Chapter 15: Gentleman
ISANG linggo na ang lumipas at balik na ulit kami sa trabaho rito sa Manila. Abala na uit ako sa paghahalo ng alak dito sa bar. Isang araw na ring walang paramdam si Luxary at kung hindi ako nagkakamali ay nagkaroon ng problema sa kompanya nila kaya agaran niyang inasikaso. Minsan natatawa na lang ako sa sarili ko dahil nasanay agad ako sa kakulitan niya. 'Di ko man aminin pero alam ko sa sarili ko na na-mi-miss ko na agad ang presensya niya lalo na ang kakulitan niya sa akin.
Habang nag-se-serve ako ng mga alak ay hindi ko rin mapigilang hindi siya sumagi sa isip ko lalo na kapag ang paborito niyang alak ang sine-serve ko sa customer. Mukhang nagkamali ako na mapipigilan ko pa ang sarili ko na hindi mahulog sa isang Luxary Navarro. Tulad na lang ngayon, naiisip ko na naman siya at mukhang malala na ako. Delikado na ata ako, kaya na iling na lang ako at pinilit ko ang sarili ko na alisin siya sa isip ko at mag-focus na lang sa trabaho.
Ilang oras na rin ang lumipas at mag-sasarado na rin ang bar. Mukhang 'di na rin pupunta rito si Lux. Tinagilid ko ang ulo ko sa isiping bakit naman siya pupunta rito e, busy nga ang taong 'yon at alam ko naman na nagkaroon ng problema sa kompanya nila ayon sa narinig ko no'ng araw na 'yon na may kausap siya sa cell phone at mukhang ang Daddy niya ang kausap niya no'ng araw na 'yon.
Tahimik na lang ako na naghahalo ng alak nang may tumikhim sa harapan ko kaya napatingala ako sa nagmamay-ari ng tikhim na 'yon at walang iba kundi ang boss namin na si Sir Liam.
"Bakit naman ang lungkot ng mukha ng Neyney na 'yan?" tanong sa akin ni sir.
Si Sir Liam lang ang tumatawag sa akin ng Neyney at ayaw niyang may tumatawag pa sa akin ng gano'n dahil gusto niya ay siya lang ang tumatawag sa akin ng Neyney. Last time nga na may tumawag sa akin ng Neyney na kapwa ko ring empleyado rito sa bar ay tinanggal niya dahil lang sa pagtawag sa akin no'n.
OA man pakinggan pero tanggap ko ang pagiging weird ni sir. Isa rin siya sa mga kaibigan ko, hindi nga lang halata. Minsan nga pinagkakamalan kaming mag-boyfriend at girlfriend. Minsan naman napag-iisipan ng ibang mga empleyado na may something sa pagitan namin ni Sir Liam. Hindi lang nila alam na gano'n lang makitungo si sir sa mga kaibigan niya. Nilinaw na rin naman niya ang tungkol doon at tama lang din naman ako. Hindi ko rin naman binibigyan ng kahulugan ang mga 'yon.
Ang pagiging caring niya ay normal lang sa magka-kaibigan. Madalas din naman kaming nag-aasaran at normal lang din naman 'yon. Kung minsan ay binibigyan niya ako ng advice kapag may problema ako o kaya naman ay kapag hindi ko na alam ang gagawin ko.
Nand'yan siya palagi para tulungan ako. Kapag nandito kami sa bar, Sir Liam ang tawag ko sa kaniya at kapag wala naman kami sa bar ay Yamyam ang tawag ko sa kaniya. Malaki pa rin ang respeto ko kay Sir Liam kahit na kaibigan ko siya. Boss ko pa rin siya kahit baliktarin man ang mundo at nagpapasalamat din ako sa kaniya dahil kung hindi dahil sa kaniya ay wala ako rito sa bar para magtrabaho.
Dahil sa kaniya kaya nakakatulong ako sa pamilya ko ngayon. Dahil sa kaniya kung bakit mayroon akong trabaho ngayon. Dahil sa kaniya mayroon akong kinikita ngayon at dahil din sa kaniyang kung bakit ko siya naging kaibigan ngayon.
"Wala naman."
"Sino'ng niloko mo? Kilala kita Neyney kaya wag mo nang ikaila sa akin 'yang bumabagabag sa'yo."
Napabuntong hininga ako at itinigil ang ginagawa. Tumingin ako sa kaniya at seryosong nagsalita.
"What if, magkagusto ako sa taong kakakilala ko pa lang?"
Napataas ang dalawa niyang kilay.
"So? What's wrong? I don't see anything wrong about that."
"Anong wala? Kakakilala ko pa lang sa kaniya at hindi ko siya totally kilalang-kilala pero nagkagusto na agad ako sa kaniya."
"Oh? Bakit sa akin, 'di mo naman ako kilala noon pero bakit ka nagtiwala agad sa akin?"
"Magkaiba naman kasi kayo."
Napatango naman siya sa sinabi ko.
"Oh, bakit mo naman nagustuhan ang taong 'yon kung kakakilala mo lang sa kaniya? Kilala kita Ney. Minsan ayaw mo lang kilalanin 'yong tao kahit gusto nilang magpakilala sa'yo ng taos puso. Sungit mo kaya."
Napabuntong hininga ulit ako.
"What if, masama pala siya? What if, may tinatago pala siya?" pag-o-overthink ko.
"'Di naman nawawala sa'yo ang pag-o-overthink. Madalas mali pa ang mga what if's mo. Isipin mo na lang, kung nagustuhan mo agad 'yong lalaking tinutukoy mo paniguradong green flag siya para sa'yo. Kilala kita, masyado kang mausisa sa isang tao bago mo kausapin. Naalala mo no'ng araw na nagkakilala tayo? Sinungitan mo muna ako ng mga ilang araw bago ka huminahon at sa huli agad kang nagtiwala sa akin."
Naalala ko nga 'yong una naming pagkikita kaya hindi ko na rin naiwasang mapangiti at mapailing sa alaalang 'yon.
"Masungit ba talaga ako?"
"Honestly, yes. But that's okay. Hindi mo kailangan maging mabait sa lahat, hindi mo kailangan magpakitang tao. Kung ang pagiging masungit ang ugali mo, bakit mo naman babaguhin para lang sa ibang tao? Kung iyan ka, wala naman silang magagawa roon. Hindi ikaw ang mag-a-adjust para sa kanila. Kundi, maiintindihan ka nila kasi ikaw 'yan."
"Pero, hindi lahat ng tao ganiyan kung mag-isip," sambit ko.
"Of course, at hindi rin lahat ng tao kailangan mong i-please."
Napangiti naman ako sa sinabi niya. Iba talaga si Sir Liam mag-advice.
"Salamat, Sir Liam."
"Don't mention it. Always remember, Neyney. If you are really happy and comfortable to that guy or you really like him. Then, you should follow your heart. 'Wag ka na masyadong nag-o-overthink, hindi maganda 'yan. Oh s'ya, una na ako't may gagawin pa ako. Smile ka na."
Napangiti naman ako bago tumango sa kaniya. Kumaway muna siya sa akin bago siya tuluyang mawala sa paningin ko. Pinagpatuloy ko na ulit ang pag-se-serve ko na may ngiti sa mga labi.
Iba talaga si Sir Liam kapag nag-a-advice na. Lahat ng gumagambala sa isip ko ay biglang nawawala. Hindi talaga ako nagkamaling kaibiganin ang isang tulad niya.
Ilang sandali pa'y biglang may nagkagulo sa hindi kalayuan. Agad na inawat ng bouncer ang nagkakagulo at dahil sa curious ako ay agad akong lumapit sa pinagmulan ng away.
Kumunot ang noo ko nang makita ko si Luxary na inaalalayan ang isang babae.
"Napaka landi mong babae ka!"
Napatingin ako sa lalaking galit na galit na nakaduro sa babaeng inaalalayan ngayon ni Luxary.
Punit-punit na ang suot ng babae ngayon at magulo na rin ang kaniyang buhok. Halatang nahihiya sa hitsura niya at nakakaawa ang kalagayan niya ngayon. Mukhang takot na takot na rin siya lalo na no'ng sumigaw ang lalaki.
Kumunot ang noo ko nang nilapitan ni Luxary ang lalaking sumigaw kanina. Malakas niyang sinuntok sa mukha ang lalaki at ang lahat ng tao sa bar ay napa 'ohh' nang matumba ito.
"Kalalaki mong tao, nananakit ka ng babae! Babae lang ba ang kaya mong saktan? Nakakasuka ang isang tulad mo!"
Malakas niyang sinipa sa tyan ang lalaki kaya napadaing ito sa sakit na natamo.
Binalikan niya ulit ang babae at agad niyang sinuot dito ang kaniyang black coat. Inalalayan niyang makalabas ang babae sa loob ng bar. Agad ko naman silang sinundan.
Nang nasa labas na sila kinakausap niya ang babae ng mahinahon.
"Alam kong hindi ka okay kaya ihahatid na kita sa inyo. Saan ka ba nakatira, Miss?" tanong niya rito.
Biglang lumuha ang babae at parang may kung anong sumakal sa puso ko dahil sa nakikita ko sa kaniya. Gusto ko ring i-comfort ang babae pero gusto ko pang makita kung ano pa ang gagawin ni Lux.
"S-salamat po, Kuya . . . hindi ko po alam ang mangyayari sa akin kung hindi ka po dumating," umiiyak niyang sabi.
Niyakap ni Lux ang babae at pinatahan niya 'to sa mga bisig niya.
"Shh . . . 'wag ka na sanang lumapit o makipagkita sa kaniya simula ngayon. Hindi ko man alam kung ano ang puno't dulo ng lahat pero sana, mag-iingat ka na palagi."
Humiwalay sa pagkaka-yakap ang babae at tipid itong ngumiti sa kaniya kahit patuloy pa rin ang pagtulo ng mga luha nito sa kaniyang pisngi.
"Naaalala ko po sa inyo 'yong Kuya ko. Miss na miss ko na po si Kuya," mas lalong naiyak ang babae.
"Bakit? Nasaan ba ang Kuya mo?" nakakunot na ang noo ni Lux.
"P-patay na po ang Kuya ko."
"Oh . . . sorry to hear that."
Tumikhim si Lux.
"Are you okay now? P'wede na ba kitang ihatid sa inyo?"
"Pero, nakakahiya na po sa inyo."
"No, for your safety. I'll bring you home."
"Maraming salamat po talaga sa pagligtas mo sa akin kanina Kuya."
"Don't mention it. Basta lagi ka ng mag-iingat, okay?"
Ngumiti ng tipid si Lux sa babae at ginulo niya ang buhok nito.
"Ano po pa lang pangalan niyo, Kuya?"
"Luxary. How about you?"
"Stephanie."
"Ano bang ginagawa mo rito at ilang taon ka na ba?"
"18 years old po. Tinext po kasi ako ni Bryan, sabi niya magkita raw kami rito sa bar."
"'Yong gag*ng lalaking 'yon? Ano mo ba siya?"
"Boyfriend ko po."
"Boyfriend mo 'yon?!" Hindi makapaniwalang tanong ni Lux.
Nahihiyang tumango ang babae.
"Break with him. Hindi siya worth it para sa'yo, Step. Ang tunay na lalaki, hindi kayang saktan ang isang babae. Lalo na kung girlfriend ka niya."
"Opo, Kuya. Makikipag-break na po ako sa kaniya matapos nang ginawa niya sa akin kanina."
Umiyak ulit ang babae. Pinunasa ni Lux ang mukha nito para patahanin. May kung ano'ng humaplos sa puso ko.
Siguro kung hindi ko kilala si Lux pinag-isipan ko na siya ng masama. Imbis na magselos ako ay nagawa ko pang matuwa at ngumiti dahil sa pinakita niyang pagiging gentleman sa isang babae.
Kung ako rin naman ang nasa posisyon niya ay tutulungan ko rin ito. Nagkataon lang na siya ang nakakita sa babae.
Lumabas ako sa pinagtataguan ko at lumapit sa kanila.
"Lux."
Napatingin siya sa akin at halatang nagulat. Sa hitsura niya ay bigla siyang nangamba at napabitaw sa pisngi ng babae. Napalunok pa siya at parang kinakabahan.
"Britney, let me explain."
"No need to explain, kitang-kita ko ang lahat."
"No, it's not what you think."
Hindi na siya mapakali sa kinatatayuan niya at parang may gusto siyang sabihin pero hindi lang niya masabi.
Bago pa magsalita si Lux. Marahan akong lumapit sa babae pero agad na humarang si Lux.
"Wala siyang kasalanan."
Kumunot ang noo ko sa pagiging weird niya. Inirapan ko na lang siya at hindi pinansin. Tuluyan na akong lumapit sa babae at hinawakan ito sa dalawang kamay.
Halatang nagulat din ito sa ginawa ko gano'n din si Lux.
"Ayos ka na ba?" nag-aalala kong tanong.
Napalunok ang babae at marahang tumango.
"Opo, Ate."
"'Wag ka na ulit papatol sa mga gag*ng lalaki, okay? Walang magandang maidudulot sa'yo 'yan. Masasaktan ka lang."
Tumango ang babae at yumakap sa akin.
"Salamat po, pangako po. Hindi na po ako makikipagbalikan sa kaniya."
"Mabuti kung gano'n."
Hinimas ko ang likuran niya bago ako tumingin kay Lux na nakanganga at halatang nagulat sa ginawa ko. Kumunot ang noo ko sa kaniya saka ko siya inirapan.
"Ihahatid ka na namin sa inyo."
Tumango ang babae bago ko sikuhin si Lux sa tagiliran para magising dahil nakatulala.
"Tara na, ihatid na natin si Step."
Nang magising ay agaran naman siyang kumilos at patakbong lumapit sa kotse para pagbuksan kami ng pintuan sa backseat.
"Doon ka sa tabi ko," agad niyang sabi sa akin nang paakyat na rin ako sa backseat.
"Mamaya na kapag naihatid na natin si Step."
Hinayaan na lang niya ako bago siya sumakay sa driver seat at tuluyan na naming hinatid si Step sa kanilang bahay.
Nagk'wentuhan na lang kami ni Step habang nasa byahe para naman kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya.
Tahimik lang si Lux na nagmamaneho pero kung minsan ay nagtatama ang paningin namin sa salamin.
Nang maihatid na namin ng maayos si Step sa kanila ay nagpaalam na rin siya sa amin.
"Thank you so much po sa inyo. Ate, Kuya Luxary. Ito na po ang black coat niyo."
"Take it. Baka makita ng parents mo ang hitsura ng suot mo. Mag-aalala sila sa'yo niyan."
Ngumiti naman ng tipid si Step bago niya ulit sinuot ang black coat. Nagpaalam ulit siya sa amin bago lumabas ng kotse at kumaway. Nang makapasok na siya sa bahay nila ay agad naman ako bumaba sa backseat at lumipat sa passenger seat.
"Bilang isang babae, nakaka-proud ang ginawa mo. Hindi lahat ng lalaki kayang ipagtanggol ang isang babae sa kapahamakan." Bungad ko agad sa kaniya.
Halatang nagulat naman siya sa sinabi ko pero kinalaunan ay napangiti siya ng malawak at bahagyang namula ang mga pisngi.
"Kinikilig ka ba?" takang tanong ko.
"N-no, bakit naman?" aniya habang nag-iiwas ng tingin mula sa akin.
Napangisi naman ako sa inasta niya.
"One point ka na. Kapag naka ten points ka. P'wede ka na manligaw."
Halatang nagulat siya sa sinabi ko.
"T-talaga?!" Natutuwa niyang tanong.
"Bakit? Ayaw mo?"
"S'yempre, gusto! Gustong-gusto . . . kita."