Chapter 18
“Tama na iyan, Huimy. Lasing ka na,” saway sa kanya ni Daryl sabay hablot ng hawak niyang baso. Pinipigilan siya nito sa muling pag-inom ng in-order niyang alak.
Nasa bar sila ngayon dahil nagkayayaan ang mga katrabaho niya na mag-bonding. Birthday rin kasi ng isa sa mga katrabaho niya. Hindi naman sana siya sasama dahil wala siyang hilig sa pagpunta sa mga bar. Pero dahil masama ang kanyang loob ay napapayag siya ng mga ito na sumama. Kasama rin si Daryl dahil isa ito sa kaibigan ng birthday celebrant na si Willy at dahil binabantayan siya nito. Masugid pa rin ito sa panliligaw sa kanya kahit makailang ulit na niyang binusted.
“A-akin na iyan. Kaya ko ang sarili ko.” Pilit niyang inaagaw ang baso sa kamay nito pero pilit nitong inilalayo.
“Bakit pa kasi kailangang magparamdam siya ulit? Bakit parang pinalalabas niya na ako pa ang nagtapon ng friendship namin?” Punong-puno ng katanungan ang kanyang isip. Sobrang sama ng loob niya dahil sa mensaheng natanggap buhat kay Renz.
Pinipilit niyang kalimutan ang nangyari pero mahirap! Hirap na hirap siyang tanggapin na ang taong pinahalagahan niya ng sobra-sobra at minahal ng higit pa sa buhay niya ay basta na lang nawala sa kanya. Basta na lang nang-iwan. Hindi man lang pinahalagahan ang kanilang pagkakaibigan. At ngayon lumalabas pa na siya ang hindi nagpahalaga. Kaya heto siya ngayon, iniisip na maaaring makatulong sa kanya ang alak para panandaliang makalimot.
“No, Huimy. Hindi mo na kaya, ihahatid na kita.” Hinawakan siya nito sa braso at inakay siya palabas ng bar. Nagpaalam muna ito sa mga kasama bago tuluyan siyang isakay sa kotse nito.
Parang umiikot ang paligid niya kaya pumikit siya at sumandal sa upuan ng kotse. Unang beses niyang mag-inom at hindi niya akalaing ganoon ang epekto noon sa kanya. Ngunit sa kabila ng nararamdamang hilo ay tila hindi naman napapagod ang kanyang isip at puso dahil patuloy pa rin ito sa pagsigaw ng sama ng loob.
“Pagod na ako. Ayoko na!” aniya na ikinukumpas pa ang mga kamay habang nakapikit. Sunod-sunod rin ang pagpatak ng kanyang luha. “Ang sakit-sakit na!”
“Then stop loving him.” Napadilat siya dahil sa tinuran ni Daryl. Tumingin siya rito. Abala pa rin ito sa pagmamaneho ngunit bakas ang lungkot at pag-aalala sa mukha nito.
“Aren't you tired of loving me?” tanong niya sa binata. “Did you ever say that to yourself? To stop and never love me again and again?”
“I can't even count how much I told that to myself. Until now, I convincing myself not to love you. I know how much you love him at nahihirapan akong makita kang nagkakaganyan dahil sa kanya. Every time I see you in pain, mas lalo kitang gustong mahalin at alagaan.”
“Daryl...” tanging nasambit niya.
Hinawakan naman nito ang kanyang kamay. Nakatuon pa rin ang atensiyon nito sa kalsada at minsan lang lumingon sa kanya. “Kung bibigyan mo lang sana ako ng pagkakataon, ipinapangako kong hindi ka na iiyak. Tutulungan kitang makalimutan siya.”
Umiwas siya nang tingin sa binata at itinuon sa labas ng bintana ang mga mata. Sa mga buildings na nadadaanan nila at sa mga taong naglalakad sa gilid ng kalsada. Napabuga siya ng hangin.
“I can't stop. Gustuhin ko man pero hindi ko kaya. Tulad mo, patuloy ko ring kinukumbinsi ang sarili ko na ikaw na lang. Huwag na lang siya pero makulit ang puso ko. Wala siyang isinisigaw kundi si Renz lang... wala ng iba.”
Hindi na umimik si Daryl. Alam niyang nasaktan na naman ito sa kanyang sinabi pero wala siyang magawa. Hindi niya kayang pilitin ang sarili niya. Hindi sa ngayon. Kahit na sobrang nasasaktan siya ngayon, alam niyang si Renz pa rin ang mamahalin ng sugatan niyang puso.
Tahimik ang naging biyahe hanggang sa makarating sila sa tinutuluyan niyang boarding house. Nagpaalam na rin si Daryl kaya naman nagpasya na siyang pumasok sa loob. Pagewang-gewang pa siya habang hinahakbang ang mga paa palapit sa kanyang kuwarto. At bago pa siya tuluyang matumba ay may sumalo na sa kanya.
Kahit naniningkit at nanlalabo ang kanyang mga mata ay pilit niyang inaninag ang bulto ng taong sumalo sa kanya. Automatikong bumilis ang tibok ng kanyang puso nang mapagsino ito.
“Nananaginip ba ako?” tanong niya. Hinaplos niya ang mukha ng lalaking sumalo sa kanya. “Ikaw ba talaga iyan, Renz?”
“Huimy...” usal ni Renz. Bakas sa mukha nito ang lungkot at pag-aalala sa kalagayan niya.
Bigla niyang itinulak ito. Mahina lang dahil wala na siyang pwersa para gawin iyon. Napabitiw ito sa kanya at nawalan naman siya ng balanse. Naitukod niya ang kamay sa sahig bago pa man siya matumba. Mabilis siyang inalalayan nito upang muling makatayo.
“Kasalanan ko kung bakit nagkakaganyan ka. Sorry, Huimy,” pabulong na sabi nito. Nakita niya ang luhang pumatak sa mga mata nito. Natagpuan na lang niya ang sariling nakakulong na sa mga braso nito. “I'm really sorry.”
Parang biglang nahulas ang kalasingan niya dahil sa pag-iyak nito. Pinakiramdaman niyang maigi ang yakap nito. Gusto niyang kurutin ang sarili at alamin kung nananaginip ba siya o nagdedeliryo lang dahil sa kalasingan. Pero ramdam niya ang bawat pag-alog ng balikat nito at lakas ng tibok ng dibdib nito.
“P-Patawarin mo ako. H-hindi ko kayang mawala ka sa akin.”
Hindi naman alam ni Huimy kung ano ang dapat sabihin. Para siyang pipi ng sandaling iyon at natuod sa kinatatayuan. Dapat sigawan na niya ito pero bakit hindi niya magawa? Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili kung bakit hindi niya magawang ipagtabuyan ito. Wala din siyang makapang galit sa puso niya ngayong kaharap na niya ito.
“Ano bang nangyayari sa akin? Dapat galit ako 'di ba? Pagkakataon ko na ito para sumbatan siya,” bulong niya sa sarili.
“Huimy,” muling sambit nito sa pangalan niya. Dahan-dahan nitong niluwagan ang pagkakayakap sa kanya at hinawakan ang kanyang mukha ng dalawang palad nito.
“Mahal kita, Huimy,” anito na balot ng luha ang buong mukha.
“Mahal? Totoo ba ang naririnig ko o sadyang panaginip ito?” sambit niya sa isip.
Hindi pa rin siya natinag sa pagkakatitig sa mga mata ng binata. Parang tumigil ang kanyang mundo. Ano nga bang dapat na maging reaksyon niya sa sinabi nito? Matutuwa ba siya dahil sa wakas narinig niya na rin iyon mula sa bibig nito? Sa tagal ng paghihintay niya, sinabi rin nito ang mga katagang iyon? Pero mahal ba siya nito tulad ng nararamdaman niya para sa binata o katulad pa rin ng dati na bilang kaibigan lang?
Dahan-dahang lumapit ang labi nito sa kanyang labi na ikinagulat niya. Lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Ganito ba talaga ang isang panaginip? Parang totoo. Ito ang unang halik niya sa kanyang panaginip kaya naman wala siyang naramdamang pagtanggi sa ginawa nito. Sa halip, ipinikit pa niya ang kanyang mga mata at nilasap ang tamis ng halik na matagal niya ring pinangarap.
Sadyang inireserba niya ang kanyang unang halik sa lalaking mahal na mahal niya. At sobrang saya ang nararamdaman niya nang mga oras na iyon dahil sa si Renz ang kanyang unang halik. Si Renz na kanyang unang minahal. Ngunit kung panaginip nga iyon, susulitin na niya ang pagkakataon. Dito lang naman siya masaya. Dito... sa kanyang panaginip.
Natagpuan niya ang sariling tumutugon sa mga halik nito. Lumalim pa ang halik na iyon hanggang sa mapahawak na siya sa batok nito. Hindi na niya alam kung paano sila nakarating sa kama basta ang alam niya nadadala na siya sa sensasyong dulot ng halik na iyon. Bago iyon sa pakiramdam niya ngunit lubos niyang nagugustuhan.
Naramdaman niya ang mga kamay nitong unti-unting naglalakbay sa kanyang katawan.
Wala naman siyang pagtutol na nararamdaman sa kanyang loob. Hinayaan lang niya ang bugso ng damdamin niya ng mga oras na iyon at nakisabay siya sa agos. Panaginip lang naman ito kaya bahala na.
Natagpuan niya na lang ang sarili na ibinibigay ang buong katawan sa lalaking matagal na niyang minamahal. Sapat na ang salitang mahal kita upang ibigay niya ang lahat sa binata. Pinagsaluhan nila ang gabing iyon na puno ng pag-ibig. Tanging ang mga kilos nila ang nagdidikta ng tunay nilang nararamdaman. Ni hindi na sumagi sa isip niya anuman ang kasalanan nito sa kanya. Ang mahalaga ngayon ay ang gabing ito sa piling ni Renz.
Nakatulog siya sa bisig ni Renz. Hindi pa rin siya sigurado kung panaginip lang iyon, pero kung panaginip man, ayaw muna niyang magising.
“Oh my God. Ganito ba talaga kapag may hang-over?” bulong niya sabay sapo sa kanyang ulo.
Masakit ang kanyang buong katawan maging ang kanyang ulo.
Lumingon siya sa orasang nasa dingding. Tinanghali na siya nang gising. Alas diyes na nang umaga. Mabuti na lang at naalala niyang araw ng Linggo ngayon kaya’t wala siyang pasok. Hindi na siya nakauwi sa Cavite kagabi dahil sa sobrang kalasingan. Biglang pumasok sa kanyang isip ang nangyari kagabi.
“Panaginip ba 'yon?” naibulong niya sa sarili.
Luminga siya sa paligid. Wala si Renz sa kanyang tabi. Ang naalala niya ay nakatulog siyang katabi ito.
“Nababaliw na ako. Bakit ba ganoon ang panaginip ko?” Akmang babangon na siya ngunit napansin niyang walang saplot ang kanyang katawan. Masakit rin ang bahaging iyon sa pagitan ng kanyang mga hita.
“Oh! Nandito siya kagabi? Totoong may nangyari sa amin?” nasambit niya.
Nanlaki ang kanyang mga mata at automatikong nagising ang kanyang diwa. Agad siyang napabalikwas sa higaan. Tinabingan niya ang kanyang katawan ng kumot at hinanap ang kanyang mga damit. Natagpuan niya iyon na nagkalat sa sahig.
“Ibig sabihin, hindi lang panaginip iyon! Kung ganoon, nasaan si Renz? Bakit bigla siyang nawala?”
Kinabahan siya at nakaramdam ng lungkot. Pagkatapos ng nangyari sa kanila kagabi, umalis din ito agad at iniwan siya? Ang saklap naman. Nanlulumo siyang umupo sa kama. Tinakpan niya ang kanyang mukha ng mga palad nang kusang naglandas ang mga luha sa kanyang mga mata.
“Ano ito? One night stand? Ganoon na ba talaga ako katanga para ibigay ang sarili ko sa taong iiwan din ako? Ang tanga-tanga ko,” paninisi niya sa sarili.
Marahas niyang pinunasan ang kanyang mga luha. Lalong sumama ang loob niya kay Renz.
Hindi niya lubos maisip kung bakit nagagawa ni Renz sa kanya ang paasahin at saktan siya. At masama rin ang loob niya sa kanyang sarili dahil nagpakatanga na naman siya.
“Bakit ba ang tanga mo sa pag- ibig, Mayumi? Wala ka nang tinira sa sarili mo. Ibinigay mo nang lahat.” Sinabunutan niya ang kanyang sarili.
Ngunit biglang nabaling ang kanyang paningin sa may side table. May isang papel roon at may nakasulat na note. Kinuha niya iyon at binasa.
My dear,
Aalis muna ako. May aasikasuhin lang ako at babalikan kita agad. Hintayin mo ako.
Renz
Sa isang iglap lang ay parang nawala lahat ng kinikimkim niyang sama ng loob. Isang sulat ang bumura ng lahat ng iyon. Inakala niyang iniwan na lang siya ni Renz ng ganon-ganon lang. Nabuhayan siya ng pag-asa. Pag-asang mahal din talaga siya nito kahit hindi nito sinabi sa note.
Hindi niya sigurado kung nawala na nga ba ang matinding galit niya sa binata. Para kasing muli itong napalitan ng pagmamahal. Dapat ba siyang muling umasa? Sapat bang panghawakan ang note na iyon at ang nangyari sa kanila nang gabing iyon para hintayin niya ang pagbabalik nito?
Bakit hindi? Ramdam niya ang pagmamahal ni Renz sa kanya nang gabing iyon. Ang gabing pinagsaluhan nila ang init ng kanilang pagmamahalan. At sa pagkakatanda niya, sinabi nitong mahal siya nito. Hindi naman siguro masamang umasa lalo pa ngayong ramdam niyang hindi na lamang kaibigan ang turing nito sa kanya. Ang nangyari nang gabing iyon at ang note na iyon ang panghahawakan niya. Maghihintay siya sa muling pagbabalik nito. Hahayaan niya itong magpaliwanag sa kanya at muli niyang tatanggapin ito.
Si Renz ang kanyang unang halik at unang pag-ibig. Handa pa rin siyang muling magpakatanga para sa pag-ibig.