Chapter 4: Vacation

"Anak ng potek oh, anong lugar ito?" nakakunot ang noo na tanong ni Ashton sa sarili. Nagpalinga-linga siya sa paligid ngunit puro matataas na damo ang kanyang nakita. Nagtaka siya dahil kanina lamang ay nasa gitna ng daan siya, ngayon ay puro damo ang nasa paligid ng kanyang sasakyan.

"Tulong....!"

Napatda si Ashton sa kinaupoan nang marinig ang tinig ng babae na humihingi ng tulong. Nanliit ang mga mata habang inaaninag ang damuhang nasa harapan at malakas na hinahampas ng hangin. Nagtataka siya dahil wala namang bagyo at tanghaling tapat ng mga oras na iyon.

"Huwag...!"

Muling sigaw ng babae kung kaya binunot ni Ashton ang baril at mabilis na bumaba ng sasakyan. Ngunit ganoon na lang ang kanyang pagkagulantang nang pagbaba niya ay nasa harap siya ng hospital. Naalala niya na ito ang hospital na pinuntahan niya nakaraang gabi.

"Namaligno yata ako?" tanong niya sa kawalan habang kinukusot ang mga mata sa pag-aakala na namamalik mata lamang siya. Ngunit nang magmulat siya ay sadyang nasa harap siya ng hospital at wala sa gitna ng damuhan.

Nagpalinga-linga siya sa paligid upang hanapin ang babaeng humihingi kanina ng tulong. Puro sasakyan ang naroon at tanging ugong ng mga sasakyan na dumaraan sa kanyang harapan ang kanyang naririnig ngayon. Nagpasya siyang pumasok sa hospital at magmasid kung mayroon bang anumalya na nangyayari doon katulad sa kanya ngayon.

"Grabe, palala na nang palala ang nangyayaring krimen sa ngayon." Nahihindik na wika ng isang nurse sa kasama nito habang naglalakad.

"Anong krimen?" hindi na nakatiis na tanong ni Ashton sa nurse.

"Kahit binatilyo po ay binibiktima na rin ng babaeng kriminal ngayon, Sir. Wala si Doc kung kaya hindi naagapan ang pasyente." Bakas sa mukha ng babae ang takot.

"Paano mo nasabi na babae ang kriminal?" Kunot ang noo na tanong ni Ashton sa nurse.

"Katulad po kasi ng binalita noong nakaraang araw ang nangyari sa pasyente, Sir. Dilat ang mga mata at inalis rin ang pagkalalaki ng biktima. Ang pinagkaiba nga lang ay binatilyo ang biniktima na ngayon."

Napamura si Ash sa sarili nang marinig ang tinuran ng babae. May pagmamadali na pinuntahan ang bangkay ng lalaki na tinutukoy ng nurse. Lihim niyang kinuhanan ng litrato ang bangkay dahil wala pa ang pamilya nito roon. Agad din siyang lumabas nang marinig ang kumosyon hudyat na may paparating. Nawala na sa kaniyang isip ang nangyari kababalaghan kanina sa daan. Dumiritso na siya sa opisina upang mag-report.

"Huwag muna natin ilabas ang tungkol sa kasong ito at kailangan nating masuri mabuti ang bangkay." Pasya ni Dexter nang mailatag ni Ashton ang kaso ng bagong biktima.

"May inutusan ako na mag-imbistiga sana sa katawan ng biktima ngunit mahigpit na tumanggi ang management ng hospital." Pagbigay imporma ni Micko.

"Mukhang kailangan kong pumasok bilang manggagamot sa hospital na iyon." Naisatinig ni Ashton ang nasa isip. Hindi na niya binanggit ang kakaibang nangyari sa paligid niya kanina dahil alam niyang pagtawanan lang siya ng mga ito.

"Maganda iyang naisip mo, tol, madali mong masuri ang katawan ng bangkay kung nasa loob ka na. Mukhang may anumalya sa hospital na iyon na nagaganap." Sang-ayon ni Dexter kay Ashton.

"Naniniwala ba kayo sa mga engkanto?" hindi nakatiis na tanong ni Ash sa kasamahan. Ginugulo siya ng pangyayari kanina at hindi niya alam kung bakit siya napunta sa hospital. Tapos tamang-tama na may biktima nang oras na iyon.

"Kathang isip lang iyan, Pare. Bakit mo naitanong?" naaaliw na sagot ni Micko.

"Wala, pagod lang siguro ako kaya kung ano na lang ang pumapasok sa isip ko." Kumakamot sa batok na ani ni James.

"Bukas ka na mag-aply sa hospital na iyon. Kung kailangan mo ng makasama ay maari mong kunin ang pinakamagaling mo ng estudyante." Suhestyon ni Dexter sa binata. Nahasa na nila ang mga bagong eagles, naisasalang na rin sa mga misyon lalo na ang kababaihan upang subukan ang kakayahan ng mga ito.

Tumango si Ahston kay Dexter at nagpaalam nang aalis.

Sinundan ng tingin ni Cloud ang kaibigan nang umalis na ito. Nanibago siya kay Ahston ngayon dahil naging malalim ang pag-iisip at tahimik. "May problema ba siya?" tanong niya sa mga naroon.

"Baka nami-miss lang ang best friend niya na nasa honeymoon pa magpahanggang ngayon." Kibit balikat na sagot ni James.

Dumiritso na ng uwi si Ash pagkaalis sa opisina. Hanggang sa pagtulog ay ginugulo siya ng nangyaring kababalaghan sa kanya kanina.

.....

"BAKIT biglaan ang uwi mo, Anak?" nag-aalala na tanong ni Aleng Bebang kay Yvonne nang makita ito sa bungad ng kanilang pintuan.

Mabilis na nilapitan ni Yvonne ang ina at niyakap ito. "Sinusundan niya po ako, inay at nagparamdam muli."

"Mahabaging langit," napaantanda ang ginang sa tinuran ng anak. "Nagalit ka na naman ba sa lalaki?" tanong niya dito nang makapasok na sila sa loob ng bahay.

"Opo, manloloko kasi ang gagong iyon at pinagsabay ang dalawang babae. Ang masama pa po, parehong nabuntis." Naninibughong sagot niya sa kanyang ina.

"Hindi siya matatahimik hangga't hindi nabigyan ng katarungan." Malungkot na saad ng ginang habang nagsisindi ng puting kandila.

Napabuntonghininga si Yvonne habang pinapanuod ang ginagawa ng ina nito. Sa lugar ng Mindoro, kung saan ang probinsya niya ay kilalang magaling na manghihilot ang kanyang ina. May alam din ito sa panggagamot tulad sa mga nanunono o nasapian. Bata pa lang siya ay natawag na siyang tomboy dahil kung kumilos at manamit ay daig pa ang lalaki. Maging siya ay hindi alam kung ano talaga ang kanyang kasarian dahil ayaw niya sa lalaki. Pero hindi rin siya na-in love sa babae. Gusto lamang niya mapalapit sa mga ito at ayaw niya na inaagrabyado ang kabaro niya.

"Ganoon pa rin ba ang nasa panaginip mo?" tanong ng ginang sa anak.

"Mas malinaw po sa ngayon at ramdam ko ang sakit na dinanas niya," hindi manlang kabakasan ng takot na sagot niya sa ina. "Paano ko po siya matulongan, Inay?"

"Marahil ay malapit sa kinaroonan mo ang kriminal na siyang pumatay sa kanya. Hangga't maari ay huwag mong putulin ang iyong panaginip upang makita mo ang mukha ng pumaslang sa kanya." Payo ni Bebang sa anak.

Hindi ito ang unang beses na nangyari sa kaniyang anak. Mabuti na lang at malakas ang loob ni Yvonne at nakakayanang labanan ang third eye nito.

"Ibig niyo pong sabihin ay taga Laguna ang kriminal?" Mangha niyang tanong sa ina.

"Naging agresibo ang kaluluwang ligaw sa pagpaparamdam sa taong makakatulong sa kanya kapag malapit lang sa taong ito ang salarin."

Napatango si Yvonne habang nag-iisip ng malalim. Gustong gusto niyang tulongan ang babae na nasa kanyang panaginip. Nagpaparamdam ito sa kanya kapag siya ay nakaramdam ng galit sa isang lalaki at gusto niyang patayin ito sa isip. Alam niya na nagpapakita ito sa mga lalaki na kinamuhian niya kung kaya namamatay ang mga ito na dilat ang mga mata.

Noong una, akala niya ay nagkakataon lamang. Ngunit magkasunod na nangyari iyon noong nag-aaral pa siya. Tatlo rin ang namatay noon, tatlong taon na ang nakaraan. Buhat noon ay kinontrol na niya ang damdamin kapag nagagalit sa lalaking manloloko. Ang akala niya ay lulubayan na rin siya ng kaluluwang ligaw. Ngunit ngayon ay nagparamdam muli at may nabiktima agad.

"Ilang araw ang bakasyon mo, anak?" tanong ni Aleng Bebang sa anak matapos magdasal para sa kaluluwa.

"Isang linggo lang po, inay, nasaan nga po pala si Itay?"

"Nasa palayan pa, anak, tiyak na matutuwa iyon kapag nakita ka niya."

"Sa labas lang po ako 'nay, aabangan ko siya." Paalam niya sa ina at nagmadali nang lumabas. Nag-iisa lamang siyang anak ng mga magulang kung kaya napagtapos siya sa pag-aaral kahit na mahirap lang ang kanilang buhay. Umupo siya sa duyan na nakakabit sa puno na nasa harap ng kanilang bahay. Inugoy ang sarili habang naghihintay sa ama hanggang sa hindi na niya namalayan na nakatulog na pala siya.

...

PILIT na nagsumiksik si Yvonne sa naggigit-gitan na mga tao sa paligid. Malaki ang paghahangad na makita ang bangkay na nakita sa abandunadong lugar.

"Grabe ang sinapit nang nakakaawang dalagitang ito. Walang puso at hayok sa laman ang may gawa nito sa kanya." Dinig niya na wika ng isang ale na nasa unahan.

Muntik pa siya mapasubsob nang sa wakas ay makarating siya sa unahan. Tumambad sa kanyang mga mata ang babaeng halos kaedaran lang niya. Walang saplot, maraming sugat sa katawan at dilat ang mga mata habang nakaawang ang bibig. Wala na itong buhay at napag-alaman na hinalay ito ng hindi lang isang tao.

"Mga walang puso! Dapat sa mga lalaki na gumawa sa kanya nito ay mamatay rin na dilat ang mga mata at tanggalan ng ari!" Galit na naibulalas ni Yvonne habang nakatitig sa bangkay ng babae. Awang-awa siya dito at ramdam niya ang kalupitan na dinanas nito sa kamay ng hayop na kriminal.

Sa edad na labimpitong taon ay nakaramdam siya ng pagkamuhi sa mga lalaki dahil sa nakitang bangkay ng kaklase. Hindi niya ito ka-close ngunit naging kaibigan niya rin naman. Ito ang muse sa kanilang paaralan dahil maganda at may kurba na ang hubog ng katawan.

"Tulungan mo ako!" Sigaw ng babae at ang tinig nito ay hindi niya mawari kung saan nanggaling.

"Huhhhhh!" Hinahapo na napabalikwas ng bangon si Yvonne mula sa kinahigaang duyan. Muntik pa siya mahulog dahil nakalimutan kung nasaan siya ngayon.

"Nanaginip ka na naman, Anak?"

"Itay!" Napatalon siya sa tuwa nang makita ang ama na nasa kanyang harapan na ngayon. Panandaliang nakalimutan ang masamang panaginip tungkol sa nakaraan.

"Hindi ka nagpasabi na uuwi ka, disin sana'y naipagkatay kita ng manok, Anak." Nakangiti na sibalubong nang yakap ang dalaga.

"Biglaan lang po ang uwi kong ito, Itay. Tayo na sa loob at may naihanda ng pagkain si Nanay." Nakaakbay na inakay niya ang ama papasok sa bahay.

"Alam mo ba, anak na bumalik a dito sa Pinas ang anak ng dating Mayor dito?" pagbibida ng ama sa kanya.

"Kaya pala nagparamdam siya muli." Tumatango na sagot Yvonne sa ama. May hakahaka dati na ito ang salarin sa pagkamatay ng kaklase niya ngunit walang ebedensya. Mapera ang mga ito at makapangyarihan kung kaya hindi nadiin sa kaso.

"Iyan ba ang dahilan at napauwi ka?" tanong ni Mang Artemyo sa dalaga. Hindi lingid sa kanyang kaalaman ang tungkol sa panaginip ng anak at sa kasabay nang krimin na nangyayari.

"Huwag na ninyo iyan pag-usapan, halina kayo at nakahanda na ang pagkain sa lamesa." Tawag ni Aleng Bebang sa kanyang mag-ama.

Naging magana ang pagkain ni Yvonne kahit na malalim ang iniisip ukol sa anak ng dating mayor na bumalik. Alam niya na tama ang hinala ng ina na nasa luzon ang salarin kung kaya sinundan siya doon ng kaluluwa. Kailangan niyang matuklasan kung sino ang naroon bukod sa anak ng dating mayor. Naging pursigido siya ngayon na matulongan ang kaluluwa upang matahimik na ito na naging pagala-gala sa loob ng limang taon.