingin sa kaniya. Pairap pa itong tumawa at umiling-iling bago tumayo nang tuwid, tulad ng binata ay inihalukipkip ang mga braso sa dibdib.

“I really don’t have idea. What is with me para pag-aksayahan ninyo ng ganiyan kalaking halaga? To tell you honestly, your offer is cheaper than the last offer from someone that is, well . . . older than you. Hindi ko alam kung . . . maiinis, maiinsulto, o matutuwa ba ako. Gusto kong mainis dahil hindi ko talaga alam kung anong nakikita ninyo sa akin para alukin ng kung ano-ano. Ang daming babae diyan, oh. Gusto ko ring mainsulto, dahil ba por que nakikita n’yo akong sumasayaw nang naka-swimsuit, feeling n’yo mabibili n’yo na ang pagkatao ko? Pero nakakatuwa. Hindi ko kasi alam na ganiyan pala ang halaga ko— na ang isang probinsiyanang tulad ko, milyones ang halaga ng serbisyo.”

Hindi nakaimik si Norman. Nabigla ito sa mga sinabi ng kaharap habang seryosong nakatitig sa kaniya. Mababanaag sa mga mata ng dalaga ang lungkot at awa para sa sarili, marahil ay dahil sa mga natatanggap nitong hindi kaaya-ayang alok.

“Nakabilad man ang katawan ko sa harapan ninyo, pero hinding-hindi ko ibinibenta ang sarili ko. Fire dancer slash waitress po ang trabaho ko at hindi bed pleasurer.” Mariin ang bawat bitiw niya sa mga salita. Lumapit pa siya nang halos ga-pagitan na lang ang layo sa mukha ni Norman na ikinagitla nito.

“Hindi ako magaling sa kama. Ahh . . . wala pala akong alam sa pagpapaligaya sa kama, kaya baka masayang lang ang milyones na ibabayad mo.” Ngumiti ito nang may pait saka huminga nang malalim bago nagpatuloy.

“May respeto ako sa sarili ko. Malaki ang respeto ko sa sarili ko, kaya huwag na huwag mo akong itutulad sa mga babaeng nasilaw ng pera mo. Dahil ang katawang ito . . . nakalaan lang para sa lalaking mamahalin at pakakasalan ko.”