Chapter 42: Kabanata 41
DALAWANG araw at isang gabi rin ang aming nilakbay ni Mattheaus sa karagatan bago namin nadaanan ang isa pang isla. Nang marating namin ang tinatawag na isla Herodes ay napagpasyahan namin ni Mattheaus na dumaong muna upang kumuha ng mga iba pang babaunin namin sa aming paglalayag.
“Gusto mo bang mamasyal?” baling pa sa akin ni Mattheaus habang pababa kami sa barko. Bitbit ko ang anak kong si Arthyseuos.
“Maari ba? Gusto ko mamili ng mga damit.”
Ngumiti ito sa akin. Sinuklian ko rin naman ito ng matamis kong ngiti. Madalas na yata ang pagiging palangiti ng aking kabiyak gayong dati rati’y halos walang ekspresyon ang mukha nito sa tuwing nagkikita kami. Hindi naman palaging malamig ang ekpresyon nito ngunit nakakapanibago lang na makita siyang ganito.
“Mag-ingat ka lamang Yana at huwag kayo masiyadong lumayo. Dadaanan pa natin ang pinsan kong si Kanyue sa kanilang asyenda bago tayo maglayag muli.” Sumaludo naman ako sa kanya.
“Pangako! Hindi kami lalayo ng anak mo. Mag-ingat ka.” Umismid naman ito.
“Sila ang mag-ingat sa akin,” anito. Nailing lamang ako at pinaikot ang aking mga mata.
Nagkahiwalay na kami ng landas ni Mattheaus. Sabik na sabik ko namang tinungo ang pamilihan ng mga damit sa bayan habang karga ko ang anak kong si Arthyseuos. Sobrang likot na nito at kung naging normal na nilalang pa ako ngayon, marahil ay hindi ko makayanan ang lakas nito. Masaya akong bumuntong-hininga. Isa na rin akong bampira, kagaya ng minamahal kong si Mattheaus. Ngunit simula nang magising ako’y isang kagaya niya, ni minsan ay ‘di pa naman ako nakararamdam ng matinding pagkauhaw. Hindi ko alam kung bakit ngunit hindi pa rin maalis sa aking sarili na ‘di magtaka. Siguro’y may ginawa na naman sa akin si Mattheaus, ngunit alam kong kahit kagaya ko na siya’y limitado pa rin ang aking lakas. Hindi naman ako kagaya niyang nagbabago ng anyo. Sa pagkakaalam ko’y mga kagaya lang nilang may angkang dugong maharlika ang nakagagawa no’n.
Huminto ako sa tapat ng isang tindahan. May malaking salamin na nakasabit sa dingding. Tiningnan ko ang aking sarili sa harap ng salamin para ayusin ang aking buhok na ginulo ni Arthyseuos nang biglang makita ko si Alyana. Namilog ang aking mga mata at agad na napalingon sa aking likuran. Wala namang nakatayo sa aking likuran, maliban na lamang sa aming dalawa ng anak ko. Pinilig ko ang aking ulo. Hindi ako puwedeng magkamali dahil alam kong si Alyana ang nakita ko. Nakita mismo ng dalawa kong mata ang kapatid kong si Alyana. Imposible! Ang alam ko’y nakakulong siya ngayon. Nakakulong siya sa… Isla Herodes! Agad akong napasinghap at agad na kinarga ng mabuti ang anak ko. Mabilis akong kumilos at agad na bumalik sa pantalan kung saan nakadaong ang aming barko. Ngunit hindi ko inasahan ang sunod na mangyayari. Biglang may mabigat na bagay ang tumama sa akin at hindi ko iyon napaghandaan. Agad akong natumba at nabitiwan ko ang anak kong si Arthyseuos. Agad na nagdilim ang aking mga paningin at hindi ko na malaman kung ano na ang sumunod na nangyari.
“Mattheaus!” sambit ko nang magising ako ng tuluyan. Agad kong nasapo ang aking batok dahil ang natatandaan ko’y may matigas na bagay ang tumama sa akin. Ngunit agad din naman akong natauhan nang mapagtanto kong nasa isang madilim na silid ako. Tanging maliit lamang na hugis parisukat na butas ang nakikita ko. Ito ang nagsisilbi kong ilaw sa madilim kong naging silid. May bakal na rehas pa ang maliit na butas na ito. Bigla akong nagtaka at agad akong kinabahan. Tila yata ay parang masama ang kutob ko.
Tumayo ako mula sa aking pagkakaupo sa higaang gawa rin sa isang bakal. Sumampa ako rito at humawak sa maliit na butas na nahaharangan ng bakal na rehas.
“Ah!” ungol ko at agad akong tumilapon sa sahig.
Nanginginig ang mga kamay ko. May malakas na boltahe ng kuryente ang dumadaloy sa bakal na rehas.
“Ang anak ko!?” sambit ko nang maalala ko si Arthyseuos.
Muli akong tumayo ay kinapa ang buong silid na pinaglagakan sa akin. Nang may mahawakan akong rehas ay muli akong tumilapon at nabalibag sa pader. Nagkailaw ang dati’y madilim kong paligid. Saka ko lamang napagtanto. Nasa isang bartolina ako kung saan para akong isang makasalanang nilalang at nakakulong sa silid na ito. Agad na nangilid ang mga luha ko sa mata.
“Pakawalan niyo ako rito! Ano ba!? Pakiusap! Nasaan ang anak ko! Pakiusap!” sigaw ko.
Muli akong nagpumilit na humawak sa bakal na rehas ngunit ganoon pa rin ang nangyari. Muli akong tumilapon sa pader. Ang ilan sa semento ay nadurog. Muli akong tumayo.
“Ano ba!? Pakiusap!”
Muli ay pinilit kong humawak sa bakal na rehas. Hindi lamang sandali ko itong hinawakan bagkus ay matagal. Tiniis ko ang sakit para lamang subukan kung masisira ko ba ang bakal na rehas. Ngunit ganoon pa rin ang kinalabasan. Muli akong tumilapon sa pader. Ang suot kong damit ay halos mawarak na ang likuran dahil sa pagpupumilit ko. Bigla namang may bumukas na pinto.
“Manahimik ka nga! Himala yatang napakaingay mo ngayon Alyana!” anang lalaki sa aking harapan. Natigilan ako sa aking narinig.
“Alyana? Hindi ako si Alyana! Nagkamali kayo sa pagkuha sa akin! Pakiusap! Pakawalan ninyo ako! Hindi ako si Alyana!” pagwawala ko kasabay ng aking paghagulhol ng matindi.
Humalakhak naman ang lalaking nasa aking harapan at napaismid.
“Ngayon ay magpapanggap ka namang ikaw si Ayesha Yana, ang iyong kakambal? Nahihibang ka na talaga Alyana. Minsan ay naiisip ko ring mga hangal ang mga Zoldic sapagka’t nagawa pa nilang maawa sa iyo. Gayong napakaitim naman ng iyong budhi.”
Nailing ako.
“H-hindi ko alam kung bakit nandito ako at hindi ang kapatid ko pero totoo ang sinasabi ko! Hindi ako si Alyana!”
Tinawanan lamang nito akong muli at hindi na ako pinansin. Muli na itong lumabas.
“Ano ba!? Makinig ka naman sa akin! Hindi nga ako si Alyana!”
Ngunit kahit ano pa man ang gawin kong pagsigaw ay ayaw pa rin nito akong pansinin. Hindi pa rin nagbubukas ang pintong pinasukan no’ng lalaki kanina. Napatakip ako ng aking mukha gamit ang aking mga palad. Muli akong napahagulgol. Hindi ko talaga alam kung paano ako napunta rito. Natutop ko ang aking bibig. Ang naalala ko lamang bago ako napunta sa lugar na ito ay nakita ko si Alyana sa replika ng salamin. Napasinghap ako. Agad na nanginig ang aking mga kalamnan dahil sa namumuo kong galit para sa kapatid kong si Alyana.
“Hayop ka Alyana! Pagbabayaran mo ‘to!” galit kong sambit sa kawalan.
Inayos ko ang aking sarili at pinunasan ang aking mga luha. Sinipat kong mabuti ang aking naging kulungan. Sementong pader lamang ito. Agad akong pumuwesto at buong lakas kong sinipa ang pader. Agad na nadurog itong pader at nagkaroon ng butas ngunit nagkamali ako. Panlinlang lang pala ang sementong pader dahil sa likod nito ay solidong bakal pa rin na nadadaluyan ng malakas na boltahe ng kuryente. Ngunit sadyang matigas ang aking ulo at pursigido akong makalabas sa kulungan. Muli kong sinipa ang bakal na pader ngunit agad din namang bumalik sa akin ang malakas na puwersa. Tumilapon ako sa bakal na rehas. Dobleng sakit ang inabot ko at agad akong nakaramdam ng panghihina nang bumagsak ako sa sahig. Halos punit na ang aking damit. Nasuntok ko ang sahig sa sobrang galit at pagkainis sa aking sarili. Ang daming tumatakbo sa aking utak ngayong nakalaya pala si Alyana at ako ang ipinalit niya rito sa kanyang kulungan. Ang ipinagtataka ko ay kung paano siya nakalaya rito gayong kay hirap daanan ang mga de kuryenteng bakal na rehas. At ang isa pa sa inaalala ko ngayon ay kung nasaan siya. Paano kung nagpanggap siya bilang ako? Paano kung kasama na niya ngayon sila Mattheaus? Ayaw ko! Ayaw kong mangyari iyon!
Muli akong bumangon at muli akong nag-isip kung paano ako makakatakas sa lugar na ito. Huminga ako ng malalim. Mabilis kong pinunit ang laylayan ng aking damit at inirolyo sa aking mga kamay. Muli ay huminga ako ng malalim at sinubukan kong hawakan ang bakal na rehas. Ngunit wala pa ring epekto dahil nasunog lamang ang telang ginamit ko. Inis akong napasuklay sa aking buhok gamit ang aking mga daliri.
Bigla namang bumukas ang pinto at may biglang pumasok. Naghintay ako ng ilang segundo bago tumunghay sa aking harapan ang isang lalaki. Nang makita ko sa malapitan ang mukha nito ay agad akong nabuhayan ng loob.
“Egoy!?” sambit ko.
“Kumusta ka ate Yana?”
Natigilan ako. Kumunot ang aking noo. Bakit niya ako nakilala agad gayong ang kaninang unang lalaki na pumasok ay napagkamalan pa akong si Alyana. Ngumisi naman ito.
“Nagulat ka ba ate? Kung bakit nakilala kita? Nagtataka ka rin ba kung paano ako nakarating dito? Nagtataka ka rin ba kung paano ka nalagay diyan sa loob, imbes na si Alyana?”
Umigting ang aking panga at nakuyom ang aking mga kamao.
“Anong ibig sabihin nito Egoy!? Ha? Sumagot ka!”
Napahalakhak naman ito.
“Tanga ka nga talaga. Tama nga si Alyana.”
Bigla namang nagbago ang anyo ng kanang kamay nito. Tumaas ang kanyang mga kuko sa daliri at naging mabalahibo ito.
“Isa kang Seltzer!?” gulat kong sambit.
Umismid naman ito.
“Mismo! Isa nga akong Seltzer. Edrick Seltzer ang tunay kong pangalan.”
Natutop ko ang aking bibig.
“Hindi iyan totoo! Hindi ikaw ang Egoy na kilala ko! Hindi ikaw!”
Nailing naman ito.
“Alam mo Yana? Hindi lahat nang nakikita mo ay totoo. Hindi lahat ng nakapaligid sa iyo ay totoo at tapat sa iyo. Hindi lahat mapagkakatiwalaan mo. At isa ako sa mga taong iyon Yana.”
Napahagulhol ako kasabay nang aking pag-iling. Pumalatak naman ito.
“Gusto mong ikuwento ko sa iyo kung paano at kung bakit nauwi tayo sa ganito? Hmm… Ganito. Dahil nalaman ng angkan ko na isisilang ang nakatakdang tutupad sa propesiya ay inatasan ako ng pinuno namin na makipaglapit sa mga Zoldic. Nagpanggap akong isang mahinang nilalang at nagpanggap na isang mangmang na nilalang upang makadikit ako sa mga Zoldic. Napag-alaman kong tanga rin pala ang mga Zoldic dahil hindi man lang nila napuna na isa pala akong Seltzer. Isang espiya. Hanggang sa nalaman ko ang sekreto tungkol sa pagkatao ni Alyana, ang iyong kakambal. Dahil sa matindi kong kuryusidad, hinanap ko si Alyana at sa kanya ko nalaman ang lahat. Nalaman kong anak ka pala ni Nely, ang isa sa matapat na alagad ng mga Zoldic. Nalaman ko rin kay Alyana na siya pala ang dahilan kung bakit nagkalayo kayo ng nobyo mong si Mattheaus. Na nagpanggap siya bilang ikaw dahil na rin sa librong Omnipotens Luna. Libro ng mga propesiya at ritwal. Dahil sa matinding pagmamahal niya para kay Mattheaus ay nagawan ka niya ng masama. Kulang ang alam ng iyong ina. Kulang na kulang ang naikuwento niya sa iyo. At dahil na rin sa parehong maitim ang balak namin sa iyo ni Alyana ay nagkasundo kaming dalawa. Naghintay ako ng pagkakataong mapaslang ka niya. Lahat ginawa ko para mapadali ang aking misyon. Ngunit masiyadong mahina si Alyana pagdating kay Mattheaus. Nabigo siya at nauwi sa pagkakakulong dito sa isla Herodes. Nang dalawin ko siya rito ay muling humiling si Alyana sa akin na tulungan ko siyang makatakas at ikaw ang ipalit sa kanyang posisyon. At nakita mo naman ang resulta? Nandito ka, nandoon siya. Kasama ang anak mo at ang minamahal mong si Mattheaus. Ngayon Yana? Nakuha mo na ba lahat?”