Kabanata 33
Hindi rin naman nagtagal ay narating na namin ni Egoy ang silid-aklatan. Nagulat pa kami at nagkatinginan ni Egoy nang mapuna naming bukas ang pinto ng silid-aklatan. Dali-dali kaming pumasok ni Egoy at ganoon na lang ang pagkagulat namin nang makitang magulo ang loob. Diretso agad na napatakbo si Egoy sa museo. Agad din naman akong sumunod sa kanya at nang mabuksan nito ang pinto ay pareho kaming nakahinga ng maluwag. Maayos ang loob ng museo, maliban dito sa silid-aklatan. Parang may kung anong hinahanap ang magnanakaw sa lugar na ito dahil talagang ang mga librong nasa ikalawang palapag ay umabot hanggang sa unang palapag.
"May nawala ba Egoy?" alalang tanong ko pa. Nakita ko kasi itong napatakbo rin papasok sa aming tinutuluyan.
"Wala naman ate, maliban lang dito," tukoy niya sa mga mesa at librong nasa sahig. Napamaywang ako at natampal ang aking noo.
"Egoy, ipagbigay alam mo nga ito kay ate Catherine," utos ko pa.
"Sige ate..." Akmang lalabas na ito sa pinto ngunit hinila ko naman ito ng marahan braso.
"Bukas na Egoy. Gabi na masiyado. Halika na, matulog na tayo. Bukas na lang tayo mag-ayos Egoy," humihikab ko pang sabi.
Bigla akong nakaramdam ng matinding pagod at pagka-antok. At tila ba balewala sa akin ang nangyari rito. Ewan ko ba! Dala siguro ito nang pagbubuntis ko.
"Sige ate, magsasara na lang po ako." Tinanguan ko lamang ito at umuna na ako sa aking silid.
Bukas ko na lamang dadalawin ang pinakamamahal kong si Mattheaus.
Kinaumagahan nang magising ako'y diretso ako agad na nag-ayos ng aking sarili. Pinagmasdan ko pa ang sarili ko sa salamin. Talagang 'di na bumalik sa dating kulay itong buhok ko. Permanente na yata itong ganito at talagang nagmumukha akong dayuhan sa buhok kong 'to, parang kay Mattheaus lang.
Matapos kong masipat ang kabuoan ko sa harapan ng salamin ay kaagad din naman akong lumabas ng aking silid. Naabutan ko pang naghahain ng agahan si Egoy sa mesa.
"Magandang umaga Egoy," masiglang bati ko rito. Ngumiti naman ito sa akin.
"Magandang umaga rin po ate. Kain na po tayo." Tumango lang ako at umupo na sa hapag.
"Ate oh, espesyal 'yan," ani Egoy bigla at may inabot na pitsel sa akin.
Kumunot ang aking noo ngunit bahagya din namang umaliwalas ang mukha ko nang makita ko ang laman ng pitsel.
"Ay grabe Egoy! Ang sarap nito!" wika ko pa.
"Naman ate! Alam kong gusto mo 'yan e." Agad naman akong nagsalin sa baso at tumikim ng konti.
Para akong nabunutan ng mabigat na bagay na nakadagan sa katawan ko. Ang sarap talaga nitong minatamis na inoming galing sa katas ng ubas at berry.
"A-ate Yana..." tawag naman ni Egoy sa akin. Gulat ang mukha nito habang nakatitig sa akin.
"Egoy, bakit?" Napalunok naman ito.
"Dilaw na naman po mata niyo," sagot nito.
"Ha?" Diyos ko! Nakita ni Egoy! Agad kong kinusot ang mga mata ko.
"Dilaw pa rin ba?" kabado kong tanong.
"H-hindi na po..." Napahawak ako sa aking damit.
"E-egoy—" Nailing naman ito.
"Ayos lang ate. Minsan ganyan din ang mga mata ni kuya Keanno kapag natititigan ko ito. Ang sabi niya, natural daw iyon at piling tao lang ang may kakayahan niyan. Ang siyensya nga naman, talagang nakakamangha. 'Di ba po ate?" Ngumiti pa ito sa akin at tila ba'y wala lang ito sa kanya.
"O-oo naman..." kunwari'y sang-ayon ko.
Kung bakit ba naman kasi ngayon pa nagbago ito ng kulay. Nakita pa tuloy ito ni Egoy. Aminado akong kinakabahan talaga kanina. Kumain na lamang ako at 'di na umimik pa.
"Siya nga pala ate. Papasok na ako sa paaralan ngayong linggo. Lingguhan kasi ang iskedyul na kinuha ko ate para naman makapagtrabaho ako at 'di ko kayo maiwanan mag-isa dito." Ngumiti ako.
"Nako Egoy, kaya ko mag-isa at saka dapat lang talaga na mag-aral ka para naman makahanap ka ng magandang trabaho sa siyudad," sabi ko pa.
"Samalat ate," anito.
Tinanguan ko lamang siya at agad na tinapos ang kinakain ko. Nang matapos kami ni Egoy ay agad na naming sinimulan ang pag-aayos sa mga libro.
"Nasabi mo na ba ito kay ate Catherine, Egoy?" Nailing naman ito.
"Huwag na lang po ate. Panigurado kasing mag-aalala na naman iyon. At saka hindi na po bago sa akin itong ganito. Maraming beses na po itong nagkakaganito. Para bang may hinahanap 'yong sumisira nito." Nagsalubong naman ang dalawang kilay ko.
"Maraming beses na? Grabe naman 'yon. Ano naman kaya ang hinahanap ng taong 'yon." Nailing naman itong si Egoy at ipinagpatuloy ang pagliligpit.
"Siguro 'yong librong hinahanap no'n ate ay ang La Luz De Vermont Zoldic dyurnal." Natigilan naman ako sa sinabi ni Egoy.
"Hindi ba 'yan ang pangalan ng unibersidad sa kabilang bakod, Egoy?" sabi ko pa.
"Opo ate. Ang libro kasing iyon ay naglalaman ng mga importanteng bagay mula sa kinanunuan ng mga Zoldic. Dalawang libro 'yan ate, ang isa ay aklat ng ritwal at mga propesiya. Ewan ko ba sa pamilya nila ate Yana. Masiyadong makaluma e," kuwento niya pa. Libro ng propesiya at ritwal? 'Yan ang hinahanap ko!
"Ano Egoy, alam mo ba kung nasaan iyon?" tanong ko pa kunwari.
"Iyong dalawang libro po? Nasa pangangalaga po ni kuya Keanno, ate Yana. Ang alam ko po'y ipinapasa-pasa raw po ang pangangalaga niyan."
Mariin akong napakagat ng aking labi. Kung ganoon ay kay Keanno ko lang makukuha ang librong iyon. Kunwa'y tumabi ako kay Egoy at kinuha ang mga libro.
"Puwede bang samahan mo ako sa kanya Egoy?" Napatingin naman ito sa akin ng puno ng pagtataka.
"Bakit po ate?" Ngumiti ako.
"Nako Egoy, gusto ko lamang magpasalamat sa kanya. Alam mo na, iyong ginawa niyang pag-aalaga sa akin no'ng nagkasakit ako." Napatango-tango naman ito. Lumusot sana ang palusot ko.
"Sige ate, sasamahan kita sa mansyon niya kapag hindi na po tayo abala rito, pero sa kabilang bakod 'yon ate. Nasa likod 'yon ng unibersidad. 'Yong bahay ni kuya Zairan at kuya Steffano lang kasi ang narito na tinitirhan nila, pero may bahay din naman sila sa kabilang bakod," paliwanag niya at tanging tango lamang ang naitugon ko.
Napakahirap naman pala hagilapin niyang si Keanno.
"Ganoon ba Egoy? Sayang naman," malungkot ko pang wika.
"Huwag ka na po malungkot ate, sasamahan kita ro'n pero kailangang itaon natin na naroon siya. Mahirap hagilapin iyon ate," aniya.
Tumango lamang ako. Sayang naman ngunit napag-isip-isip ko rin. Bakit kailangan ko pa ang librong 'yon, kung puwede ko namang itanong kay Mattheaus 'yon. Napahawak ako sa aking tiyan. Nagagalak na talaga akong ibalita sa kanya ang pagbubuntis kong 'to.
"Ate Yana, huwag ka po lalabas mamaya ha. Dito ka lang po. May lalakarin po ako sa kabilang bakod. Napag-utusan po kasi ako ni Mang Dhelfin na ihatid 'yong mga talaan ng mga trabahador, suweldo po nila ate, kasama 'yong sa atin." Natigilan naman ako at natampal ang aking noo.
Hindi ko pa pala nasusulatan ang itay at si Jeorgie. Naman! Masiyado yata akong nawili sa lugar na ito at nakalimutan kong may pamilya at kaibigan pala akong 'di nasusulatan.
"Sige Egoy, para naman makapagpadala ako ng pera sa itay ko," sagot ko.
"Sige ate..." Ipinagpatuloy na namin ang pag-aayos at panay ang sulyap ko kay Egoy.
Patawarin mo ako Egoy ngunit dadalawin ko ang nobyo kaya't 'di kita masusunod. Akmang kukunin ko naman ang iba pang mga librong nang may humawak din sa hinahawakan ko.
"Zsakae..." sambit ko nang makita ito.
"Nanakawan na naman ba kayo?" aniya.
Napatango naman ako at hinila na ang librong hawak din nito.
"May kailangan ka ba?" usisa ko.
Bigla akong nakaramdam ng pagkainis kay Zsakae at 'di ko alam kung bakit nagkakaganito ako.
"Wala naman, gusto lang kitang dalawin." Napatango-tango ako ngunit 'di ko man lang ito tinapunan ng tingin.
"Tulungan na kita Yana," aniya at biglang tumabi sa akin.
"Ayos lang Zsakae, kaya na namin 'to." Ngumiti pa ito ng tipid at mukhang ayaw talaga nitong makinig sa akin. Napabuntong-hininga ako. Ang hirap magkunwari!
"Talagang mapilit ka, sige. Magluluto lang ako ng pananghalian natin. Diyan muna kayo ni Egoy." Diretso ako agad sa tinutuluyan namin at agad din namang nagluto na.
"Yana..." Biglang nagsitayuan ang mga mumunti kong balahibo sa katawan dahil sa pagtawag nito sa akin.
"Mattheaus..." mahinang sambit ko.
"May kinakausap ka, Yana?"
"Ay!"
Muntik ko nang mabitiwan ang kawang hawak ko.
"Zsakae!" inis na sambit ko. Napatawa ito ng konti.
"Patawad Yana. Gusto sana kitang tulungan," ani Zsakae.
"Nako huwag na Zsakae. Kaya ko na ito," awat ko pa kasabay nang pagsenyas ko.
Lumapit naman ito sa akin at halos mapaliyad na ako. Akmang lalapat na sana ang labi nito sa akin ngunit bigla namang bumukas ang bintana at pumasok ang malakas na hangin. Agad akong umipod at lumapit sa bintana. Ganoon na lamang ang gulat ko nang matanawan ko si Mattheaus na nakatayo sa tuktok ng mataas na bakod. Napaharap ako agad kay Zsakae.
"Alis muna ako," paalam ko at iniwan ko kaagad si Zsakae. Kaasar! Magtatampo na naman 'yon dahil sa nakita niya.
"Ate Yana may lakad ka po?" pigil sa akin ni Egoy.
"Oo Egoy. Pupunta lang ako sa botika. Kailangan ko bilhin ang mga gamot ko para naman malusog ako, 'di ba? Sige!" Tarantang-taranta pa akong napalabas ng silid-aklatan.
Nang makalayo ako at nasigurong wala namang nakasunod sa akin ay agad akong umikot. Alam kong 'di ako makakadaan sa museo, o kahit sa pasukan sa kabilang bakod ay kailangan kong makahanap ng paraan. Pinagmasdan kong mabuti ang matayog na bakod. Nililinis ito araw-araw upang huwag magapangan ng mga baging ang pader. Lumakad pa ako ng konti at saktong may ilang parte pa ng pader ang 'di pa nila nalilinisan. Lakad-takbo ang ginawa ko hanggang sa matapat ako sa pader.
Tanghaling tapat at heto ako, inaakyat ang matayog na pader sa gitna ng sikat ng araw! Panginoon ko, huwag sanang bumigay itong mga baging na hinahawakan ko.
Hingal na hingal na ako at sa tantsa ko'y nasa ika-limang palapag pa ako kung ikukumpara ko ito sa isang mataas na gusali.
"Pinahihirapan mo ako ng matindi Mattheaus!" inis na sambit ko.
Buntis pa man din ako! Napahinto ako sa pag-usad nang makaramdam na ako ng matinding pagkahilo ngunit sakto rin namang narating ko na ang tuktok. Wala sa sarili akong napatayo kahit nanginginig itong mga tuhod ko. Sa lakas ng hangin dito sa kinatatayuan ko'y halos matangay na ako. Napahawak ako sa aking tiyan dahil sa biglaang pagsakit nito. Sa isang maling paggalaw ko lamang ay bigla na lamang akong nabuwal at nahulog. Parang umikot ang paningin ko at parang huminto ang oras ko. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko.
"Mattheaus..." huling sambit ko bago ako mawalan ng ulirat.