Finale

Two years later.

Kaybilis nang panahong lumipas. Nasa dalampasigan si Huimy at nagmamasid sa lawak ng karagatan. Malamig ang simoy ng hangin na dumadampi sa kanyang balat. Ang alon ng dagat na tila napakakalma ay nagdudulot ng kapanatagan sa kanyang puso.

Tumingala siya sa langit at napangiti nang makita ang bituin na si Venus. Tulad ng dati, nangingibabaw ang ningning nito at kalakihan sa lahat ng mga bituin. Kayganda ring pagmasdan ang buwan na malapit rito at bilog na bilog. Paborito ng mga mata niya ang tanawing ito tulad rin noong bata pa siya.

Abala siya sa pagtingin sa bituin nang bigla na lang may tumakip sa kanyang mata. Isang pamilyar na kamay na agad niyang hinawakan dahil alam niyang ito lang naman ang mahilig gumawa nito sa kanya.

“Alam kong ikaw iyan, Clark,” sabi niya saka inalis ang kamay na tumakip sa kanyang mga mata. Humagikhik ito nang lingunin niya.

“Ang galing mo talagang manghula, Mommy,” natatawang sabi ng kanyang anak.

Nakakatuwang isipin na ang batang ito ay lumaking napakaguwapo at mabait. Siyam na taong gulang na ito at mukhang kaunting panahon pa at malalakihan na siya nito. Matangkad kasi si Clark sa edad nitong siyam.

Hinawakan niya ang ulo nito at ginulo iyon. “Lagi mong ginagawa kaya alam ko na. Ikaw talaga.”

Tumawa itong muli bago nagsalita, “Hinahanap ka na po ni Tita Trisha, Mommy. Nandoon na po sila sa cottage.”

“Okay,” aniya saka tumayo. Ipinagpag muna niya ang buhangin na dumikit sa kanyang mga hita. Hinawakan niya ang kamay nito at sabay na silang naglakad patungo sa pinakamalaking cottage na naroon.

Nandito sila ngayon sa Bulacan, sa resort na pag-aari ni Sir Francis. Dito kasi ginanap ang kasal nito kaya naman imbitado ang lahat ng mga kasamahan nilang empleyado sa agency.

“Thank you sa inyong lahat sa pagdalo ninyo sa kasal namin ni Trisha. Cheers!” masiglang sabi nito sabay taas ng basong may lamang wine. Nakaakbay pa ito sa asawang halatang tuwang-tuwa dahil sa wakas ay natupad na rin nito ang pangarap na maikasal sa lalaking matagal na itinatangi ng kanyang puso. Hanga rin naman siya sa determinasyon ni Trisha para lang makamit ang matagal na inaasam na binata. Natatawa na lang siya kapag naiisip niya ang mga kalokohang ginawa nito para lang mapansin ni Sir Francis.

Pagkatapos nang reception ay kanya-kanya nang kasiyahan ang mga bisitang dumalo. May mga nag-iinom na mga kalalakihan at kababaihan sa cottage. Ang iba naman ay nagtungo na sa dagat para maglangoy.

Nakamasid lamang siya sa naglalarong si Clark. Nasa tabing dagat ito at gumagawa ng kastilyong buhangin. Nakaupo naman siya malapit sa bon fire.

“Nandito ka lang pala.” Napalingon siya lalaking nagsalita. Napangiti siya nang makita niya ang mukha nitong nakangiti. Kitang-kita ang mga dimples nito sa magkabilang pisngi.

“Renz,” nasambit niya habang nakatitig sa mukha nito.

“We've been searching for you all over the resort pero andito ka lang pala at nagsesenti,” sabi naman ng babaeng kasama nito kaya't nilingon niya rin ito at nginitian.

“Monique.” Niyakap niya ito at hinalikan sa pisngi bilang pagbati. Gumanti naman ito ng yakap.

“Naglalaro kasi si Clark ng buhangin kaya binabantayan ko.”

“Hay naku, praning kasi itong asawa mo. Nalingat ka lang ng kaunti akala mo naman nilamon ka na ng blackhole,” natatawang sabi nito. Huimy and Monique are good friends now. Malapit na rin itong ikasal sa boyfriend nitong Canadian.

Umakbay naman si Renz sa kanya at mabilis siyang hinalikan sa labi. “Ayoko na kasing mawala muli ang pinakamamahal ko,” anito na nakatitig sa mga mata niya. Parang lumukso naman ang kanyang puso dahil sa tuwa.

Parang kailan lang nang dumating ang mga pagsubok na muntik nang sumira ng tuluyan sa kanila ni Renz. Parang kailan lang nang paulit-ulit na madurog ang puso niya dahil sa paulit-ulit nilang paghihiwalay. Ngunit kahit gaano pa man kalupit sa kanila ang tadhana ay naging mabuti pa rin ito sa huli. Sadyang kung tunay ang pagmamahal, walang makapipigil kahit tadhana pa ito o mga maling naging desisyon. Dahil ang mga mali ay puwedeng itama at ang pagmamahal ay laging magtatagumpay.

Napangiti siya nang maalala ang nakaraan, sa kung paano nila napagtagumpayan ang kanilang pag-iibigan.

Mahirap kay Huimy ang naging desisyong iwasan at kalimutan nang tuluyan si Renz. Para na rin siyang nagpakamatay dahil kalahati ng puso niya ay naiwan sa binata nang iwan niya ito nang gabing iyon.

Magdamag siyang umiyak na parang wala nang bukas. Halos ilang araw siyang parang robot na gumagalaw lang dahil kailangan. Dahil may responsibilad siyang dapat gampanan. Robot na umiiyak pa rin pagkatapos ng trabaho.

At tulad nang lagi niyang nakakasanayan, nakatingala pa rin siya sa mga bituin habang inaaalala ang mga alaala nilang dalawa. Panay ang malalim niyang paghinga habang pinipigilan ang mga luhang kumakawala sa mga mata.

Ginambala lamang siya ng isang tawag sa kanyang cell phone kaya naman agad niyang dinampot iyon.

“Oh Trisha,” matamlay niyang bati.

“Hoy Huimy, huwag mong sabihing nag-e-emote ka na naman diyan. Tigilan mo na iyan.”

“Tumawag ka ba para sermunan ako?” mataray ngunit matamlay pa ring tanong niya.

“Of course not. May sasabihin akong importanteng mahalagang bagay kaya ako napatawag!” masiglang sabi nito. Tila kinikilig pa ito at kung hindi siya nagkakamali, si Sir Francis lang ang dahilan niyon.

“Ano naman iyang importanteng mahalagang bagay na iyan?”

“Nagyayaya ulit si Sir Francis na mag-outing. Sama tayo ha?”

Napaikot ang kanyang mata. Sinasabi niya na nga ba? Kahit hindi importante basta tungkol kay sir Francis, mahalaga para kay Trisha.

“Hindi—” Sasagot pa sana siya pero bago pa niya naituloy ang sinasabi ay inunahan na siya nito.

“I won't take no for an answer! You will come or you will come. That’ the only choices you have.”

“Pero—”

“No oh-oh, walang pero-pero. Basta mag-impake ka na. After work tomorrow, diretso na tayo sa Bulacan.” Binabaan na siya nito ng cell phone kaya hindi na siya nakatanggi. Napailing na lang siya.

Nakarating sila sa Bulacan nang alas siyete ng gabi. Dumiretso na sila ni Trisha sa kuwarto na nakalaan para sa kanilang overnight. Iniwan lang nila ang mga gamit at nagyaya na agad si Trisha na magtungo sa tabing dagat.

Nang makarating sila sa tabing dagat ay hinila naman siya nito patungo sa may cottage na nasa hindi kalayuan.

“Tara. Doon tayo. May videoke doon. Kanta tayo,”sabi pa nito.

Wala naman siyang nagawa kundi ang sumunod. Napatigil lang siya sa may pinto ng cottage nang makita si Renz. Nakatayo ito sa gilid ng videoke machine at may hawak na mikropono.

Nagulat siya nang makita ang lahat na naroon. Lahat ng mga kasamahan niya sa trabaho, maging ang mga kapatid niya at mga magulang, pati na rin si Clark. Nakatingin ang lahat sa kanya na may ngiti sa mga labi.

Paano silang nakarating dito?

Lumakas ang kabog ng kanyang dibdib nang mag-umpisang magsalita si Renz,

"Ang kantang ito ay para sa taong pinakamamahal ko mula noon hanggang ngayon."

Nakatingin si Renz sa kanya habang papalapit sa kinaroroonan niya. Para naman siyang natulos sa kinatatayuan. Nakatitig lamang siya sa binata. Nang makalapit ito ay hinawakan nito ang kanyang kamay at inalalayan patungo sa gitna.

Nag-umpisa ang intro ng kanta. Hawak pa rin ni Renz ang kanyang mga kamay habang nakatingin sa screen ng videoke.

Hindi ka nawala, sa isip ko...

Kahit nagkalayo, ang puso ko ay nasa'yo.

Hindi pa rin nagbabago itong aking nadarama.

Mahal kita 'di ba, dati pa...

Dati pa... ganon na 'yon...

Umiibig pa rin sa'yo hanggang ngayon...

At lagi kang mahal,

Hindi ako mag-iiba,

Mahal kita 'di ba, dati pa…

Hindi na niya napigilan ang mga luhang nag-unahang bumagsak sa kanyang pisngi habang tinititigan ito. Mixed emotions but more on tears of joy. Hindi niya kasi akalaing marunong itong kumanta. Kapag kasi niyayaya niya itong kumanta noon ay laging tumatanggi at sinasabing hindi marunong kumanta kaya ang nangyayari, siya pa rin ang tagakanta, taga-pakinig lang niya ito.

Hindi ka nalimutan kahit kailan.

Laging hinahanap, hinahanap kahit saan...

hindi pa rin nagbabago...'di ka nag-iiba...

Mahal mo rin ako 'dati pa...

Dati pa... ganon na 'yon

Umiibig pa rin sa'yo hanggang ngayon...

At lagi kang mahal...

Hindi ako mag-iiba,

Mahal kita 'di ba, dati pa...

Sinabayan na niya ito sa pagkanta nang ipagitna nito sa kanilang dalawa ang mikropono.

Bumalik ang kahapon

na minsa'y nagdaan...

Naulit ang tunay na pagmamahalan...

Dati pa... ganon na 'yon...

Umiibig pa rin sa'yo hanggang ngayon...

At lagi kang mahal...

Hindi ako mag-iiba...

Mahal kita 'di ba, dati pa.

Matapos ang kanta ay niyakap siya nito nang mahigpit na para bang ayaw na siyang pakawalan. Lumuluha pa rin ang kanyang mga mata dahil sa 'di maipaliwanag na kaligayahan. Gumanti na rin siya ng yakap dito.

Nang kumalas ito sa pagkakayakap ay ginagap nito ang mukha niya. Pinunasan nito ang kanyang mga luha at tinitigan sa mga mata. Tanging pag-ibig ang nababasa niya sa mga mata nito.

“Huimy, I'm sorry. Sorry sa lahat ng pagkukulang ko sa'yo dati. Sa mga pangakong nasira. Sa pag-ibig na hindi ko nasabi. Sa mga sakit na naranasan mo dahil sa pagmamahal mo sa akin. Sorry sa lahat-lahat.” Nakita niya ang pagtulo ng luha pisngi nito.

“Ang bawat mensahe sa kantang iyon ay para sa'yo. Matagal ko na dapat pinagtapat sa'yo ang lahat ngunit natakot ako. Takot na hindi ko dapat naramdaman noon. I lose you because of my stupidity. Now, I will never lose you again. Give me a chance to prove it to you.”

Ramdam niya ang sensiridad sa mga sinabi nito ngunit bigla niyang naalala ang isang tao na naging dahilan kung bakit kailangan niyang layuan si Renz.

“Pero paano si Monique?” Sa kabila nang tuwang nararamdaman ay naroon pa rin sa kanya ang pag-aalinlangan. Naiisip pa rin niya ang matagal na relasyon nito kay Monique.

“I made my choice and I choose you. Nag-usap na kami. Alam kong masakit sa kanya pero tinanggap niya na ang katotohanang ikaw talaga mahal ko at hindi siya.”

Nakaramdam siya ng awa kay Monique. Being rejected by someone you love was so painful. Ilang beses na niyang naramdaman ang ganoon kaya alam niya kung gaano kasakit. Umaasa na lamang siya na makatagpo si Monique ng lalaking magmamahal sa kanya.

Ngumiti siya at hinaplos ang mukha ni Renz. Inaamin niyang na-miss niya ang lalaking ito at sobrang mahal niya ito mula pa noon hanggang ngayon. Hinagkan niya ito bilang tugon sa mga sinabi nito.

Action is louder than voice.

Pagkatapos nang masayang kumustahan nila ni Monique ay naisipan nilang mag-asawa na maglakad-lakad sa tabing-dagat. Magkahawak ang mga kamay nila habang nakatingala sa kalangitan.

Hindi matatawaran ang sayang nararamdaman niya sa mga sandaling ito. Ang lalaking nasa tabi niya ang bumuo sa kanyang buhay. Ang tagal nang panahong hinintay niyang dumating ang kanyang prince charming at ngayon nga ay nandito na.

Sinulyapan niya ito at tinitigan. Sa loob ng ilang taon, wala mang naging komunikasyon pero nanatiling magkadugtong ang mga puso nila. Gumawa ang Dios ng paraan upang muli silang paglapitin.

“Nagu-gwapuhan ka na naman sa asawa mo 'no?” biro ni Renz nang mahuli siya nitong nakatitig.

Kinurot naman niya ito sa tagiliran kaya't natatawa itong pumilipit. “Ang yabang mo talaga.”

“Anong kayabangan doon? Totoo naman 'di ba?” Nag-ala Mr. Pogi pa ito na inilagay ang daliri sa baba. Natawa naman siya.

“Puro ka kalokohan,” sabi niya sabay irap. Umupo siya sa buhangin at tumingala sa langit. Naramdaman naman niyang tumabi ito sa kanya.

“Naaalala mo pa ba noong magkasama tayong nakatingala sa bituin at sabay na nag-wish?” Napasulyap siya sa katabi nang magsalita ito. Nakatingala na rin ito sa langit habang nakatukod ang mga kamay sa buhangin.

“Oo naman. Nag-wish ako ng prince charming noon pero ang tagal bago ibinigay ng langit.”

“Alam mo ba kung anong hiniling ko?”

“Hindi. Hindi mo naman kasi sinabi sa akin e.” Napasimangot siya nang maalala na lagi niyang tinatanong ito kung anong hiniling nito sa bituin pero hindi siya sinasagot.

Hinawakan nito ang kanyang kamay at itinaas iyon sa langit.

“I wish to that star,” sabi nito sabay turo sa bituin gamit ang daliri nito na nakahawak sa kanyang kamay. “That someday I can hold the hand of the girl in my dreams.”

Tinitigan siya nito na naging dahilan para bumilis ang tibok ng kanyang puso.

“You know who's the girl in my dreams?” Kumibit balikat naman siya, wala naman kasi talaga siyang idea sa tinutukoy nito. Malay ba niya kung may ibang babae pang laman ang panaginip nito. “That was you. The moment I saw you in the basketball court, I knew it was you. Nagkamali nga lang ako nang pagdiskarte dahil naunahan ako ni Robert. Naligawan ko tuloy si Kit nang hindi oras.”

Hinampas naman niya ito sa braso. “Why you didn't tell me before? Kainis ka! Ang dami kong iyak sa'yo. Sa dami ng liligawan mo, kapatid ko pa.”

“I told you, I made a lot of mistake before but after all that happened to us, pinagsisihan ko na lahat iyon at patuloy kong pinapatunayan sa'yo na ikaw lang ang nag-iisang babaeng minahal ko nang ganito. Mula noon, hanggang ngayon.”

Para namang nilusaw ang kanyang puso. Ang matatamis nitong mga salita ang lubos na nagpapakilig sa kanya.

“Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil kahit matagal, tinupad niya ang hiling ko. Ngayon ko na na-realize na napakahirap talagang abutin ang bituin at kung maabot mo iyon, ikaw na ang pinakamasuwerteng tao. Masasabi kong ako na ang pinakamasuwerte dahil nakuha na kita. You are the man of my life, my last star, my forever.”

Hinalikan siya nito bilang tugon.

“Naalala mo ito?” pagdaka'y tanong niya sabay taas ng kamay. Ipinakita niya ang hinliit na daliri bilang sumpaan. Ginaya naman siya ni Renz at pinag-krus nila ang hinliliit nilang dalawa.

“Best friend forever,” sabay nilang sambit.

Oo, they are lovers but still best of friends. Wala nang lihim sa isa't isa. Nagbalik na ang tiwala at pagmamahal nilang dalawa at wala nang sinumang makasisira pa niyon.

Muling naglapat ang kanilang mga labi. Ramdam niya ang labis na pagmamahal sa init ng mga halik nito.

“Mommy? Daddy?” Agad naghiwalay ang mga labi nila nang biglang pumagitna sa kanila si Clark. Natawa silang dalawa bago binalingan ang anak. Tumayo silang dalawa at hinawakan sa magkabilang kamay ang bata.

Isang masayang pamilya ang ngayo'y nakatayo sa tabing dagat habang nakatingin sa mga bituin sa langit. Wala na siyang hihilingin pa. Natupad na ang matagal niyang pinapangarap.

"Ang makasama ang lalaking magtatagal sa buhay niya... forever. Ang kanyang prince charming at happy ever after."

The End