Nag-order na sila at napansin ni Cyler na kaunti lang ang in-order ni Fiona.
“Hindi ka ba gutom, best?” puna ni Jenna.
“Eii… ang laki kaya no’ng popcorn. Ikaw, gutom ka?” pakli nito sa kaibigan.
Kahit papaano ay napangiti si Cyler. Kahit siya ay hindi naman talaga masyadong gutom dahil sa popcorn. Pero gusto niya pang makasama ang mga ito, lalo na si Fiona. Ewan niya kung bakit.
“I’m sure matatakam ka sa mga pagkain, best!” ani Jenna.
Nag-order na ng extra bucket ng nuggets si Cyler kung sakaling gusto pang kumain ni Fiona. Pizza ang in-order ni Jenna at spaghetti ang kay Fiona. Baka nahihiya lang din ito kasi treat niya. Hindi pa naman sila close kaya siguro nagdadalawang-isip din.
He found it cute, though.
***
Napasarap sa pagkain si Fiona. Kung bakit kasi nag-order ng nuggets si Cyler.
“O, ‘kala ko ‘di ka gutom,” nakatawang puna ni Jenna sa kanya.
Pinamulahan tuloy siya ng mukha at iniwas ang tingin mula kay Cyler na nakangiti nang bahagya. Nakaupo ito sa tapat niya habang magkatabi sila ni Jenna. Nakatitig pa ito sa kanya nang sobrang lagkit at… something else. Hindi niya mawari pero bumilis lang ang tibok ng puso niya. Ayaw man niyang isipin, pero ayaw niyang amining dahil iyon sa binata.
‘Bakit ba kasi, eii?’
Biglang tumunog ang cell phone niya na ini-on niya pagkalabas nila ng sine. Ang ama niya ang tumatawag kaya agad niya itong sinagot.
“O, ‘asan ka na, Nana? ‘Di ka dapat magpapagabi, ah!” paalala nito.
“A-ah, Pa! Ano, kumakain kami ni Jenna. May ano… nanlilibre kasi sa ‘min. Uuwi na rin kami pagkatapos nito.”
“Ah, gano’n ba? Sino ang nanlilibre sa inyo? Milagro ‘yan, ah. Si Jenna lang naman ang palaging nanlilibre sa ‘yo. Ngayon, kayo pang dalawa ang nilibre, Nana? Ano ‘yan? Babae o lalaki?”
Bigla siyang nasamid sa ininom na soft drink. Lumabas pa sa ilong niya. Agad naman siyang inabutan ng tissue ni Cyler habang tawang-tawa sa kanya si Jenna. Namumula siya sa hiya at dahil sa nangyari. Pinanlakihan niya ng mga mata ang kaibigan.
“O, ano’ng nangyari sa ‘yo?” sita ng ama.
“Nasamid lang, Pa. Ano… usap na lang tayo mamaya, ah.” Napaubo pa siya habang nag-end call na. Pinahid niya pa ang ilong at bibig. “Ang sama mo. Tinawanan mo pa ako, best!” inis na asik niya sa kaibigan.
“Ba’t ba kasi? Ano’ng sabi ng tatay mo?” nakangising tanong ng kaibigan bago sumubo ng pagkain.
“Eh… walang kuwenta.” Iniwas niya ang paningin mula kay Cyler na nakikinig lang. Nagpatuloy na siya sa pagkain.
“Ah, huhulaan ko, best! Tinanong kung bakit ka late sa pag-uwi, ‘no?”
Tumango lang siya.
“At tinanong kung may iba tayong kasama?” Pinasingkit nito ang mga mata.
Napaubo siya ulit at uminom ng soft drink. Namumula na ang mukha niya sa kauubo.
“Ano ba ‘yan? ‘Di pa ba tapos ‘yang pagkasamid mo? Nag-iinarte ka lang ‘ata, eh!” obserba ng kaibigan na umismid.
“Hus! Pakainin mo na nga lang ako nang mapayapa at nang makauwi na tayo,” angil niya kay Jenna at inirapan.
“Is your father strict?” tanong ni Cyler sa kanya.
Nganga siyang napatingin sa lalaki. Naalaala niyang may laman pala ang bibig niya kaya ngumuya na siya. Napasulyap siya kay Jenna na medyo sumeryoso ang mukhang nakatitig kay Cyler pero ang lalaki ay nakatingin pa rin sa kanya.
‘Bakit ‘yan ang tanong niya? Manliligaw ba siya o ano? Teka, hindi naman siguro. Baka curious lang. Ang ganda ko naman talaga ‘pag nanligaw siya sa ‘kin, ‘no? Isa pa, hindi naman siguro siya bulag. Sino ba ako para ligawan niya, ‘di ba? ‘Di ba?’
“I mean… he really cares whether or not you’re at your house at this time, right?” dagdag ng binata.
Tumikhim siya pagkalunok. “Hindi naman siya istrikto. Masasabi kong… um… mas nag-aalala sila ni Mama kapag hindi pa ako nakakauwi at gabi na. Bakit, ikaw? Hindi strict ang parents mo?”
Tyler snorted at that. Nilaru-laro nito ang straw kaya naghalo-halo ang ice sa ilalim ng soft drink nito. Nakatingin naman ito sa mesa pero alam niyang nasa kawalan ang isip nito.
“My parents are… busy with work. They come in late, so it doesn’t matter to them.” Nagtaas ito ng tingin sa kanya at nagsalubong ang kanilang mga mata. “I think you’re lucky to have such caring parents.”
Biglang katahimikan ang namayani sa pagitan nila. Ang utak niya ay nakatuon sa binata, kung anong klase ang mga magulang nito na hindi man lang aalamin kung nasaan ang anak nila sa oras ng dinner. Kahit naman siguro ipagpalagay na ngang busy ang mga ito, hindi naman aabot ng isang minuto ang pagtawag para alamin kung ano ang ginagawa ng anak nila. O kung nakauwi na o nakakain na o kaya ay gumagawa ng assignment. Tipong ganoon.
Ang ama kasi ni Fiona ay tumatawag kapag nale-late sa pag-uwi dahil nag-o-OT. Tinatanong silang mag-ina kung nakakain na o kung ano na ang ginagawa at sasabihin kung anong oras sa tantiya nito ang uwi. Para naman sa gayon ay hindi rin sila nag-aalala rito kung bakit late sa pag-uwi o kaya ay nakakain na rin ba ito sa opisina.
“Eii… Hindi ba mas mabuti ang malaya ka? Lalaki ka naman. Hindi ka na baby.” Pilit niyang pinapagaan ang loob nito.
Napatawa naman si Cyler na napatingin ulit sa kanya nang malagkit.
‘Teka, mali yata ang sinabi ko.’
Napabunghalit ng tawa si Jenna dahil doon. “Oo nga, Cyler. ‘Tsaka siguro alam naman na nilang responsable ka. Kaya baka gano’n. Hindi na nila kailangang i-check kung ano ang mga ginagawa mo,” segunda ng kaibigan.
Tumango na lang si Fiona bilang pagsang-ayon. “Okay naman ang grades mo kasi, ‘di ba? Hindi ka na nga lang matalino, guwapo ka pa at—” Biglang natutop niya ang bibig. Umakto na lang siyang umubo.
Tumawa si Cyler sa kanya nang marahan. “Pakiulit nga ‘yong sinabi mo.”
Lumamon na lang siya imbes na ulitin ang sinabi niya. Pagkatapos ay tumayo na.
“Tara, uwi na tayo,” pag-aya niya.
Naiiling na lang si Cyler habang napatawa si Jenna. Nanunukso ang mga mata nitong napatingin sa kanya pero kahit papaano ay wala na itong sinabi.