Malakas ang tugtugan sa loob ng resto bar na kinaroroonan nila, nagkakuha ng magandang achievement ang buong team nila kaya naman naisipan ng team manager nila na sama-samang lumabas nang gabing iyon. Sa stage pa lang ay tanaw na niya ang iba’t ibang klase ng tao naroon, may sumasayaw na para bang wala nang bukas, at may roon namang parang baliw na. Hindi niya alam kung anong klaseng mga problema ang dala-dala ng mga ito, basta ang alam lang niya, may sarili siyang problema. Iyon ay ang sitwasyon niya, ang pagiging NBSB niya, iyon ang malaki niyang problema.
“Oyy! Huwag mo nang intindihin, lilipas din iyon!” pasigaw na sabi ni Letty sa kanya. Ngunit rinig pa rin niya iyon kahit na napakalakas ng ingay sa loob ng resto bar.
“Oo nga, alam mo inggit lang sila sa ‘yo, kasi sila maagang nagsipag-asawa, maagang nasira ang mga buhay nila!” segunda rin ni Nhelia. Ang dalawang kaibigan niyang ito ang tanging nakakaunawa sa kanya, sa lahat ng mga pinagdaranan niya.
Ano nga bang pinagdaraanan niya? Iyon ay walang iba kundi ang mga panunukso ng mga tao sa paligid niya.
Sa edad na thirty-two years old, wala pa siyang asawa, o kahit na nga boyfriend manlang na magiging assurance niyang pagdating ng panahon, ay magkakapamilya pa siya.
Wala, kahit na minsan hindi pa siya nagka-boyfriend, kung iyong iba parang t-shirt lang kung magpalit ng karelasyon, siya kahit minsan sa buhay niya ‘di niya pa natikman ang mahalin o mahalikan, mayakap manlang ng isang lalake.
Buo pa naman ang pamilya niya, may nanay at tatay pa siya at isang pasaway na kapatid na lalake, na palagi siyang sinisisi kung bakit hindi nila magawang magpakasal ng long time girlfriend nito.
May batas kasi sa buong pamilya nila na sinusunod, na sa loob ng isang pamilya hindi maaring maunang mag-asawa ang nakababatang kapatid, sa nakatatanda.
“Masisisi niyo ba ako kung magkaganito ako, ako ang tinitingnan ng lahat, sa buong angkan namin, ako na lang daw sa lahat ng panganay na apo ang wala pang pamilya, at iyong kapatid kong lalake, na matagal nang gustong magpakasal ay nagagalit na rin sa akin, paano hindi nila magawang magpakasal, o mag-live in manlang dahil bawal nga sa pamilya namin iyon,” halos maiiyak, at nagkakandahaba ang ngusong sabi ni Claire.
Muli niyang isinubsob ang mukha sa caounter table ng nasabing resto bar. Naroon silang tatlo, habang ang ibang kasama ay nasa table. Siya at ang dalawa niyang kaibigan ay nauna nang mag-inuman.
“Ayos lang iyan, isang araw makikilala mo rin siya Friend, iyon ay kung may nakatakda talagang tao para sa iyo?” sabay humgalpak ng tawa si Letty.
“Ano baaa! Kaibigan ba talaga kitaaaa?” naitanong niya kay Letty, habang nakanguso pa rin, sinabayan ng tungga ng alak sa maliit na basong naroon sa harapan nila. “Isang bote pa nga ng alak dito! Iyong katulad ng iniinom ko!” sigaw pa niya sa bartender na nagbibigay ng mga order nila. Naglagay naman kaagad ang bartender ng alak sa ibabaw ng counter.
Isang grupo naman ng kalalakihan ang bagong dating lang din sa loob ng resto bar, anim na kalalakihan, at mukhang mararangal naman, nakasuot ng suit ang isa na tila ito ang pinaka Boss, sa lahat. Iyong iba ay naka-office attire lang. Nagtatawanan sila habang naglalakad iyong isa naman ay naunang naupo sa harap ng counter upang umorder ng alak.
Kaya lang napansin nilang naroon na ang tatlong babae, at iyong isa ay halos lasing na lasing na.
“Hey Girls! Buti pa lumipat na kayo doon sa table ng mga kasamahan niyo, base kasi sa mga suot ninyo, sila iyong mga kasama ninyo.” Sabay turo nito sa isang table na nasa likuran nila, nakita kasi ng mga ito na pareho ng mga uniform na suot nila ang mga nakaupo sa lamesang iyon.
“O ngayon? Kami naman ang nauna rito!” pasigaw na bigkas ni Nhelia sa lalaki.
“Oo nga, kaya lang medyo lasing na iyang mga kasama mo, kami naman dito, kasi dito talaga nakap’westo ang Bossing namin.” Sabay turo rin nito sa isang lalake, na naka-suit. Kung titingnan ay mukha itong CEO ng isang kumpanya.
“Bakit? Ayaw ba nilang umalis?” tanong nito ng makalapit.
“Oo Boss ayaw e,” sagot nang isang lalake na kanina pa nakikipag talo sa kaibigan niyang si Nhelia.
“Girls, alis na tayo, ayoko ring makipagsiksikan dito, ‘di ko gusto ang amoy nila, parang ‘di mga tunay na lalake!” sambit niya, ngunit hindi niya alam na napapasigaw na pala siya. Sa lakas kasi ng tugtugan ay hindi na niya namalayan na ang bawat salita niya ay pasigaw.
Sumenyas ang lalaking mukhang CEO, sa DJ ng bar na iyon, at pinahinaan ang tugtugan. “Ano ngang sabi mo Miss?” tanong muli ng lalake. Habang nakataas ng bahagya ang isang palad nito.
“Ang sabi ko, hindi ko gusto ang mga amoy niyo! Amoy hindi tunay na lalake, in short! Mga bading kayo!” sigaw niyang muli sa mga ito, at sa pagkakataong iyon ay rinig na ng lahat ng mga tao sa loob ng lugar na iyon. Halos lahat ng mga tao ay napanganga sa kanya. May napatakip ng mga palad sa sariling bibig.