Kabanata 27
Hindi nagtagal ay natapos din naman ako at agad na akong nagsimulang mag-ayos ng aking sarili. Mas mabuti na itong maaga kaysa naman ang paghintayin ko pa si Zsakae. Nakakahiya naman kung ganoon pa ang mangyayari.
Nang makatapos ako sa pagligo ay labis pa rin akong nag-aalala sa suot ko. Dahil mukhang makikita pa yata ni Zsakae ang ilan sa mga pasa ko sa katawan. Dali-dali kong hinalungkat ang mga gamit ko at hinanap ang mga gamit kong pangkolorete sa mukha. Isang krema na kakulay ng balat ko ang ginamit ko upang matakpan ang mga pasa ko sa katawan. Mabuti na lang talaga at napadalhan ako ni Jeorgie ng mga ganitong kolorete sa mukha.
Nang masiguro kong nalagyan ko na lahat ay kaagad din naman akong nagbihis at maging ang pares ng sapatos ko'y sinuot ko na rin. Naglagay lang din ako ng konting polbo sa mukha ko at pinahiran ang aking labi ng kulay pulang lipstik. Pinagmasdan ko pa ng ilang saglit ang aking sarili sa harapan ng salamin. Sayang at wala akong kamera, 'di sana'y nakuhanan ko ng litrato itong magandang ayos ko.
Nang makuntento ako sa aking ayos ay lumubay na ako sa harapan ng salamin. Napahugot ako ng malalim na hininga at umupo sa aking kama. Maayos kaya siya? Hindi na talaga ako makapaghintay pa na makita siya. Kinuha ko ang ilang pabango at iwinisik sa aking sarili. Talagang mula ulo hanggang paa ko itong ginamit at talaga nga namang napakabango nito.
Nang makuntento na ako'y kinuha ko na ang kulay itim na tsaketa na hanggang binti ko ang haba nito. Ang maliit na pitaka naman na naglalaman ng limang bote ng mamahaling pabango ay itinago ko sa aking bulsa.
Lumabas na ako ng aking silid at agad nang tinungo ang labasan ng silid-aklatan. Nang makalabas ako'y ikinandado ko na ito.
"Yana..." Narinig ko pang wika ni Zsakae mula sa aking likuran kaya nama'y nilingon ko siya.
"Zsakae..." bati ko rin naman.
Napatulala naman itong nakatitig lang sa akin.
"Oy Zsakae!" untag ko pa rito kaya natauhan naman ito mula sa pagkakatulala niya.
"Para kang isang diwata na inihulog mula sa langit, ngunit napakasayang lang dahil hindi ako ang unang nakasalo sa iyo Yana," mapait nitong wika.
Nakagat ko naman ang aking dila. Tila yata ay nagseselos ito kay Mattheaus.
"Zsakae naman..." tanging utas ko. Nailing naman ito.
"Ayos lang, pasasaan ba't makakalimutan ko rin ito," aniya at inilahad na ang kanang kamay nito sa akin, na siya ring inabot ko naman.
"Isuot mo na ang iyong tsaketa, Yana," utos pa ni Zsakae sa akin. Napatango naman ako at isinuot na ito.
"Anong oras na ba?" tanong ko pa.
"Ala singko y medya na ng hapon, Yana. Tamang-tama lang dahil mamayang ala syete ay naroon na tayo sa unibersidad," sagot nito.
"Sige."
Tahimik naming nilakad ang daan papunta sa kabilang bakod.
Nang matapat kami sa harapan mismo ng pinto ay biglang nangatog itong mga tuhod ko sa sobrang kaba.
"Kapit ka lang sa akin," ani Zsakae.
Tumango lamang ako at kumapit na sa kanya. Hinarap naman nito ang taga bantay sa looban. Sumenyas siya rito at agad din naman kaming pinapasok.
"Ginoong Zsakae, hindi po siya puwede rito," sita pa nito.
"Sasabihin ko ba kay kuya Keanno ang pagbabawal mo sa akin?" Agad naman itong umiling at para bang natatakot pa ito sa kanya.
Hindi naman na ito umimik at hinayaan na lamang kaming makalagpas.
"Para saan nga pala ang piging na ito?" tanong ko.
"Sa kapatid ni kuya Steffano. Tatlo silang magkapatid, pangalawa ang kuya Keanno at anak sa labas naman ay ang kuya Zairan," aniya. Kung ganoon ay may mga kapatid pala ang kuya Steffano.
"Bakit natakot yata 'yon bigla?" usisa ko pa. Inayos naman niya ang sumbrero ng aking tsaketa.
"Lahat sila ay takot kay kuya Keanno at ilan lang sa kanila ang kaya siya, maging ako ay malaki ang respeto ko sa kanya. Ang pagkakaalam ko'y nakauwi na siya galing sa bakasyon, iyon nga lang ay wala pang nakakaalam kung nasaan siya naroon dito sa isla. Pero ang talagang nakakatakot sa kanilang tatlo ay ang kuya Steffano. Masama lang talaga galitin si kuya Keanno kapag may ganitong okasyon para sa kanya," aniya. Napatango lang din naman ako.
"Tara na, delikado ang magpagabi ngayon," ani Zsakae.
Delikado talaga ang magpagabi rito dahil dito ako pangalawang beses na sinalakay ng isang Seltzer na taong lobo. Kumapit lang ako ng husto kay Zsakae habang naglalakad kami. Kahit hindi pa man kami nakakalapit ng husto sa unibersidad ay kitang-kita ko na ito mula sa aming puwesto. Kay bilog din ng buwan, ngunit hindi lang naman ngayong araw na ganyan ang buwan. Madalas kong napupuna na palaging bilog ang buwan tuwing gabi.
"Yesha..." Natigilan ako nang marinig kong may tumawag sa isa ko pang palayaw.
"Yana, bakit?" wika ni Zsakae. Maging ito ay nagtaka sa biglaan kong paghinto.
"H-ha? W-wala," sagot ko agad at ako na mismo ang humila kay Zsakae.
Si Mattheaus kaya iyon? Ngunit nakapagtataka namang Yesha ang itinawag nito sa akin. Inalog ko ang aking ulo. Dala lang siguro ito ng aking matinding nerbyos.
Hindi nagtagal ay narating na namin ni Zsakae ang unibersidad. Ang daming tao ang dumalo at para yatang mas lalo akong kinabahan. Dinukot ko ang isang bote ng pabango at iwinisik sa aking sarili. Napangiti lang naman din si Zsakae sa akin. Ginagap niya ang aking mga kamay at iginiya na ako papasok. Ang gaganda yata ng mga dumalo at ibig ko yata ang manliit sa aking sarili.
"Huwag kang kabahan..." bulong ni Zsakae sa akin. Napatango lang ako.
"Gusto mo ng alak?" Napatango ako sa alok ni Zsakae.
Kahit na hindi ako umiinom ay mukhang kailangan ko yata ng alak upang maibsan ito nerbyos ko.
"Dito ka lang at huwag kang makikipag-usap sa iba," bilin pa nito nang marating namin ang malaking bulwagan kung saan idinaraos ang piging.
Napatango akong muli at pinaglaruan ang aking mga daliri. Hindi talaga ako mapalagay. Pakiramdam ko kasi'y naiiba ako sa kanilang lahat, bukod pa ro'n ay baka may mga taong-loob din na umaaligid. Mariin akong napakagat ng aking labi at napatingkayad. Hinahanap ng aking mga mata si Zsakae. Sa dami ba naman ng bisita ay talagang mahihirapan akong hanapin siya.
Nang gumawi ang paningin ko sa kanan ay namilog ang aking mga mata. Ang pinsan kong si ate Catherine at ang kuya Steffano ay narito! Agad akong nagtago sa likod ng mga nakaayos na bulaklak. Diyos ko! Sa oras na malaman nilang narito ako sa kasiyahang ito'y tiyak na hindi nila magugustuhan ang pagpuslit ko rito.
"Yana, nariyan ka lang pala," bungad sa akin ni Zsakae, na may dalang dalawang kopita na naglalaman ng alak.
Ngunit ang ipinagtataka ko'y kulay malapot na pula yata
ang laman ng baso ni Zsakae. Samantalang sa akin naman ay isang bino lamang.
"Ano 'yan?" usisa ko.
"Minatamis na ubas at mga iba't ibang klase ng berry," sagot nito sabay inom.
"Teka, pahingi!" awat ko pa sabay kuha sa baso nito.
Nagdududa talaga ako sa laman ng baso. Kopita ang sa kanya, gaya no'ng kay kuya Steffano. At halos lahat ng tao dito ay kagaya ng baso niya maliban sa aming dalawa ni ate Catherine, na makikita ang laman.
"Yana..." awat pa niya sa akin ngunit talagang nagmatigas ako at idinutdot ang hintuturo ko sa loob ng kopita.
Akmang isusubo ko na ito ngunit bigla namang kinuha ni Zsakae ang kamay ko at isinubo ang hintuturo ko sa kanyang bibig. Namilog ang aking mga mata kasabay niyon ang pagkabasag ng mga salamin sa bubong at bintana. Maagap naman akong tinakpan ni Zsakae upang hindi ako tamaan ng mga bubog.
"Pakiusap, maging kalmado ang lahat!" wika no'ng matandang babae, na sa tingin ko'y taga pangasiwa ng piging na ito.
"Zsakae ano'ng nangyari?" natatakot ko pang tanong dito.
"Tara na at i-uuwi na kita..." anito.
"Ngunit kadarating lang natin," sabi ko pa.
Pero napaisip akong saglit.
"Magpaiwan ka na lang, kaya ko umuwi mag-isa," sabi ko pa.
"Hindi puwede 'yon Yana," angal niya.
"Puwes kapag 'di ka pumayag, hindi na kita ka-kaibiganin," mataray ko pang wika.
Natigilan naman ito at walang nagawa kundi ang mapatango. Niyakap ko siya at dali-daling lumabas ng bulwagan. Kinakabahan ako ng husto. Alam kong siya ang may gawa no'n.
Nang makalabas ako ng unibersidad ay patakbo akong dumaan sa lugar kung saan ako dinala ni Mattheaus no'ng nakaraan. Hinding-hindi ko makakalimutan ang daanang iyon.
Halos madapa na ako sa pagtakbo dahil natatakot din ako na baka may taong lobo rito. Hinubad ko na ang aking sapatos at tumakbo na.