Chapter 49 - Red Lines

Panay ang patahan sa akin nina Ate Lianne at kuya sa kuwarto ko. Hindi na kasi ako halos tumigil sa pag-iyak kanina pa nang ihatid ako nina Nick at Jannise dito sa bahay. Hindi na ako pumasok kanina after lunchbreak. Para akong bata kung umiyak dahil maingay ako at parang namatayan.

Naikuwento ko na lahat kay kuya kung bakit hindi bumalik si Mr. Simpson noon. Pati na rin 'yong relasyon namin ni Brey na tumagal lang ng isang araw at 'yong pakikipag-break niya. Ang hindi ko lang nakuwento sa kaniya ay 'yong may nangyari sa amin, dahil siguradong magagalit siya.

“Nasha, tumahan ka na please? Nag-aalala na ako. 'Di ba sabi mo nagkasakit ka dahil sa kakaiyak? Baka bumalik na naman 'yon kung hindi ka pa tatahan. Ilang oras ka nang umiiyak at hindi ka pa nahihimasmasan. Malapit na rin mag-gabi oh,” sabi ni kuya.

Si Brey lang ang kayang magpaiyak sa akin nang ganito. Mas malala pa 'to kaysa noong pinaiyak ako ni Troy na nagpanggap bilang si Tristan. Ganito pala ang pakiramdam kapag sobrang mahal mo ang isang tao.

“K-kuya... P-patawarin na lang natin si M-Mr. Simpson... P-please kuya, patawarin na natin s-siya... M-matagal na panahon na 'yon... Nagdusa na siya... M-mahal na mahal ko si Brey k-kuya...”

Bumuntong-hininga si kuya at tumango habang hinahagod ang likod ko. “Sige, papatawarin ko na siya at hindi na rin ako magagalit kay Brey. Basta ba tumigil ka na sa pag-iyak mo. Baka mapaano ka pa.”

Tumango ako at pinakalma na ang sarili ko.

“Sigurado akong aantukin ka kapag nakatahan ka na kaya kumain ka na bago matulog,” sabi ni kuya bago lumabas ng kuwarto at pumunta sa kusina.

Inalalayan naman ako ni Ate Lianne para makatayo. “Magiging okay rin ang lahat,” sabi ni ate at nginitian ako.

***

Isang buwan na ang lumipas pero hindi pa rin nagpapakita si Brey kahit na kinausap ko na ang kapatid niyang si Olivia para ipasabing pinatawad na namin ang daddy nila. Gusto kong mag-sorry sa kaniya pero ayaw naman niya akong kausapin. Ang sabi ng kapatid niya ay bumalik daw ito sa Italy kasama ang daddy nila para ipagamot ulit dahil na-trigger ko raw siya at bumalik ang trauma niya. Sobrang guilty ako ngayon. Kung hindi lang ako nagpadala sa emosyon ko, hindi sana mangyayari 'yon at hindi sana nagalit sa akin si Brey.

“Okay ka lang ba, Nash? Tulala ka na naman.”

Napatingin ako kay Jannise na katabi ko lang habang pinapanood ang mga naglalaro ng volleyball. Vacant time kasi, tapos wala 'yong subject teacher nila Jannise. Hindi namin kasama si Nick dahil may practice sila ng basketball.

“Oo, okay lang ako. May iniisip lang.”

“Iniisip mo pa rin ba si Brey? Mukhang ayaw na 'ata talagang magpakita no'n sa'yo. Kung ako sa 'yo, kakalimutan ko na lang siya.”

“Hindi naman gano'n kadaling kalimutan siya. Kakalimutan ko lang siya kung hindi na niya ako mahal.”

“Paano mo malalaman na mahal ka pa ba niya o hindi na kung ayaw ka naman kausapin no'ng tao? Magpapahula ka na lang, gano'n?”

Hindi na lang ako sumagot dahil hindi ko naman alam ang isasagot sa kaniya.

“'Tsaka paano kung ayaw ka na talaga niyang kausapin? Hindi mo malalaman kung mahal ka pa ba niya, tapos maghihintay ka lang sa wala? Nakipag-break na nga sa 'yo 'yong tao 'di ba? It's time for you to move on na. Oo, mahirap kang makalimot sa feelings mo pero lilipas din 'yan Nash. Hindi p'wedeng forever mong aalagaan 'yang feelings mo para sa kaniya. Sa huli ikaw ay rin ang masasaktan.”

“Hindi ko alam, Jannise. Ang hirap eh...”

“Hay naku. Pagdating talaga sa love ang hina mo. Ang sarap mong kutusan, alam mo ba 'yon?” Tumayo siya habang nakahalukipkip.

Tiningala ko siya. “Saan ka pupunta?”

“Magmemeryenda. Ginugutom akong kausap ka,” sagot niya bago ako tuluyang iniwan dito.

Hindi ko na siya sinundan at hinayaan ang sarili kong mapag-isa. Binaling ko ang tingin ko sa mga naglalaro ng volleyball. Nakita ko si Dovee na kasali pala sa volleyball. Nang makita niya ako ay ngumiti siya at kinawayan ako. Ganoon din ang ginawa ko.

Bumuntong-hininga ako. Isang buwan na. Dapat nga sigurong mag-move-on na ako. Hindi rin naman ako sigurado kung babalikan pa nga ba ako ni Brey. Paano kung hindi na niya ako balikan? Kakayanin ko kaya? Makakalimutan ko kaya siya agad?

Kinuha ko ang cellphone ko sa aking bag. Nagtipa ako ng message para kay Brey kahit na alam kong hindi naman niya ako re-reply-an. Pagka-send ko ng message ay bigla akong nakaramdam ng hilo. Sakto namang may bolang tumama sa ulo ko kaya mas nahilo pa ako at natumba mula sa kinauupuan ko.

“Hala! Ate!” 'Yan lang ang huli kong narinig at nawalan na ako ng ulirat.

***

Unti-unti akong dumilat at bumungad sa akin ang puting kisame. Nilibot ko ang paningin ko at nalamang nasa school clinic ako. Pinikit ko ulit ang mga mata ko. Feeling ko kasi pagod na pagod ako kahit wala naman akong ginawa. Hindi kaya ay anemic na ako?

“Nasha, gising ka na ba?” Agad akong dumilat para makita si Nick na may dalang nakasupot na Styrofoam bowl. Bumangon ako at naupo.

“Kanina pa ba ako nandito?” tanong ko.

“Mga 1-2 hours pa lang naman. Ito oh, binilhan kita ng goto. Bantayan lang kita saglit dahil may klase pa ako. Hintayin lang natin si Jannise at maya maya ay vacant period na niya. Wala kasi 'yong nurse, may binili lang saglit sa pharmacy kaya ako muna tumitingin-tingin sa'yo. Kain ka na para um-okay na ang pakiramdam mo,” aniya at Inabot sa akin ang Styrofoam bowl na may lamang goto at plastic spoon.

“Salamat,” sabi ko na lang at sinimulan nang kainin ang goto.

Ilang saglit lang ay dumating na si Jannise. Nagpaalam na si Nick.

“Ano, okay ka na ba?” tanong niya nang makaupo sa tabi ko.

“Medyo.”

“Hintayin natin 'yong nurse ha? May binili lang daw saglit at i-te-test daw sa 'yo.”

“I-te-test? Anong i-te-test niya sa akin?”

“Aywan ko. Hintayin na lang natin. Sorry Nash ha, sinama na lang sana kita kanina na nagmeryenda e 'di sana hindi ka matatamaan ng bola roon.”

“'Wag kang mag-sorry, nahihilo na talaga ako bago pa ako matamaan ng bola.”

“Eh kahit na. Hinayaan pa rin kita roon tapos nahihilo ka na pala.”

“Hayaan mo na, ang importante ay okay na ako.”

“Okay, fine. Ubusin mo na 'yan.” Tinuro niya ang goto na hawak ko.

Nagkuwentuhan lang kami ni Jannise habang kumakain ako. Hanggang sa dumating na ang nurse.

“Okay ka na, Ms. Pineda?” tanong ng nurse.

Tumango lang ako bilang sagot.

“May ipapa-test ako sa'yo para malaman natin kung bakit nakaranas ka ng hilo,” aniya sabay abot sa akin ng dalawang puting bagay.

“Pregnancy tests?” bulalas ni Jannise nang makita ang inabot ng nurse sa akin.

“Isa kasi sa symptoms ng pagbubuntis ang pagkahilo. Hindi ka naman kasi na-overfatigue kanina. Sige na, pumunta ka na sa cr para malaman natin kung negative o positive.”

Agad kong sinunod ang nurse. Habang pinapatakan ko ng urine ang dalawang PT, bigla akong nakaramdam ng kaba. Kinakabahan ako sa magiging resulta.

Pumikit ako. “Please, sana po negative. Negative, negative, negative...”

Kinatok ako ng nurse. “Lumabas na ba ang resulta?” tanong niya mula sa labas.

Hindi ako sumagot. Nakapikit pa rin ako. Huminga ako nang malalim at dahan-dahan kong dinilat ang mga mata ko. Para akong binuhusan ng malamig na yelo nang makita ko ang dalawang pulang guhit sa pregnancy test. Chineck ko rin 'yong isa pang PT baka mali lang itong isa. Namuo na ang luha ko nang dalawa ang pulang guhit sa isa pang PT.

“Buntis ako...” bulong ko habang nakatitig sa dalawang PT.

“Nasha? Okay ka lang ba riyan? Lumabas ka na,” sabi ni Jannise habang kinakatok ako.

Lumabas ako hawak ang dalawang PT at pinakita sa kanila ito.

Nanlaki ang mga mata ni Jannise habang nakatingin sa PT saka siya tumingin sa akin.

“Buntis ka, Nasha! Sino ang ama nito? Si Brey ba?”

Dahan-dahan akong tumango kasabay ng pagpatak ng luha ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Paano ko sasabihin kay kuya 'to?

***

Hindi na muna kami pumasok ni Jannise sa sumunod na klase dahil pupunta kami sa OB-GYNE. Nadaanan pa namin ang basketball court at saktong masasalubong namin 'yong mga basketball player na papasok sa court. Nakita kami ni Nick kaya agad niya kaming nilapitan.

“Okay ka na ba Nasha? Pauwi na ba kayo?” tanong niya agad sa amin nang makalapit siya.

“Pupunta kami sa OB-GYNE, ipapa-check-up si Nasha,” sagot ni Jannise.

“OB-GYNE? Bakit? Teka, samahan ko na kayo.”

“'Wag na Nick. Kailangan ka ng mga kasama mo. Magkasama naman kami ni Jannise eh.”

“Pero, bakit sa OB-GYNE? Ano bang sabi ng nurse sa school clinic?”

“Ang dami mong tanong Nickson. Sasabihin na lang namin sa 'yo ang dahilan mamaya. Ganito, sunduin mo na lang kami sa OB-GYNE clinic na malapit lang dito,” sabi ni Jannise.

“Sige sige. Ingat kayo ha?”

***

Transvaginal ultrasound ang isinagawa sa akin dahil maliit pa raw ang tiyan ko.

“You are three weeks and 2 days pregnant. Congratulations!” sabi ng OB sa akin habang nakatingin ako sa resulta ng ultrasound.

“Heto 'yong mga vitamins na kailangan mo para sa pregnancy mo.” Inabot sa akin ng OB yung reseta ng mga vitamins na kailangang bilhin. “Iwasan mo ang stress dahil makakasama 'yan sa baby mo.”

“Sige po doctora, mauna na po kami. Salamat po,” ani Jannise at hinila na ako.

“Hintayin na natin dito si Nick,” aniya nang makalabas kami ng clinic.

“Jann... Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kuya ko 'to. Paano kung itakwil niya ako? At paano na rin ang pag-aaral ko?” tanong ko habang tulala.

Humarap siya sa akin at hinawakan ang magkabilang balikat ko. “Nash, mahal ka ng kuya mo. Hinding-hindi ka itatakwil no'n. Sigurado akong tatanggapin niya ang baby mo. Pamangkin niya iyan eh. At 'yong pag-aaral mo? Itutuloy mo. Sure akong makaka-graduate ka naman bago ka manganak.”

“Natatakot ako sa sasabihin ng mga schoolmates natin...”

“Ano ka ba, Nasha?! 'Wag mong isipin ang sasabihin ng iba. Ang importante, maalagaan mo ang baby mo sa loob ng tiyan mo. Kung may sasabihin man sila, 'wag mo nang isipin 'yon. Makakasama lang sa baby mo 'yon. Teka, balak mo bang ipaalam 'yan kay Brey? Siya ang ama niyan, kaya dapat alagaan ka niya habang nagbubuntis ka.”

“Hindi ko alam... Siguro hindi ko na muna sasabihin.”

“At bakit naman? May karapatan si Brey na malaman niyang magakaka-anak na kayo.”

“Ayaw nga akong kausapin ni Brey 'di ba? Mas better siguro kung mag-focus na lang ako sa pag-aaral at pag-aalaga ng baby sa tiyan ko. Saka ko na lang sasabihin sa kaniya kapag gusto na niya akong kausapin.”

“Sabagay, tama ka.”

Dumating na si Nick at agad na lumabas ng kotse niya. “Kumusta?” tanong niya nang makalapit siya sa amin.

Pinakita ko sa kaniya ang hawak kong ultrasound na agad naman niyang binasa.

Nanlaki pa ang mga mata niya at napatingin sa akin. “You're pregnant?”

Tumango lang ako.

“H-how? When? Why?”

“Hello? Malamang may nangyari sa kanila ni Brey,” singit ni Jannise.

“Alam na ba ito ni Brey?”

“Hindi pa. At wala muna akong balak sabihin sa kaniya.”

“Hindi ka naman ba maselan? Safe naman ba ang pagbubuntis mo? May nireseta ba ang doctor sa'yo? Akin na at bibili ako.”

“Bakit parang kabado ka? Feeling tatay ang peg?” biro ni Jannise.

“S'yempre kababata ko si Nasha. Masama bang mag-care sa magiging inaanak ko?”

“Aww, that's nice. Uy ninang din ako, Nash ha?” ani Jannise na parang excited maging ninang.

“Of course!” sabi ko.

Bumili muna ng mga niresetang vitamins si Nick bago kami sumakay sa sasakyan niya.

“Salamat sa tulong mo Nick. 'Pag may pambayad na ako sa'yo babayarin kita,” sabi ko.

“Okay lang Nasha. Kahit huwag mo na akong bayaran. 'Pag naubos na ang vitamins mo 'wag kang mahihiyang magsabi sa 'kin.”

Tumango na lang ako kahit hindi ako sang-ayon. Huminto ang sasakyan nang makarating na kami sa bahay.

“Kinakabahan ako,” sabi ko habang nakatingin sa bahay.

Lumapit si Jannise na nasa likuran ko lang at hinawakan ang balikat ko. “'Wag kang matakot. Nandito lang kami, hindi muna kami aalis hanggang sa maging okay ang sitwasyon.”

“Samahan niyo ako.”

“Sige. Tara na, bumaba na tayo.” Nauna nang bumaba si Jannise. Sumunod naman kami ni Nick pagkatapos.

Hindi pa lang kami nakakapasok ng gate ay bumukas na ang pintuan ng bahay at niluwa no'n si Ate Lianne na umiiyak at mukhang nagmamadali. Agad kaming lumapit sa kaniya.

“Ate Lianne? Bakit ka umiiyak? Anong nangyari?” tanong ko nang makalapit ako sa kaniya.

Hinawakan niya ang magkabila kong braso. “Nasha, kailangan nating pumunta ng hospital.”

“B-bakit? Anong nangyari ate?”

“Ang kuya mo... nabaril...”

Dahil sa sinabi niya ay nagmadali kaming tumakbo patungo sa kotse.