Oras iyon ng kanilang paglilinis ng CR pagkatapos ng huling subject nila sa hapon. Ngunit hindi man lang napansin ni Cyler na kumuha ng mga gamit si Fiona. Gayunpaman ay nagpatuloy na lang sila nina Keith, Benjie, at mga kaibigan nito sa paglilinis ng CR ng mga lalaki. Si Jenna naman ay napansin niyang lumabas pagkalinis ng CR ng mga babae na hindi pa rin kasama si Fiona.
“Where’s your friend?” usisa niya kay Jenna.
Ngumuso ito. “Hayun, pinapalinis sa CR sa audio visual room dahil absent daw ‘yong janitor na naka-assign doon. Gagamitin daw kasi ‘yong AVR bukas.” Nagtakip ito ng bibig habang umuubo. Tumalikod na ito sa kanya para ibalik ang mga gamit ng panlinis sa cupboard na nasa ilalim ng hagdan.
“Can you give me your phone?”
Nganga si Jenna at nanlaki pa ang mga matang napalingon sa kanya. She did not have to ask why.
“Wala akong number ninyong dalawa ni Fiona,” dagdag niya.
Tumaas papuntang hairline ang kilay ng tsinita.
“Hay! Ang slow mo ba Jenna?” singit ni Keith na nakangisi.
“Baka pagti-tripan n’yo lang kaming magkaibigan, ah!” duda ni Jenna. Pinasingkit pang lalo ang mga matang nakatingin sa dalawa. May babalang nakaguhit dito.
“Anong trip ba? Kung ayaw mong sabihin, puwede pa rin naman naming magawan ng paraan para makuha ang number n’yo. Honest lang talaga kami kaya sa ‘yo na itinanong ng buddy ko,” paliwanag ni Keith. Inilahad na nito ang kamay at saka pinagalaw-galaw ang mga daliri.
Napatuon doon ang tingin ni Jenna at hinugot na lang sa bulsa ang cell phone na tila ba kay bigat nito at ibinigay kay Keith. Napangising nagtaas-baba pa ang kilay ng kaibigan ni Cyler na ipinasa sa kanya ang cell phone ni Jenna.
***
Napabuga ng hangin si Fiona. Nilinis na niya ang AVR pati ang CR kaya naman medyo pawisan siya. Pagtingin niya pa sa kanyang relong pambisig ay noon niya lang napagtantong late na pala. Kailangan na niyang umuwi.
“Patay! Baka kanina pa ako hinihintay ni Jenna para sabay na umuwi!” nausal niya sa sarili saka hinugot ang cell phone sa bulsa ng kanyang uniporme na saya. Nag-lowbat pala ito kaya ibinalik na lang niya sa bulsa.
Hinanap niya ang remote ng malaking aircon para patayin ito. Hindi niya alam kung sino ang nag-on nito o baka hindi niya lang napansin na naka-on iyon bago siya naglilinis. Palibot-libot na siya sa kahit na saan ngunit hindi niya makita ang remote control nito. Wala pa naman siyang alam kung paano ito papatayin dahil hindi makita ang outlet at plug. Alinlangan siyang umalis nang lumaki ang pagbukas ng pinto at iniluwal doon ang pinakahuling taong hindi niya inasahan na pumunta roon.
“Cyler?” Kumunot ang noo niya dahil sa pagtataka.
“Nauna nang umuwi si Jenna. Inatake ng ubo niya kaya sabi ko mauna na siya sa ‘yo. I promised her I’ll check on you and send you home.”
“Huh? At bakit naman?” takang aniya.
“Your number’s out of reach,” simpleng sagot nito.
“Ah! Oo nga. Dead bat na ang phone ko. Pero… hindi mo na ako kailangang ihatid. May mga jeep naman diyan sa labas ng campus.”
Naglakad papalapit sa kanya si Cyler sa pahagdang sahig ng AVR. Bawat baitang ay may nakahilerang berdeng bench na gawa sa individual chair na nakakonekta sa isa’t isa.
Biglang nag-lock ang pinto. Namilog ang mga mata niya.
“Uh-oh! Ba’t mo isinara? Iniharang ko nga ang mop doon!” sabay kumpas niya sa direksyon ng pinto.
“Ha?” litong balik ng binata. “Hindi ko alam.”
“Sira ang knob sa loob kaya hindi mabubuksan ‘yan!” Napangiwi siya samantalang napatulala si Cyler.
Tinakbo niya ang aisle papuntang pinto, nilampasan ang binata, at ayaw ngang bumukas ng pinto nang pihitin niya ang knob. Kinatok niya ang dahon ng pinto.
“May tao po ba riyan sa labas?” sigaw niya.
Umupo si Cyler sa isang upuan. Naka-dekuwatro pa ito. “This means we’re locked in.” Kalmante lang itong nagsalita na animo’y walang pakialam.
Napamaang si Fiona. “Hindi puwede!” sigaw niya. “Tawagin mo na ang kahit na sino para makalabas na tayo rito. Mag-aalala na sa ‘kin ang parents ko kung hindi pa ako darating nang dinner time!” Nag-aalala ang dalaga. Baka kasi kung ano na ang iisipin ng mga magulang niya kapag hindi pa siya darating sa tamang oras at hindi pa makontak sa kanyang cell phone.
“Good for you. You have parents who care for you to come in time for dinner.”
Hindi siya nakapagsalita dahil sa narinig mula kay Cyler. Hindi niya alam kung paano mag-react lalo na sa mga sandaling ito. Bigla na lang nag-iba ang awra nito, bagay na hindi siya sanay na makitang disposisyon ng binata. Marahan siyang napalapit sa lalaking nakatungo at parang nakatingin sa kawalan. Parang katulad lang din noong kumain sila sa fast food pagkatapos nilang manood ng sine.
“Mine are absent for most of our lives, as I’ve mentioned to you before. I have an older sister, by the way,” sabi ng lalaki na sumulyap sa kanya. May kung anong nakasalamin sa mga mata ng binata nang magtama ang kanilang paningin.
Hindi niya alam na may kapatid pala ang binata. “Ilang taon na ba siya?” marahang tanong niya. Kahit papaano ay curious din siya tungkol dito.
Marahang kumurap ang lalaki at sumagot sa kanya, “She’s just a year older than me. Dito rin siya nag-aaral, Software Engineering. She said she wants to learn programming, and then, she will create a bug in our parents’ company network.” He chuckled. Napailing pa ito.
Kumunot ang noo ni Fiona. “Huh? Bakit naman niya gagawin ‘yon? Kumpanya ‘yon ng mga magulang n’yo, eh.”