PROLOGUE
“Bibili lang ako ng ice cream, panghimagas,” nakangiting paalam sa kanya ni Louie.
Nakangiting tumango siya at hinintay ang pagbabalik nito. Nasa parke sila. Naisipan nilang doon na lamang i-celebrate ang kanilang ika-unang anibersayo ng kanilang pagiging mag-asawa. Simple lang kasi ang gusto niyang maging selebrasyon. Ang mahalaga lang sa kanya ay kasama niya ang pinakamamahal niya.
Masaya siya habang pinagmamasdan ito mula sa malayo. Hindi niya akalaing magkakaroon pa siya ng tiyansang magmahal at mahalin din matapos ang kaniyang madilim na nakaraan. Tinanggap siya nito nang buong-buo.
“Miss, puwede bang magtanong?” Nilingon niya ang lalaking biglang nagsalita sa tabi niya.
“Ano po iyon?” magalang niyang tanong kahit kasing edad lang yata niya ang lalaki.
“Naliligaw na yata ako. Iyong kausap ko kasi hindi ko na ma-contact. Na-lowbat na kasi ako.” Ipinakita nito ang cellphone na naka-off na cell phone. “Baka puwede mong sabihin sa akin kung saan ang address na ito.” May ipinakita itong papel sa kanya. Tiningnan naman niya iyon at saglit na inisip kung saan ang lugar na tinutukoy ng nakasulat roon.
“Ah, malapit na po ito dito. Doon lang po iyon sa may kalyeng iyon.” Itinuro niya ang kalye sa kaliwang bahagi na nasa ‘di-kalayuan.
“Ah, okay salamat,” tuwang-tuwang sabi ng lalaki saka siya kinamayan.
“Anong ginagawa mo sa girlfriend ko?” galit na sabi ni Louie nang makalapit sa kanila. Naniningkit ang mga mata nitong nakatingin sa lalaki. Nakakuyom na rin ang mga palad nitong may hawak na ice cream. Kinabahan siya sa nakitang reaksiyon ng asawa na parang kahit anumang oras ay nagbabanta ng isang laban.
“Hon, nagtatanong lang siya,” paliwanag niya pero hindi na nito pinakinggan. Laking gulat niya nang biglang sugurin nito ang lalaki. Itinapon nito ang hawak nitong ice cream sa sahig. Ni hindi nito pinansin ang kanyang sinasabi.
“Teka pare—” Hindi na hinayaan ni Louie na makapagsalita ang lalaki. Bigla na lang nitong sinuntok ang mukha niyon. Agad na natumba ang lalaki at sumadsad ang katawan sa semento. Marami ang nagulat nang makita ang nangyari. Maging si Jade ay hindi makapaniwala sa ginawa ng kanyang asawa. Nanlaki ang kanyang mga mata at natutop niya ang kanyang bibig habang nakatingin sa lalaki.
“Pasensiya na, kuya.” Tinulungan niya ang lalaki na tumayo matapos humupa ang kanyang pagkagulat. Hirap namang tumayo ang lalaki at nagpahid ng dugo sa gilid ng labi. Agad kasing pumutok iyon sa lakas ng suntok ni Louie. Gusto sanang gumanti nang lalaki pero agad niyang pinigilan ito.
“Huwag mo na lang patulan, kuya. Pasensiya na talaga. Umalis ka na lang po, ako na lang bahala sa asawa ko,” aniya.
Tumango naman ang lalaki. Masama pa rin ang tingin nito sa kanyang asawa. Hindi naman niya ito masisisi dahil mali naman talaga ang ginawa ni Louie.
“Pasalamat ka, mabait ang asawa mo,” anito saka tinalikuran na sila at naglakad palayo sapo-sapo pa rin ang nasaktang bibig.
“Anong ginawa mo? Bakit pinaalis mo iyon? Makakatikim pa iyon sa akin e,” galit na sabi ni Louie. Nakaturo pa ang mga kamay nito sa dako kung saan naglalakad palayo ang lalaki.
“Ikaw? Anong ginagawa mo? Bakit mo siya sinuntok?” Tumaas na rin ang kanyang boses. Hindi niya nagustuhan ang ginawa ng asawa sa lalaki at ang inaakto nito ngayon. Hindi lang ito ang unang beses na naging warfreak ito dahil sa selos.
“I’m just protecting you!” Sumakit ang braso niya nang mahigpit siyang hawakan nito. Dumaing siya pero hindi iyon pinansin ng asawa at nagpatuloy sa pagkaladkad sa kanya. Pumalag siya kaya nabitiwan nito ang braso niya.
“Protecting? Hindi! Sinasakal mo ako! Wala sa lugar ang mga pagseselos mo!” galit na ring sabi niya. Ang kaninang saya na nararamdamdan niya ay napalitan ng paninikip ng dibdib. Matagal na niyang kinikimkim at pinagpapasensiyahan ang ugali nito. Pinipilit niyang intindihin ang pagiging sobrang seloso nito pero hindi na sa pagkakataong ito. Napuno na siya. Tumulo na ang luha sa kanyang mga mata habang nakatitig sa mga mata ng nobyo.
“Nagtatanong lang iyong tao tapos basta mo na lang sinuntok? Ano ka ba? Sa tingin mo ba, lahat ng lalaki dito gusto akong pagsamantalahan?”
“I’m sorry. I just really love you. Ayokong makita kang may kasamang iba.” Biglang bumaba ang boses nito. Halatang nagulat ito sa naging reaksiyon niya.
Sunod-sunod siyang umiling. “Hindi madaling mabura ng sorry at I love you mo ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Dapat masaya tayo pero sinira mo ang araw na ito. Mabuti pa, magpalamig ka muna.”
Tinalikuran niya ito at mabilis na naglakad palayo. Hinabol naman siya nito at niyakap patalikod.
“No. Hindi mo ako puwedeng iwan. Akin ka lang. You are mine. Only mine.”
“You are mine.”
Nanlaki ang kanyang mga mata at nanindig ang kanyang mga balahibo. Biglang nanigas ang kanyang buong katawan nang marinig ang salitang iyon. Ang salitang hinding-hindi niya makakalimutan at tumatak na sa kanyang isipan mula pa ng gabing mangyari ang kapangasahan sa kanya ng hindi kilalang lalaki. Awtomatikong nagbalik sa kanya ang nakaraan mula nang marinig niya ang boses nito. Ang boses nito na gaya ng sa lalaking pangahas.
Nagbalik sa kanyang isip ang mapait na alaala. Ang alaalang nais na sana niyang kalimutan. Nanariwa sa kanya ang pangyayari ng gabing iyon. Hindi siya maaaring magkamali!
Lakas-loob niyang hinarap ito. Tiningnan niya ang kabuuan nito. Hindi niya nakita ang lalaking nagsamantala sa kanya pero malakas ang kutob niya na ang lalaking kaharap niya ngayon at ang lalaking nagsamantala sa kanya ng gabing iyon ay iisa. Hindi niya magawang makapagsalita habang nakatitig lang sa mga mata ng asawa. Punong-puno ang kanyang dibdib ng sama ng loob maging ng takot. Takot sa lalaking nasa kanyang harapan ngayon. Takot sa lalaking natutunan niyang mahalin. At takot sa lalaking umangkin sa kanya at sumira sa kanyang pagkatao.
Maraming katanungan ang naglaro sa kanyang isip.
Bakit kailangan siyang paglaruan ng tadhana? Anong kasalanan ang kanyang nagawa? Naghintay lamang naman siya ng tamang panahon para sa isang pag-ibig. Ngunit ano itong kanyang nakamit? Isang pag-ibig na huwad. Kung pag-ibig nga bang matatawag ang pag-ibig na ipinaranas sa kanya ng lalaking kanyang pinagkatiwalaan at ang lalaking inakala niyang nakalaan sa kanya. Hindi niya matanggap na ang lalaking unti-unting bumubuhay sa kanyang pag-asa ay ang lalaking nagwasak sa kanya.