Habang nasa labas na sila papuntang parking lot at bago sumakay sa kotse ni Jenna ay pumihit si Fiona sa direksyon ni Cyler na naghatid sa kanila roon.
“Kung hindi ako nagkakamali, kahit iniisip mong wala sa tabi mo ang mga magulang mo at may pagkukulang sila sa ‘yo, one way or another, alam kong gusto nilang mapaganda ang buhay mo, Cyler. Kaya siguro nagpaka-busy sila sa trabaho. Oo, kailangan ng mga anak ng mga magulang para magbigay-kalinga pero ikaw, sa tingin ko, kahit walang gumagabay sa ‘yo, maayos pa rin ang upbringing mo. Kasi… sa nakikita ko… okay ka naman. Hindi ka nagpapabaya sa pag-aaral mo, ‘di ba?”
‘At kahit papaano, mabait ka naman sa tingin ko. Kahit na may pag-aalinlangan ako at kahit na sa mga sabi-sabi nilang isa kang basagulero.’ Nasa isip niya kasi kung paano ito nagbigay sa kanya ng atensyon sa loob ng movie theater. Umalis ito para lang bilhan siya ng ice para sa kanyang pasa na sanhi ng pag-apak sa kanya ng babae kanina. Sa tingin niya ay walang ibang gagawa niyon para sa kanya, kahit pa nga ang best friend niya.
‘Teka, bakit ako biglang kinilig?’ Pilit niyang iwinaksi ito sa isipan.
Nakatitig lang sa kanya ang nakapamulsahang lalaki. Yumuko ito. “Goodnight, Fiona and please relay my best wishes to your mom on her birthday.” Paalis na ito papunta sa naka-park nitong motorsiklo sa hindi kalayuan.
“Thank you sa treat! At sa lahat…” pahabol na aniya sa lalaki.
Nagtaas lang ito ng kamay nang hindi lumingon sa kanila.
Napabuga siya ng hangin nang makapuwesto na sa passenger seat sa kotse ng kaibigan at ito ay nasa likod na ng manibela. Napatingin sa kanya si Jenna.
“O, ano?” aniya sa kaibigan.
“Wala akong sinabi, best,” ngising anito. “Makauwi na nga. Pero ang busog-busog ko, ah! Ikaw ba busog din?” Humagikhik itong pinapaandar ang kotse.
“Sumikip ang pantalon ko, best!” aniyang inalis ang butones ng pantalon at napabuga ng hangin. “Hay! Ayos na. Makakahinga na ako.” Napangisi siya sa kaibigan.
***
“Hala! Sino ang um-order niyan?” tanong ni Emma kay Fiona nang may nag-deliver ng isang malaking box na may pangalan ng kilalang brand ng washing machine. “Inihatid pa rito. Malamang malaki ang bayad niyan.”
Naratnan niya ito pagkalabas niya ng kuwarto kasi kagigising lang niya. Weekend naman kasi kaya late na siyang bumangon. Kapag ganito ay hinahayaan lang siya ng mga magulang. Sa hapon pa naman ang simba nilang mag-anak sa Quiapo.
Napakamot ng ulo si Fiona. “Tanggapin n’yo na, Ma. Ano kasi… may kaklase akong walang magawa ang pera kaya ‘ayan. Advance ang gift para sa birthday mo,” napilitang aniya.
Napalingon sa kanya ang ina mula sa may pintuan. Umalis na ang nag-deliver. Malamang naisip ng mga ito na napaka-traffic at baka gagabihin sa daan kaya imbes kahapon ay ngayon lang nai-deliver ang binili ni Cyler para sa kanyang ina. Iniisip pa niya kung talagang tatanggapin nga ba itong gift o babayaran niya nang paunti-unti. Hindi nga naman kasi sila close ng lalaki. Kahit na sabihin pang nilibre sila ni Jenna kahapon ay hindi ibig sabihing close na sila. She was not so receptive of his friendship. Yet. Kasi nga, baka pakitang-tao lang iyon. Malay niya naman kasi kung ano ang agenda ng lalaking iyon kung bakit napakabait sa kanya… o sa kanila ni Jenna.
Nagniningning ang mga mata ng ina niya. “Totoo, ‘nak? Gift ‘to para sa birthday ko? Sino ang nagbigay para mapasalamatan ko naman? Papuntahin mo kaya rito, ‘nak? Maghahanda tayo nang kaunti!”
“Ah, eh… Huwag na, Ma. Huwag na rin tayong maghanda kasi mapapagod ka lang. Magsisimba lang tayo sa birthday mo, Ma. ‘Tsaka… eh… napakayaman no’n. Baka mamaliitin lang ang handa natin, eh, ‘no?” nasabi na lang niya para hindi na mamilit ang ina.
Napangiwi siya kahit alam niyang baka hindi naman siguro iyon gagawin ni Cyler dahil pansin niyang hindi naman ito maarte. It was like maybe a little to zero. Kahit paano naman kasi ay wala pa siyang nakitang inalipusta nito. Kahit siya ay hindi nito pinagsalitaan ng nakakasakit o ginawan ng anuman para masasabi niyang binu-bully siya.
Niyakap siya ng kanyang ina na ikinabigla niya. “Anak, sabihin mo sa kanya ‘thank you,’ ah?” Bigla siya nitong pinakawalan. “Baka ikaw lang nag-iinarte diyan. Ikinahihiya mo ba kami ng papa mo?” Ngumuso ang ina niya.
Tumingin sa kisame ang dalaga. “Hay, naku, Ma! Eh, huwag na nga kasing mapilit. Basta pinasalamatan ko na ‘yon. Babawi rin ako sa taong ‘yon.” ‘Siguro…’ dagdag ng isip niya.
Tinalikuran na niya ang ina at saka pumasok sa banyo para maghilamos. Narinig naman niya ang ama na nagtanong kung saan galing ang washing machine. Hanggang sa paglabas niya ng banyo ay iyon pa rin ang paksa ng mga magulang at habang nagba-brunch sila.
“Lalaki o babae ang nagbigay niyan sa mama mo? Sumagot ka na, Nana,” anang Felipe niya na umaktong imbestigador sa tono.