Kabanata 42

Napatanga lamang ako sa aking mga narinig. Walang patlang naman sa pagtulo ang aking mga luha.

“Hindi ‘to totoo!” singhal ko sa kanya.

Kumikit-balikat naman ito at muli akong tinapunan ng matalim na titig.

“Iniisip ko ngayon kung hahayaan ba kitang mabulok dito o padadaliin ko ang iyong paghihirap. Nakakabagot kasi. Gustong-gusto ko na kasing isunod ang anak mong si Arthyseuos.”

Nakuyom ko ang aking mga kamo.

“Ang kapal ng mukha mo! Huwag na huwag mong idadamay ang anak ko sa mga kasamaan ninyo!” galit kong bulyaw sa kanya kasabay nang pagduro ko.

Bigla naman nitong binuksan ang pinto ng aking kulungan. Agad akong nabuhayan ng loob. Agad kong binago ang kulay ng mga mata ko at agad ko siyang dinamba.

“Hayop ka!”

Nakipagbuno ako sa kanya.

“Paano!?” gulat nitong sambit.

“Alam mo ba kung sino ang mas tanga sa ating dalawa? Ikaw iyon at hindi ako!”

Malakas ko siyang sinuntok ng limang beses. Kaliwa’t kanan ang ginawa kong pagsuntok sa kanyang mukha. Malakas din ito ngunit mas higit akong malakas kaysa sa kanya.

“Nakalimutan mo na bang na isilang ko na ang anak kong si Arthyseuos! Kasabay nang pagkasilang niya sa mundong ito ay ang pagbabago ko! Isa na rin akong bampira! Hindi man ako kasing lakas ni Mattheaus ngunit mas nakalalamang naman ako sa iyo! Tanga!”

Sinakmal ko siya at binalibag sa pader. Agad akong lumabas sa kulungan at siya ang ipinalit ko sa loob. Mabilis kong isinarado ang pinto.

“Ngayon Egoy? Seltzer o kung ano ka pa! Sino ba ang mas tanga sa ating dalawa!?”

Nagbago naman ito ng anyo at napaungol ng malakas. Pilit nitong binabangga ang bakal na rehas ngunit nauwi lamang sa pagbasak sa sahig ang kinahinatnan nito. Nagaya ito sa akin kanina. Sarkasmo akong napatawa.

“Kahit pa baligtarin mo pa ang mundo. Asal hayop ka pa rin at ‘di na iyon magbabago!”

Agad ko siyang tinalikuran at sinipa ang pinto na nagsisilbing labasan ng aking naging selda. Agad na tumama sa akin ang sikat ng araw. May araw na. Kung ganoon ay kagabi pa ako nakakulong.

“Alyana! Paano ka nakatakas!?” anang no’ng lalaking nakaharap ko kanina bago si Egoy.

“Hindi nga ako si Alyana!” mariing tanggi ko.

Akmang hahawakan na sana nito ako ngunit mabilis akong nakailag at tinalon ang ika’lawang palapag ngunit nagkamali yata ako nang inakyatan dahil mas marami ang bantay sa ika’lawang palapag.

“Si Alyana! Huwag niyong hayaang makatakas!” sigaw no’ng lalaking nakalaban ko kanina lang. Nakuyom ko ang aking mga kamao. Putangina! Paano ako ngayon makakalabas sa gusali na ito kung sa bawat sulok ay may mga nakaabang na mga bantay.

Huminga ako ng malalim at mabilis na inikot ng aking mga mata ang kabuuan ng gusali. Masiyadong mataas ang gusaling ito at sa palagay ko’y wala pa ako sa mismong sentro ng gusali. Wala akong pagpipilian kundi harapin ng mag-isa ang mga kalaban. Muli akong huminga ng malalim at puwersahang tinalon ang ika’tlong palapag. Muntik pa akong mahulog, mabuti na lamang at mabilis akong nakakapit sa sementong pundasyon. Inangat ko ang aking sarili upang tuluyan akong maka-akyat. Ginamit ko ang kakayahan ng aking mga mata at pinalawak ang aking mga paningin. Nasapo ko ang aking noo. Masiyado silang marami na humahabol sa akin at hindi ko matantsa kung nasaan na iyong iba dahil hindi na kaya ng mga mata ko ang abutin pa ang mga ito. Masiyadong limitado ang kakayanan ko bilang isang bagong silang na bampira. Walang-wala ako sa aking kabiyak na si Mattheaus. Ngunit kung paiiralin ko ang matinding pag-aalinlangan ay hindi ako makalalabas sa lugar na ito at kapag nangyari iyon ay tuluyan nang makukuha sa akin ni Alyana ang aking pamilya. Hindi ko na hahayaang mangyari sa akin ulit iyon. Ayaw ko na mawalan ulit.

Mabilis akong tumakbo at naabutan ako no’ng isa sa kanila. Mabilis niya akong nasakyan ngunit nagpumiglas ako ng matindi at nadampot ang maliit na punyal na nakasabit sa tagiliran nito. Agad ko siyang sinaksak sa dibdib. Naparelisa ang buong katawan nito at parang nilalamon ng itim na mahika ang kanyang katawan hanggang sa unti-unti itong naging abo. Napsinghap ako at nabitiwan ang punyal.

“Banal na punyal,” sambit ko sa kawalan nang maalala ko ang nangyari sa akin sa pagitan naming dalawa ni Mattheaus. Iyan na iyan ang itsura no’ng punyal na ginamit niya no’ng kanya akong saksakin sa aking dibdib.

“Hayon siya!” sigaw no’ng isa pang lalaki.

Awtomatiko kong nadampot ulit ang banal na punyal at kinagat ang likurang bahagi ng talim nito. Muli akong napatalon sa ika-apat na palapag. Walang katapusang pagtalon yata ang gagawin kong ito dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakikita ang lagusan palabas ng gusali. Mabilis din ang kanilang pagkilos ay kahit halos talunin ko na ang mga palapag ay naaabutan pa rin nila ako.

Hanggang sa pinuwersa ko ang aking sarili at tinalon ang ika-anim na palapag. Nahulog ang punyal na kagat-kagat ko. Ang kanang kamay ko’y nakakapit sa sementong pundasyon. Inabot ng aking kaliwang kamay ang rehas na bakal ngunit nagkamali yata ako sa aking ginawa dahil ang rehas na bakal na aking nahawakan ay nadadaluyan rin ng malakas na boltahe ng kuryente. Mabilis akong tumilapon sa ere at ang kanina’y malakas kong pangangatawan ay unti-unting nanghina. Parang dahan-dahan akong bumabagsak. Nang kumurap ako’y nakikita ko sa aking balintataw ang mukha ni Mattheaus. Huminga ako ng malalim at pilit na inaabot ng aking mga kamay ang ilusyong bulto ng katawan ni Mattheaus. Sa isang kurap ko’y tuluyan akong bumagsak sa sahig. Ngunit hindi ko naramdamang tuluyan nga akong bumagsak sa sahig dahil nakakalong ako kay… Mattheaus!

“Mattheaus?” naluluha kong sambit at hinaplos ko ang kanyang pisngi.

“Sinaktan ka ba nila, mahal ko?” Igting ang panga nito at halata sa kanyang anyo ang matinding galit at pag-aalala.

Tuluyan na akong humikbi at yumakap sa kanya.

“Ang akala ko’y hindi na kita makikita!”

Niyakap niya ako ng mahigpit.

“Walang sinuman ang maglalayo muli sa iyo, sa akin.”

Tumayo ito. Kitang-kita ko ang biak ng mga sahig dahil sa lakas ng puwersa nang kanyang pagbagsak habang kalong ako.

“Paano si Alyana? Nilinlang ka niya,” wika ko.

Umismid siya.

“Hinding-hindi na ako ulit malilinlang pa ni Alyana. Pinatay ko na siya bago pa man niya makuha ang anak natin.”

Natulala ako sa aking narinig. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Kapatid ko si Alyana, hindi lang kapatid dahil kakambal ko siya. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ni inay Nely kapag nalaman niyang pinatay na ito ni Mattheaus.

“Señorito Mattheaus! Ibigay mo sa amin si Alyana!” sigaw no’ng lalaki sa aming likuran.

“At sino ka para utusan ako? Hangal! Mali ang nakuha ninyo. Siya ang asawa kong si Ayesha Yana, ang kakambal ni Alyana,” ani Mattheaus.

“Hindi kami puwedeng magkamali sa kanya! Siya si Alyana!”

Umiling ako.

“Hindi nga ako si Alyana!” giit ko.

“Si Alyana ba ang hinahanap niyo?” biglang sulpot ni Zsakae at dala niya ang katawan ng kapatid kong si Alyana. Agad na lumipad sa aking bibig ang aking kanang palad nang makita ko ang kalunus-lunos na anyo ng aking kapatid.

“Patay na siya Jess,” ani Zsakae do’n sa lalaki.

“Alam niyong bawal niyong galawin si Alyana dahil kargo na namin siya. Kami dapat ang magparusa sa kanya at hindi kayo!” anang Jess.

Kumapit ako ng husto kay Mattheaus. Nakararamdam ako ng matinding panganib. Ang lahat ng mga humabol sa akin kanina ay nagsipagbabaan at pumalibot sa amin.

“At anong kaguluhan ito?” biglang sulpot ng kuya Steffano.

“Panginoon,” pagbati nilang lahat kasabay ang pagyuko maliban sa amin ni Mattheaus at Zsakae.

Biglang sinakal ni Zsakae si Jess.

“Sa susunod kuya, ang dapat sa mga ganitong pasaway na nilalang ang dapat na pinaparusahan,” mariing sambit ni Zsakae at biglang nagbago ng kanyang anyo. Naging kulay puti at naging mas brusko ang pangangatawan gaya ng kay Mattheaus.

“Bitiwan mo siya, Zsakae,” utos ni kuya Steffano. Sinunod naman siya ni Zsakae.

“Sino ang pumaslang kay Alyana?” tanong ni kuya Steffano sa amin.

“Ako,” kalmado lang din namang sagot ni Mattheaus.

Kung tumatahip pa ang puso ko ngayon, malamang ay kanina pa siguro ako namatay. Nakakatakot silang tatlo.

“Jess, sunugin ang bangkay ni Alyana. Ilista sa talaan ng mga nabitay. At Jess, magbasa ka ng batas ni Luna kung ayaw mong ikaw ang isunod ko kay Alyana. Malinaw ba?” ani kuya Steffano. Takot namang yumuko si Jess at hindi na kumibo pa.

“Zsakae, umalis ka na. Ikaw din Mattheaus. Ilang oras na lang at aabot na sila sa pantalan. Ang mga Seltzer,” wika pa ni kuya Steffano. Napasinghap ako.

“Si Arthy,” sambit ko.

“Maayos siya mahal ko,” ani Mattheaus. Nakahinga ako ng maluwag. Bigla naman nang nawala si Zsakae at kuya Steffano.

Kalong pa rin naman ako ni Mattheaus nang ilabas niya ako sa gusali. Hindi ko alam kung paano ngunit ang mainit na sikat na araw agad ang sumalubong sa akin. Yumakap ako ng mahigpit kay Mattheaus. Gusto ko nang makita ang anak ko. Kahit sa sandaling oras lamang na nawalay ako sa kanya ay nangulila na ako ng lubusan.

“Gusto ko na siyang makita mahal ko,” wika ko kay Mattheaus. Hinalikan naman niya ang aking noo.

“Makikita mo siya ulit Yana,” paniniguro nito.