Chapter 1: THE FIRE DANCER
“MAMANG, kumusta na ang pakiramdam mo?” bungad na tanong niya pagpasok sa silid ng ina. Naabutan niya itong nakaupo sa higaang papag at nakasandal ang likod sa sa dingding na yari sa plywood.
Inilapag niya ang backpack sa sahig at agad itong nilapitan. Nilagyan ng unan ang sinasandalan para maging komportable ang likod ng ina.
“Ayos na, anak. Sige na, umalis ka na at huling-huli ka na sa trabaho mo. Parating na rin naman si Espie, siya na ang bahala sa akin,” pagtataboy nito sa kaniya, na sinundan ng sunod-sunod na pag-ubo.
Napapabuntong-hiningang hinimas-himas niya ang likod ng ina. “Paano ba kitang iiwan, Mang, kung ganiyan ang lagay mo? A-absent na lang ho siguro ako.” Saglit niyang iniwan ang ina para lumabas at kumuha ng tubig sa kusina.
“Nahirinan lang akong bata ka. Pinayagan ka na nga ng supervisor mo na mag-undertime ka, tapos liliban ka? Paano kapag tinanggal ka sa trabaho?” saad agad nito pagbalik niya sa kwarto. Naupo siya sa espasyo ng kama, paharap sa ina at inalalayan ito sa pag-inom ng tubig na dala niya.
“Sa akin walang problema. Makakapagpahinga ka,” aniya pa matapos nitong uminom at ilayo ang baso sa bibig.
“Hindi ho ako pwedeng mawalan ng trabaho.”
“Kaya nga umalis ka na. Sige na. Dadating naman na ang pinsan mo.” Itinulak-tulak siya ng ina sa braso dahilan para labian niya ito.
“Hihintayin ko na lang ho si Espie, Mamang. Hindi ko kayo pwedeng iwan nang mag-isa dito,” ungot niya. Tumayo siya sa kinauupuan at tumabi dito ‘saka niya niyakap nang patagilid ang ina.
Kung pwede lang talaga siyang mag-absent ginawa na niya, kaso natatakot siyang mawalan ng trabaho dahil sa sunod-sunod na pagka-late at ilang beses niyang pag-absent nang humina ang kalusugan ng ina.
Kapapasok palang ng Marso pero nakararami na siya ng late sa trabaho. Sirang-sira tuloy ang punctuality niya para sa taong ito. Hindi naman niya pwedeng sisihin ang ina dahil hindi naman nito kagustuhan ang magkasakit. Wala lang talaga siyang mapag-iiwanan sa ina.
Naramdaman niya ang paghagod ng mamang niya sa kaniyang buhok. “Hmmmm, pasensiya ka na kung nagiging pabigat ang mamang sa ‘yo, anak. Alam kong nahihirapan ka na. Sa halip na ako ang gumagawa ng mga obligasyon ko sa ‘yo bilang ina mo, naging pasakit pa ako. Kung pwede lang na sunduin na ako ng papang mo.”
Napakalas siya sa pagkakayakap sa ina at bahagyang lumayo rito para tingnan ito nang masama. “Magtigil ka nga, Mamang! Anong sunduin ka ni Papang? Kaya nga ho ako nagdodoble kayod para maipagamot ka, tapos gusto n’yong sunduin ka ni Papang?” Parang gripong binuksan ang mga mata niya nang mag-unahan ang luha niya sa pagpatak. Kainis din itong mamang niya kung minsan. Buti sana kung nagrereklamo siya na nahihirapan na siya o isinusumbat niya ang mga ginagawa niya. Para tuloy napakawalang kwenta niyang anak.
“Ayaw ko lang na nahihirapan ka, Shine…”
“Masaya ako sa ginagawa ko, Mamang. Masaya ako na inaalagaan ka. At kahit mahirapan pa ako nang sobra, ayos lang. Basta gumaling ho kayo. Hindi pa kayo pwedeng magpasundo kay Papang.” Panay-panay ang punas niya sa mukha dahil ayaw pa rin papigil ang luha niya. Naramdaman na lamang niya ang pagyapos sa kaniya ng ina at ang paghagod nito sa buhok niya, kaya mas lalo siyang napaiyak.
“Napakaiyakin mo pa ring bata ka. Tumahan ka na. Magpapagaling si mamang, kaya tumahan ka na,” pang-aalo nito sa kaniya.
“Ay sus! Nagdramahan na naman ang ate at ante!” Natatawang bungad ni Esperanza nang pumasok ito at abutan ang mag-ina sa ganoong ayos.
“Ito kasing si Mamang kung ano-ano ang sinasabi,” wika niya nang bumitiw sa pagkakayakap sa ina.
“Ayaw pa kasing umalis niyang pinsan mo, Espie. Tapos iiyak-iyak nang sabihin kong mawawalan siya ng trabaho.”
“Tama naman si ante, Ate. Hmmmm, anong oras na o, late ka na naman. Umalis ka na, ako na ang bahala kay ante.”
Inayos niya ang sarili. Bihis na rin naman siya at talagang hinihintay na lang niya itong si Esperanza bago niya iwan ang ina. Yumuko siya para halikan sa pisngi ang mamang niya.
“Alis na ako, Mang. Ajaw na pag gahi og ulo, ha.” Binalingan niya ang pinsan na mas bata sa kaniya ng limang taon. “Tawagan mo ako, Espie, kapag may problema, ha?”
“Oo, Ate. Sige na, lakaw na. Ako nang bahala kay ante.”
Tinanguan niya ito at dinampot ang bag. “Lakaw na ‘ko, Mang,” paalam niya sa ina.
Nagmamadali siyang lumabas ng bahay at agad na pumara ng tricycle upang magpahatid sa Palacio Grande Hotel and Resort, kung saan siya nagtatrabaho bilang serbidora mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.
Tatlong oras siyang magpapahinga sa staff room kapag walang overtime. Pagsapit naman ng alas-otso, ang pagiging firedancer naman ang inaatupag niya na tumatagal hanggang alas-dose ng gabi,
Patakbo siyang pumasok sa resort nang huminto ang tricycle sa tapat ng gate niyon at nagmamadaling tinungo ang bar na nasa likod ng limang palapag na gusali.
“Shine! Bilisan mo!” Hinila siya ng kasamahang waitress nang makasabay siya nito sa pasilyo.
“You’re almost an hour late, Ms. Valdez,” salubong ang kilay na bungad sa kaniya ng kanilang supervisor na saktong kalalabas lang ng opisina nito.
Hindi siya magkandaugaga sa paulit-ulit na pagyukod. “Ma’am, pasensiya na po talaga. Hindi ko lang po talaga maiwan agad si Mamang kanina,” paliwanag niya, dahil ang paalam lang niya ay kalahating oras lang siyang mahuhuli sa pag-aakalang huhupa agad ang hika nito.
“Naiintindihan kita, Shine, pero napapadalas na ang pagka-late mo.” Nilingon nito ang bahagi ng restobar na halos mapuno na ang mga lamesa kahit pa alas nuebe pasado palang ng umaga, at saka siya nito muling tiningnan. “Ayokong isipin ng mga kasama mo na ayos lang ang ma-late at umabsent. Hindi ko gustong bigyan ka ng suspension, pero nanganganib na masuspende ka oras na maulit pa ito. Sige na, magtrabaho ka na.” Tumalikod na ito at tinungo ang kitchen para silipin ang mga tauhan doon.
Laglag ang balikat na tinungo niya ang locker room, itinabi ang gamit nang maisuot ang apron pagkakuha niyon at panandaliang inalis ang bigat na nararamdaman sa dibdib dahil sa warning ng kaniyang supervisor, bago ipinaskil ang masayang ngiting lumabas para umpisahan ang trabaho.
Inilinga niya ang paningin sa paligid ng resto bar. Mag-aalas-diyes pa lang ng umaga pero marami na ang mga taong naroon. Kung tutuusin, may free breakfast naman ang hotel, pero mukhang mas trip ng mga ito na sa resto bar na mag-agahan.
Isa sa mga familiar na customer ang nakita niyang kumaway para kunin ang atensiyon niya kaya agad niyang nilapitan ang table ng mga ito.
“Hi, Ma’am, Sir! Nice meeting you again,” nakangiting bati niya sa apat na foreigner nang makalapit siya sa mga ito.
“That’s great! Do you still remember us, ha? That is why I will always choose to stay here. It's nice to see you here again, Summer.” Tumayo ang babaeng Briton at nakipagbeso sa kaniya.
“Ma’am, it’s Sunshine not Summer,” nakangiting pagtatama niya rito.
“I know, but I used to call you Summer. Would you mind if I call you by that name?”
“Ahm, okay, Ma’am, if that is what you want. So, can I take your order now?”
Inilista niya ang mga order ng mga ito sa hawak na libreta at magalang na nagpaalam upang ipasa iyon sa counter. Nang makalapit sa counter ay inilagay niya ang order slip sa maliit na bintana. Akma na siyang tatalikod nang tawagin siya ng isa sa kitchen staff.
“Shine, Table 5 please.” Inabot nito ang isang tray ng pagkain sa dalaga.
Pagkakuha niya sa tray ay masigla siyang lumapit sa Table 5.
“Hi, Summer!” bati ng isa sa mga iyon.
“Hi, Mr. Greg! Welcome back, Sir!” bati ni Sunshine sa Canadian na naging regular customer na ng resort.
“And I’m glad that you’re still here.” Nakipagkamay ito sa kaniya at ipinakilala siya sa mga kasama pa nito.
Naging abala si Sunshine nang mga sumunod pang oras. Summer dito, Summer doon, at nasanay na siyang tawaging Summer. Kung bakit? Wala siyang ideya kung bakit nga ba Summer ang bansag sa kaniya ng mga turistang nagpupunta roon.
Natapos ang oras niya sa pagiging serbidora pero kinailangan ng back up staff dahil talagang ang dami ng turista, kaya naman sa halip na itulog ni Sunshine sa locker room ang tatlong oras na bakante, kinuha na lang niya ang tsansa na makapag-overtime.
Nakaalpas lang siya sa trabaho nang dumating na ang pang-alas-otsong waitress. May natitira pa siyang thirty minutes para makapagpahinga.
Nang makapagpahinga at makitang ilang minuto na lang ang nalalabi sa oras ay kinuha na niya ang bag sa locker, inilabas niya ang itim na string two-piece na susuotin at nagtungo sa comfort room para magbihis.
Nakabalot na siya ng roba nang lumabas sa banyo. Nadatnan niya ang mga kasamang fire dancer na nag-aayos na rin.
“Hi, Summer!” bati ng kaibigan at kapartner na si Juny.
“Bakit ba Summer ang tawag n’yo sa ’kin?” nakaingos na tanong niya sa binata.
“Because you are hot as summer,” anito na sinabayan pa ng pagkindat.
“Ewan ko sa ’yo. Bilisan n’yo na nga.”
Sabay-sabay na lumabas ang apat at tinungo ang lugar na pagsasayawan nila. Nasa pagitan iyon ng restobar at dagat. May katamtamang lawak ng entablado na nakalatag sa buhanginan. Sa gilid ng stage ay may mini bar para himdi na pumasok pa sa loob ng resto ang mga nais uminom.
Hinubad ni Sunshine ang suot na roba at dinampot ang tali ng fire ball nang tawagin na sila ng DJ upang mag-perform matapos ang huling kanta ng guest singer.
Nang makaakyat ang kanilang grupo at mag-umpisa sa pagsayaw, nag-umpisa ring magpalakpakan at maghiyawan ang mga turistang nanatili para panoorin sila.
Hindi magkamayaw ang mga manonood tuwing gagawa ng fireball exhibition ang dalaga.
Matapos ang dalawang set ng tugtog ay nagpahinga ang grupo niya. Nasa kasarapan sila ng kuwentuhan nang makarinig ng ingay buhat sa himpapawid. Tumingala ang mga ito at nakita ang chopper na pababa sa rooftop ng hotel.
“Mukhang si Mr. Luther na iyan!” bulalas ni Eloisa na isang chambermaid sa Palacio Grande at suma-sideline rin bilang fire dancer.
“Sino ’yon?” tanong niya rito.
“Ano ka ba, Shine! Pamangkin iyon ng may-ari nitong resort. My God! Sana masilayan ko siya bukas!” bulalas nito na kinikilig pa ang katawan sa pagka-excite.
“Bakit ka kinikilig d’yan?” nagtatakang tanong niya.
“Paanong hindi kikiligin ’yan, basta pagdating sa mga Luther, parang sinisilihan ang puwit ng babaeng ’yan,” pang-aasar ni Steve.
“Inggit ka lang dahil hindi ikaw ang kinakikiligan ko,” nakalabing wika ni Eloisa. Muli itong bumaling sa kaniya. “My oh! My! Shine, kapag nakita mo lang ang kaguwapuhan ng magkapatid na Luther, makalaglag-panty!” Tumitili at hindi ito magkamayaw sa pagyugyog sa kaniya na muntik na niyang ikahilo.
“Magtigil ka sa kahibangan mo, Eloisa. Kahit maghubad ka sa harap ng mga ’yon, hinding-hindi ka mapapansin ng mga Luther. Gumising ka na bago ka pa masaktan,” ani Steve na kababakasan ng pagkairita ang boses.
“Shut up ka na lang kaya, ’no? Panira ka ng gabi.”
“Bakit, Steve? Maganda si Eloisa para imposibleng magustuhan ng kahit na sino.” Inakbayan niya ang kaibigan.
“Oo, maganda nga. Pero hindi ganiyang ganda ang tipo ng magkakapatid na ’yon. Lalo na si Norman.”
“Tse!” Tumayo ang dalagang pinag-uusapan na tila napikon at iniwan sila.
Iiling-iling na sumunod na lamang ang tatlo para sa susunod na performance na gagawin nila.
SAKTONG lumabas ng banyo si Norman nang biglang may mag-doorbell. Hindi na siya nag-abalang magdamit. Binalot lang niya ng tuwalya ang baywang nang lumabas ng silid at tunguhin ang pintuan upang pagbuksan ang nasa labas.
Tila naman natuka ng ahas ang dalawang chambermaid pagkakita sa binata. Napapalunok pa ang mga ito ng laway habang nakatingin sa matipuno at mamasa-masang katawan na nakahantad sa kanilang harapan.
“Yes?” anang baritonong boses ni Norman na nagpagising sa diwa ng dalawa.
“Ah, Sir, wine and food courtesy of your uncle,” wika ng babaeng may pagka-chubby.
Iniawang niya ang dahon ng pintuan upang makapasok ang mga ito at saka siya dumeretso sa kaniyang kwarto. Nagsuot lamang siya ng loose shorts at sando bago muling lumabas. Hindi na niya nadatnan doon ang dalawang empleyado. Kinuha niya ang wine na dala ng mga ito at kumuha ng kopita sa counter bar saka tinungo ang terasa.
Mula sa terasa na kinaroroonan, tanaw niya ang umpok ng mga taong nasa buhanginan at masayang pinanonood ang apat na fire dancer sa ibaba.
Natigil sa ere ang kopitang hawak ni Norman nang mag-umpisang umindak ang babaeng nasa stage. Napako ang atensiyon ng mga manonood nang mag-solo number iyon. Maging ang atensiyon niya ay napukaw nito.
Malamyos ang bawat galaw.
Ang indayog ng balakang ng dalaga na sinasabayan ng bolang apoy na sa bawat pag-ikot, para bang ginuguwardiyahan ang diyosa na nang-aakit sa gitna ng mga ito.
Patapos na ang tugtog nang tumalikod ito sa manonood upang gawin ang sa tingin niya ay ang huling stunt ng dalaga.
Natigilan si Norman kasabay ng tila paghinto ng kaniyang hininga dahil nakapaharap ito sa gawi niya. Wala sa sariling ipinatong niya ang mga braso sa balkonahe at inihilig ang sarili nang unti-unting lumiyad ang dalaga at mapatingin ito sa kinaroroonan niya.
He was on the fifth floor of the building. Malayo ang distansiya niya sa dalaga pero hindi niya maintindihan kung bakit pakiramdam niya, nakatitig ito sa kaniya kahit alam naman niyang hindi.
At nang lumiyad ang dalaga patalikod, dahilan para mas ma-expose sa paningin niya ang katawan nito, hindi niya napigilan sa pag-angat ang gilid ng bibig.
Damn those curves.
Hindi ito maputi. Kung tutuusin, kayumanggi ang kulay nito. Pero kumikinang sa dilaw na mga bombilya ang morenang kutis ng babaeng pinagkakaguluhan na sa ibaba.