Chapter 41 - Unrevealed
Hindi ako pumasok ngayong araw. Ayo'ko munang makita si Nick. Alam kong hindi tama na magpa-apekto ang personal issue sa pag-aaral pero kasi naman, gusto ko muna siyang iwasan sa ngayon. Ngayong araw lang naman ako a-absent. Napagalitan pa nga ako ni kuya dahil sa pag-absent ko. Ang sinabi ko kasing dahilan ay tinatamad akong pumasok kaya ayon, mahabang sermon ang natanggap ko. Okay lang naman, deserve ko naman 'yon.
Naglalakad-lakad lang ako sa labas, hindi naman kasi mainit ngayon. Medyo makulimlim ang panahon kaya magandang maglakad-lakad ngayon. Late exercise na rin.
Huminto ako sa paglalakad para kunin ang cellphone at headset ko. Pinasak ko sa tainga ko ang dalawang headset at nagsimula nang maglakad. Nakakailang hakbang pa lang ako nang maramdaman kong may tumabi sa akin sa paglalakad kaya agad ko siyang nilingon. Kumabog ang puso ko nang makitang si Brey ito. Nakasuot siya ng hoodie sweater, at ang parehong kamay naman niya ay nasa magkabilang bulsa niya. Huminto ako sa paglalakad pero siya ay tuluy-tuloy lang.
Hinabol ko siya para sabay ulit kami sa paglalakad. Tinanggal ko ang headset sa tainga ko. "Brey, anong ginagawa mo rito?"
"Sinasamahan ka," sagot niya nang hindi pa rin nakatingin sa akin. Nakapamulsa lang siya habang diretso ang tingin sa nilalakaran.
"Bakit 'di ka pumasok?" tanong niya.
"Wala lang, tinamad lang ako. Ikaw, 'di ba sa Korea ka nag-aaral ngayon? Bakit nandito ka?" Matagal ko nang gustong itanong 'to pero ngayon ko lang naalalang itanong.
"I transferred," tipid niyang sagot.
"Uhm... Wala ka bang pasok ngayon?"
"Night class ang schedule ko."
Tumango-tango lang ako dahil 'di ko na alam ang susunod na sasabihin. Bakit ganoon? Parang ang tipid niyang magsalita ngayon at hindi man lang ako tiningnan.
Nakarating kami sa public market. Tuloy pa rin siya sa paglalakad. Halos hindi ko na siya masabayan dahil ang lalaki ng hakbang niya. Binilisan ko na lang ang paglalakad para mahabol ko siya. Pumasok siya sa isang stall na nakahilera sa tabi ng iba pang stall. Huminto ako para alamin kung anong stall ang pinasukan niya. Sa isang merchandising shop siya pumasok. Hindi na ako sumunod sa kaniya sa loob at hinintay na lang siyang lumabas. Nakakahiya naman kung nakabuntot lang ako sa kaniya.
Umupo na lang ako sa isang mono block chair na nasa tabi ng entrance ng shop dahil medyo napagod rin ang mga binti ko kalalakad. Kulang talaga ako sa exercise.
Lumingon ako at tumagilid para silipin siya through the glass wall. Mukhang nagbabayad na siya dahil nakita kong kinuha niya ang kaniyang wallet habang kaharap ang cashier.
Maya maya'y bigla siyang lumingon sa gawi ko kaya agad akong umayos ng upo.
Ilang sandali pa'y lumabas na siya ng shop. Bago pa ako makatayo ay hinawakan niya ang kamay ko at hinila ako patayo. Nagsimula na kaming naglakad habang hawak niya pa rin ang kamay ko.
"Saan tayo pupunta, Brey?"
"Somewhere," tipid niyang sagot.
Hindi na lang ako umimik at hinayaan siyang hilahin ako. Hanggang sa makarating kami sa isang tapsilogan. Dalawang table lang ang occupied kaya mabilis kaming nakahanap ng puwesto.
"The best ang tapsilog nila rito," aniya at agad na lumapit sa tindera.
Para tuloy kaming nagda-date. Madalas naman kaming kumain sa labas noon, pero ngayon ko lang naisip na date 'to.
Maya maya ay dala na niya ang isang tray na may dalawang plato ng tapsilog at drinks. Sumubo agad ako sa tapsilog at napatigil ako. Masarap nga ang tapsilog nila dito. Naaalala ko noong buhay pa ang mga magulang ko, madalas magluto ng tapsilog tuwing agahan si tatay. Masarap siyang magluto, masarap din naman magluto si nanay pero iba kasi ang tapsilog ni tatay.
"Bakit? Hindi ba masarap?" tanong niya kaya agad akong umiling at ngumiti.
"Masarap naman. May naalala lang ako. Ganitong-ganito ang lasa ng tapsilog ni tatay."
Biglang ngumiti si Brey dahilan para ako naman ang mapatanong. "Bakit?"
"Talagang buo na ang ala-ala mo. Alam mo bang madalas ihain ng tatay mo ang tapsilog tuwing bibisita ako sa inyo noong mga bata pa tayo? Paborito ko ang luto niya kaya madalas akong kumain dito dahil ganitong-ganito ang lasa no'n."
"Talaga ba? Pero hindi pa buong-buo ang ala-ala ko. May ilang part pa sa ala-ala ko na hindi ko masyadong maalala. Sorry Brey kung kaunti lang nasa ala-ala ko sayo." Napanguso ako at bahagyang napayuko.
"Ano ka ba? Okay lang. Kumain na lang tayo at mamaya ay may pupuntahan tayo."
"Talaga? Saan naman?" Date na nga yata talaga 'to.
"Kahit saan tayo dalhin ng mga paa natin. Gusto kitang makasama ngayong araw eh."
Medyo namula ang mga pisngi ko sa sinabi niya. Ngumuso ako para pigilan ang pagngiti ko at sumubo ng isang kutsarang tapsilog.
***
Nandito pa rin kami sa public market. Para lang kaming nagwi-window shopping dahil patingin-tingin lang kami sa mga paninda rito. 'Pag may nagugustuhan siyang bilhin ay binibili niya. Gusto ko rin sanang mamili kaya lang naiwan ko 'yong wallet ko sa bahay.
"Brey?"
Napalingon kaming dalawa sa tumawag sa kaniya. Nakatayo kami sa harap ng nagtitinda ng bibingka at tupig.
Kumunot ang noo ko dahil pamilyar ang lalaking tumawag sa kaniya. Sino na nga siya?
"Ikaw nga! Kumusta ka na pareng Brey?" Tuwang-tuwa siyang lumapit kay Brey at nakipag-highfive.
"Ayos lang ako. Ikaw ang kamusta na, Loyd."
Ah oo, siya 'yong lalaking kulay orange ang buhok noong una ko siyang makita dahil hinahanap ko noon si Brey. Ang bilis ng panahon. Parang kailan lang noong si Tristan pa lang ang gusto ko.
"Heto, g'wapong single pa rin. Ikaw ba Brey, single ka pa rin ba?" Napatingin siya sa gawi ko at kumunot ang noo niya. "Sino siya? Pamilyar ang mukha niya. Parang nakita ko na siya noon."
"Si Nasha 'yan."
Nanlaki ang mata niya at parang manghang-mangha siya sa nakikita niya ngayon. Awkward ko siyang nginitian dahil hindi ko alam ang i-re-react ko. Matagal-tagal na rin kasi noong huli ko siyang makita. Schoolmate kami noon pero hindi ko siya palaging nakikita roon. Siguro ay nag-transfer na siya noong nagpasukan na.
"Si Nasha ba talaga 'to? Bakit iba na ang hitsura niya? Gumanda na siya, at wala na ang salamin niya."
"Oo nga, si Nasha 'yan. Bumalik ka na nga sa pinanggalingan mo, may lakad pa kami."
"Oohh... Naka-istorbo na 'ata ako sa date niyo. Sige mauna na ako, may lakad pa 'ko. Kita na lang tayo bro 'pag may time. Ingat kayo sa date niyo." Nagpaalam na siya at patakbong umalis.
Nakangiting umiiling-iling lang si Brey habang pinagmamasdan ang papaalis nang si Loyd.
"Let's go," aniya at hinawakan ang kamay ko. Nagsimula na siyang maglakad habang hila-hila ako.
Para akong nakuryente nang maramdaman ko ang palad niya sa palad ko. Ang lakas din ng kabog ng dibdib ko.
Habang naglalakad kami, naka-tingin lang ako sa mga kamay naming magka-hawak. Ang dami-daming kung anu-anong imagination ang pumapasok sa isip ko. Tapos may romantic background music pang maririnig sa isip ko. Napapaisip din ako kung sasabihin ko ba sa kaniyang mahal ko rin siya o hihintayin ko na lang na itanong niya sa akin y'on. Ewan ko, wala akong lakas ng loob para sabihin 'yon. Pinapangunahan ako ng hiya.
Tumigil kami sa paglalakad nang makarating kami sa isang garden. Part ito ng plaza. Halos kakaunti lang ang tao rito ngayon. Ngayon ko lang nakita 'to dahil hindi namin ito napuntahan no'ng namasyal kami nina Jannise at Nick dito. Ang ganda rito, berdeng-berde ang mga halaman at may ilang mga puting paru-paro ang lumilipad sa paligid.
Binitawan na niya ang kamay ko at naupo sa bench na nasa isang tabi. Naupo na rin ako sa tabi niya. May distansya ng kaunti sa pagitan namin.
"Ang ganda pala rito," komento ko. Napansin ko rin kasi ang mga iba't ibang klase ng mga bulaklak, marami ito.
"But you're more beautiful than this place."
Bago pa man ako mapatingin sa kaniya ay bigla niya akong hinila dahilan para magkadikit kami. Inakbayan niya ako 'tsaka niya hinawakan ang ulo ko para ihilig sa balikat niya. Nakayakap na siya sa akin 'tsaka hinilig na rin niya ang ulo niya sa ibabaw ng ulo ko. Tila estatwa na ako dahil sa ginawa niya. Isa lang ang nararamdaman ko ngayon— kinikilig ako.
"I love you, Nasha Grace. So much. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag napunta ka sa iba." Kumalas siya sa pagkakayakap niya sa akin at hinawakan ang magkabila kong pisngi saka dahan-dahang nilapit ang mukha niya sa akin hanggang sa mahalikan niya ako. Light lang na halik ang ginawa niya.
"Is that a Peck kiss?"
Ngumiti siya at tumango. "Yes"
"Eh? Talaga ba? Ang galing naman, tinry ko lang hulaan baka kasi isa na naman 'yon sa tutorial mo." I chuckled.
Pabirong tumaas ang kilay niya. "Really? Mahuhulaan mo kaya ang susunod?" Ngumiti siya.
Kumunot ang noo ko. "Bakit? Ano ba ang susunod?"
"Wala." Niyakap niya ulit ako habang nakatagilid, tulad ng kanina.
"I am so in love with you. Sana hindi ka mahulog kay Nick, sana sa akin lang..." Humigpit ang yakap niya sa akin.
"... sana hindi na bumalik ang ibang ala-ala mo." Napaka-hinang bulong niya, pero kahit na sobrang hina ay nagawa ko pa ring marinig.
Ano ang ibig niyang sabihin?