Chapter 12: Bagong natuklasan
MULA sa umpokan ng tao na naglalamay sa patay, pasimple na nakihalubilo si Ruel sa mga naroon. Nakiinum ng kape at kain ng biscuit habang iginagala ang paningin sa paligid. Malalim na ang gabi at ikalawang gabi na ng lamay sa bangkay iyon. Ayon sa narinig niya, tatlong araw mula ngayon ay ililibing ang bangkay.
"Maglalaro ka ba?" tanong ng isang lalaki na mukhang mataba ang bulsa nang lapitan siya nito.
"May bakante pa ba?" Tumayo siya at ipinamulsa ang kamay sa suot na pantalon. Kinapa kung laman ba iyon, hindi niya akalain na maraming sugarol na bigatin ang dadayo doon.
"Sumunod ka sa akin."
Muntik na siya mapasipol nang makapasok sila sa loob ng bahay. Bumungad sa kanyang paningin ang mga naglalaro ng baraha. Bakit hindi siya mamangha? Nakita lang naman niya na malalaki ang pusta na nakalatag sa lamesa. At ang pinaka tong? Libohin ang nasa loob niyon na nakalagay sa gitna ng bawat lamesa. Limang lamesa ang naroon sa loob dahil hindi kalakihan ang bahay na yari sa kawayan. Bukod dito sa loob, may naglalaro din sa labas pero hindi ganoon kalaki ang pustahan doon.
"Kaya mo ba maglabas ng sampung libo mahigit?" tanong sa kanya muli ng lalaki na umakay sa kanya roon.
Inilabas ni Ruel sa bulsa ang perang hawak. Mabuti na lang at naisipan niyang magdala ng cash kanina pang-abuloy. May narinig nga siya na malakihan ang pasugalan doon at tama nga ang kanyang hinuha. Binilang ang hawak na pera sa harap ng lalaki na alam niyang namamahala roon.
"Sakto na siguro ito?" tanong niya dito nang makumpirma na nasa labinlimang libo ang dala niyang pera.
Malapad ang pagkangisi ng lalaki na tumango sa kanya at tinapik pa ang kanyang balikat. Dinala siya nito sa grupo na naglalaro ng tong-it. Tumayo ang isa na bagsak ang balikat dahil malaki ang talo. Siya ang pumalit, tulad sa nauna ay talo rin siya. Pero hindi siya nanghinayang sa pera dahil may bagong impormasyon siyang mai-report sa kanilang ahensya.
Nang mabalitaan ni Ashto na may bagong report na ipinasa si Ruel ay nagpasya siyang dumaan muna sa ahensya nila bago pumasok sa hospital. Hindi pa siya tapos mag-ayos ng kaniyang necktie nang may kumatok.
"Ano po ang ginagawa niyo dito, Tito?" nagtatakang tanong ni Ashton sa ama ni Jeydon.
"Nagpasama sa akin ang iyong ina at nais kang makausap."
Napatingin siya sa orasan at sa kaniyang ina na nakatayo sa likuran ni Mang Raul, maaga pa naman kung kaya hinarap na muna niya ang ina. Ilang linggo na rin niya hindi kinakausap ang ina dahil ayaw niyang pag-usapan ang bagay na ginigiit nito sa kanya.
"Pasok po kayo!" Nilakihan niya ang awang ng pintuan. Ang ina ay tahimik lang na pumasok sa loob.
"Hindi na ako tutuloy, maiwan ko na kayong mag-ina at mag-usap kayo ng maayos." Tinignan ng ginoo nag binata, nais niya na maging maayos din ang buhay nito katulad sa anak niya.
"Salamat po, Tito Raul!" Sinsiro niyang wika bago hinatid ang ginoo hanggang elevator ng naturang building ng kanilang condominium.
"Anak," tila may nakabara sa lalamunan ng ina nang magsalita ito.
"Tungkol na naman ba ito sa kanila?" Mahamig sa boses niya ang pagka inip.
"Gusto ka lang nila makilala ng pormal, Anak. Ayaw mo bang makilala ang iyong kapatid?" nagsusumamo na ani ng ginang sa binata.
"Ayaw nila sa akin lalo na sa iyo noon hindi ba? Bakit ngayon ay gusto nila akong mapabilang sa kanilang pamilya? Dahil ba ako lang ang may kakayahan na mamahala sa kanilang pagamutan?" Mapait na ngumiti siya sa kanyang ina na may luha na ngayon ang mga mata.
"Anak, para na lang sa kapatid mo. Nagpunta siya sa bahay at nakikiusap na ipakilala ka sa kanya. Mabait siyang bata katulad mo, kamukha mo rin siya." Malambing nitong kausap sa binata upang mapagbigyan.
Umiwas siya ng tingin sa ina bago sumagot. "Busy pa po ako ngayon, kapag natapos na ang kasong hawak ko ay saka ko sila haharapin."
Naging maaliwalas ang mukha ni Nora sa narinig. Masaya na siya sa ganoong sagot ng kaniyang anak. Nanatili na muna siya doon sa condo ng binata at inasikaso ang gamit at pagkain nito roon. Pagkaalis ng anak ay nagpahinga na muna siya. Hindi niya ito masisi kung bakit nagtanim ng hinanakit sa pamilya ng ama nito.
Isa siyang katulong ng pamilya Gallano noon, nakapalagayang loob ang nag-iisang anak ng mga ito na ama ni Ashton. Ayaw sa kanya ng lahat kung kaya nagkahiwalay din sila ng lalaki. Hindi niya pinaalam dito noon na buntis siya bago umalis. Malaki na si Ashton nang magtagpo muli ang landas nila noon ngunit may asawa na ito at anak na babae. Lingid sa kaalaman ni Ashton, ang ama nito ang nagtutustos sa pag-aaral nito hangang sa makapagtapos. Nakaraang buwan lang niya sinabi ang lahat na ikinasama nito ng loob pati sa kanya. Patay na ang asawa ni Victor. Namatay umano ito noong manganak, hindi na muli nakapag-asawa dahil sobrang selosa ang anak nito na babae.
Napabuntonghininga si Ashton pagkasakay sa kaniya kotse. Buong buhay niya ay hindi siya nangarap na makilala ang kaniyang ama. Galit siya dito lalo na nang malaman na palihim siyang tinutulongan. Hindi niya akalain na ilang beses na niya itong nakasalubong noon pero hindi manlang nagpakilala sa kaniya. Kung hindi pa dahil sa anak nitong babae ay walang mangulit ngayon na makilala siya ng mga ito.
Pagdating ng opisina ay naroon na sina Micko at Cloud. Mukhang ginawa ng hotel ng dalawang ito ang opisina nila.
"Ang aga mo yata?" tanong ni Micko kay Ashton habang hinahalo ang tinimplang kape.
"Submit ko lang ang bagong natuklasan ko hospital. Saka balita ko ay may bagong update sa pag-iimbistiga ni Ruel?"
"Uhm! Tikom ang bibig na tumango si Micko sa kaibigan matapos humigop ng kape.
Lumipat ang tingin ni Ashton kay Cloud, mukhang may sariling mundo na naman ito at hindi siya pinapansin. Nilapitan niya ito at binasa ang hawak nitong papel.
"Pinagkikitaan nila ang bangkay na galing sa hospital na pinapasukan mo." Si Micko na ang nagpaliwanag kay Ashton dahil siya ang unang nakabasa sa report ni Ruel.
"Pumapatay sila para lang pagkakitaan sa sugal?" confuse na tanong ni Ashton at hindi makita ang logic sa ginawa ng kriminal. Ayon sa report ay hindi kilala ng mga taga roon ang namatay. Maging ang sinasabing kapamilya ng biktima ay hindi rin residente roon.
"Iyan pa ang inaalam ngayon ni Ruel. Isa pa sa nakalap na impormasyon sa pag-iimbistiga ay hindi ito ang unang bangkay na dinala sa magkaibang probinsya galing sa hospital na iyon. Ngayon lang natin ito natuklasan dahil sa naungkat na kaso."
Napatingin si Ashton sa nagsalita na si Cloud. Ang tahimik nito pero ang daming alam at mas mabilis kumilos. "Balitaan niyo na lang ako kung may bagong update."
Mabilis na binuklat ni Cloud ang files na dinala ni Ashton. Tinawag niya ito bago pa makalayo. "Bantayan mo ang bagong pasyente, siya ang maging susi upang matuklasan ang misteryong nangyayari sa hospital na iyon."
Tumango siya kay Cloud at muling tumalikod upang umalis na. Nauna na si Amalia sa hospital kaya ayos lang kahit ma late siya ng pasok.
Pasalampak na bumalik si Micko sa upuan na malapit kay Cloud. Binasa na rin ang report na galing kay Ruel at pinag-aralan kasama sa kasong hawak ni Ashton.
"Hindi pa ba bumabalik si Jeydon? tanong ni Cloud sa pinsan.
"Baka sa sunod na lingo pa. Bakit, na miss mo na ba siya?" biro ni Micko sa seryusong pinsan niya.
"Asshole!"
Tumatawa na sinalo ni Micko ang ibinatong papel sa kaniya ng pinsan. Ang bilis talaga nitong mapikon, pareho lang naman silang dalawa na may pinagdaanan. Pero siya ay marunong ngumiti, hindi katulad nito na mukhang pasan lagi ang mundo.
"Nag-aaway na naman ba kayo?" puna ni Dexter sa dalawa nang maabutan ang mga ito at makita ang hitsura ni Cloud.
"Naglalambingan lang," nakangisi na ani ni Micko.
Napapailing na nilampasan ni Dexter ang dalawa. Halos mavkasunod lang silang dumating ni James sa opisina. Katulad niya ay maaliwalas lagi ang aura dahil masaya sa buhay may asawa na. Napatingin siyang muli kina Micko at Cloud, sa tingin niya ay mahirap makahanap ng kapareha ang mga ito sa buhay lalo na si Cloud. Tiyak na marami ang mangyari kapag ang mga ito na ang na in love.
Napangisi si Dexter nang maalala si Ashton, hindi magtatagal ay mabawasan na naman ang bachelor sa kanilang grupo. Ayon na rin sa report ni Amelia kaya alam niyang may katapat ng babae ang, 'doctor ng kaaway' kung kanilang tawagin.