1: Suitor
“Para sa’yo daw po itong bulaklak. Pinapabigay po ni Sir Louie,” sabi ng binatang lumapit sa kanila habang kumakain sila sa kantina ng kompanya. Naka-jeans ito at puting uniporme. Alam niyang apprentice lamang ito na nautusan ng mas superior dito. Lunch break nang mga oras na iyon at kasama niyang kumakain ang mga co-staff niyang sina Kristel, Georgina, Maribelle at Divina. Nasa iisang lamesa lamang sila.
Sabay-sabay silang nagtinginan sa itinuro ng binatang sa tingin niya ay bagong operator sa kompanya at nautusang magbigay ng bulaklak. Kumaway ang chinitong binata sa kanila mula sa may mesa na nasa hindi kalayuan. Kinikilig na siniko siya ni Kristel.
“Naks, may pabulaklak na naman si Louie sa’yo. Masugid talaga. Kailan mo ba balak sagutin ang suitor mo na iyan?” kantiyaw nito sa kanya.
“Oo nga. Ang tagal na kaya niyang nanliligaw sa’yo,” sang-ayon naman ni Divina. “College palang ay nagpaparamdam na iyan sa’yo.”
Alam ng mga ito magkaklase sila ni Louie sa high school pero nanligaw lang ito noong nag-college na sila. Naikuwento iyon ni Kristel bilang ito ang kababata at kaklase rin niya noong high school sila.
Sumipsip muna siya ng softdrinks saka binalingan ang binatang may hawak ng bulaklak. “Pakisabi sa nagbigay niyan, marami na kaming bulaklak sa bahay. Baka magmukhang flower shop na ang bahay namin.”
Tumalima naman ang bata at mabilis na tumakbo pabalik kay Louie. Ibinalik nito ang bulaklak sa binata. Nakita naman niyang nalungkot ang mukha nito. Sumulyap pa ito sa kanya pero umiwas siya nang tingin.
“Bakit ba kasi ayaw mo pang sagutin? Mabait naman si Louie a,” segunda pa ni Kristel.
“Hindi lang mabait, guwapo pa. Ano pang hahanapin mo sa kanya?” sabi pa ni Maribelle.
“Hay, tigilan ninyo nga ako. Wala sa plano ko ang makapangasawa ng ka-level ko lang,” aniya saka sumubo ng pagkain.
“Bakit naman? Maayos naman ang trabaho ni Louie a. Techinician siya at maganda naman ang sahod niya,” sabi naman ni Kristel.
“Kilala mo ako Kristel, mataas ang pangarap ko. Hindi ko hahayaan na manatili ako sa kahirapan. Gusto ko, kapag nag-asawa ako, sigurado na ang future ng mga anak ko. Hindi puwede iyong bahala na. Ayokong iparanas sa magiging anak ko ang hirap ng buhay,” seryosong sabi niya.
“Naku, hindi naman masamang mangarap pero huwag mong kataasan dahil baka lalo kang bumagsak sa taong pinakaaayawan mo,” babala sa kanya ni Divina.
Napa-sign of the cross naman siya bilang pagkontra sa sinabi nito. “Huwag kang magdilang-demonyo. Hindi nakakatuwa.”
“Nagsasabi lang ako ng totoo. Mahirap iyong masyadong mapili. Baka paglaruan ka ng tadhana. Sabi nga nila, sa kapipili, napupunta sa bungi,” biro pa nito sabay tawa.
Hinampas niya ito sa braso. “Tumigil ka na ha? Bad joke iyon.”
“Oo nga, Divina. Tigilan mo na iyang si Jade. Hopeless romantic lang iyan dahil bukod sa walang lovelife, malapit nang ma-expire ang matris niyan,” biro naman ni Maribelle.
Sinimangutan niya ito. “Hoy Maribelle, hindi porke nakadalawa ka nang asawa at anak, may karapatan ka nang insultuhin ang matris ko.”
“Hindi ko naman ikinakahiya na may dalawa na akong anak sa magkaibang lalaki. Mas okay na ang nagkaroon ng dalawang asawa kaysa naman wala kahit isa. Saka mas okay rin ang buhay kung may katuwang at mas masarap kung may nagmamahal,” sagot naman nito.
“Saulo na naming iyang motto mo,” biro naman niya sa kaibigan. “Pero kung mag-aasawa ako, doon na sa sigurado.”
“Hindi naman sa minamadali kita, nagsasabi lang din ako ng totoo. Aba! Ilang araw na lang magtu-twenty-eight ka na tapos ni boyfriend ay wala ka pa,” sabi pa nito.
“Hindi naman ako nagmamadali,” depensa pa niya kahit ang totoo ay inggit na inggit na siya sa mga kaibigan niya na may masayang love life. Lahat sila ay may mga asawa na at masaya ang pagsasama kahit na nga naroon ang mga problemang normal na pinagdadaanan ng mga mag-asawa. Ang mahalaga lang naman ay magkasama nilang nalalampasan iyon.
Kahit nga sa mga kapatid niya ay naiinggit din siya dahil kahit siya ang panganay, mas naunahan pa siyang mag-asawa ng mga kapatid niya.
Si Janice na pangalawa sa kanilang magkakapatid ay nag-asawa sa edad na beinte. Maagang nabuntis kaya naman maagang nakapag-asawa. Wala namang naging problema sa pagsasama ng kapatid niya at asawa nito. Kahit hindi perpekto ay umabot na rin sa limang taon ang pagsasama ng dalawa. Dalawa na rin ang anak nito. Isang babae na 5 years old at isang 2 years old na lalaki.
Si Jonmel naman na bunso sa kanilang magkakapatid ay nakapag-asawa na rin sa edad na beinte uno. Maayos naman ang takbo ng relasyon nito kahit pa nga bago pa lamang na nagsasama. Buntis na rin ang kinakasama nito at balak na ring magpakasal kahit sibil lang pagkapanganak ng babae.
Napapa-sana all na lang siya nang lihim. Alam niyang darating din ang lalaki para sa kanya. Soon. Kung kailan ang soon na iyon, hindi niya pa rin alam basta maghihintay siya sa pagdating ng araw na iyon.
“Required na sa’yo ang magmadali, naunahan ka na ng mga kapatid mo. Marami ka nang pamangkin,” sabi naman ni Georgina.
“Masaya na ako sa mga pamangkin ko,” sabi niya saka sumubo ng pagkain.
“Hanggang kailan ka magiging masaya na mag-alaga ng pamagkin at hindi nang sarili mong anak?” sarkastikong tanong sa kanya ni Divina.
Hindi naman siya nakasagot. Wala naman kasi talaga siyang ideya kung kailan siya magkakanobyo. Wala pa talaga siyang matipuhan kahit pa nga ilang beses na rin siyang inirereto sa kung sino-sino. May pa-blind date pa nga sa kanya ang mga ito pero sadyang puro reject sa kanya ang mga lalaking imina-match sa kanya.
“Hoy! Ano ba kayo? Tama na iyan at baka mapikon na si Jade sa inyo,” saway naman ni Kristel sa mga kasamahan. Nagsitahimik naman ang mga iyon.
“Buti at inawat mo na sila baka mamaya hindi na ako makapagtimpi at ma-supersayan ko iyang mga iyan,” pabirong sabi naman niya.
“Katakot ka naman, girl,” sabi naman ni Divina sabay tawa.
“Siya nga pala, iyong inirereto ko sa’yong ka-blind date, baka naman gusto mo nang siputin,” sabi naman ni Georgina.
“Hay naku, baka naman kasi sablay na naman iyan.” Makailang beses na nga itong nagreto sa kanya pero puro naman sablay. Hindi niya natitipuhan.
“Naku, hindi ka magsisisi sa inireto ko sa’yo ngayon. Bukod sa guwapo, seaman pa neng, madatung!” pagmamalaki pa nito.
“Madatung pero seaman. Baka seaman-loloko iyan, ayoko!” aniya sabay iling.
“Grabe ka! Hindi lahat ng seaman, manloloko. Marami pa ring matitino.”
“Kabilang ba diyan ang nirereto mo?” tanong pa niya.
“Oo naman!” puno ng kompiyansang sabi nito.
“Wish ko lang,” kibit balikat niyang sambit.
Samantala, habang nakamasid si Louie sa pinakatatanging babae ay lumapit sa kanya ang binatang inutusan niya. Dala pa rin nito ang bulaklak na ipinabibigay niya kay Jade.
“Marami na daw pong bulaklak sa kanila. Baka daw po maging flower shop na ang bahay nila,” anang binata. Gumuhit ang lungkot sa kanyang mukha dahil sa sinabi ng lalaki. Tinanggihan na naman siya ni Jade. Hindi lang ito ang unang beses na ginawa ng dalaga ang tanggihan siya. Mula pa man noong college sila ay makailang ulit na siyang binusted nito. Hindi man sila magkaklase ay magkapitbahay naman sila. High school palang ay may gusto na siya sa dalaga pero college na siya nang nagkalakas ng loob na magtapat dito.
Tinanggap niya ang isinoling bulaklak sa kanya at tumingin sa gawi ni Jade na hindi man lang nagtapon ng tingin sa kanya. Deadma pa rin siya kahit na anong gawin niya. Naiinis na ikinuyumos niya ang bulaklak na hawak at hinagis iyon sa basurahang malapit sa kanya.
“Busted ka na naman?” kantiyaw ng kaibigan niyang si Norman.
Sinamaan niya ito nang tingin saka ibinaling ang atensiyon sa pagkain. Tiningnan niyang muli si Jade na masaya pa ring nakikipagkuwentuhan sa mga kaibigang staff ng kompanya nila.
“Alam mo pare, kung ako sa’yo iiiba ko na ng direksyon ang mga mata ko. Ang daming magaganda at sexy diyan na nagkakandarapa sa’yo. Bakit hindi na lang sila ang patulan mo?” suhestiyon pa ni Norman.
“Oo nga, pare. Ang dami namang choices, bakit ipinipilit mo pa ang sarili mo sa babaeng iyan?” sang-ayon naman ni Kervin. Isa rin itong technician at kaibigan niya.
“Wala akong pakialam sa ibang babae. Si Jade lang ang babaeng para sa akin,” mariing sabi niya.
“E, ayaw nga sa’yo,” sabi pa ni Kervin na ikinainis niya kaya nakuwelyuhan niya ito.
“Isa pang salita at patutumbahin kita sa harap ng maraming tao,” banta nito sa kaibigan. Nakakuyom na ang palad niya na tipong handa nang i-landing sa mukha nito.
“Relax ka lang pare,” saway naman ni Norman at pinalayo si Louie mula sa lalaki.
“Ayokong maririnig na sinasabi ninyong ayaw niya sa akin. Nagpapakipot lang iyan.”
“May nagpapakipot ba na lagpas na isang dekada?” pilosopong tanong pa ni Kervin na ikinasama ulit nang tingin ni Louie.
“Kahit isang milenyo pa siyang magpakipot, hindi ko siya titigilan. Ganoon ko siya kamahal.”
“Okay.” Itinaas nito ang dalawang kamay bilang pagsuko. “May magagawa ba ako? True love mo e.”
“Hindi ko lang siya basta true love, she is my life,” buong pusong sambit niya habang nakatitig pa rin kay Jade na wala namang kaalam-alam na siya ang pinag-uusapan.
“Woah!” sabay na reaksiyon ng dalawa. “Iba ka!”
“Iba talaga ako. Hindi kasi ako babaerong katulad ninyo. Stick to one ako,” birong may halong katotohanang sabi niya. Alam niyang kahit may asawa na ang mga ito ay hindi pa nagsasawa sa pagiging binata. Kaliwa’t kanan ang babae ng mga ito. Siya lang ang hindi lumilinya sa mga ito kahit anong udyok ang gawin ng mga ito.
“Obvious nga! Naka-stick lang ang mata mo sa iisang tao e. Kung visible iyang utak mo, kitang-kita na si Jade lang ang nakatatak diyan,” natatawang biro pa ni Norman.
“Hindi lang siya sa utak nakatatak, pati na rin sa puso ko.”
“Nice!” panabay ulit na naging reaksiyon ng dalawa saka nag-apir.
“Mapapasaakin ka rin balang araw,” bulong niya sa isip habang nakatitig pa rin kay Jade. Buo ang kompiyansa niya sa bagay na iyon.
Inabangan ni Louie si Jade sa labas ng gate ng kanilang kompanya nang oras ng uwian nila. Lagi naman niya iyong ginagawa. Sinusubukan niyang pakiusapan ito na pumayag na ihatid niya ito sa bahay. Makailang ulit din naman siyang tinatanggihan nito pero hindi siya sumusuko. Patuloy pa rin siya sa pagsuyo sa dalagang tinatangi ng kanyang puso. Wala siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Ang mahalaga sa kanya, mapatunayan niya kung gaano niya kamahal si Jade.
“Hi, Jade!” nakangiting bati niya dito nang makalabas na ito ng gate. Kasama nito ang mga kaibigang staff din.
“Hoy Jade, hi daw,” sabi naman ni Kristel na siniko pa si Jade para lang pansinin siya.
Tulad ng dati, tipid na ngiti lang ang itinugon nito.
“Puwede ba kitang maihatid pauwi sa inyo?” tanong pa niya kay Jade na nakayuko lang. Hindi niya alam kung nahihiya ito sa kanya o ayaw lang talaga siyang tingnan.
“Sorry pero hindi puwede,” sabi naman nito.
“Bakit naman?” malungkot na tanong niya. Hinahanda na niya ang sarili sa isasagot nito.
“May lakad kasi ako,” pagdadahilan nito. Alam naman niyang umiiwas lang ito sa kanya.
“Saan naman ang lakad mo? Puwede naman siguro kitang ihatid sa pupuntahan mo?” aniya pa.
“Naku Louie, hindi puwede. Masasaktan ka lang,” sabi naman ni Divina.
“Masasaktan?” kunot noo niyang tanong.
“May ka-date kasi si Jade,” tugon naman ni Maribelle.
Biglang nagpanting ang kanyang tenga at awtomatikong ikinuyom ang mga palad. Hindi niya maiwasang mainis nang marinig na may ibang lalaking ini-entertain si Jade. Nagseselos siya dahil kahit minsan, hindi man lang pinaunlakan nito ang kanyang paanyayang kumain man lang sa labas.
“Sino namang lalaki ang ka-date niya?” malamig ang tono ng pananalita niya.
“Kakilala ni Georgina, kaibigan daw ng asawa niya,” sagot naman ni Maribelle. Ang mga kaibigan lang ni Jade ang nasagot. Si Jade kasi ay nakayuko lang habang nakikipag-usap ang mga kaibigan niya sa kanya. Tila nahihiya ito sa kanya.
Tumango lang siya pero hindi na mapalagay ang kanyang kalooban. Nais sumabog ng kanyang puso sa labis na inis ngunit pinipigilan niya iyon.
“Ah sige, Louie, mauna na kami sa’yo,” paalam na sa kanya ni Kristel. Tinanguan lang niya ulit ito. Naiwan siyang nakatingin lang kay Jade habang naglalakad ito kasama ang mga kaibigan.