Chapter 19
Higit dalawang linggo ang mabilis na lumipas pero walang Renz na bumabalik at nagpapakita kay Huimy. Ilang beses na ba niyang kinumbinsi ang sarili na baka abala lang ito sa ibang bagay tulad ng sinabi nito na may aasikasuhin lang? Hindi niya sigurado kung ano ang bagay na iyon pero handa na ulit siyang maghintay.
Tanging salitang “mahal kita” ang pinaghahawakan niya. Sigurado na naman siyang ang nangyari nang gabi iyon ay hindi lang isang panaginip. May hinihintay siya at alam niyang babalik. Kung kailan? Iyon ang hindi niya alam.
Umaasa siyang babalik si Renz sa boarding house at susurpresahin siyang muli nito.
Masigla na siya habang nagtatrabaho. Napansin na rin ito ng mga kasamahan niya sa trabaho pero matamis na ngiti lang ang tinutugon niya sa mga ito kapag tinatanong siya. Basta ang alam niya, mahal siya ng taong kanyang minamahal. Sapat na iyon para panghawakan ang isang pangako at maging masaya.
Pagkatapos ng trabaho dumiretso na siya sa bahay na kanyang tinutuluyan. Kapansin-pansin ang isang magarang kotse sa tapat ng bahay ng landlady niya. Nagtaka siya dahil ngayon lang niya ito nakita. Naisip niyang baka sa mayamang kamag-anak ng kanyang landlady at binibisita ito.
Tumuloy siya sa loob at nadatnan niya ang kanyang landlady na si Aling Esther na nakaupo sa sofa. May kausap itong isang babaeng mukhang supistikada at halos ka-edad lang niya base sa itsura at tindig nito. Maganda ito, maputi at mahaba ang wavy na buhok. Mukhang mamahalin din ang mga suot na alahas at damit.
Lumingon ang dalawang babae sa gawi niya nang makapasok siya.
“Nandito na pala si Mayumi. Sige maiwan ko na kayo,” sabi ni Aling Esther bago umalis.
“So, ikaw pala si Huimy?” nakataas ang kilay na sabi nito. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Wariy kinikilatis ang buong pagkatao niya, tagos din ang tingin nito maging sa kaluluwa niya.
Hindi niya nagustuhan ang tono ng pagsasalita nito at ang estilo ng pagtingin sa kanya kaya tinarayan din niya ito.
“Oo. Ako nga. Bakit? Sino ka ba?” tanong niya rito na nakipagsukatan ng tingin sa babae.
“I'm Amanda, Renz' live in partner,” taas noong pagpapakilala nito. Agad na nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya makapaniwalang ito ang babaeng nagte-text sa kanya noon na asawa raw ni Renz. Hindi agad siya nakapagsalita dahil sa gulat.
“Pumunta ako dito para ibigay sa'yo ito,” anito sabay abot ng isang sobre. “Invitation 'yan para sa kasal namin.”
“K-kasal?” Kinakabahang tinanggap niya ang sobre na inabot nito.
Clarenz Sarmiento and Amanda Regado Nuptials
Nanginginig ang mga kamay niya habang binabasa ang nilalaman niyon. Malinaw ang bawat letra na nakasulat roon. At sa bawat letrang nakasulat doon ay tila mga sibat na sumasaksak sa kanyang puso. Lalong naging malinaw sa kanya ang naging katangahan. Paano ba niya nagawang ibigay ang sarili sa lalaking ikakasal na o may ka-live in partner na? Isa siyang malaking gaga para muling umasa. Umasa siya kahit hindi naman talaga niya narinig mula kay Renz ang paliwanag nito tungkol sa babaeng kinakasama nito. Ibinigay pa rin niya ang sarili, nabulag siya ng pagmamahal. Baliw ang puso niya para magmahal ng taong hindi magiging kanya kahit kailan.
Pumatak ang kanyang mga luha sa papel na hawak niya. Naikuyom niya ang kanyang mga palad dahilan para magusot iyon.
“Siguro naman sapat na ‘yan para tigilan mo na si Renz. At siya nga pala, eto pa...” Iniabot nito ang isang pregnancy kit.
Kinuha niya naman iyon at tiningnan. Kahit nanlalabo ang kanyang mga mata dahil sa luha ay malinaw niyang nakita ang dalawang pulang guhit roon. Malinaw na positibo ang resultang nakalagay roon.
“I'm pregnant!” Parang granadang sumabog sa kanya ang sinabing iyon ni Amanda. Parang nag-echo pa iyon ng paulit-ulit sa kanyang pandinig dahilan para lalong bumilis ang daloy ng kanyang mga luha. Halos mabingi na siya at hindi na niya halos maintindihan ang iba pang sinasabi ng babae. Lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa papel at pregnancy kit.
Gusto niyang magalit pero kanino? Kay Renz o sa kanyang sarili? O dito sa babaeng kaharap niya ngayon? Ngunit ano pa nga bang silbi ng galit niya kung sa huli, talo pa rin siya.
“Poor Huimy. Napakaambisyosa mo kasi. How can you flirt with a man that already taken? Sinabi ko na sa'yo na asawa na niya ako pero hindi ka nakinig. Now, you're so much hurt right? Yes and you deserve it!” sabi ni Amanda habang pailing-iling at nangungutya ang mga matang nakatingin sa kanya.
Gusto niyang sagutin ito pero hindi niya na alam ang sasabihin. Parang naumid na ang kanyang dila. Nilamon na ng sakit ang puso niya. Sobrang sakit. Halos hindi siya makahinga, para siyang unti-unting pinapatay ng sakit na iyon.
“Love really hurts lalo na kung maling lalaki ang minahal mo.” Tumawa pa ito nang nakakainsulto. “We had an agreement before you and Renz met each other, hindi ba niya nasabi sa'yo? Well, it's not important anymore. Ikakasal na kami at wala ka naman sigurong balak na maghabol.”
Inilapit pa nito ang mukha sa kanya at iniangat ang kanyang baba. Tinitigan siya nito sa mga mata. Nanlilisik at mapagbanta.
“I dare you not to be near with Renz again dahil hindi lang buhay niya ang sisirain ko... pati na rin ang sa'yo!”
Hindi siya takot sa banta nito pero hindi niya magawang lumaban dito. Hinang-hina siya. Nawalan siya ng lakas para gawin iyon. Pakiramdam niya ay gumuho ang kanyang mundo.
Buong buhay niya ay pinaikot niya kay Renz. Hindi siya tumanggap ng kahit sinong manliligaw sapagkat nakatuon lang ang isip niya kay Renz. At lubos siyang umasa na magiging masaya sa piling nito balang araw.
Binitiwan siya ng babae at humahalakhak na iniwan siya nito. Isa siyang talunan. Naglaho na ang mga pangarap niya. Wala ng Renz na babalik pa sa kanya.
Nag-impake na si Huimy ng mga gamit pagkatapos ng pag-uusap nila ng babaeng iyon. Napagpasyahan niyang umalis na rin sa boarding na iyon at bumalik na lang ng Cavite. Nag-resign na rin siya sa trabaho. Ikinagulat ng mga kasamahan niya iyon pero hindi na siya nagtangka pang magpaliwanag. Mabuti na ang manahimik na lang.
Ang totoo niyan, matagal na rin naman niyang plano na sa Cavite na magtrabaho. Inalok din kasi siya ni Trisha na mag-apply sa pinagtatrabahuhan nitong agency para raw magkasama na sila. Eksakto naman dahil gusto na rin niyang umalis sa bahay na iyon. Sa bahay na iyon kung saan may nangyari sa kanila ni Renz.
Kung maaari lang ay ayaw na niyang maalala ang nangyari. Nagpapaalala lang iyon ng naging kabaliwan niya. Ilang beses ba siyang mababaliw para tumigil sa kahibangan niya? Dapat burahin na niya sa isip niya ang alaala nito. Tama lang na hindi na niya isipin pa! Kailangang bumangon siya ulit. Nagkamali siya ng lalaking piniling mahalin.
Ngunit alam niyang hindi ganoon kadaling gawin iyon. Matagal na panahon niyang minahal si Renz at buong pagkatao niya ay naibigay na niya dito. Kung paano at saan siya magsisimula para makalimutan ito, iyon ang hindi niya alam pero kailangan niyang magpatuloy sa buhay. Hindi siya dapat manatili sa mundong binuo niya sa isip niya kasama si Renz. Tulad ng sabi ng marami, “move on.”
Pinahid niya ang mga luhang unti-unti na namang umaagos mula sa kanyang mga mata.
“Sigurado ka na bang aalis ka?” malungkot na tanong ni Aling Esther. Nakatayo ito sa may pinto ng kanyang kuwarto.
Nilingon niya ito at tipid na nginitian. “Opo.”
“Ingat ka na lang ha? Ma-miss ka namin dito.”
Niyakap naman niya si Aling Esther. Ito na kasi ang tumayong magulang niya mula nang mangupahan siya roon halos tatlong taon na rin ang nakakaraan. Itinuring na rin siya nitong anak dahil nag-iisa na lang ito sa buhay.
“Mami-miss ko rin po kayo.” Hindi na naman niya napigil ang emosyon at lumuha na naman siya. Gayon din si Aling Esther, hindi na nito napigil ang maiyak habang nakayakap sa kanya.
Bumitiw na siya sa pagkakayakap at tinapos ang pag-iimpake. Nagpaalam na rin siya rito at nagpasalamat sa lahat.
Tuwang-tuwa naman ang kanyang ina nang malamang doon na siya mamamalagi. Pagkatapos ng mahabang kuwentuhan at paliwanagan, pumasok na siya sa kuwarto. Matapos ayusin ang kanyang mga gamit ay tinawagan niya si Trisha at pinaalam na nakauwi na siya. Tuwang-tuwa naman ito nang malamang mag-aapply na siya sa agency na pinapasukan nito. Ikuwento niya ang nangyaring pagpunta ng babaeng kinakasama ni Renz sa inuupahan niyang bahay. Nakidalamhati naman ito sa kanyang kalungkutan at nagalit pa ito sa nalaman.
Ilang araw din siyang nagpahinga bago nagpasyang asikasuhin ang mga requirements niya para sa bagong trabaho. Ngayon ang araw ng pag-aapply niya sa agency na pinapasukan ni Trisha. Naligo na siya at nagsipilyo. Nagbihis na rin siya bago lumabas ng kuwarto.
“Good morning, Ma!” masigla niyang bati sa kanyang ina sabay halik sa pisngi. Sinadya niya talagang pasiglahin ang kanyang boses para hindi ito mag-alala sa kanya. Tanging si Trisha lang ang nakakaalam ng pinagdadaanan niya. Ayaw niyang malungkot ang kanyang mga magulang kapag nalaman ang sinapit niya.
“Mukhang maganda ang gising mo ah.”
Ngumiti lang siya at umupo na sa harap ng mesa. Nakaupo na rin roon ang kanyang mga kapatid at ang kanyang ama. Binati rin niya ang mga ito nang masigla.
“Na-miss ka naming kasalo, ate,” ani Kit sa kanya.
“Na-miss ko rin ito. Sarap talagang kumain ng sama-sama,” aniya saka binuksan ang nakatakip na ulam. “Wow! Mga paborito ko. Itlog, hotdog, sinangag at tuyo.”
“Oh marami ka nang kaagaw kaya bilang na bilang iyan, tig-iisa lang,” biro naman ng kanyang ama na ikinatawa nilang lahat.
“Don't worry Pa, mahina pa rin naman akong kumain. Hindi ko kayo uubusan,” ganting biro niya saka kinuha ang tuyo. Ngunit nang isusubo na niya ito at malanghap ang amoy niyon ay parang bigla siyang nakaramdam ng kakaiba. Tila bumabaligtad ang kanyang sikmura.
Mabilis niyang nabitawan ang tuyo at agad siyang nagtatakbo sa banyo. Nagtatakang napatingin ang lahat sa kanya. Samantalang siya ay patuloy sa pagsuka ngunit wala namang maisuka. Nagtataka siya sa sarili kung bakit bigla na lamang sumama ang kanyang pakiramdam.
“Huimy, anong nangyayari sa'yo?” nag-aalalang tanong ng kanyang ina. Hindi niya namalayang nakasunod na pala ito sa kanya.
Pinunasan niya ang kanyang labi matapos magmumog saka tumingin sa kanyang ina. “Bigla lang pong sumama ang pakiramdam ko, Ma.”
Pinakatitigan siya nito at hindi nakaligtas ang pagtingin nito sa bandang puson niya. Kinabahan siyang napahawak sa bandang tinitingnan nito.
“Huimy, sabihin mo nga sa akin, may nangyari bang hindi mo sinasabi sa amin?”
Napalunok siya habang sinasalubong ang mapanuring tingin ng kanyang ina. Paano ba niya sasabihin dito ang mga nangyari sa kanya? Paano niya sasabihing ibinigay niya ang sarili sa lalaking may kinakasama ng iba? Paano niya sasabihin ditong delay siya ng dalawang linggo para sa buwanang dalaw niya?
“Buntis ka ba, Mayumi? Sino ang ama?” At lumabas na nga sa bibig ng kanyang ina ang mga katanungang hindi niya alam kung paano sasagutin. Tanging mga luha ang sumagot sa katanungang iyon.
“Desidido ka na ba sa gagawin mo?” nag-aalalang tanong ni Trisha sa kanya.
Nasa kuwarto sila nang oras na iyon. Katatapos lang niyang magpa-make up. Nakasuot na rin siya ng wedding gown. Handa na ang lahat para sa kasal.
Tipid siyang tumango kahit nakayuko. Magkasalikop ang kanyang mga palad at nilalaro niya ang kanyang mga daliri. Sa totoo lang ay kanina pa siya kinakabahan. Hindi talaga siya sigurado sa gagawing iyon pero narito na siya. Hindi na siya puwedeng umurong pa.
“Mas mabuti na ito kaysa sa maging kumplikado,” aniyang pinipigilan ang luha.
“Parang mas kumplikado nga itong gagawin mo. Hindi mo naman siya mahal.”
“Matututunan ko rin siyang mahalin,” malungkot na sambit niya. “Siya lang ang umintindi sa akin sa kabila ng pinagdaanan ko. At handa siyang akuin ang responsibilidad kahit mahirap para sa kanya.”
Napabuntong hininga si Trisha. Alam nito ang kanyang nararamdaman. Naiintindihan siya nito. Alam nitong napilitan lang siyang pumayag sa proposal ni Daryl.
Hindi sana niya tatanggapin ang alok nito dahil alam niyang hindi magiging patas iyon sa binata. Hindi na siya karapat-dapat para rito. Kinulit siya nitong sabihin ang dahilan kaya't sinabi niya sa binata ang kanyang kalagayan. Lalo lamang nitong ipinagpilitang panagutan siya. Hindi gusto ni Daryl na mapahiya siya sa lahat ng mga kamag-anak niya kapag nalaman ng mga ito ang kalagayan niya kaya't inako nito ang responsibilidad na hindi para rito.
Napahawak siya sa kanyang tiyan na ngayon ay magtatatlong buwan na. Buti na lamang at maliit ito kaya't hindi halatang nagdadalang-tao siya.
“Paano kung bumalik siya?” tanong pa ni Trisha.
Muling tumulo ang luha sa kanyang mga mata nang maalala ang lalaking hindi na babalik kailanman.
“Imposible na 'yon. Masaya na siya sa asawa niya ngayon. At kung babalik siya, dapat noon pa. Ayoko nang umasa.” Pinahid niya ang luha at inayos ang sarili. Tatlong beses siyang bumuntong hininga upang mabawasan ang paninikip ng kanyang dibdib.
Tinitigan niya ang sariling repleksiyon sa salamin. Handa na siyang humarap sa bagong buhay kasama ang lalaking hindi niya pinangarap. Siguro nga hindi lahat ng pangarap ay natutupad. Isa na roon ang mangarap na mahalin ka ng taong mahal mo.
Mabibigat ang mga paang lumakad si Huimy palapit sa altar. Doon nakaabang si Daryl. Matamis ang mga ngiti nito habang nakatitig sa kanya. Pinilit niyang ngumiti kahit ramdam niya ang bigat ng kanyang dibdib. Ilang beses niyang kinumbinsi ang sarili na tama lamang ang kanyang pasya.
Masuyo siyang inalalayan ni Daryl paharap ng altar nang makalapit siya. Mahigpit ang hawak nito sa kanyang kamay.
Nag-umpisa na ang seremonya ng kasal pero parang wala siyang naririnig na kahit ano mula sa sinasabi ng pari. Kahit ang pagtatanong nito kung tinatanggap niya si Daryl bilang asawa ay parang hindi niya naririnig. Lumulutang ang kanyang isipan sa kung saan. Malayo na ang narating ng kanyang isip. Wala talaga sa seremonya ng kasal ang isip niya kundi nasa iisang tao lang.
Naramdaman na ang bahagyang pagpisil ni Daryl sa kanyang kamay dahilan para magbalik siya sa realidad.
“Do you take, Daryl to be your lawful husband? To have and to hold from this day forward, for better or worse, for richer or poorer, in sickness and in health, until death do your part?” ulit ng pari sa tanong nito sa kanya.
“Y-yes, I do,” sagot niya sabay tingin kay Daryl. Nginitian niya ito ng tipid upang pigilan ang luhang nagbabantang pumatak. Kitang-kita niya sa mga mata ni Daryl ang labis na pag-ibig nito sa kanya at ang sobrang kaligayahan.
Pagkatapos ng palitan ng vows sa isa't isa at pagsusuot ng singsing. Muling nagsalita ang pari.
“You may now kiss the bride.”
Matamis pa rin ang ngiti ni Daryl nang alisin ang belo sa kanyang ulo. Masuyong idampi nito ang mga labi sa kanyang labi. Halos smack lang ang halik na iyon at tumingin na sila sa mga taong masayang nagpapalakpakan.
Nakarating na sila sa reception area ngunit tila wala pa rin siya sa kanyang sarili. Pilit ang kanyang mga ngiti habang ng i-intertain ng mga bisita. Hawak pa rin ni Daryl ang mga kamay niya.
“Salamat sa hindi mo pagra-run away ha?” pabulong na biro nito sa kanya.
“Bakit ko naman gagawin 'yon?”
“Alam kong mahirap para sa’yo. Huwag kang mag-alala hindi kita pipilitin kung hindi ka pa handa. Handa akong maghintay sa pagdating ng araw na mamahalin mo rin ako,” seryosong sabi nito.
Ngiti lang ang itinugon niya. Napakaswerte niya dahil siya ang napiling mahalin nito. Kung maaari lang diktahan ang puso, ginawa na niya. Kung madali lang sanang makalimot at umibig ulit.
Ngunit dahil nakapagdesisyon na siya, susubukan niya...