Chapter 7 Jhasphere
Palakas ng palakas ang mga pagsigaw ni Ethan dahilan para mataranta si Jerome. Ilang sandali pa, tumigil ito dahil nawalan na siya ng malay.
"Sphere! Bilisan mo pa!"
Napansin ni Jerome mula sa front mirror ng sasakyan ang pagtaas ng gilid ng labi ni Jhasphere ngunit ipinagsawalang-bahala niya lamang ito. Itinuon niya ang pansin sa lalaking nakahiga sa kaniyang mga hita. Sinuklay niya ang buhok nito gamit ang mga daliri at marahang pinunasan ang butil ng pawis sa noo nito.
"Stayck. Kasama ko ang kuya mo. Pabalik na kami ng hospital. Salubungin mo kami. Sumakit ang ulo niya. Wala siyang malay ngayon," rinig niyang wika ni Jhasphere.
...
Mabilis na bumaba ng sasakyan si Jhasphere ng makarating sila sa ospital at binuksan ang pintuan ng backseat. Agad namang lumapit sa kinalalagyan niya si Stayck, kasama ang ilang nurse na tulak-tulak ang isang higaan. Binuhat niya ang walang malay na si Ethan. Nang makitang palabas na si Jerome, sinipa niya ang pinto pasara. Maingat niyang inihiga sa kama si Ethan.
"Ikaw na ang bahala sa kaniya, Stayck."
Sumaludo ang binata at tumulong sa pagtutulak sa kaniyang nakatatandang kapatid papasok ng ospital.
Itutulak na sana ni Jerome ang pinto ng humarang si Jhasphere. Kaya kahit anong pilit niya, hindi niya ito mabuksan. Nang mapansin niya ang binata, tinitigan niya ito ng masama at buntong-hiningang umayos ng upo. Palihim na ngumiti si Jhasphere at binuksan ang pinto. Hinila niya palabas si Jerome hawak-hawak ang braso nito.
"Sana ayos ka lang. Kaninang gusto kong lumabas, ayaw mo akong palabasin, ngayon hihilahin mo ako palabas? Sira ba ulo mo?"
Binuksan ni Jhasphere ang pinto ng passenger seat bago sinagot si Jerome.
"Hindi mo ako driver. Maupo ka sa harap," nakangiti niyang wika.
Buong lakas na hinila ni Jerome ang braso niya pero hindi siya nagtagumpay. Nasaktan lang siya sa lakas ng pagpigil na ginawa ni Jhasphere.
"Ah," daing niya at lumikha ng tunog na parang humihigop.
Tarantang tiningnan ni Jhasphere ang palapulsuhan ni Jerome. Namumula ito. Pulang-pulang. Hindi maipaliwanag ang ekspresyon sa kaniyang mukha
"Ganoon mo ba kaayaw na makausap ako?" tanong niya sa mababang tono at hindi inaalis ang mga mata sa palapulsuhan ni Jerome.
"Hindi ko din kayang makita ka. Huwag ka ngang magpanggap na parang walang nangyari, na ayos tayo, dahil hindi!" singhal ni Jerome at binawi ang braso niyang hawak ni Jhasphere.
Seryoso siyang tinitigan ng binata na para bang nauubusan na siya ng pasensiya.
"Kailan ba ako nagpanggap na parang walang nangyari? Na ayos tayo? Kaya nga gusto kitang maka-usap. Hayaan mo akong magpaliwanag."
"Paliwanag? Para saan pa? Mababago ba ng mga paliwanag mo ang katotohanang ikaw, Jhasphere, na boyfriend ko, ang unang taong tumalikod sa akin noong mga panahong kailangan na kailangan kita!"
Nakuha ng malakas na sigaw ni Jerome ang atensiyon ni Stayck. Humarap siya sa direksyon nina Jhasphere at siya'y napasinghap ng makilala ang lalaking kaharap ng huli.
"Kuya Jerson!"
Napatingin sa kaniya ang dalawa. Nang makita ni Jhasphere na nagmamadaling makalapit papunta sa kanila si Stayck, sapilitan niyang pinasakay ng sasakyan si Jerome, umupo sa driver seat at walang pag-aalinlangan na pinaandar ang kotse kahit panay ang katok ni Stayck sa salamin, desperadong tinatawag ang pangalan ni Jerson.
...
Dahan-dahang bumangon si Jerome mula sa pagkakahiga sa pahabang upuan na gawa sa kawayan, sapo-sapo ang ulo dahil sa hungover. Sandali niyang hinilot ang magkabilang sintido gamit ang hinlalaki at hinlalato ng isang kamay. Marahas siyang umiling ng ilang ulit at bumuga ng hangin. Hilo siyang tumayo at pageywang-geywang na naglakad papunta sa kusina. Binuksan ang ref at kumuha ng isang pitsel. Diretso siyang uminom mula dito. Pagkatapos, pinahid ang labi gamit ang likod ng palad. Binalik niya ito at tumingala sa wallclock sa itaas ng ref. Alas diyes na ng umaga. Sigurado siyang nasa paaralan na ang kakambal, nasa trabaho naman na ang ina. Wala namang bago, araw-araw naman siyang late, kaya hindi siya nagmamadali. Sinara niya ang ref. Pilit niyang inaalala ang mga nangyari kagabi habang siya'y naglalakad palapit sa mesa, ngunit gaya ng dati, wala siyang matandaan. Ito ang ayaw niya sa kaniyang sarili, wala siyang naaalala kapag nalalasing. Binuksan niya ang nakatakip na pagkain at agad itong kinain. Pagkatapos, nagtungo siya sa sariling silid, pumasok ng banyo at ginawa ang mga dapat na gawin. Hubo't hubad siyang lumabas, paisa-isang naglalakbay sa kaniyang matipunong katawan ang mga butil ng tubig, na para bang dahan-dahang hinihimas ng mga ito ang kaniyang maputing balat pababa sa kaniyang mabalahibong binti. Nakuha ng mahinang pagtunog ng kaniyang telepono ang kaniyang atensyon, walang pag-aalinlangan siyang lumabas ng kwarto at sinundan kung saan nanggagaling ang tunog. Nakita niya ang kaniyang cellphone sa ilalim ng mahabang upuan. Yumuko siya at kinuha ito. Sasagutin na sana niya ang tawag ni Ethan ng bigla itong mamatay dahil naubusan ng baterya. Bumalik siya sa kaniyang silid at agad itong isinaksak. Kinuha niya ang itim niyang tuwalya upang punasan ang buong katawan.
Lunes na lunes, pero wala siyang pakialam. Hindi niya pinansin ang kaniyang unipormeng plinantsa ng ina, sa halip kinuha ang asul na ripped jeans at puting t-shirt. Agad niyang sinuot ang mga ito at pinaresan ng wristwatch na bigay ng isa sa kaniyang mga dating kasintahan. Sandali niyang sinuklay ang buhok, naligo sa pabango niyang masyadong matapang, isinuot ang puti niyang sapatos at isinukbit sa isang balikat ang kaniyang backpack na halos walang laman. Tinanggal niya ang cellphone niya, agad niya itong ini-open habang pinapasok sa kaniyang bag ang charger.
Si Ethan ang tipo ng taong hindi mahilig tumawag, mas gusto niya ang text, kung tumawag man ito ibig sabihin sobrang importante ng sasabihin niya. Lumabas siya ng silid at binagtas ang daan palabas ng tahanan. Palapit na siya sa pinto ng siya'y matigilan dahil sa ingay na kaniyang naririnig na nagmumula sa labas. Hinawakan niya ang doorknob nang biglang mag-ring ang kaniyang cellphone. Si Ethan. Sinagot niya ang tawag kasabay ng pagpihit niya sa doorknob at paghila niya pabukas ng pinto.
"Jerome! Kahit na anong mangyari, huwag kang lalabas—"
Subalit, huli na. Isa, dalawa, hanggang sa sunod-sunod na flash at tunog ng mga camera ang bumulag sa kaniyang mata at bumingi sa kaniyang mga tenga. Iniharang niya ang kamay, nagbabasakaling masasangga ng mga ito ang nakasisilaw na liwanag. Dinumog siya ng mga reporter, sabay-sabay ang kanilang pagtatanong na wala siyang maintindihan kahit isa. Gulong-gulo siya. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari. Mabilis ang tibok ng puso niya. Ngunit dahan-dahang kumalma ang buong paligid ng magtama ang mata nila ni Jhasphere. Tila nakakita siya ng liwanag sa isang madilim na kweba. Nakatayo siya sa kabilang kalsada, nakatingin diretso sa kaniyang mga mata. Seryoso ang ekspresyon ng kaniyang mukha.
Pero, ang kakarampot na pag-asa sa puso niya'y namatay ng dahan-dahan niyang mamasdan kung paano tumalikod ang lalaking mahal niya. Sa kaniyang mga mata, nakita ni Jerome ang pagkadismaya. Ang naglalaho niyang imahe ang tanging bagay na naglalaro sa isipan ni Jerome na hindi niya namalayan ang paghila sa kaniya ni Ethan papasok ng bahay.
...
Napabalikwas si Jerome. Una niyang nabungaran pagkamulat niya ng kaniyang mga mata ay ang gwapong mukha ng lalaki sa paniginip niya kani-kanina lang, ang pinagka-iba lang ay ang buhok nitong dati'y French crop ngayo'y clean cut na. Makapal na mga na kilay na parehong may slit, kulay abong mga mata, matangos na ilong, labing kaakit at pangang nanghahalina.
"Did I wake you up?" mahinahong tanong ni Jhasphere habang nakatingin ng nakalulusaw diretso sa mata ni Jerome. Nakatayo siya sa labas ng sasakyan, nakayuko, may ikinakabit sa palapulsuhan ni Jerome. Wala sa sariling napa-iling ang huli. Napangiti si Jhasphere ng matamis sa naging reaksyon nito.
"Done." Itinaas niya ang kaniyang kamay na may posas dahilan para umangat din ang kay Jerome. Nanlaki ang mga mata ng binata ng mapagtanto ang sitwasyon nila.
"Siraulo ka ba?" Hindi makapaniwala niyang bulalas. "Alisin mo 'to, Jhasphere, ngayon mismo!"
"Not until you hear me out."
"Ilang beses ko ba dapat sabihin sa'yo, wala ng silbi ang paliwanag mo! Wala ng magbabago. Nakapagpasiya na ako! Simula ngayon, ako na si Jerson, boyfriend ni Ethan. Si Jerome? Patay na siya."
Ngumisi si Jhasphere at yumuko na halos magdikit na ang kanilang mga mukha.
"Maghihintay ako. He's dying anyway."
"What do you mean?"
"He is diagnosed with glioblastoma multiform, grade IV."