CHAPTER 3

Isang tanong na siya mismo hindi niya magawang bigyan ng kasagutan, kasi kung kaya lang niyang tugunan ang tanong na iyon, marahil ay wala siya sa bansang iyon ng Poland, para hanapin ang sarili niya, at pag-isipang mabuti ang kung ano ang tama niyang gagawin.

“Ilang taon ka na ba?” napabuga na lang siya ng hangin nang tanongin niya iyon.

“Twenty, kaka-twenty ko lang, kaka-graduate ko lang ng tourism, at gusto kong maging isang fligth attendant kasi gusto kong makarating sa iba’t ibang panig ng mundo, pero hindi sa ganitong paraan,” sabi pa ni Myra

“Bakit hindi ba pwedeng gawin mo iyan kahit na kinasal na kayo ng lalaking ipinagkasundo sa iyo?”

“Hindi, siyempre matatali na ako sa pag-aalaga sa kanya, matanda na raw iyon, paano kung may sakit na pala iyon, o kaya naman napaka workaholic pala, ayoko ngang magkaroon ng ganoong buhay, iyong maghihintay na lang sa gabi kung uuwi ba siya o hindi, hindi ko rin alam kung babaero ba siya? Paano kung mas worse pa pala, paano kung nanakit pala siya kapag nakikipag-sex sa kama?” Nasabunutan pa ni Myra ang sarili dahil sa mga nakakatakot na imahinasyon nito.

Sa puntong iyon, natawa na siya sa dalaga, hindi niya akalaing ganon pala ka komplikado ang tumatakbo sa isipan nito. “Alam mo, nakatakda rin akong ikasal sa isang babaeng hindi ko pa kilala, pero hindi naman ganyang ka-worse ang naiimagine ko,” natatawang sabi niya.

Napahinto naman si Myra at napatingin sa kanya ng seryoso, “Talaga? Nakatakda ka na ring ikasal? B-bakit ka narito? Tinakasan mo rin sila?”

Napatango na lang siya ng bahagya ay umupo na rin sa sahig ng beranda, sumandal sa mga grills do’n. Para mapantayan ang dalagang nakasalampak na rin. Ngunit nagulat siya nang bigla na lang itong tumayo at may kinuha sa nag-iisang maleta na dala nito. Hinalukay niya iyon at pagbalik nito may dala na itong isang bote ng alak, at mga baso. “O ano ‘yan? Saan galing iyan?” nagtataka niyang tanong.

“Binili ko ito, bago mawala ang wallet ko, ewan ko ba basta ko na lang naisipang bumili nito, sabi ko kasi sa sarili ko wala akong gagawin kundi ang mag-walwal!” Muling sumalampak sa sahig at saka binuksan ang bote ng alak.

“Inuman na lang tayo, at kung anoman ang mangayri sa atin, promise ha walang sisihan, tutal naman, ikakasal na tayo sa mga maling tao, malay natin hindi naman na tayo magkita after nito, after nito, p’wedeng magkaibang desisyon ang gawin natin, p’wedeng ikaw bumalik at magpakasal sa babaeng iyon, ako naman pwedeng magtago habang buhay,” sabi pa ni Myra.

Nag-inuman nga sila nang gabing iyon, at hindi na nila namamalayan ang mga ginagawa nila matapos nilang maubos ang laman ng isang bote. Ngunit alam naman ni Clinton na ang gabing iyon ay magiging malalim na gabi para sa kanila ng babaeng nakasama niya. Hindi niya naiwasan ang mapang-akit na mga kilos ni Myra, hindi rin niya alam kung bakit para naman itong may magnet sa katawan na nadadarang siya sa bawat nitong haplos sa kanya.

Ayaw man niyang gawin iyon, pero hindi na rin niya napigilan, kung ang isang tulad na naman ni Myra ang lalapit sa kahit na sinong lalake, imposibleng makakatanggi ito sa alindog ng dalaga.

Simple lang naman ang mukha ni Myra, matangos ang ilong at may makipot na mga labi, bukod pa roon ang kutis nitong hindi maipagkakailang laki ito sa yaman. Hindi naman sobra ang pagiging mistisa, pero alam mo sa unang tingin pa lang na alaga ang balat nito simula’t pagkabata.

Kaya nang gabing iyon, tila ba siya nagagayuma ng mainit na yakap at halik nito. Isang bagay na alam niyang hindi niya dapat hinayaang gawin nila ng dalaga. Kaya lang siya naman iyong tipo ng lalaking hindi umaatras, naroon na siya, kaya’t paninindigan na niya, at kung anoman ang kahinatnan ng lahat, handa na siyang gawin iyon at panindigan.

NANG MAGISING siya sa kamang kinahihigaan niya ay agad na siyang nagbihis, hindi niya inaakalang matutuloy sa isang gabing pagkakamali ang ginawa niyang pakikipag-inuman sa lalaking nakasama niya sa unang gabing ng kanilang pagkakakilala. Ngunit bago pa iyon, may ilang linggo na rin niyang sinusundan si Clinton. Una niya itong nakita sa isang convenience store sa Poland, isa sa mga lugar na pinag-stay-an niya.

Mukhang nag-part time job ito doon, tapos napansin niyang hindi na naulit ang pagtatrabaho nito roon, naisip niyang maaring nakahanap na ito ng bagong pagkakaabalahan, simula no’n ay palagi na niya itong sinusundan, hindi niya alam kung nagkagusto ba siya o na in love sa binata.

Nagpanggap siyang binabastos ng mga lalaking tagaroon upang mapansin ng lalaki, at hindi nga siya nagkamaling mabuti itong tao, at may malasakit sa kapwa. Noong una ang akala niya ay isang Koreano si Clinton, may kasingkitan kasi ang mga mata nito, maputi, at may maninipis na mga labi, ngunit nagulat siya ng magsalita ito ng tagalog sa kanya, natuwa siya dahil gaya niya Pilipino rin pala ang binata. Kaya naman napagdesisyunan na niya na sa lalaking ito ibigay ang una niyang karanasan, alam niyang hindi niya iyon pagsisisihan.

“Isang gabi lang! Isang gabi lang kitang gustong makasama, at ipinapangako kong ibibigay ko sa iyo ang lahat sa gabing iyon, tapos ay aalis na ako at hindi mo na makikita pa,” sambit ni Myra sa kanyang sarili.

Isang gabi ng kasinungalingan at paglalaro. Akala niya katuwaan lang ang lahat, at hindi mangyayari sa kanya ang bagay na iyon, muli pa niyang pinakatitigan ang lalaking katabi niya ng mga sandaling iyon sa iisang kama. Si Clinton, hindi na niya inalam pa ang last name nito. Tama na sa kanya na may isang lalaki siyang nakaramay at nakaunawa sa sitwasyon niya. Tama na sa kanya na natupad niya ang isa sa mga pangarap niya, ang maibigay sa isang lalaking siya at ang puso niya ang pumili, hindi ang mga magulang niya, o ang kung sino pa man.

Hindi biro ang pagpapakasal, hindi isang laro, kaya naman ninais niyang sulitin ang kalayaan niya. Alam niyang hindi naman niya matatakasan ang mga magulang niya, kaya naman humingi siya ng isang buwang bakasyon para harapin at gampanan ang isang malaking responsibilidad niya sa mga magulang.