“Jusko! Bibigyan mo ba ako heart attack?” Namilog ang mga mata ni Fiona na nakatitig sa binata.
Napatawa ito nang mahina. Nakasuot ng faded blue ripped jeans sa tuhod at hita na pinaresan ng round neck T-shirt na light blue at maong na jacket si Cyler. Ito rin ang suot ng binata kanina sa ospital.
Ikinuros ng raggedly handsome na kaklase ang mga braso habang nakatitig sa kanya. He still wore that toothless smile.
“I was wondering what’s interesting inside. You looked so… fascinated by it,” tugon nito.
Napakurap-kurap si Fiona saka inirapan niya ito. “Pakialamero. Lalaki ka ba talaga?”
He snorted at that. Samantalang sinilip-silip na naman ng dalaga ang nasa loob ng isa pang washing machine na top loader. May dryer din itong kasama.
“Nasira ‘yong lumang washing machine namin noong isang taon pa, so kinakamay na lang ni Mama ang labahan namin. Hindi pa kasi kasama sa budget namin dahil… medyo kapos kami ngayon dahil sa tuition fee ko ngayong taon.” She straightened up and squinted her eyes at him.
“So, you’re window shopping for your mom?” May bahid na pagkamangha sa tono ng lalaki.
Naglakad na ang dalaga patungo sa iba pang naka-display na washing machine. Sinuri niya ang presyo ng bawat isa sa mga nito. Pinakamura niyang nakita na may magandang brand ay nasa limang libo. Nasa anim na kilo rin ang puwedeng ilo-load nito. Napaisip siya kung puwede niyang pag-ipunan ito o kaya ay manghihiram muna siya kay Ate Cynthia niya. Alam niyang hindi siya hihindian nito pero ang problema niya ay kung hanggang kailan ito mababayaran kung saka-sakali.
Mag-isa na lang sa buhay ang kanyang pinsan dahil kapwa pumanaw sa cancer ang mga magulang nito. Buti na lang nakatapos na rin sa pag-aaral ang doktor nang mangyari iyon at baka hindi maganda ang pamumuhay nito ngayon. May nasalo pa kasing utang si Cynthia nang mamatay ang ama dahil nag-loan ito sa bangko para ipagamot ang ina subalit naubos lang iyon at ang ama naman ang nagkasakit. Kaya rin naman sana itong ipagamot ng pinsan ngunit huli na ang lahat. No wonder her cousin had been health conscious since then.
“Next month na rin kasi ang birthday niya at naisip kong maganda siyang pang-regalo,” pagbahagi naman niya.
“I see. I heard the front loader is better than the top loader. It uses forty percent less water, and it’s energy efficient.”
Napakurap-kurap ang dalagang napaawang ang labi habang nakatitig sa lalaki. Samantalang ito ay nakatitig namang maigi sa kanyang magandang mukha.
“Huh? Saan mo naman narinig ‘yan?”
“Manang Kiki, yaya namin ng kapatid ko.”
Napaismid lang siya at tumango.
“I’ll buy it for you, if you want,” biglang alok ng binatang nakangiti sa kanya nang matamis.
Mabilis siyang umiling. “Huh? Ano? Huwag. Ba’t mo naman gagawin ‘yon?”
“Regalo para sa mama mo,” tugon ni Cyler. Tila hinaplos ng mga mata nito ang kanyang mukha habang nakatitig sa kanya.
Biglang nanuyo ang lalamunan niya. “Huwag ka nang mag-abala. Hindi naman tayo close para gawin mo ‘yan.”
Tumiim ang mukha ng lalaki. “What if I want to do it and I want to get close to you?”
Hindi nakatinag si Fiona nang ilang saglit. Gusto niyang masamid pero walang nangyari. “Ayoko nga. Huwag ka nang mamilit pa,” giit na lang niya.
“Hey, Fiona. I’m serious. Isipin mo na lang na regalo ko ‘yon para sa mama mo.” Saka ngumiti ito sa kanya.
Parang nasisilaw ang dalaga sa ngiti nito. Kaya naman ay hindi na siya nakagalaw o nakapagsalita man lang habang kinausap na nito ang isang staff sa store. Agad na kumilos ito at ibinigay ang credit card.
“They will deliver it straight to your address, so it won’t be a hassle for you.”
Napamaang siya nang kaunti bago tumikhim. “H-hindi mo na sana ginawa ‘yon.”
“No, but I insist.” Titig na titig ito sa kanyang mga mata.
“Eh… pa’no mo nalaman ang address ko?” Gusto niyang mapahumindig sa isiping ito.
“Nasabayan ko kayo minsan ni Jenna galing school kaya alam ko.”
“Huh? Stalker kita?”
Kumibit ang lalaki at napakurap-kurap ang dalaga. Magsalita sana siya nang tumunog ang kanyang cell phone at tinalikuran na ang lalaki upang sagutin ang kanyang matalik na kaibigan.
“O, ‘asan ka na, best?” tanong niya. Gusto niyang matakot kay Cyler pero bakit hindi?
“Sa tabi-tabi, parang busy ka yata kay Cyler, eh. Ano, cancel na lang tayo?” anang kaibigan niya na may panunudyo sa tono.
Hinanap ng kanyang paningin ang kaibigan ngunit hindi niya ito makita. “Hoy, ano ka? Hindi, ah! Ano ba ‘yang pinagsasabi mo? Nagkataon lang na nagkita kami rito, ‘no?” pabulong na asik niya kay Jenna.
Tinawanan siya ng kanyang kaibigan sa kabilang linya. “Huwag ka ngang maimbyerna sa ‘kin. Binibiro lang naman kita. Pero… seryoso ‘yang kasama mo, ah. Titig na titig sa ‘yo, o,” puna nito.
Marahang napapihit si Fiona para sulyapan ang lalaki. Tuloy ay nagtagpo ang kanilang paningin ng binata.
“Huwag ka na ngang ano. Sige na, pupuntahan na kita,” aniya sa kaibigan.
“Ako na ang pupunta diyan,” anito.
Marahang napapihit si Fiona kay Cyler. Hindi niya alam kung ano gagawin o sasabihin.
“O, ba’t magkasama kayo?” bungad na tanong ni Jenna nang sumulpot na ito sa tabi niya.
“Oh, I just happened to pass by and saw Fiona.” Kumibit ang lalaki.
“Ah. O, ano? Nood na tayo?” Hinawakan ni Jenna sa kamay si Fiona. Akma na nilang iwan si Cyler nang magsalita ito.
“Manonood kayo ng sine? May I join you?”