Chapter 25
“Ano ka ba? Iyon na sana ang tamang pagkakataon para magkakilala ang mag-ama, iniwas mo pa. Loka-loka ka talaga,” sermon ni Trisha sa kanya habang nakaupo silang dalawa may couch.
Nasa bahay niya ito para makipagkuwentuhan. Dito ang tambayan nito kapag wala silang pasok sa trabaho. Minsan namamasyal din sila sa mall pero ngayon, wala sila sa mood maggala kaya foodtrip na lang sila sa bahay.
“Hindi ganoon kadali ang sinasabi mo. Baka mabigla si Clark kapag nalaman niyang iba pala ang daddy niya.”
“Eh 'di ipaliwanag mo, pitong taon na si Clark. Maiintindihan na naman niya iyon kahit papaano at isa pa, sabik na din 'yon magkaroon ulit ng daddy.” Buti na lang at wala si Clark ng araw na iyon, sinundo ito ni Kit para dumalaw sa kanyang ina kung hindi panay na rin ang tanong niyon kapag narinig itong kadaldalan ni Trisha.
Napaisip naman siya sa sinabi nito. Matagal na rin nang mawala si Daryl sa buhay nilang mag-ina. Naging mabuting asawa ito sa kanya at ama para kay Clark. Napakamaunawain nito sa lahat ng bagay at hindi ito nagkulang sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanilang mag-ina.
Napalapit na rin ang loob niya kay Daryl. Hindi naman kasi ito mahirap mahalin. Ngunit sadyang hindi na nito kinaya ang lung cancer nito. Matagal itong nakipaglaban sa sakit na iyon ngunit sa huli ay hindi na rin kinaya ng katawan. Halos tatlong taon din nila itong nakasama.
Sumagi sa isip niya ang huling sinabi nito bago bawian ng buhay.
“I love you Huimy. Thank you for accepting me into your life. Masaya ako na sa huling buhay ko, ikaw ang nakasama ko.”
Nakakapanghinayang talaga ang isang tulad ni Daryl. Lubos kung magmahal at walang katulad. Hindi niya pinagsisisihan na naging parte ito ng buhay nilang mag-ina.
“Kung ako sa'yo mglalakas loob na ako na magsabi sa kanya. Pitong taon din ang nawala sa mag-ama para magkasama at maging masaya. Pati na rin sa'yo.”
Napabuntong hininga siya. “Siguro nga tama ka. Pero hindi pa rin ako makapagdesisyon sa bagay na iyon. Para kasing ang hirap, pitong taon kaming hindi nagkita at ngayon bibiglain ko siya sa katotohanang iyon? Hindi pa rin ako sigurado kung may iba ng nagmamay-ari ng puso niya.”
“Eh 'di tanungin mo siya. Sabi nga nila, the truth will set you free. Tutal nagkalinawan na kayo tungkol sa nakaraan, ituloy n'yo na, alang-alang kay Clark.”
“Bahala na. Sana nga tama ang gagawin kong pagtatapat sa kanya. Bahala na kung anong kapalaran ang naghihintay sa aming dalawa.”
Tinawagan niya si Renz sa numero na ibinigay nito sa kanya bago sila magkahiwalay. Ibinigay iyon ni Renz sa kanya sa pag-asang magbabago ang desisyon niya sa inaalok nitong pagkakaibigan.
“Hello Renz, si Huimy ito,” bungad niya nang sagutin nito ang tawag.
“Oh best, ikaw pala. Kumusta ka na?” masiglang bati nito sa kabilang linya. Bahagya siyang napangiti sa endearment na sinabi ng binata. Naalala niya tuloy ang mga panahong maayos pa ang kanilang samahan at ganoon ang tawagan nilang dalawa.
“Okay naman ako. Hmmm... m-may sasabihin sana ako sa'yo,” kinakabahang sabi siya.
“Ha? Ano 'yon?”
“P-p'wede ba tayong magkita? Gusto kitang makausap ng personal.”
“Oo naman. Saan mo gustong magkita tayo?”
“Ah... sa Robinson's na lang, mamayang alas s'yete.”
“Gusto mo bang sunduin na kita sa bahay mo?”
“Ah, hindi na. Kaya ko na. Malapit lang naman 'yon dito. Doon na lang tayo magkita.”
“Okay,” sang-ayon naman nito.
Malakas pa rin ang tibok ng puso niya nang maibaba ang telepono. Malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya para mapakalma ang sarili. Sa kabila ng matinding kaba, umaasa pa rin ang puso niya na sana'y mabuo ang pamilya nila. Na sana hindi pa huli ang lahat para sa kanilang dalawa at sana ay mahal pa rin siya nito hanggang ngayon. Tulad ng damdamin niya na hindi nagbago lumipas man ang maraming taon.
Tatlumpung minuto bago ang usapan nila ni Renz ay nakarating na siya sa may food court at matiyagang naghihintay sa binata.
Nagte-text siya kay Trisha habang naghihintay. Panay din kasi ang tanong nito. Nakukulitan na nga siya at gusto na niyang i-off ang cellphone dangan nga lamang at nag-aalala din siya na baka biglang tumawag si Renz.
Pasado ala-siyete na ay wala pa rin si Renz. Naisip niyang tawagan ito ngunit nagdalawang-isip naman siya. Nahihiya pa rin siya dito. Inisip na lang niyang baka na-traffic lang ito.
Sampung minuto pa ang lumipas. Napatingin siya sa kanyang relo, 7:20pm ang nakarehistro roon. Halos mag-iisang oras na siyang naghihintay.
“Best!”
Tatayo na sana siya sa kinauupuan nang may tumawag sa kanya buhat sa likuran. Alam niyang boses ni Renz iyon kaya agad siyang lumingon. Nawala ang ngiti sa kanyang labi nang makitang papalapit ito at may kasamang isang magandang babae. Hindi niya maiwasang mapatitig sa magkahawak na mga kamay ng dalawa. Para siyang sinibat at tumagos iyon sa kanyang puso. May palagay siyang karelasyon ni Renz ang babaeng maganda na nasa harapan niya ngayon. Base na rin sa gesture ng mga ito.
“Pasensya ka na kung natagalan ako ha? Sinundo ko pa kasi si Monique,” paliwanag ni Renz. Alanganin ang ngiti nito na halatang nahihiya dahil pinaghintay siya. “Nasabi ko kasi na sa Robinson's ako pupunta kaya sabi n'ya sasama raw siya para makapag-shopping.”
Wala siyang tugon. Nanatiling nakapako ang tingin niya sa kamay ng dalawa. Walang salitang nais lumabas sa kanyang bibig. Alam naman niyang hindi imposible na may karelasyon na si Renz pero ang makita ito ng harapan ay hindi siya naging handa. Hindi niya alam ang dapat sabihin at dapat maramdaman.
Tumaas ang tingin niya sa mukha ng babae. Nakangiti ito sa kanya kaya't kitang-kita niya ang pantay-pantay at mapuputing ngipin nito na lalong nagpalutang sa ganda nito. Maputi rin ang babae, matangos ang ilong, singkit ng kaunti ang mga mata, manipis rin ang labi na natural ang pagkapula. Halatang maganda ito kahit walang make-up. Maamo rin ang mukha nito. Papasa itong artista kung mag-a-audition lang ito. Bigla siyang nakaramdam ng insecurity. Halatang wala siyang panlaban dito kung ganda ng mukha at katawan lang ang pag-uusapan.
“Hi! I'm Monique, girlfriend ni Renz.” Nag-abot ito ng kamay sa kanya pero nanatili siyang nakatitig dito. Atubili pa siyang tanggapin iyon. Kung hindi pa biglang tumikhim si Renz ay hindi pa siya matitinag at aabutin ang kamay nito.
“H-huimy,” tipid niyang tugon.
“Finally, na-meet ko rin ang long lost best friend niya,” masiglang sabi nito sabay yakap sa kanya. Nagulat siya sa inakto nito. Hindi niya akalaing ganito ito ka-friendly. Hindi naman niya maramdaman na may kaplastikan ang ginawa nito. Sa palagay niya ay natural na dito ang pagiging mabait.
Hindi pa rin siya nakaimik hanggang makaupo silang tatlo. Nakatingin lang siya sa dalawa at ni hindi magawang ngumiti man lang.
“Mukhang masayang-masaya sila at mahal na mahal nila ang isa't isa. Matagal na kaya sila?”| Hindi maiwasang naisaloob niya.
“Uy, best!” Nagulat pa siya nang tawagin siya ni Renz. “Kanina ka pa tahimik ah. May problema ba?” Mukhang nag-aalala ito sa kanya.
Umiling siya at tipid na ngumiti. “Masama lang ang pakiramdam ko,” pagsisinungaling niya. Maayos naman ang kanyang pakiramdam kanina pero ngayong nakita niya ang girlfriend nito ay parang tumamlay siya.
“Uminom ka ba ng gamot? Huwag mong pabayaan ang sarili mo. Pag-uwi mo magpahinga ka agad okay?”
Tumango lang siya. Nag-umpisa namang magsalita ang babae.
“You're Huimy, right?” Tumango ulit siya. “Minsan ka lang naikuwento sa akin ni Renz. He said that you're a bakasyonista in their province and you've became best of friends but long distance. Hindi ako makapaniwalang tumagal ang friendship n'yo by only texting and calling.” Parang amaze na amaze ito habang nagkukwento. Nakikinig lang naman siya.
“Hindi niya ba nasabi sa'yong patay na patay ako sa kanya?” Sa sarili lang niya sinabi iyon. Ayaw niyang biglang magbago ang mood nito kaya hinayaan lang niyang magpatuloy ito sa pagsasalita.
“But he said that after five years you've missed your communications. Anong nangyari?”
Hindi niya akalaing magtatanong iyon ng ganoon. Napatingin siya kay Renz pero blangko ang ekspresyon nito. Hindi niya mabasa ang nasa isip nito.
“I lost my simcard.” Iyon lang naisip niyang isagot.
“Oh, I see.” Napatango na lang ito.
“Alam mo ba? Three years na kami ni Renz.” Nasagot ang tanong na kaninang nasa isip lamang niya. “Pero masyado pa ring malihim. Kung hindi ko pa kukulitin hindi sasabihin sa akin. Hindi nga niya ako dapat isasama eh, pero nagpumilit ako. Gusto kasi kitang makilala.”
“Ano pa bang naikuwento n'ya sa'yo tungkol sa akin?” Sandali siyang sumulyap kay Renz. Nagtama ang kanilang mga mata kaya't mabilis siyang umiwas.
“Naku, limited nga lang ang nasabi niya sa akin. Kay Francis ko pa nalaman na ikaw ang nawawala niyang best friend. Magkasama raw kayo sa Bulacan at parang doon yata kayo nagkaayos. Parang ganoon ang pagkakasabi ni Francis. I wonder kung mag-best friend lang ba kayo o naging mag-ex kayo?”
Nagulat siya sa tanong nito kaya't bigla siyang napalunok kahit hindi pa niya naisusubo ang pagkaing nasa kanyang plato. At ngayon lang niya napagtanto na malamig na ang pagkain niya dahil hindi na niya ito napansin. May natuon kasi ang atensiyon niya sa babaeng kasama ni Renz.
“Ikaw talaga Monique. Ayaw paawat ng bibig mo,” saway naman ni Renz.
“O-okay lang. Nakakatuwa nga siya e. Sa tingin ko magiging close kami," nasabi na lang niya saka pilit na ngumiti.
“Sa palagay ko rin,” masiglang sabi pa nito. “By the way, now that we found you and you are my fiancé's best friend, puwede ba kitang kuning maging maid of honor? Wala kasi akong best friend na babae. Puro lalaki kasi ang mga friends ko.”
“M-maid of h-honor?” Parang nalunok na naman niya ang kanyang dila at halos hindi lumalabas ang mga letra sa kanyang bibig.
“Yap! We're planning to get married soon. Wala pang date pero nag-propose na siya sa akin last month.” Tuwang-tuwang pagbabalita nito sabay taas ng kaliwang kamay. Ipinakita nito ang singsing na suot.
Halos manlambot ang kanyang tuhod sa narinig. Kung hindi lang sila nakaupo ay marahil bumulagta na siya sa sahig. Ramdam niya ang hapdi sa puso niya, tila ba nabasag iyon na gaya ng salamin at nagkadurog-durog. Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang mga mata. Mas masakit ngayon kaysa noong una niyang nalaman na ikakasal si Renz. Mas masakit ngayon kaysa dati sapagkat ngayon, hindi na ito gawa-gawa lang. Totoo na ang sinasabi ng babaeng kaharap niya ngayon.
Tunay nga na hindi love is sweeter the second time around kundi love brings too much pain the second time around.
Ang sakit-sakit lang!