“Ang problema, Manang Kiki, ay hindi naman sa tamang paraan ang ginawa ng kapatid ko,” taray na punto ni Courtney. “Violence is never an answer. We all know that.”
Binigyan niya ng masamang tingin ang kapatid na nasa kanan niya. She rolled her eyes at him.
“What? Ayaw mong mapagsabihan? Totoo naman ‘yon, ‘di ba? Ano ba ang sabi sa ‘yo ni Dr. Solis?” dagdag ng kapatid.
“Courtney, that’s enough,” saway ng ina nilang si Megan na nasa tapat ng kapatid nakaupo. “Your brother is trying his best, as I’ve heard. Pumunta siya sa session nila last weekend, and that was… good.” Uminom ito ng fresh orange juice pagkasalita.
Of course, may hinala na nga ni Cyler na nag-report sa mga magulang ang kanyang therapist. After all, the professional was paid by his parents to fix him. Natural lang na magtatanong ang mga ito sa therapist niya kung ano ang nangyayari sa kanya. Siguro ay sinabi na rin nito ang lahat o kaya ay pini-play na lang nito ang recorded session nila para mas madali. Well, doctor-patient confidentiality be damned. His parents were powerful enough to breach anything. Besides, they also had the right to know what was going on with him, as he was their son. Siguro ito rin ang paraan nila para malaman ang tungkol sa kanya. Hindi man siya komportable sa ganoong setup ay wala siyang magagawa. Nasa poder pa kasi siya ng mga magulang.
Kahit papaano ay naalala niya ang sinabi noon ni Fiona sa may parking lot sa mall. Hindi niya alam pero parang lumambot ang puso niya para sa mga magulang. He knew he was bitter towards them. Perhaps he would cut them some slack. After all, Fiona had a point, even though he did not agree with it a hundred percent. Dapat kasi nasa tabi ng mga anak ang mga magulang palagi. Lalo na habang lumalaki ang mga anak. Hindi nga lahat ng mga anak na ginagabayan ng mga magulang ay nasa tamang daan, iyon pa kayang hindi?
At kahit papaano ay flattered naman siyang sinabihan siya ni Fiona na maayos pa rin ang upbringing sa kanya at hindi talaga siya nagrerebelde dahil maayos nga ang pag-aaral niya. Ang iba riyan kasi, kapag may problema sa mga magulang, pati pag-aaral ay naaapektuhan, kasi nga papansin. O kung hindi naman papansin, pabaya na lang talaga. Iresponsable.
Para sa kanya, ginagawa naman niya ang lahat kahit na hindi palaging nandiyan para sa kanya o sa kanilang magkapatid ang mga magulang nila. Gusto niya rin naman kasing ipakita sa mga ito na heto siya, nagagawa niya pa ring lumaki nang maayos kahit wala ang mga ito. Kunsabagay, nandiyan naman si Manang Kiki kahit papaano. Hindi ito nagkukulang sa pag-aalaga at pangangaral sa kanila. Kaya masuwerte pa rin siya. Siguro hindi kasing-suwerte sa kanilang magkapatid ang iba, pero sa tingin niya ay dapat ding maging responsable ang mga kabataang katulad niya para may mapatunayan sa hinaharap at magiging mabuting mamamayan, hindi pasaway sa sosyedad.
But his anger management issue? That was another matter, which he could not just easily set aside or control. And he still wanted to protect Fiona no matter what the cost.
***
Isang umaga habang naglalakad papuntang gate ng academy ay natapakan ni Fiona ang tae ng aso.
“Eww!” bulalas niya nang maramdaman ang medyo malambot na bagay sa ilalim ng kanyang sapatos. It was their wash day kaya hindi sila naka-uniporme ngayon. “Pesteng aso,” “hayop,” at “buwisit” na mga salita ang namutawi nang ilang beses sa utak niya dahil dito. Alam na alam na niya kung aling asong kalye ang gumawa nito. Naalala niya pa ang salarin.
Amoy na amoy niya talaga ang baho nito. Ipinahid niya ang sapatos sa gilid ng sidewalk pero may nakakapit pa rin sa kanyang sapatos. Kaya naman ay mangangamoy pa rin iyon. Ngunit wala siyang choice. Nagpatuloy na siya sa pagpasok sa academy at napansin ang pag-asim ng mukha ng school guard. Nag-peace sign siya rito at nakayukong tuloy-tuloy nang pumasok pagka-check nito kung may ID siya.
Pinilit niyang huwag itapak ang buong paa niyang nakatapak ng tae upang hindi kumalat sa pathway. Kaya para siyang isang taong may polio kung maglakad.
‘Hayop na asong ‘yon. Ang bago ko pang sapatos nakatapak sa tae niya! Kainis!’
“Hey, what happened to you?”
Muntik na siyang matumba nang patagilid siyang napaatras dahil sa pagkagulat. Sumulpot ba na naman kasi sa tabi niya si Cyler. Kumislot ang mukha niya.
“Jenna’s car broke down,” tugon ni Fiona sa tanong ni Cyler. Pilit niyang huwag ma-distract sa bango nito, lalo na sa guwapong mukha nitong may concern na nakaguhit.
Napakiling ng ulo si Cyler. Inikot naman niya ang mga mata.
“Kung hindi ay hindi ako maglalakad sa daang ‘yon na ginawa na yatang CR ng asong kalye na ‘yon,” dagdag niya. Nakita pa niya ang amusement sa mga mata ng lalaki nang mapagtanto ang ibig niyang sabihin. “H-hindi mo ba naaamoy?” Gusto na niyang lamunin ng lupa dahil sa pagkapahiya.